Ibigay ang Patnubay na Kailangan Nila
Ibigay ang Patnubay na Kailangan Nila
PAANO matututuhan ng inyong mga anak na pangalagaan ang kanilang sarili mula sa lumalagong imoralidad ng daigdig? Hindi mula sa telebisyon, na itinala ng isang pangkat ng mga kabataan bilang ang kanilang ikaapat na pinakamahalagang pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa seksuwalidad. Hindi mula sa paaralan, kung saan ipinababanaag ng itinuturo ng mga guro ang nagbabagong mga pagpapahalaga at mga pamantayan ng imoral na daigdig na ito. At tiyak na hindi mula sa mga kuwentong inilalahad ng mga kaklase ng inyong mga anak.
Upang maging matagumpay ang edukasyon tungkol sa moral at buhay pampamilya, kailangang ito’y magsimula sa tahanan. Gaya ng sabi ng isang nababahalang guro sa high-school: “Kailangang may maglakas-loob na magsabi: ‘Tingnan ninyo, mga bata, hindi naman makasasama kung maghintay muna kayo hanggang sa kayo’y mag-asawa bago kayo makipagtalik!’”
Naituro ba ninyo iyan sa inyong mga anak? Dahil sa napakaraming materyal may kaugnayan sa sekso na nakapaligid sa atin, kung minsan ba ay naitatanong pa nga ninyo kung alam ba ninyo kung paano ituturo ito?
Ang Epekto ng Halimbawa
Kung paanong naimpluwensiyahan ng inyong mga magulang ang inyong buhay sa paraan ng kanilang pamumuhay, gayundin na ang inyong halimbawa ay malakas na makaaapekto sa buhay ng inyong mga anak. Isinisiwalat nito ang marami tungkol sa kung gaano ninyo sila kamahal at kung anong uri ng mga tao nais ninyo silang maging paglaki nila.
Kung kayo ay walang karanasan sa sekso nang kayo ay mag-asawa, maaari ninyong ipaalam sa inyong mga anak kung gaano kayo pinaligaya niyaon. Natatandaan ng isang lolo ang araw, halos 60 taon na, nang sabihin sa kaniya ng kaniyang tatay na anong laking kagalakan na mag-asawa, sa pagkaalam na siya ay hindi gumawa ng anumang imoral na paggawi na maaaring dumungis sa kaniyang pag-aasawa. Ang pag-uusap na iyon ay lubhang nakaimpluwensiya sa paraan ng pamumuhay ng lolong ito, at siya ay naniniwala na ang kaniya mismong halimbawa ay nakaapekto rin nang husto sa buhay ng kaniyang mga anak.
Gayunman, kung nalalaman ng inyong mga anak na ang inyong buhay noon ay hindi uliran, dapat ninyong tiyakin na nalalaman nila kung bakit kayo nagbago. Hindi lamang sapagkat kayo ay mas matanda na kundi sapagkat nasumpungan ninyo ang mas mataas na pamantayan na dapat pamuhayan.
De Kalidad na Pakikinig
Ang matagumpay na mga magulang ay kadalasang nagkokomento kung gaano karaming panahon ang ginugol nila sa pakikinig sa kanilang mga anak. Alam nila kung ano ang nangyayari sa buhay ng kanilang mga anak. Sinisikap ni Karen na siya
ay nagtatrabaho sa kusina kung hapon. Sa ganitong paraan, pag-uwi ng kaniyang mga anak na babae, makakausap nila siya tungkol sa kung ano ang nangyari sa paaralan noong araw na iyon.Hinihintay ni Erline ang kaniyang mga anak na babae pag-uwi nila ng bahay sa gabi at pinakikinggan sila na inilalahad ang lahat ng ginawa nila. “Kung may kinakailangang ituwid,” sabi niya, “saka ko na gagawin iyon. Subalit hinding-hindi ko malalaman ang tungkol dito kung hindi ako nakinig.” Pinanatili niyang bukás ang pakikipagtalastasan noong mga taóng nag-aaral ang kaniyang mga anak na babae at hanggang sa kanilang pagliligawan. Ang mga panahong iyon na ginugol na kasama ng inyong mga anak ay maaaring makatulong upang maiwasan ang maraming sama ng loob sa dakong huli.
Subalit ano naman kung ang inyong mga anak ay hindi masalita? Kung hindi sila masalita, maaari ninyong tanungin ang inyong sarili, ‘Sila ba ay likas na tahimik, o natatakot ba silang ipagtapat sa akin ang mga bagay dahil sa naging reaksiyon ko noon? Maaari ko bang muling itayo ang pagtitiwala nila sa paggawa ng pantanging mga pagsisikap ngayon na magpakita ng interes sa kanila? Magagawa ko bang mas madali para sa kanila na sabihin ang maliliit na bagay ngayon at marahil ang mas seryosong mga bagay sa dakong huli?’
