Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Pumisan sa Amin ang Aming mga Nuno?

Bakit Pumisan sa Amin ang Aming mga Nuno?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Pumisan sa Amin ang Aming mga Nuno?

DATI kang nag-iisa sa iyong kuwarto. Ngayon ay kasama mo rito ang isang kapatid na lalaki o babae. Dati’y naaanyayahan mo ang iyong mga kaibigan sa inyo. Ngayon ay hindi mo na sila maanyayahan sapagkat sila’y ‘maingay.’ Dati’y may panahon ka para sa kasiyahan at paglilibang. Ngayon karamihan ng panahong iyan ay ginugugol sa paggawa ng mga gawain sa bahay. Dati-rati ang iyong mga magulang ay relaks at madaling kausapin. Ngayon sila ay masyadong maramdamin, balisa. Oo, ang iyong mga nuno ay pumisan sa inyo, at ang mga bagay ay hindi na gaya ng dati.

Hindi naman sa hindi mo mahal ang iyong mga nuno. Subalit hindi laging madali na makasundo sila. Nasusumpungan mo ang iyong sarili na nawawalan ng pasensiya, nayayamot ka sa walang kakuwenta-kuwentang bagay. Ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Victoria: “Ang nakatatandang mga tao ay may partikular na paraan ng paggawi. Ako ay uutusan ng aking lola na dalhan siya ng tuntungan sa paa, kahit na ang kaniyang silyang de gulong ay mayroon nito. O ako’y pagod pag-uwi ko ng bahay, kaya’t nanaisin kong mahigang sumandali, at gusto naman niya akong kausapin. Ang lola ko ay magsasalita samantalang kami ay nanonood ng telebisyon. Kung nanonood siya, mali naman ang nakukuha niyang mga detalye, kaya kailangan pa naming ipaliwanag sa kaniya ang mga ito.”

Kung ang isa o dalawa sa iyong mga nuno ay nakipisan sa inyo, malamang na ikaw mismo ay nakararanas ng ilang kaigtingan at kaguluhan. Gayunman, relaks ka lang​—ang inyong pamilya ay hindi nagkakawatak-watak. Pakikibagay lamang ito sa isang mahirap na kalagayan. At marami kang magagawa upang tiyakin ang iyo mismong kaligayahan at kapayapaan ng isip sa pamamagitan ng (1) pag-unawa at pagtanggap sa iyong mga pananagutang pampamilya at (2) paglinang ng tunay na “pakikiramay sa kapuwa” sa iyong mga magulang at mga nuno.​—1 Pedro 3:8.

Isang Obligasyong Kristiyano

Hindi lamang ang pamilya mo ang nakakaharap sa ganitong kalagayan. Sa Estados Unidos, halimbawa, karamihan ng mga may edad ay tumatanggap ng ilang tulong o suporta mula sa kanilang malalaki nang anak; iilang may edad ang inilalagay sa mga institusyon na gaya ng mga nursing home. a Ganito ang sabi ng The Intimate Environment, ni Arlene S. Skolnick: “Ang karamihan ng mga may edad na tao ay regular na nakikipag-ugnayan sa kanilang mga anak, dinadalaw silang madalas, at nagtutungo sa kanila sa mga panahon ng kahirapan.”

Bagaman natural lamang na makadama ng pananagutan sa mga magulang, ang mga Kristiyano ay may higit na pagkadama ng pananagutan sa Diyos. Sabi ni apostol Pablo: “Ngunit kung ang sino mang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:4, 8; ihambing ang Marcos 7:10-13.) Pansinin na ang mga anak at mga apo ay may pananagutan na pangalagaan ang ‘sariling kaniya.’

Si Jesu-Kristo mismo ay nagbigay ng halimbawa sa bagay na ito. Bagaman naghihingalo sa isang masakit na kamatayan sa tulos ng pahirapan, isinaisang-tabi ni Jesus ang kaniyang sariling mga pagkabahala at gumawa ng paglalaan para sa pangangalaga ng kaniyang matanda nang ina, itinatagubilin sa kaniyang pinsang si Juan ang pangangalaga sa kaniya. Bagaman si Juan ay may mahalagang mga obligasyon bilang isang apostol, isinama niya ang ina ni Jesus sa kaniyang sariling tahanan “mula nang oras na iyon.”​—Juan 19:26, 27.

