Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Epidemya ng Pagpatay
Ang dami ng pagpatay sa kapuwa sa Estados Unidos ay patuloy na tumaas noong 1991. Inihula ng magasing Time na kung tutuusin ang lahat ng mga bilang, ito’y magpapakita ng halos 25,000 pagpatay sa taóng iyon, mas marami kaysa ulat noong 1990 na 23,440. Ang nakatatakot na kabuuang bilang na ito, ayon sa Time, ay gumagawa sa dami ng pagpatay sa E.U. na “pinakamataas sa Kanluraning daigdig,” na may 10 pagpatay sa kapuwa sa bawat 100,000 mamamayan. Sa Britaniya ang katumbasan ay 5.5 na mga pagpatay sa bawat 100,000; sa Hapón ito ay 1.3 lamang. Hindi kataka-taka na itinuturing ngayon ng Federal Centers for Disease Control ang pagpatay na isang epidemya; bawat 22 minuto isa na namang buhay ang namamatay dahil sa pagbaril, pagsaksak, pagsakal, o pagbugbog. Sa mga babae, ang pagpatay ngayon ang nangungunang dahilan ng kamatayan sa dako ng trabaho. Ang pulisya ay binabaha ng mga kaso ng pagpatay upang maharap ang epidemya. Noong kalagitnaan ng mga taóng 1960, naiharap nila sa hustisya ang 9 sa bawat 10 mamamatay-tao; sa ngayon, kaunti pa sa 7 sa 10 ang kanilang nasusubaybayan at nahuhuli.
Trahedya sa Simbahan sa Mexico
Hinampas ng trahedya kamakailan ang isang simbahan ng Pentecostal sa bayan ng El Charquillo, Mexico. Ang singaw ng gas na butane—marahil mula sa isang lamparang gas na sinisindihan para sa panggabing serbisyo ng simbahan—ay masyadong matapang at pinatay ang 30 katao sa loob ng simbahan. Sang-ayon sa isang ulat sa The Christian Century, sinasabi ng tatlong tao na nakaligtas na pinigilan ng pastor ng simbahan ang kongregasyon na umalis sa gusali kahit na ang ilan ay nahihilo, nasusuka, at nalilito dahil sa singaw ng gas. Pinaninindigang sinabi ng pastor sa kaniyang may sakit na kawan na ang mga damdaming ito ay hindi dahil sa karamdaman kundi bagkus dahil sa presensiya ni Kristo o ng espiritu ng Diyos na pumapasok sa kanilang mga katawan.
Para sa Mas Ligtas na Pagbibisikleta
Noong nakaraang taon, ang mga aksidente ay sumawi ng 710 bisiklista sa kanlurang bahagi lamang ng Alemanya, at karagdagang 64,000 pa ang nasugatan. Sang-ayon sa Rheinische Post, isang pahayagan sa Düsseldorf, pinangunahan ng siyentipikong si Dietmar Otte ang isang imbestigasyon ng 1,200 mga aksidente sa bisikleta na nangyari sa loob ng limang-taon. Halos kalahati ng aksidente ay kinasangkutan ng pinsala sa ulo. Inaakala ni Otte na maaari sanang nabawasan ng mga helmet sa pagbibisikleta ang pagkagrabe ng kalahati ng mga pinsalang ito o lubusang naiwasan ang mga ito. Subalit ang mga helmet ay maaaring mas mabisa pa nga. Nasumpungan ng isang report na inilathala sa JAMA (The Journal of the American Medical Association) na mula 1984 hanggang 1988, ang mga aksidente sa pagbibisikleta sa Estados Unidos ay naging dahilan ng halos isang milyong pinsala sa ulo. Sa mga ito, 2,985 ang nakamamatay. Sang-ayon sa JAMA, “maaari sanang naiwasan ng pansansinukob na paggamit ng lahat ng bisiklista ng mga helmet ang kasindami ng . . . isang kamatayan araw-araw at isang pinsala sa ulo sa bawat 4 na minuto.” Ang mga bata lalo na ay makikinabang sa pagsusuot ng mga helmet, yamang sila ay malamang na magkaroon ng mas malubhang pinsala sa ulo kaysa mga adulto.
