Batong-Apog—Pangkaraniwan Ngunit Mahalaga
Batong-Apog—Pangkaraniwan Ngunit Mahalaga
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Belgium
MAHAHALAGANG BATO! Ang kataga ay nananawagan ng mga pangitain ng isang maraming-kulay na ningas: mga brilyante, esmeralda, rubi, safiro, batong-apog. Batong-apog? Oo, ang hamak na batong-apog ay isang uri ng mahalagang bato.
Sa Belgium, gaya sa maraming dako, ikaw ay makasusumpong ng batong-apog sa lahat halos ng dako. Ito’y ginagamit sa pagtatayo ng simpleng mga tahanan gayundin ng napakagandang mga monumento. Kasabay nito, masusumpungan mo ito sa ilalim ng iyong paa bilang graba. Ano nga ba itong materyal na ito na masusumpungan sa napakaraming dako?
Ang batong-apog ay isang batong kalsita na naglalaman ng mahigit na 50 porsiyentong calcium carbonate. Ito’y malaon nang nabuo bunga ng iba’t ibang proseso, na gumawa ng iba’t ibang uri ng batong-apog. Ang mga hayop sa dagat gaya ng mga tulya, susô, at mga korales ay kumukuha ng calcium carbonate mula sa tubig at ginagamit ito upang gawin ang kanilang mga kabibi at mga buto. Ang labí na mga kalansay ay naiiwan kapag namatay ang mga hayop. Kaya, ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Karamihan ng mga suson ng batong-apog sa lahat ng bahagi ng lupa ay dating buhanging galing sa kabibi o korales at putik.”
Ang batong-apog ay nabubuo rin kapag ang calcium carbonate ay napupuwersang ilabas sa pamamagitan ng pagsingaw ng tubig kung saan ito ay natutunaw. Ang ilan ay tuwirang humihiwalay sa tubig, nagtitipon sa paligid ng ilang bukál gayundin sa mga lawa at mga karagatan. Ang mga pagtaas ng ibabaw ng lupa ay nagpangyari na ang mga bahagi ng lupa na dating nasa ilalim ng tubig na tumaas sa ibabaw ng tubig. (Ihambing ang Awit 104:8.) Kaya napakaraming batong-apog. Ayon sa isang tantiya, ito ay binubuo ng 20 porsiyento ng lahat ng latak na bato. Subalit ang batong-apog ay lubhang kapaki-pakinabang din.
Ang tisa (chalk), na binubuo ng pagkaliliit na mga kalansay ng mumunting buhay sa dagat, ay batong-apog. Ngunit gayundin ang marmol. Ang marmol ay nabubuo kapag ang mga deposito ng
batong-apog ay napailalim ng init at bigat sa loob ng mahabang panahon. Maraming bantog na malalaking kuweba, gaya ng Carlsbad Caverns sa Estados Unidos, ay may magagandang batong-apog na mga estalaktita at mga estalagmita. Ang mga ito ay nag-aanyo sa pamamagitan ng tumutulong tubig na naglalaman ng calcium carbonate.Ang Hamon na Pagkuha Nito
Gayunman, ang batong-apog ay hindi madaling makuha. Ang mga paghuhukay, o pagtitibag ng bato, ay ginagawa sa pamamagitan ng pag-aalis ng lupa na tumatakip sa deposito ng batong-apog. Napakahirap, at taglay ang hindi kapani-paniwalang pagtitiis, ang mga nagtitibag ng bato noong unang panahon ay humuhukay ng makikipot na kanal upang itaas ang mga piraso ng bato, itinatabi ang pinakamalaking mga bloke. Saka ang mahirap na gawain na pagbiyak sa mga blokeng ito sa pamamagitan ng maso.
Sa ngayon, ginagawa ng mga makina ang nakapapagod na atas na ito. Bagaman ang trabaho sa isang tibagan ay mapanganib, ang pangangailangan para sa bato ay napakalaki anupat natutuhan ng tao na harapin ang mga panganib sa pagmimina nito. Ang mahusay-na-kalidad na batong-apog ay kadalasang nakukuha sa paggamit ng mababang-enerhiyang eksplosibo. Mas mabuti pa, maaari itong putulin sa pamamagitan ng lagari.