Mahahalagang Babala
Ang inyong mga anak ay kailangang babalaan tungkol sa mga resulta ng imoralidad. Halimbawa, dapat nilang malaman na sa kabila ng lahat ng kanilang naririnig, walang paraan ng kontrasepsiyon ang hindi nagkakamali. Ang hindi naiibigang pagbubuntis at ang mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik ay kadalasang nangyayari kahit na gumamit ng mga kontraseptibo. Sang-ayon sa organisasyon na Planned Parenthood, hindi nahahadlangan ng mga condom ang pagbubuntis ng 12 porsiyento, at ang pagiging hindi mabisa nito ay mas malaki pa sa paghadlang sa paghahatid ng virus ng AIDS.
Maraming kabataan ang wari bang kumbinsido na ang malaking sakuna ay hinding-hindi mangyayari sa kanila. Gayunman, ang mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik, pati na ang AIDS, ay maaaring ipasa ng mga taong wala pang mga sintomas at hindi nalalaman na nahahawahan nila ang iba. Maraming gayong sakit na sumasalot sa mga kabataan ngayon ay maaaring maging sanhi ng pagkabaog, mga depekto sa pagsilang, kanser, at kamatayan pa nga.
Bilang halimbawa, inaakalang 40 milyong Amerikano ngayon ang may isa lamang sa mga sakit na ito, genital herpes, na wala pang lunas. Maaari itong ipasa ng mga inang mayroon nito sa kanilang mga sanggol. Ang walang-malay na mga batang ito ay maaaring maging kulang-kulang ang isip, dumanas ng permanenteng pinsala sa kanilang sentrong sistema ng nerbiyos, o mamatay dahil sa matinding impeksiyon ng kanilang panloob na mga sangkap ng katawan. Anong pagkalaki-laking halagang ibabayad para sa ilang sandali ng inaasam na kaligayahan!
Ang bawal na pagtatalik na nagkakalat ng sakit na ito ay maaari pa ngang hindi nakasisiya. Isang mananaliksik na nagtanong sa maraming kabataan ay nagsabi na “para sa mga babae, doble ng mga karanasan ng mga tin-edyer [sa pagtatalik] ay negatibo kaysa positibo.” Dapat idiin ng mga magulang sa kanilang mga anak na ang sekso—ang kahanga-hangang paraan na sa pamamagitan nito ay nilayon ng ating Maylikha na ang ating magandang lupa ay mapuno ng tao—ay hindi dapat panakaw na simulan sa labas ng buklod ng pag-aasawa.
Turo na Talagang Kailangan Nila
Kailangang malaman ng inyong mga anak na ang tanging tiyak na paraan upang maiwasan ang mga problema na dala ng pagtatalik bago ang kasal
ay ang sundin ang subok-ng-panahon na mga simulain na itinatag ng Diyos. Anong mga simulain? Walang pagtatalik hanggang pagkatapos ng kasal, pagkatapos ay ang permanente at habang-buhay na katapatan sa isa na minamahal na, sa ulirang kalagayan, ay wala ring ibang katalik.Gayunman, ang mahalagang dahilan sa pagtakas sa imoralidad ay hindi sapagkat ito ay nagdadala ng problema kundi sapagkat sinasabi ng ating Maylikha na ito ay mali. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Umiwas sa pakikiapid.” “Tumakas sa pakikiapid.” Bakit? Sapagkat, yaong patuloy na gumagawa ng gayong mga bagay “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Tesalonica 4:3; 1 Corinto 6:9, 10, 18.
Ang pagsunod sa maka-Diyos na mga simulain ay umaakay sa mas maligaya, mas kontentong buhay. Iniingatan tayo nito mula sa mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik, hindi naiibigang pagbubuntis, at sa mga problema ng nagsosolong-magulang na mga pamilya, at sa mga sama ng loob na iwan ng mga taong ginamit tayo para sa kanilang sariling masakim na mga layunin.
Sa loob ng mahigit na 2,500 taon, ang mga salitang iniulat ng sinaunang propeta ng Diyos ay napatunayang totoo: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”—Isaias 48:17, 18.
Subalit paano babagay ang moral na mga simulaing ito sa modernong gawain ng pakikipag-date? Ang tanong na iyan ang susunod na tatalakayin.