Tuwang-tuwa na Siya’y Buháy!
Tuwang-tuwa na Siya’y Buháy!
“AKO’Y tuwang-tuwa na maging buháy!” masayang nasabi ni Bernice, isang malusog na siyam-na-taóng-gulang na babaing nakatira sa gawing timog ng Alemanya. Mayroon siyang pantanging dahilan upang magsaya.
Isang araw samantalang si Bernice ay lumalaki sa bahay-bata ng kaniyang ina, ang kaniyang kapatid na babae ay nagkasakit. Siya ay nagkaroon ng German measles! Ang ina ay takot na takot, yamang ang nakahahawang sakit na ito ay maaaring ipasa sa ipinagbubuntis na sanggol sa panahon ng pagdadalang-tao at maaaring pagmulan ng malubhang pinsala ng sanggol.
Pagkatapos suriin ang mga sampol ng dugo, ang reaksiyon agad ng doktor ay irekomenda na wakasan ang pagdadalang-tao sa pamamagitan ng aborsiyon. Batay sa pagsusuri sa dugo, natitiyak niya na kapuwa ang ina at ang ipinagbubuntis na sanggol ay may German measles. Gayundin, ipinakikita ng mga pagsusuri na malamang na ang sanggol ay ipanganak na may malubhang pinsala.
Gayunman, ang mga magulang ay naniniwala na ang aborsiyon ay labag sa mga kautusan ng Diyos. Bilang mga Saksi ni Jehova, tinanggihan nila ang gayong pamamaraan. Gayumpaman, iginiit ito ng doktor, inilalarawan ang kalagim-lagim na larawan ng kung ano ang maaaring maging bunga ng kanilang pagtanggi. Binanggit niya ang mga problemang nauugnay sa pagpapalaki ng isang anak na malubhang napinsala. Subalit ang mga magulang ay matatag, ipinaliliwanag ang kanilang maka-Kasulatang pangmalas tungkol sa aborsiyon. Handa nilang harapin ang anumang kalagayan na maaaring bumangon at mamahalin nila ang bata anuman ang mangyari.
Ang doktor ay totoong humanga. Inamin niya na siya mismo ay hindi pabor sa aborsiyon, inaakala niya na ito ay moral na hindi tama. Subalit siya’y napilitang iharap nang maliwanag ang mga katotohanan at ang mga resulta.
Pagkalipas ng siyam na taon, si Bernice, isang normal at malusog na bata, ay kailangang magpatingin sa isang doktor. Ipinakikita ng isang pagsusuri sa kaniyang dugo na siya ay hindi kailanman nagkaroon ng German measles. Maliwanag, ang pagsusuri na ginawa bago siya isilang ay mali. Anong inam nga na ang mga magulang ay nanatiling matatag sa kanilang paniniwala! Hindi kataka-taka na masasabi ni Bernice: “Ako’y tuwang-tuwa na maging buháy!”