Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Diborsiyo Ang inyong mga artikulo tungkol sa “Diborsiyo—Ang Pinsala sa Tao” (Pebrero 8, 1992) ay nag-udyok sa akin na sumulat. Noong 1988, ako ay nagdiborsiyo pagkatapos ng apat na taon na pag-aasawa sa aking kasintahan sa high school. Sinikap ko sanang iligtas ang aking pag-aasawa kung nalalaman ko lamang noon ang nalalaman ko ngayon. Ang diborsiyo ay nakapipinsala sa iyo sa pinansiyal na paraan. At bagaman ang mga lalaking may asawa ay nagsasamantala sa mga diborsiyada, hindi naman sinasang-ayunan ng mga binata ang mga babaing may anak. Maaari ka nilang i-date, ngunit hindi sila magiging seryoso sa iyo. Inaasahan kong ililigtas ng artikulong ito ang kahit na isang pag-aasawa; hindi ko nailigtas ang aking pag-aasawa.
T. R., Estados Unidos
Ang punto ninyo na may masasakit na mga bunga ang diborsiyo, kahit na kung may lehitimong dahilan, ay nailahad nang husto. Kung minsan ay nadarama kong ako’y lumalangoy sa isang dagat ng mga damdamin. Ang paglipas ng panahon, isang rutina ng espirituwal na mga gawain, at ang maibiging awa ni Jehova ay nakabawas sa dalas at tindi ng mahihirap na damdaming ito.
M. H., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Normal ba Kung Walang Karanasan sa Sekso?” (Marso 22, 1992) Yamang ako’y pinagtatawanan at tinutuya ng marami sa pananatiling walang karanasan sa sekso, nagsimula akong mag-alinlangan tungkol sa bagay na ito. Subalit binuksan ng artikulong ito ang aking mga mata. Naipasiya kong ingatan ang aking pisikal at emosyonal na kapakanan, at higit sa lahat, ang aking mabuting kaugnayan sa Diyos.
A. R., Brazil
Pinasasalamatan ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ako Tinatanggap ng Iba?” (Oktubre 22, 1991) Dumating ito noong panahong ako ay lubhang nanlulumo dahil sa hindi ako tinatanggap ng aking mga kasamahan. Parang ako ang kabataang nagsabi, ‘Kung hindi ka nakasuot ng tamang sapatos na pantenis, hindi ka tinatanggap,’ sapagkat wala akong pera upang bilhin ang lahat ng usong damit. Tinulungan ako ng inyong artikulo na makita na hindi ako nag-iisa.
K. M. S., Estados Unidos
Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano Kung Mahirap ang Pamilya Ko?” (Enero 22, 1992) Kahit na hindi ako isang kabataan at hindi naman totoong mahirap, ang artikulong ito ay nakatulong sa akin. Naranasan naming mag-asawa ang mahihirap na panahon. Ang mga bagay ay para bang walang pag-asa anupat waring hindi ako makakilos. Ang impormasyon ay tumulong sa akin na matanto na pinalalala lamang ng aking negatibong pag-iisip ang mga bagay-bagay. Ngayon ay mas nakapagtitiis ako.
K. J., Estados Unidos
Mga Inca Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Isang Sulyap sa Ginintuang Panahon ng mga Inca.” (Enero 22, 1992) Ako po’y 15 anyos, at ang pag-aaral tungkol sa mga kabihasnan sa Timog Amerika noong bago ang panahon ni Columbus ay laging nakatatawag ng aking pansin. Ang inyong artikulo ay lubhang kawili-wili, makatuwiran, at kakaiba sa iba na nabasa ko. Ang ganitong uri ng materyal ay nakatutulong sa amin na dagdagan ang aming kaalaman tungkol sa iba’t ibang paksa sa praktikal at nakaaaliw na paraan.
D. A. S., Argentina
Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain Salamat sa artikulong “Pagtulong sa mga May Sakit na Kaugnay ng Pagkain.” (Pebrero 22, 1992) Ang kaibigan kong matalik ay laging nagrereklamo sa akin tungkol sa kaniyang timbang. Siya ay tumitimbang lamang ng 45 kilo o higit pa, at ako ay doble niya! Kaya talagang nahihiya ako sa aking katabaan. Sinubok ko na ang lahat ng pagdidiyeta ngunit wala ring nangyari. Kakaunti ang paggalang ko sa aking sarili dahil sa napakataba ko. Tinulungan ako ng inyong artikulo na magkaroon ng kaunting paggalang sa aking sarili.
P. M., Estados Unidos
Ako’y nakalaya na sa mahigpit na kapit ng bulimia sa loob halos ng dalawang taon na. Ang araw-araw na pagsusuri ng aking mister, gayundin ang palaging pananalangin kay Jehova, ang nakatulong sa aking paggaling. Ang isa pang bagay na nakatulong sa akin ay ang pagkakaroon ng nakalulusog na mga pagkain na gaya ng mga prutas at gulay sa aking kusina sa halip ng mga basurang pagkain. Nakapagtataka kung paanong ang matamis na milokoton (peach) ay nagkakalasa kapag ikaw ay huminto na sa pagkain ng mga basurang pagkain!
S. G., Estados Unidos