Isang Hamon sa mga Magulang
Isang Hamon sa mga Magulang
Ang daigdig ay malayo sa pagiging moral na dako na gaya ng dati. Umaapaw ang nauugnay-sa-sekso na pag-aanunsiyo. Ang mga magasing naghaharap sa mga babae bilang karaniwang mga laruan ay ipinagbibili sa mga groseri. Inihahatid ng isang awiting rock ang paghalay sa isang kakilala. Oo, gaya ng pinatutunayan ng nakikita at naririnig sa araw-araw, ito ay isang imoral na daigdig!
NAPANSIN ng propesor sa pag-aaral na pampamilya na si Greer Litton Fox na sa “40 o higit pa” na pagtatalik o ipinahihiwatig na pagtatalik “na makikita ng isa sa telebisyon mula ala-1:30 hanggang alas-11 n.g. araw-araw, wala pang 5 porsiyento ang kinasasangkutan ng mga mag-asawa.” Dahil sa masigasig na pinasisigla ng media ang sekso, hindi kataka-taka na mabasa rin ang tungkol sa “nakalilitong dami at kapaha-pahamak na mga resulta ng pagbubuntis ng mga tin-edyer.”
Tiyak, para sa mga magulang na nagnanais ng pinakamabuti para sa kanilang mga anak, isang hamon na palakihin sila sa imoral na daigdig na ito. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng mga kabataan ay nakikipagtalik. Ipinakikita ng mga surbey na kalahati ng mga 15-hanggang-19-anyos na mga babae sa Amerika ay nakaranas nang makipagtalik, sa gayo’y pinatutunayan na ang kalahati ay hindi nakipagtalik! Isa pa, kahit na yaong marami na nakaranas nang makipagtalik ay nagnanais na sana’y hindi sila nakipagtalik. Ang isa ay sumulat sa kolumnista sa pahayagan na si Ann Landers:
“Ang pakikipagtalik kay Joe (ang aking unang crush) ay hindi kasiya-siya, kaya sinubok kong muli kay Mike, pagkatapos kay Neal, pagkatapos kay George. Hindi ko alam kung ano ang hinahanap ko. Anuman ito, hindi ko ito nasumpungan. Marami akong nakuhang hangal na mga idea buhat sa mga magasin, mga de-seryeng drama at sa mga pelikula. Hindi gayon sa tunay na buhay.
“Kung makakausap ko lamang ang mga kabataang babae na bumabasa ng inyong pitak, sasabihin ko sa kanila na hindi nilulutas ng pakikipagtalik ng mga tin-edyer ang mga problema, lumilikha lamang ito ng higit na problema. Hindi nito ipinadarama sa babae na siya’y minamahal, ipinadarama nito sa kaniya na siya ay napakasama. Ipaaalam ko sa kanila na hindi nito ginagawa ang isang babae na maging ‘mas babae,’ maaari pa nga nitong bawasan ang kaniyang pagkababae.
“Kung makakausap ko lamang ang mga magulang, hihimukin ko silang idiin sa kanilang mga anak ang paggalang-sa-sarili at ang mataas na mga pamantayan.”
Sa katunayan, ang mga kabataan na malapít sa kanilang mga magulang at nakadarama ng katiwasayan sa kani-kanilang mga sambahayan at mababait sa kanilang sarili ay hindi gaanong nagiging biktima ng imoralidad kaysa roon sa hindi. At may isang organisasyon ng mahigit na apat na milyon katao sa buong daigdig kung saan ang mga kabataan ay natulungan na manghawakan sa mas mataas na pamantayan kaysa karaniwang sinusunod ngayon.
Dahil sa lahat ng mga bagay na ito, paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak na ingatan ang kanilang sarili mula sa lumalagong imoralidad sa daigdig ngayon? Paano ninyo matutulungan sila na mamuhay nang mas maligaya, mas mabuti, at mas moral na buhay? Iyan ang paksa ng susunod na dalawang artikulo.