AIDS—Mga Manggagawa na Nangangalaga sa Kalusugan Mag-ingat!
AIDS—Mga Manggagawa na Nangangalaga sa Kalusugan Mag-ingat!
“ANG mga manggagawa na nangangalaga sa kalusugan ay nanganganib na magkaroon ng HIV mula sa mga pasyenteng maysakit nito.” Ang babalang ito, mula sa College of Medicine sa Timog Aprika, ay sinipi sa South African Medical Journal. Ito’y bunga ng maraming kamatayan ng medikal na mga propesyonal na namatay dahil sa di-sinasadyang pagkahawa ng AIDS.
Ang mga direktibang naglalayong pangalagaan ang mga manggagawang nangangalaga sa kalusugan ay dinidibdib ngayon. Ang sumusunod ay ilang punto mula sa ipinahayag na patakaran ng kolehiyo sa mga medikal na mga tauhan na, sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin, ay maaaring nakikitungo sa mga taong positibo sa HIV:
Sa hindi emergency na kalagayan, kung ang isang pasyente ay tumanggi sa isang pagsubok sa dugo para sa virus ng AIDS, ang manggagawa na nangangalaga sa kalusugan ay may mapagpipilian na “ihinto ang propesyonal na pangangalaga . . . pagkatapos ng ganap na pakikipag-usap sa pasyente.” Isang babala ang inilabas na sa emergency na kalagayan, lahat ng pasyente ay dapat “pakitunguhan na parang positibo sa HIV.”
Sa isang karagdagang dokumento, isang mahabang listahan ng pag-iingat na mga hakbang ay binalangkas. Halimbawa, ang pagsusuot ng mga guwantes na goma “kapag hinihipo ang dugo at mga likido ng katawan, mga lamad, o anumang bukás na balat . . . , kapag humahawak ng mga bagay o ibabaw ng anumang bagay na narumhan ng dugo o mga likido ng katawan . . . , kapag nagsasagawa ng mga pamamaraan kung saan ang mga kamay ay malamang na madumhan ng dugo.” Ang mga manggagawa na nangangalaga sa kalusugan ay pinayuhan din na “magsuot ng mga maskara at pantakip sa mata o mukha sa panahon ng paggamot na malamang na tumilansik ang dugo o mga likido ng katawan.”
Isang buong subseksiyon ay itinalaga sa pagbababala sa mga manggagawang nangangalaga sa kalusugan laban sa pagdadala ng mga iniksiyon na walang takip o sa pag-iiwan ng matatalim na bagay. Kahit na ang “tuwirang pagpapasa ng matatalim na mga instrumento sa pagitan ng mga kawani sa operating room” sa panahon ng mga operasyon ay dapat iwasan. Isa pa, ipinapayo na “lahat ng dugo o mga sampol ng likido ng katawan ay dapat ilagay sa isang matatag, hindi tumatagas na mga sisidlan” at na ang mga ito ay dapat lamang itapon sa loob ng isang “plastik na supot o sisidlan na hindi pinapasok ng tubig.”
Kung ang manggagawang nangangalaga sa kalusugan ay malantad sa virus alin sa pamamagitan ng nadumhang matalim na bagay na magiging dahilan ng pinsala o ng dugo ng madadaiti sa isang bukás na sugat, ang kagyat na pagkilos ay ipinapayo. Sabi ng dokumento: “Ang manggagawa na nangangalaga sa kalusugan ay dapat na masuri kung may HIV sa panahon ng pagkalantad, at muli pagkalipas ng 6 na linggo, 12 linggo at 6 na buwan. Sa panahong ito isang pantanging pag-iingat na mga hakbang ay dapat na gawin upang iwasan ang paglilipat ng virus sa pamamagitan ng pagtatalik sa seksuwal na (mga) katalik ng manggagawa na nangangalaga sa kalusugan.”
Ang mga hakbang na ito ay nagpapabanaag ng kausuhan sa bahagi ng may kabatirang medikal na mga kawani tungkol sa mas higit na pag-iingat sa paggamit at pangangasiwa sa dugo.