Mga Nakaliligtas sa Disyerto ng Namib
Mga Nakaliligtas sa Disyerto ng Namib
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika
ANG Kaokoland at Damaraland ay malalawak na rehiyon na sumasanib sa gawing hilaga ng Disyerto ng Namib sa Aprika. “Nawawalang mga daigdig kung saan iilan ang nagkapribilehiyong makipagsapalaran hanggang kamakailan,” ang pagkakalarawan ni Clive Walker sa mga ito sa kaniyang aklat na Twilight of the Giants. Ito ang tahanan ng tanging tunay na mga elepante sa disyerto ng daigdig.
Marahil wala pang isang daan ng mga dambuhalang ito ang natitira sa mga rehiyong ito. Wala pang labinlimang centimetro ng ulan sa bawat taon, at kung minsan ay walang ulan sa loob ng mga taon. Paano pinapatid ng mga elepante ang kanilang uhaw at sinasapatan ang kanilang pagkalaki-laking gana sa pagkain?
Pakikibagay sa Disyerto
Ang mga elepante ay unang iniulat sa gawing kanluran ng Namib noong 1895, at ipinakikita ng katibayan na ang mga ito ay namuhay sa disyerto sa loob ng mga salinlahi. Noong panahon ng tagtuyot kamakailan kung kailan walang pag-ulan sa loob ng limang taon, ang mga elepante ay nanatili sa disyerto, at ayon sa patotoo, walang adultong elepante ang namatay bilang tuwirang bunga ng tagtuyot, bagaman maraming kudu, gemsbok (oryx), at zebrang bundok, gayundin ng ilang guyang elepante, ang namatay. “Ang mga elepante,” hinuha ni Mitch Reardon sa kaniyang aklat na The Besieged Desert, “ay kabilang sa pinakamagaling bumagay na nilalang sa lupa.”
Bagaman ang mga ilalim ng ilog sa Kaokoland ay karaniwang tuyo, ang tubig mula sa gawing silanganang dalisdis ay nagtutungo sa ilalim ng buhangin, at ito ang ginagamit ng mga elepante. Hinuhukay at pinananatili nila ang mga butas ng tubig sa pamamagitan ng paghuhukay sa buhangin sa ilalim ng ilog. Ang tubig ay tumatagas sa mga butas na ito, at kapag sapat na ang nainom ng
mga elepante, literal na laksa-laksang iba pang hayop, ibon, at mga insekto ang gumagamit sa balon ding iyon at nakaliligtas.Sapagkat ang mga elepante ay malakas kumunsumo ng pananim, nangangailangan ng mahigit na 100 kilo isang araw, maaaring isipin ng ilan na sinisira nila ang ekolohiya ng rehiyon. Subalit pansinin ang obserbasyong ito ng isang kilalang awtoridad, si Dr. Anthony Hall-Martin, sa aklat na Elephants of Africa: “Ang mga elepante sa mayabong na mga tropiko ay ibabagsak ang mga punungkahoy upang makuha lamang ang ilang dahon, subalit ang kanilang mga katapat na elepante sa disyerto ay bihirang magbagsak o magtulak ng mga punungkahoy. Kung gagawin nila iyon, di-magtatagal at wala na silang makakain. Sa halip, ang bawat pananim na pinitas ay kinakain at bihira tayong makakita ng ilang dahon na niyapakan at nasayang.”
Sa katunayan itinataguyod ng elepante sa disyerto ang paglaki ng mga punungkahoy. Ang isa sa paborito nilang pagkain ay ang puno ng akasya, at kapag panahon ng bunga ng akasya napakaraming balat ng buto (seedpods) ng akasya ay kinakain. Habang ang mga butong ito ay nagdaraan sa sistema ng panunaw, ang matitigas na balat ay lumalambot, pagkatapos ay inilalabas at idinideposito sa isang tumpok ng mainit, masustansiyang dumi, handang sumibol pagbagsak ng ulan. Kaya, dahil sa mga elepante, ang mga akasya ay mabisang napapalitan sa walang-katapusang siklong pang-ekolohiya.