Sa Pangalan Lamang
Bagaman may halos 45 milyong Katoliko sa Pransiya, para sa karamihan sa kanila, ang pagiging Katoliko ay wala kundi isang binyag sa simbahan, isang kasal, at isang libing sa simbahan. Isinisiwalat ng isang surbey kamakailan na itinaguyod ng magasing Madame Figaro na 2 sa 3 ng mga nasa Pransiya na tinatawag ang kanilang mga sarili na Katoliko ay hindi kailanman nagsagawa ng Komunyon; 4 sa 5 ang hindi kailanman nangungumpisal, at 1 lamang sa 10 ang regular na dumadalo sa Misa. Kung tungkol sa mga panalangin, 36 na porsiyento ay bihirang manalangin, at 34 na porsiyento ay hindi kailanman nananalangin. Nagkokomento tungkol sa surbey, ang magasin ay nagsasabi: “Ang Katolisismo ay mas relihiyon ng tradisyon kaysa tunay-sa-buhay na relihiyon.” Sinisipi ang mga salita ni kardinal Lustiger na “ang tao ay isang relihiyosong hayop,” sabi pa ng Madame Figaro: “Walang alinlangan na relihiyoso nga ang tao. Subalit maliwanag na unti-unti siyang nawawalan ng kabatiran dito.”
Lumalaganap ang Salin ng Bibliya
Sang-ayon sa mga estadistika buhat sa United Bible Societies, gaya ng sinipi ng German Bible Society, ang mga bahagi ng Bibliya ay naisalin sa 32 bagong mga wika noong 1991. Kaya, ang mga teksto ng Bibliya ay makukuha na ngayon sa kabuuang 1,978 mga wika, ulat ng pahayagang Aleman na Wetterauer Zeitung. (Ang iba namang ulat ay nagbibigay ng 1,982 mga wika.) Ang kompletong Bibliya ay naisalin na sa 322 mga wika, at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa 758, at ang ibang mga bahagi ng Bibliya sa 898. Sa Aprika, ang mga teksto sa Bibliya ay makukuha sa 566 na mga wika. Sa Asia ang bilang ay 490, sa mga Amerika 411, sa dako ng Pasipiko ay 321, at sa Europa ay 187.
Nakamamatay Pa Rin
Dalawang taon pagkatapos ng digmaan sa Timog Aprika, ang mga mina sa lupa ay sumasawi pa rin ng buhay ng mga bata sa Namibia. Noong Disyembre 1991, ang pahayagang Lesotho Today ay nag-ulat na
“mahigit na 40 tao ang namatay sa nakalipas na 18 buwan, at halos 100 ang nasugatan.” Ito ay sa kabila ng mga babala sa telebisyon at sa pahayagan. Isang ina, na nawalan ng tatlo sa kaniyang walong anak sa mga pagsabog na ito ng eksplosibo, ay nanangis: “Mahirap maniwala na dalawang taon pagkatapos magwakas ang digmaan tayo ay namamatayan pa rin ng mga anak.” Bagaman libu-libong mga mina sa lupa ang naalis na, maaaring hindi posible na makita at alisin ang lahat ng mga ito, yamang ang mga ito ay ikinalat sa malawak na dako at marami ang natatagong mainam sa ilalim ng lupa.Binabae na mga Gang ng Magnanakaw
Isang pambihirang daluyong ng krimen ang humampas sa Florida, E.U.A., nitong nakalipas na mga taon. Ang mga binabae—mga lalaking nakasuot babae—ay pinagnanakawan ang maraming tindahan ng mga damit sa bayan. Ayon sa The Wall Street Journal, tinataya ng pulisya na may mahigit na isang daang binabae sa gang. Sinabi ni Detektib Michael Roggin sa Journal na noong nakaraang taon ang mga gang na ito ang dahilan ng mga 25 panloloob sa lungsod ng West Palm Beach lamang, nagnanakaw ng $400,000 halaga ng pananamit. Pinagnakawan nila ang isang tindahan nang anim na ulit sa loob ng walong buwan, at nang ang may-ari ay naglagay ng barandilyang bakal sa loob ng bintana ng tindahan, sinubok nilang ipasok ang isang kotse sa loob ng tindahan. Gayunman, sa lahat ng kanilang kapuna-punang ugali, ang mga gangster na ito ay mahirap hulihin. “Kung ito ay nangyari mga 20 taon ang nakalipas, madali silang mahalata,” sabi ng isang sarhento ng pulis sa Journal. “Alam mo naman, sa lipunan ngayon naging karaniwan na lamang na makita ang lahat ng uri ng tao na naglalakad-lakad.”
