Ano ang Natatangi Tungkol sa Linen?
Ano ang Natatangi Tungkol sa Linen?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ireland
MAGBABAYAD ka ba ng $5,000 para sa isang kamisadentro? Noong ikaapat na siglo C.E., iyan ang halaga ng isang mataas-ang-kalidad na kamisadentrong linen sa mga bahagi ng Imperyo Romano. Ang pera ay kumakatawan sa 25 linggong sahod para sa pinakamataas ang sahod na manghahabi ng linen noong panahong iyon.
Ngayon, lubha pa ring pinahahalagahan ng mga tao ang lahat ng uri ng de luhong panindang linen. At kung ikaw ay nakatulog na sa pagitan ng presko, malamig na kumot na linen sa isang mainit na klima, batid mo na may natatangi tungkol sa linen. Ano ang gumagawa rito na totoong natatangi?
Maagang Pasimula
“Ang linen ay umiiral na sa loob ng mahabang panahon, sa paano man ay mula noong mga panahon ng sinaunang Ehipsiyo,” sabi ni Roy, ang pansangay na direktor ng Ulster Weaving Company. “Nakita nila ito bilang isang bagay na sagrado sapagkat ito ay tumutubo sa mga pampang ng Ilog Nilo, at inaakala pa nga nila na ang kanilang mga diyos ay nagsusuot ng linen.
“Malamang na may maunlad na industriya ng linen sa kapaligiran ng Nilo,” patuloy ni Roy. “Dinaramtan ng linen kapuwa ang mga buháy at ang mga patay, yamang ginagamit ito ng mga Ehipsiyo kapag inihahanda nila ang bangkay sa paglilibing.” At isip-isipin lamang ang gastos na nasasangkot! Ang isang manghahabi ay nakagagawa lamang ng halos tatlong metro ng linen sa isang linggo, gayunman kasindami ng siyam na raang metro ang ginagamit kapag inililibing ang isang hari!
Ang tibay ng linen ay ipinakikita ng bagay na ang mga piraso nito ay nanatili sa loob ng libu-libong taon sa mga libingan ng mga Faraon. Ang tela ay isa ring tanda ng posisyon at prestihiyo, gaya ng ipinahihiwatig nang nais parangalan ng Faraon ng Ehipto si Jose. Sinasabi ng Bibliya na siya “ay sinuutan ng magandang lino (linen).” (Genesis 41:42) Kapansin-pansin, ang bangkay ni Jesus ay binalot sa malinis, magandang linen ni Jose, isang mayamang tao mula sa Arimatea.—Mateo 27:57-59.
Kasama ng mga Israelita na lumisan sa Ehipto na kasama ni Moises ay yaong mga bihasa sa paggawa ng linen. Nang sila ay nasa ilang, ang bihasang mga manggagawang ito ay gumawa ng “napakainam na hinabing linen” para gamitin sa pagtatayo ng tabernakulo.—Exodo 26:1, 31, 36; 35:35.
Yamang ang tela ay malamig at komportable, tiyak na pinahalagahan ng mga tao sa Israel ang mga damit na linen. Bukod pa riyan, madali itong labhan at panatilihing malinis, isang tunay na ginhawa kung iisipin mo ang mga kautusan sa Israel na humihiling ng paglalaba ng mga kasuutan para sa kalinisan at kalusugan. (Levitico 11:25, 40; 13:34; 15:5-13; 16:4, 32) Angkop kung gayon, sa Bibliya, ang “malinis, mamahaling lino . . . ay sumasagisag sa matuwid na mga gawa ng mga banal.”—Apocalipsis 19:8.
“Kapag ang linen ay nilabhan,” sabi ni Roy, “naiwawala nito ang pagkaliliit na mga suson anupat binabago nito ang malambot, malinis na ibabaw nito sa tuwina. Sapagkat ito ay aktuwal na mas matibay kapag ito ay basa, natatagalan ng linen ang paulit-ulit na paglalaba.” Kung gayon, paano natin nakukuha ang kahanga-hangang telang ito?
Pagkakalag sa mga Hibla
Maaga sa kasaysayan, natutuhan ng mga tao kung paano gagawa ng telang linen mula sa mga hibla ng halamang flax. Hindi madaling kunin ang mga hibla na sa wakas ay magiging maganda, maginhawang linen. Sandaling isaalang-alang ang gawaing nasasangkot, habang ito ay ginagawa noong
unang panahon sa Ireland, na sa loob ng mga dantaon ay isang sentro sa paggawa ng linen.Kung Abril o Mayo, ang mga buto ng flax ay itinatanim sa pamamagitan ng kamay. Sa loob ng 16 na linggo, ang mga halaman ay maingat na aalagaan habang ang mga ito ay lumalaki tungo sa matataas at payat na halaman, na sa dulo ay may magagandang asul na bulaklak. Ang mga halaman ay handa nang anihin sa katapusan ng Agosto, kapag ang flax ay maging kulay kayumanggi. Ang mga halaman ay saka binubunot ng kamay. Minsang maalis ang mga dahon at mga buto (ang langis na linasa ay nakukuha sa mga buto), nagsisimula na ang mahirap na gawain na pagkakalag sa mga hibla.
