Ang “Lumilipad” na Tulad-Ahas na mga Bangka ng Kerala
Ang “Lumilipad” na Tulad-Ahas na mga Bangka ng Kerala
Ng kabalitaan ng Gumising! sa India
“DIYOS ko! Parang mga nilikha buhat sa ibang planeta! Ano ba iyan?” bulalas ni Neville, ang aking Australianong kaibigan, nang makita niya ang itim na mga bagay na nagtutumulin patungo sa amin. Ang mga ito ay mabilis na patungo sa amin, para bang pinapagaspas ang kanilang mga pakpak at lumilipad, halos hindi sumasayad sa ibabaw ng tubig.
Ang aking kaibigan ay hindi mapakali sa kaniyang upuan. Nakaupo sa puwesto ng mga manonood, siya’y dumunghal upang makita niya nang higit. Pinanonood niya ang karera ng tulad-ahas na mga bangka sa kauna-unahang pagkakataon.
Ang mga bangka ay halos mahigit na isang kilometro pa ang layo, subalit naririnig namin ang maindayog na pagtambol at matinis na pagsipol. Pagkatapos, habang ang mabibilis na sasakyang ito na may 100-kataong tripulante ay papalapit sa finish line, di-magkamayaw sa tuwa ang pulutong. Pinagsisigawan ang paborito nilang mga koponan ng bangka, ang mga tagahanga ng lahat ng edad ay nagtatalunan at masigabong nagpapalakpakan. Nakasuot ng kanilang makulay na mga sari ay masiglang iwinawagayway ng mga kababaihan ang kanilang mga panyong seda. Pasimula lamang ito ng taunang Tropeong Nehru na karera ng bangka sa Alleppey sa estado ng Kerala, timog India.
Ang tulad-ahas na mga bangka ay natatanging tampok ng mga kapistahan sa tubig na ginaganap sa mga ilog at mga katubigan sa mababang sentral na dako ng Travancore. ‘Ngunit ano bang talaga ang tulad-ahas na mga bangka,’ maitatanong mo, ‘at paano nagsimula ang pangyayaring ito?’
Ang Pinagmulan
Ang tulad-ahas na mga bangka ay orihinal na idinisenyo para sa gamit sa mga digmaan. Dati ang modernong estado ng Kerala ay pinamamahalaan ng ilang lokal na mga raja, o hari, bawat isa’y sa kaniyang sariling maliit na teritoryo. Ang mga digmaan ay madalas at nangyayari sa pinakabahagyang pagpapagalit. Madaling mailululan ng limang tulad-ahas na bangka ang buong puwersang pandagat ng isang hari.
Sa wakas, isang malakas na pinuno ang namahala at pinagkaisa ang lahat ng dako, kaya ang mga bangka ay naging mga palabas na lamang. Ang mga ito’y pinalalamutian kung mga kapistahan at ginagamit upang tanggapin ang dumadalaw na matataas na pinuno ng pulitika at relihiyon. Ang mga karera ng bangka ay laging ginaganap sa mga okasyong iyon. Noong 1952, dinalaw ni Jawaharlal Nehru, ang unang punong ministro ng India, ang Alleppey at pinanood ang isang karera ng bangka. Hindi alintana ang kaniyang edad at ang mga pag-iingat sa seguridad, siya’y nasangkot sa katuwaan at sumakay sa bangkang nagtagumpay, pumapalakpak at umaawit na kasama ng iba. Ang regalo niya na isang tropeong pilak ng tulad-ahas na bangka ang naging pasimula ng Tropeong Nehru na karera ng mga bangka na pinanonood namin ng aking kaibigan.
Mga Relikya ng Nagdaang Kultura
Ang tulad-ahas na mga bangka ay mahaba, makitid, makinis, at mahusay na mga bangkang kahoy. Ang mga ito ay iba-iba ang haba mula 25 hanggang 30 metro, at sa pinakamalapad na sukat, ito ay halos 1.5 metro lamang ang luwang. Ang hulihan ng bangka sa ilang kaso ay 6 na metro sa ibabaw ng tubig at ang hugis ay parang ulo ng kobra, kaya ang pangalang tulad-ahas na bangka. Gayunman, ang proa o unahan ng bangka ay matulis na parang tukâ ng ibon.