Samakatuwid ang paggalang sa mga magulang ay isang pananagutan at isang pribilehiyong Kristiyano. (Efeso 6:2) Ang isang magulang ay hindi itinatakwil sapagkat siya ay tumanda na o nangangailangan ng pantanging pangangalaga. (Kawikaan 23:22) Sinasabi pa sa atin ng Bibliya na ating pakitunguhan ang mga may edad nang may paggalang dahil sa kanilang karunungan at karanasan. (Levitico 19:32; Kawikaan 16:31) Aba, si Jehova mismo ay may kabaitang nakikitungo sa mga may edad at patuloy na ginagamit sila sa kaniyang paglilingkuran!​—Ihambing ang Joel 2:28; Gawa 2:17.

‘Hindi Ko Akalaing Ito’y Magiging Napakahirap’

Dahil sa lahat ng ito, makabubuting pahalagahan mo kung bakit inanyayahan ng iyong mga magulang ang iyong mga nuno na pumisan sa inyo. Sa simula walang alinlangan na sinikap mong maging optimistiko, o sa paano man ay bukas-isip, tungkol sa lahat ng bagay. Batid mong kailangan mong gumawa ng ilang pagbabago​—mga sakripisyo pa nga. At lagi naman kayong magkasundo ng iyong mga nuno, at iniisip mo na ang mabuting ugnayang ito ay magpapatuloy. Ngayon na sila’y pumisan sa inyo, nasusumpungan mo na ang kalagayan ay mas mahirap kaysa iyong inaakala.

Ito’y totoong karaniwan. Sa maraming bansa ang tatlong salinlahi​—mga nuno, mga magulang, at mga anak—​ay karaniwang nakatira sa iisang tahanan. Ang pangangalaga sa maysakit o may kapansanang mga magulang ay bahagi ng kanilang kultura at hindi ipinalalagay na isang napakahirap na bagay. Subalit sa mga Kanluraning bansa, kung saan ang mga pamilya ay karaniwang sanay mamuhay sa kanilang sariling bukod na mga tahanan, ang pagpisan ng mga may edad na ay kadalasang ipinalalagay na isang malaking problema. Gayunman, hindi lamang ikaw ang nakararanas niyan. Oo, maaaring ang kalagayan ay mas mahirap para sa iyong mga magulang at mga nuno kaysa iyo.

Ang Kaigtingan sa Iyong mga Magulang

Isaalang-alang muna ang iyong mga magulang. Ano sa palagay mo ang madarama mo kung nakikita mo silang tumatanda at nanghihina sa pisikal, mental, at emosyonal? Paano kaya makaaapekto sa iyo kung yaong iyong laging inaasahan ay unti-unting hindi na napangangalagaan ang kanilang mga sarili? Hindi ba iyan ay magiging isang masakit, makabagbag-damdaming karanasan? Kung gayon ay maguguniguni mo kung ano ang nadarama ng iyong mga magulang na makitang nangyayari ito sa kanilang mga magulang. Kaya nga, sila kung minsan ay parang malungkot o balisa.

Maaaring nasusumpungan din ng iyong mga magulang na hindi laging madaling makasundo ang iyong mga nuno. Ang mga may edad ay kadalasang bumabalik sa pagtrato sa kanilang adultong mga anak na parang munting mga bata. (Sa ibang salita, maaaring hindi lamang ikaw ang inuutusang ‘tumahimik!’) Ang ilang may edad ay may hilig na magreklamo tungkol sa pangangalaga sa kanila​—kung minsan ay pinararatangan ang kanilang masunuring mga anak na sila ay pinababayaan. Ugali rin ng iba na ipinaririnig ang kanilang mga opinyon tungkol sa pagpapalaki ng anak, pinararatangan ang kanilang adultong anak na masyadong mahina o masyadong istrikto. Nalalaman ng iyong mga magulang na ang iyong mga nuno ay wala namang masamang hangarin o malupit. Ngunit palibhasa’y malaki na ang naisakripisyo nila alang-alang sa kanila, maaaring ipagdamdam ng iyong mga magulang ang anumang pagpuna mula sa kanila. At kapag sila ay nakitungo nang hindi maibigin o walang pasensiya sa iyong mga nuno, maaaring makonsensiya sila at magalit sa kanilang sarili.