Pantaboy sa Mangungumit sa Tindahan
Sawang-sawa na sa madalas na pangungumit sa kaniyang tindahan, isang may-ari ng tindahan ng aklat sa Iwaki City, Hapón, ang nakaisip ng isang bagong paraan upang lutasin ang problema. “Ipinasiya niyang i-edit at ipagbili ang video na kuha ng mga kamerang pangseguridad na nakalagay sa limang dako sa loob ng kaniyang tindahan,” ulat ng Mainichi Daily News ng Tokyo. Maliwanag na ipinakikita ng inedit na mga tape ang siyam katao, kabilang ang limang minor de edad, sa akto ng pangungumit. Inianunsiyo ng tindahan ang mga tape sa ganitong mga salita: “Mabibili ngayon sa halagang 280 yen [halos $2, U.S.], ang video ng mga mangungumit sa tindahang ito.” Sa kabila ng mga babala buhat sa mga awtoridad na maaaring pinanghihimasukan niya ang karapatan ng mga parokyano, binabalak ng may-ari ng tindahan na ipagpatuloy ang kaniyang mga taktika laban sa pangungumit sa tindahan. “Isa itong leksiyon sa kanila,” aniya. Ang unang pangkat ng mga tape ay mabilis na naubos—at biglang nahinto ang pangungumit sa tindahan ng aklat.
Salot sa Kape sa Brazil
Nakakaharap na nga ng mga nagtatanim ng kape ang mahihirap na panahon dahil sa bumabagsak na presyo—at ngayon ito pa. Iniuulat ng magasing New Scientist na “ang mga kuliglig ay naging salot na sa isa sa pinakamahalagang rehiyon sa Brazil na nagtatanim ng kape.” Nagkukulumpulan sa mga bukirin nang angaw-angaw, ang mga kuliglig ay nangingitlog sa mga ugat ng tanim na kape. Kinakain ng bagong pisang kuliglig, tinatawag na mga nimpa, ang mga ugat at pinapatay ang tanim. Kung saan nagkukulumpulan ang mga kuliglig, ang mga kapihan ay malamang na mawalan ng hanggang 60 porsiyento ng kanilang aning kape. Sa nakalipas na anim na taon, ang salot na ito ay patuloy na lumulubha. Sang-ayon sa New Scientist, sinisisi ng Brazilian Coffee Institute ang pinsala ng tao sa kapaligiran na siyang dahilan ng salot. Kabilang sa iba pang mga salik, nilipol ng tao ang likas na maninila ng mga kuliglig, lalo na ang armadillo.
Di-maaasahang mga Astrologo
Maaga noong 1991 ang Association for Scientific Research into the Parasciences sa Alemanya ay nagtipon ng 152 mga hula ng 27 astrologo. Saka nila sinuri ang mga ito sa katapusan ng taon. Ang Wetterauer Zeitung ay nag-ulat na 103 ng mga hula “ay ganap na mali.” Halimbawa, inihula ng mga astrologo ang isang atomikong kapahamakan at isang lunas para sa AIDS sa taóng 1991. Ang 14 na mga hula na nagkatotoo ay basta pangkalahatang pangungusap. Ang iba ay napakalabo upang hatulan sa kawastuhan nito, samantalang ang ilan naman ay nagkakasalungatan pa nga sa isa’t isa. Sa kabilang panig, lahat ng astrologo ay walang sinabi tungkol sa ilang mahalagang mga pangyayari noong 1991. “Kung sana’y nalalaman ng kahit na isa lamang sa mga astrologo ang kaniyang ginagawa,” komento ng manedyer ng samahan, “maaari sanang nakita niya nang patiuna, halimbawa, ang pagbibitiw ni Gorbachev o ang paghina ng Unyong Sobyet.”
Teknolohiya na Tumatalo-sa-Sarili
Halos 25 porsiyento ng mga Amerikanong namatay sa digmaang sa Persian Gulf at 15 porsiyento niyaong mga nasugatan ay mga biktima ng kung ano ang tinatawag ng mga militar na palakaibigang pagpapaputok—tinamaan ng kanilang sariling hukbo. Sa mga naunang digmaan ang gayong pagpapaputok ang sanhi ng wala pang 2 porsiyento ng mga Amerikanong namatay. Ang karamihan ng problema ay bunga ng higit na paggamit ng modernong teknolohiya. Ang mas masalimuot na sandata ay nagpangyari sa mga tangke at mga helikopter na paputukan ang mga target na kasinlayo ng walong kilometro nang may katumpakan. Maaaring bawasan nito ang mga ganting pagsalakay, subalit hindi madistinggi ng kasalukuyang teknolohiya ang kaibigan at kalaban kapag ang malalayong sasakyan ay magkakalapit—lalo na sa mabilis na labanan kung saan malabo ang tanawin.