Ang Maraming-Gamit na Oil Palm
Ang Maraming-Gamit na Oil Palm
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
ANG tunog ng ekwe na tom-tom ay lumalakas. Binabago ng hudyat na ito ang maginhawa, walang abalang takbo ng buhay sa nayon tungo sa gawain ng isang bayan na lubhang nagmamadali. Ang taon ay 1937, at ang ani ng oil-palm ay nagsimula na sa Igboland, gawing silangan ng Nigeria.
Pagkatanggap ng ulat na ang hinog na bunga ay nangahuhulog na sa mga punungkahoy sa taniman ng mga palmang ligaw, sinabi ng pinuno ng nayon dalawang araw na mas maaga sa bayan na maghanda na para sa pag-aani. Ang mga manggagawa ay inorganisa, ang mga matsete ay hinasa, at ang mga gurnasyon sa pag-akyat ay inayos. Ang mga gurnasyong ito—simpleng mga buklod na kahoy na may saping mga tali—ang aalalay sa timbang ng mga umaakyat habang sila ay umaakyat na palukso sa mga katawan ng punungkahoy.
Ang Pag-aani ng Oil-Palm
Si Matthew, 12-anyos, ay sabik na sabik na magsimula. Siya ay nagsanay na sa paggamit ng gurnasyon. Noong nakalipas na mga taon siya ay tumulong sa mga kababaihan sa pagtitipon ng naputol na mga sanga, subalit ngayon siya ay pinayagan na ng kaniyang ama na umakyat sa mas mababang punungkahoy. Siya ay babayaran sa bawat buwig ng bunga na mapuputol niya. Gayunman, ang kaniyang tunay na interes ay ang katuwaan ng pagiging isang mang-aakyat, isang bagay na masayang pinakaaasam ng lahat ng mga batang lalaki sa nayon.
Sa tunog ng tom-tom, si Matthew ay nakikipag-unahan sa labas ng nayon na kasama ng kaniyang ama at ng iba pang mang-aakyat. Hindi lamang ito isang gawain na pag-ani ng bunga kundi isa itong paligsahan sa pagitan ng may karanasang mga mang-aakyat. Umaakyat sa katawan ng punungkahoy na mahigit 9 na metro ang taas at saka sa taluktok ng malaki, tulad-plumaheng mga dahon na nagdaragdag pa ng 5 metro sa taas ng punungkahoy, ipakikita nila ang kanilang kahusayan sa pag-akyat.
Lahat ng Bagay Mula sa Sabon Hanggang sa Alak
‘Bakit,’ maitatanong mo, ‘lumilikha ng lahat ng katuwaang ito ang mga punong palma?’ Dahil sa malaking halaga ng maraming-gamit na halamang ito sa mga tao. Kinabukasan ang sinlaki-ng-olibo na bunga ng palma ay ihihiwalay buhat sa mga bungkos. Ang mga bungkos na ito na mayaman-sa-potasyum ay saka ipoproseso upang gawing sabon. Samantalang ang karamihan ng bunga ay ipagbibili sa ibang bansa, ang iba pa ay ipoproseso roon mismo sa nayon.
Madalas makita ni Matthew ang kaniyang ina na nilalaga ang bunga upang lumambot ang mahiblang panlabas na balat na tumatakip sa matigas na nuwes. Ito ang nagpapangyari sa kaniya na mapiga ang langis mula sa malalambot na hibla sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay. Pagkatapos nito ay binabasag niya ang mga nuwes sa pamamagitan ng bato upang makuha ang laman. Mula rito ay kinukuha niya ang langis na mula sa laman ng bunga ng palma. Ginagamit niya ang langis sa pagluluto, bilang isang pamahid, at bilang gatong para sa kaniyang mga lampara. At ang matitigas na balat ng bunga ay nagiging panggatong.
Maaari ring banggitin ni Matthew ang mahusay na gamit ng mga dahon ng palma—mga pang-atip. Maituturo rin niya ang banig na kaniyang hinihigaan at maipakikita na ito man ay yari sa mga dahon ng palma. Ang mga hibla na galing sa mga tangkay ng dahon ay maaaring pilipitin at gawing lubid at ilala na mga basket o panghuli ng isda. Karagdagan pa, ang mga bakod na yari sa dahon ng palma ay nag-iingat sa mga taniman ng gulay mula sa mga hayop. Ang mga baging ng tugî ay lumalaki sa simpleng mga balag na yari sa mga tangkay ng dahon ng palma. At ang mga walis na pangwalis sa bahay ay gawa sa mga tadyang ng dahon ng palma.