Ang iyong mga magulang ay maaaring hindi rin naliligayahan tungkol sa mga pagbabago sa istilo-ng-buhay na kailangang gawin nila. Ang badyet ng pamilya ay maaaring masaid. Kung ang kapuwa mga magulang ay nagtatrabaho, ang karagdagang kahilingan sa pangangalaga ay maaaring magpangyari sa kanila na mapagod, manlata. Maaari ring mapilitan silang huwag nang magkaroon ng pagpapahingalay at pagpapapresko. At nariyan din ang kaigtingan sa pag-aasawa na maaaring mangyari buhat sa lahat ng ito, lalo na kung inaakala ng isang magulang na dinadala niya ang mas mabigat na bahagi ng pasan ng pangangalaga.

Ang Kalagayan sa Buhay ng mga Nuno

Maaaring ang kalagayan ay maigting din sa iyong mga nuno. Tinatawag ng Bibliya ang pagtanda na “ang masasamang araw.” (Eclesiastes 12:1-7) Oo, masasamang araw nga na masdan ang panghihina ng iyong kalusugan. Idagdag mo pa riyan ang kaigtingan ng biglang pagsadlak sa iyo sa bagong kapaligiran. Pinipili ng karamihan ng mga may edad na sila’y mag-isa at nagsasarili. Oo, sinisipi ng aklat na The Intimate Environment ang dalawang dalubhasa na nagsasabi: “Karamihan ng mga may edad ay nagnanais ng pag-ibig at atensiyon mula sa kanilang mga anak, hindi ang tulong nila sa pera, pabahay, o iba pang pagkakawang-gawa. Oo, pinipili ng iba na gumawa ng mga bagay-bagay para sa kanilang mga anak at mga apo, sa halip na sa kanila gawin ang mga bagay na ito.”

Kaya, mahirap para sa iyong mga nuno na mawalan ng kanilang kalayaan o pagsasarili​—ang piliting sila’y umasa sa dating umaasa sa kanila. Kaya huwag kang magtaka kung sila ay medyo mahirap pakitunguhan kung minsan. At palibhasa’y nasiyahan sila sa kanilang sariling tahanan​—at kapayapaan at katahimikan—​sa loob ng maraming taon, maaaring masumpungan nilang mahirap makasama ang masiglang mga tin-edyer. Ang maingay na musika at usapan ay maaaring makayamot sa kanila.

Isang bagay ang maliwanag: Ang pakikibagay sa kalagayan ay isang hamon sa lahat. Gayunman, nakakaharap ng ibang pamilyang Kristiyano ang gayunding problema at matagumpay itong nalulutas. (Ihambing ang 1 Pedro 5:9.) Ang susi ay na pagsikapan mong ipakita “ang bunga ng espiritu” at “ang bagong pagkatao” sa malawak na antas! (Galacia 5:22, 23; Efeso 4:24; Colosas 3:13, 14) Sa halip na magkahiwa-hiwalay, magtulungan bilang isang pamilya. Tatalakayin ng aming susunod na labas ang ilang paraan na magagawa ito.

[Talababa]

a Kung minsan ang pangangalaga sa isang institusyon ay kailangan. Magkagayon man, dapat dalawin ng mga anak ang kanilang mga magulang nang regular at suportahan sila hangga’t maaari. Tingnan Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1987.

[Larawan sa pahina 20]

Ang pagpisan ng iyong mga nuno ay maaaring mangahulugan na pagkawala ng “privacy”