Upang alisin ang mga hiblang nasa katawan ng halaman, ang mga katawan ay ibinababad sa lawa ng hindi umaagos na tubig sa loob halos ng dalawang linggo upang mabulok ang makahoy na balat ng katawan ng halaman. Ayon sa isang awtoridad, “ang yugtong ito [tinatawag na retting] ay isa sa pinakamaselan at pinakayayamot sa pangangasiwa sa flax.” Nakatayo sa mabahong lawa ng mga flax na ga-baywang ang lalim, maingat na hinihila ang nabubulok na mga halaman, at sinisikap na huwag maputol hangga’t maaari ang mahahabang katawan ng halaman ay tunay ngang nakayayamot na gawain!
Ang mabahong flax ay inilalatag sa damuhan upang matuyo sa araw sa loob ng dalawang linggo. Minsang matuyo at lumutong ang flax, ang mga katawan ng halaman ay binabali at hinahampas upang lumitaw ang mga hibla. Ang prosesong ito ay tinatawag na scutching. Sinasabi ng isang manunulat na sa kaniyang karanasan “wala nang hihirap pa sa napakahirap na trabaho ng tao kaysa ang dating paraan ng scutching sa pamamagitan ng kamay.”
Paggawa ng Linen
Kapag ang malasedang hibla ay nakuha sa mga tangkay, ang mga ito ay sinusuklay upang ihiwalay ang nabuhol na mga hibla. Ang mas maiiksi ay ginagamit upang gumawa ng mas magaspang na mga produkto, gaya ng pisi, lambat, trapal, at mga layag. Ang mas mahahabang hibla ay iniikid upang gawing pinong mga sinulid, mas pino kaysa roon sa maiikid mula sa lana o cotton, na mayroong mas maiiksing hibla.
Isang panghabi ang ginagamit upang ihabi ang sinulid upang gawing telang linen. Gayunman, higit pang mga hakbang ang kinakailangan upang gawing maganda’t maputing linen na may malambot na malapelus na kintab ang payak, simpleng materyal na lumalabas sa panghabi. Halimbawa, ang tela ay dapat paulit-ulit na hampasin upang mapatag ang mga hibla. Pagkatapos, ang tela ay kailangang paputiin.
Ang mga Olandes ang nakilalang mga dalubhasa sa sining ng pagpapakintab at pagpapaputi. Ganito ang paliwanag ng isang manunulat: “Ang paraan ng Olandes, gaya ng isinasagawa sa Ireland, ay binubuo ng walo o sampung araw na pagbabad sa alkali (alin sa ihi ng baka o sa lihiya ng abo ng damong-dagat), pagkatapos banlawan ay susundan ng dalawa o tatlong linggong pagbabad sa buttermilk o darak, susundan ng isang banlaw, beetling [paghampas sa pamamagitan ng palu-palong kahoy upang kumintab] at pagbibilad [pagbibilad sa araw at hangin].” Ang buong proseso ay sinasabing kumukuha ng pito o walong buwan.
Mangyari pa, sa ngayon inaalis ng mga makina at mas siyentipikong mga paraan ang mahihirap na gawain ng tao sa paggawa ng linen. Ginawa ring mas madali at mas mabilis ng modernong mga
paraan ang paggawa hindi lamang ng simpleng-habi na mga linen kundi ng mas masalimuot ding mga habi, gaya niyaong ginagamit sa damask.Ang katagang “damask” ay hango sa “Damascus,” kung saan, noong Edad Medya, ang mga manghahabi ay gumawa ng natatanging mamahaling telang ito. Ang kasalimuutan ng habing damask ay makikita sa isang set ng doyli na ipinadala ng isang manggagawa sa Belfast kay Reyna Victoria ng Britaniya noong 1887. Ang bawat damask na doyli ay sumusukat lamang ng 43 centimetro por 38 centimetro, gayunman ang bawat isa ay may 3,060 sinulid na paayon at 4,012 na sinulid na pahalang—apat na kilometrong sinulid sa bawat doyli!
Subalit yamang ang lahat ng sinulid ay iisang kulay, paano nakikita ang disenyo? Si K. G. Ponting, sa kaniyang aklat na Discovering Textile History and Design, ay nagpapaliwanag: “Karamihan ng disenyo [sa damask] ay galing sa bagay na ang mga banaag ng liwanag ng paayon at pahalang na panig ay mag-iiba-iba. Ang damask na linen, halos laging puti, ay lubusang dumidepende sa epektong ito ng liwanag.”
Sa susunod na pagkakataong susuriin mo ang isang piraso ng linen, walang alinlangang higit mong pahahalagahan ang gawa at pangangalaga sa paggawa nito. Makikilala mo kung ano ang kinilala ng mga lalaki’t babae sa loob ng libu-libong taon—ang linen ay tunay na isang bagay na natatangi!
[Larawan sa pahina 23]
Mga halamang flax pagkatapos patuyuin