Pagtatayo na Gamit ang Batong-Apog
Ang batong-apog ay magaling sa ilang layunin ng pagtatayo. Sa isang bagay, ito’y nagbibigay ng mabuting insulasyon para sa isang gusali. Ang 30-centimetrong-kapal na batong-apog na dingding ay pananatilihin ang temperatura sa loob na hindi nagbabago kahit na ang temperatura sa labas ay nagbabago nang hanggang 20 digris Celsius. Ang kapal ng dingding na bato ay nagpapangyari sa loob na manatili sa katamtamang temperatura ng silid.
Ang batong-apog ay mahusay rin sa soundproofing. Karagdagan pa, kapag ang batong-apog ay wasto ang pangangasiwa, maaari pa nga nitong gawin ang sarili nito na hindi tinatagos ng tubig. Ang carbon dioxide sa tubig-ulan na may reaksiyon sa bato ay unti-unting nag-aanyo ng isang suson na pananggalang na hindi tinatablan ng tubig sa ibabaw.
Isa pa, ang batong-apog ay maganda. Ang kilalang Arc de Triomphe sa Paris ay isa lamang halimbawa ng isang kilalang kayariang gawa sa batong-apog. Kapansin-pansin din ang malalaking piramide ng Ehipto, na itinayo mula sa mga bloke ng batong-apog na tumitimbang ng hanggang 16 na tonelada! Ang marmol ay isang uri ng batong-apog na maaaring pakinisin. Ang nagtatagal na kinang at kagandahan nito ang gumagawa sa marmol na pinipili ng mga eskultor na gaya ni Michelangelo.
Batong-Apog at Apog
Mangyari pa, hindi lahat ng batong-apog ay ginagamit sa gayong katangi-tanging gamit. Ang karamihan nito ay inilalagay sa mga gilingan ng bato, ang unang hakbang sa pagproseso rito upang maging isang uri ng mahalagang produkto. Halimbawa, mula noong panahon ng Bibliya, nalalaman ng tao kung papaano gagawa ng apog (calcium oxide) sa pamamagitan ng pag-iinit sa batong-apog. Noon, ito ay ginagawa sa pagsusunog nito sa isang hugis-kono o balisungsong na mga hurno ng apog. Ang apog ay nagsisilbing mahalagang sangkap sa argamasa at ginagamit noong sinaunang panahon sa pagpapalitada ng mga dingding at sa paggawa ng puting mga dingding at mga libingan.—Deuteronomio 27:4; Ezekiel 13:10; Mateo 23:27; Gawa 23:3.
Ang apog ay marami pa ring mahahalagang gamit. Sa ilang bansa ang tubig ay naiinom sapagkat ginagamitan ng apog upang dalisayin ito. Ang tubig-apog, na naglalaman ng calcium carbonate o calcium sulfate na kinanaw sa tubig, ay isang proteksiyon laban sa pagtatae. Ang apog ay ginagamit din upang gawing neutral ang pagiging maasido ng lupa. Pinangyayari nitong madaling pasukin ang lupa ng tubig at hangin, sa gayo’y tumutulong sa paggawa ng masustansiyang pagkain. At ang apog ay ginagamit pa nga sa paggawa ng asukal.
Tunay, ang talaan ng mga gamit ng batong-apog at ng mga produkto nito ay marami. Gayunman, tinatanggap na ang pagkuha ng batong-apog ay lumilikha ng mga problema. Ang malalaki’t bukás na mga tibagan ay karaniwang iniiwan at nagiging pangit na tanawin. Ang mga nayon sa paligid ng mga tibagan ay maaaring matakpan ng puting alabok ng batong-apog, at ang mga tao na malapit sa tibagan ay naiinis sa ingay at mga pagyanig ng pagsabog ng mga eksplosibo.
Gayumpaman, kung isasaalang-alang mo ang lahat ng mga gamit nito, ang batong-apog ay talagang isang mahalagang bato. Oo, hindi ito brilyante. Subalit, ano bang gusali o monumento ang kailanma’y itinayo sa pamamagitan ng mga brilyante?