Hindi kataka-taka na mahigpit na sinusupil ng matatanda sa nayon ang pagputol sa mga dahon ng palma! Ang walang dahilang pagputol ng mga ito ay sisira sa pagiging mabunga ng mga punungkahoy at pagbantaan pa nga ang buhay ng punungkahoy. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga ibong-manghahabi ay inaayawan. Inuubos nila ang mga dahon ng palma para sa mga materyal na panlala sa kanilang mga pugad, pinangyayari ang mga punungkahoy na mamatay.
Gayunman, kahit na ang bumagsak na mga puno ng palma ay nagsisilbi sa kanilang layunin. Ang mga kabuti ay tumutubo sa nabubulok na katawan ng punungkahoy. Ang mga katawan ng punungkahoy ay kumukupkop din sa malalaking uod ng uwang—masarap at masustansiyang pagkain kapag ipinirito sa langis ng palma. Ang katas mula sa tangkay ng bulaklak ng lalaking palma ay maaaring pagmulan ng galun-galon na alak ng palma. Kapag ang katas ay bagong kuha mula sa bumagsak na mga punungkahoy, o mula sa buháy na mga puno, ito ay nakarerepreskong inumin. Kadalasan, ito ay ginagamit upang gumawa ng suka gayundin ng kai-kai (ogogoro), isang matapang na alak na ang lasa’y parang hinebra.
Makabagong mga Pag-unlad
Maraming pagbabago ang nangyari mula noong 1937. Ang mga taong nakapag-aral mula sa kanilang kita sa pangangalakal ng langis ng palma ay lumipat sa mas malalaking bayan. At ang dating masayang pag-aani ng palma ay naging isang lipas na bagay.
Ang malalawak na bukirin ay gumagamit ngayon ng siyentipikong mga paraan upang magsaka ng mas mabuting uri ng mga punong palma. Ang mga bagong uring ito ng palma ay mas lumalaban sa sakit, mas madaling gumulang, mas mabunga, at namumunga halos nang mababa. Ginagawa nitong mas madali ang pag-aani. Ang pantanging mahahabang kutsilyo at mga kawit ay ginagamit sa pag-aani sa mas matataas na puno anupat kaunti o hindi na kailangan pa ang pag-akyat. Gayunman, ang mas bagong mga paraan, bagaman mahusay, ay walang panghalina o katuwaan ng dating pag-aani!
Umunlad din mga paraan ng pagproseso. Sa malaking mga planta ng pagproseso, madaling binabasag ng malalaking makinarya ang mga nuwes. Ang sapal ng laman ng nuwes ay saka ginagawang cake ng laman ng nuwes ng palma—isang mahalagang sangkap sa pagkain ng hayop. Ang iba’t ibang klase ng langis ay ginagamit sa paggawa ng mga nakakain (gaya ng margarina, kendi, at sorbetes) at ng mga hindi nakakain (gaya ng detergent, kandila, pabango, kosmetiko, at mga lubrikante sa industriya pa nga). Isa pa, ang asidong asetik mula sa laon na alak ng palma ay nakasumpong ng dako sa industriya ng goma bilang pampalapot.
Tinanggap ni Matthew ang lahat ng mga pag-unlad na ito na nangyari mula nang siya’y bata mga ilang dekada na ang nakalipas sa Igboland. Samantala, mayroon pa siyang nalaman tungkol sa puno ng palma. Sa pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, natutuhan niya na malaon nang panahon ay sinabi ng Diyos: “Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, punungkahoy na namumunga ayon sa kani-kaniyang uri.” (Genesis 1:11) Palibhasa’y nalalaman kung paano nagsimula ang puno ng palma, higit pa ang magagawa ngayon ni Matthew kaysa hangaan at pahalagahan ang magandang punungkahoy na ito. Maaari niyang purihin ang Diyos na Jehova, ang Maylikha ng maraming-gamit na oil palm.
[Larawan sa pahina 20]
Ang pag-aani sa isa sa mga puno ng palma
[Credit Line]
Peter Buckley/Photo Researchers