Ang pambihirang mga relikyang ito ng isang kulturang mga dantaon na ang gulang ay bihira nang gawin ngayon. Kakaunting may kasanayang mga artisano—mga inapo ng sinaunang mga pamilyang karpintero—ang nangangahas na gawin ang pagkalaki-laking atas na ito, na nagsasangkot ng tone-toneladang mamahaling kahoy at mga buwan ng pagpapagal. Kapag nayari na ang bangka, ito ay pinatutuyo sa araw at maingat na ginagamot ng grasa at langis na hinaluan ng puti ng itlog upang ito’y “lumipad” nang mas mabilis.
Ang pagsasanay at pagkuha ng mga tao para sa gayong bangka para sa karera ay hindi rin madali. Halos isang daang tagagaod na may maiikling gaod ang nauupo sa dalawang hanay sa kahabaan ng bangka. Sa hulihan ng bangka ay nakatayo ang dalawa o tatlo pa na may mas mahabang mga gaod upang ugitan ang bangka. Upang panatilihin ang sigla ng paggaod, isang lalaki ang kumukumpas sa pamamagitan ng isang pambayong kahoy sa isang patunugang kahoy. Hindi kukulanging kalahating dosena pa ang nagpapasigla sa mga tagagaod, sabay-sabay na pumapalakpak samantalang sumisipol at sumisigaw.
Habang nagpapatuloy ang karera at tumitindi ang katuwaan, ang kumpas ay bumibilis, at ang mga gaod ay walang tigil na parang isang magkasuwatong yunit. Ang maindayog na ibaba’t itaas na pagkilos ng 50 gaod sa magkabilang panig ng bangka ay nagbibigay ng larawan ng isang lumilipad na sasakyan. Ito ang hinangaan ng aking kaibigan at nagpangyari sa kaniya na buong pagtatakang tumitig habang ang mga bangka ay waring halos hindi sumasayad sa tubig.
Ang karera ay humihiling ng katakut-takot na pagtutuon ng isip at mahusay na koordinasyon sa bahagi ng grupo. Kung paanong ang isang sandaling pagkalingat ng isang tagagaod ay sapat na upang ihagis ang buong koponan sa kalituhan. Kaya kung minsan sinisikap na sirain ng mga mang-aawit sa karibal na mga bangka ang pagtutuon ng isip sa pamamagitan ng kakatuwang mga tunog at tanawin. Kadalasang gumagawa ng mga panlilinlang upang maunahan ang iba.
Noong panahon ng isang karera isang kapitan ng koponan ay naglagay ng isang unggoy sa nakaangat na dulo ng kaniyang bangka. Habang ang nilikha ay nauupong nagsasasatsat at ngumingisi, agad na natanto ng karibal na kapitan kung ano ang nangyayari. Hindi napatatalo, siya ay sumigaw nang malakas, inihagis ang kaniyang mga damit at tumayong hubo’t hubad sa dulo ng kaniyang bangka. Ito ay nagkaroon ng ninanais na epekto. Samantalang ang ibang koponan ay tumingin sa direksiyon niya, ang kaniya namang mga tauhan ay nagpatuloy sa kanilang walang pagbabagong bilis at nanalo sa karera. Para sa kaniya, ang kahihiyan ng pagkatalo sa karera ay mas malaki kaysa kahihiyan niya sa pagiging hubo’t hubad.
Isang tanda ng prestihiyo para sa isang nayon na magmay-ari ng isang tulad-ahas na bangka at lalo pang malaking karangalan ang manalo sa karera. Sa panahon ng karerahan ang buong mamamayan ay dumadalo sa paligsahan upang ipagsigawan ang koponan nito. Hindi natatakot sa masamang panahon, susuungin ng mga tagahanga ang mga ulan ng bagyo at mga lamok, tumatayo sa hanggang-tuhod na maputik na tubig upang panoorin ang mga karera. Ang mga tagapagtaguyod ng magkaribal na koponan ay kadalasang nagbabanggaan, nagsusuntukan, at ang mga hinanakit ay itinatago para sa sagupaan sa susunod na taon.
Ang mga hari ay hindi na nakikipaligsahan para sa pagkontrol ng teritoryo at pamamahala na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno. Subalit ang espiritu ng pagpapaligsahan ay nagpapatuloy sa kinagigiliwang isport na karera ng tulad-ahas na mga bangka ng Kerala.