Ang Pag-alaala at Pagkaligtas
Marahil ay narinig mo na ang kasabihang, “Ang elepante ay hindi nakalilimot.” Isaalang-alang natin kung paano ito kumakapit sa istilo ng buhay ng mga elepante sa disyerto. Mayroon silang mahusay na pagkadama ng buhay pampamilya, ng pagsasama-sama, at ang guyang elepante ay mananatiling kasama ng nanay nito hanggang sampung taon, isang mahabang pagkabata kung ihahambing sa iba pang mamal at pangalawa lamang sa mga tao.
Sa panahong ito ng adolesens, ang guya ay nakikisama sa mga elepante na iba-iba ang gulang, natututo mula sa kanila ng mga sekreto kung paano makaliligtas sa malupit na kapaligiran. Ipinakikita sa kaniya kung saan at kung paano makasusumpong ng tubig, kung aling mga halaman ang kakanin at kung kailan ito panahon. At siya ay tinuturuan kung paano iiwasan ang tao. Ang pondong ito ng pagtuturo at kaalaman ang hindi dapat kalimutan ng batang elepante pagdating niya sa pagkaadulto. “Sa panahon ng tagtuyot,” sabi ni Reardon, “ang alaala at karanasan ng elepante ay maaaring maging ang susi sa kaligtasan.”
Ang paraan ng buhay ng elepante ay batay sa isang matriarkang lipunan, at walang alinlangang ang nakatatandang babaing elepante ang may mahalagang papel sa kaligtasan ng kawan. Inaakay niya ang kaniyang pamilya, at ang kawan, sa patuloy na paghahanap ng tubig at pagkain. Marahil sa 50 taon ng pamumuhay, siya ay nagtatamo ng naipong kaalaman sa kaligtasan. Sa pamamagitan ng kaniyang pangunguna at halimbawa, ito ay ipinapasa sa nakababatang mga elepante sa kawan. Kaya, ang pagpatay ng isang nakatatandang elepante ng ilegal na mga mangangaso ay nangangahulugan
ng pagkawala ng isang reperensiyang aklatan ng mga bagay may kinalaman sa paghahanap ng pagkain.Ganito ang sabi ni Garth Owen-Smith, ng Namibia Wildlife Trust, tungkol sa mga elepanteng ito sa disyerto ng Namib: “Tandaan . . . , hindi lamang natin pinag-uusapan ang tungkol sa anumang mailap na hayop. Ito ang mga elepante ng disyerto . . . Ang kombinasyon . . . ay hindi masusumpungan saanman sa daigdig. . . . Sayang nga, anong laking kawalan sa siyensiya at sa daigdig kung ang mga ito ay malilipol.” Gayunman, ang mga dambuhalang ito ay hindi madaling malipol sa kanilang sariling-piling tahanan. Hindi lamang sila mahusay makibagay kundi sila rin ay mahusay na nasasangkapan upang mabuhay.
Iba Pang Sekretong Pangkaligtasan
Kung ikaw ay malapit sa isang kawan—mangyari pa, sa direksiyon ng ihip ng hangin—makikita mo mismo ang ilan sa kanilang mga sekretong pangkaligtasan. Mapapansin mo na sila ay natitipun-tipon sa palibot ng isang mababaw na lubak ng pinong buhangin, tinatapyas nila ang lupa sa pamamagitan ng kanilang paa, inilalagay ang malambot na alabok sa kanilang mga nguso at isinasaboy ito sa kanilang sarili, hanggang sa sila’y magmukhang kulay-abo na mga multo. Sa palagay mo kaya ito ay dahil sa gusto nilang maging marumi? Hindi. Ang pagpapahid ng alabok, tulad ng pulbos, ay nagpapalamig sa balat at iniinsula ito laban sa mainit na araw.
Kung ikaw ay mananatiling napakatahimik, makikita mo ang kawan na nagpapahinga pagkatapos na magpulbos. Nagpapahinga, yaon ay, maliban sa malalaki ang tainga. Pansinin kung paano sila patuloy na kumikilos sa marahang pagpaypay. Bukod sa paggalaw ng bahagyang simoy ng hangin, na laging inaasam, ang dugo na nagdaraan sa sala-salabid na nakausling mga ugat sa tainga ay pinalalamig ng hanggang 6 na digris Celsius. Ang mas malamig na dugong ito ay saka ikinakalat sa pagkalaki-laking katawan at balik na muli sa mga tainga. Kung minsan ba ay naiisip mo na sana’y mayroon kang isang katutubong air-conditioner?
Marahil ngayon ang iyong mga paa ay pagod na sa kayuyukyok? Masdan mo kung paano pinagiginhawa ng malaking elepante roon ang kaniyang mga paa. Tingnan mo kung paano niya eleganteng ibinabaluktot ang kaniyang tuhod sa harap, tinitimbang ang paa sa mga daliri sa paa. Ipinapahinga niya ang sapin ng kaniyang paa. Kung minsan pinagkukrus ng mga elepante ang kanilang mga paa sa likuran sa nakatatawang ayos, parang isa na nakahilig sa isang baston.
Ang isa pang kakaibang ugali ay ipinakikita sa kabilang pahina. Tingnan ang bilog na bato na pinagugulong ng elepante sa ilalim ng kaniyang paa. Inaakalang pinagiginhawa nito ang mga sapin sa pagod na paa, kung paanong maaaring masahihin ng isang podiatrist (isa na nangangalaga at gumagamot sa paa ng tao) ang talampakan ng pasyenteng masakit ang paa. Dapat mong tandaan na ang kawan ay maaaring lumakad ng maraming kilometro, at waring ito ay ilan sa mga paraan ng pagpapaginhawa ng hirap sa kanilang mga sapin sa paa.
Gaano Katagal Silang Makaliligtas?
Bagaman naliligtasan nila ang likas na mga panganib ng kanilang kapaligiran, maligtasan din kaya ng mga dambuhala sa disyerto ang panghihimasok ng kanilang tanging maninila, ang tao? Waring gayon nga. Ang mga maninirahan sa tribo roon ay nasangkot na ngayon sa pangangalaga sa kanilang sariling likas na mga yaman.
Sang-ayon sa magasing African Wildlife, isang kampaniya tungkol sa edukasyon sa pangangalaga ang sinimulan ng Namibia Wildlife Trust “ang nagbunga sa ganap na pagbabawal ng pangangaso sa rehiyon na ginawa ng pantribong mga awtoridad kapuwa sa Damara at Herero.” Ang Wildlife Trust ay itinaguyod din ng pinuno ng Himba sa Kaokoland, na humirang ng kaniyang mga katribo bilang mga tagapangalaga ng maiilap na hayop.
Ang positibong pangangalaga ng tradisyunal na mga lider ay umakay sa pantribong mga damdamin ng pagmamapuri sa kanilang likas na buhay-ilang. “Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng labinlimang taon,” ulat ng African Wildlife, “ang bilang ng mga elepante at mga rhinocerong itim sa kagila-gilalas at kaakit-akit na rehiyong ito [ay] dumami.” Wala tayong magagawa kundi ang umasa na ang interes na ito sa kaharian ng maiilap ng hayop ay magpapatuloy.
Oo, sa gayon ang mga gumagalang ito sa walang tubig na ilang ay patuloy na gagala sa mabatong malawak na pastulan ng kanilang napiling tahanan. Taglay ang kanilang likas na mga ugali at katutubong mga sangkap na pangkaligtasan, sila ang tunay na mga nakaliligtas sa disyerto ng Namib.
[Larawan sa pahina 25]
Pinananatili ng mga elepante ang mga butas ng tubig sa paghuhukay sa buhangin sa ilalim ng ilog
[Larawan sa pahina 26]
Pinagugulong ng mga elepante ang isang bilog na bato sa ilalim ng paa, malamang upang mapaginhawa ang mga sapin ng kanilang paa
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ni Clive Kihn