Kailangan ba ng Daigdig ang Isang “Bagong Pag-eebanghelyo”?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Kailangan ba ng Daigdig ang Isang “Bagong Pag-eebanghelyo”?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
NAAPEKTUHAN ng pulitikal na pagbabago sa Silangang Europa ang muling sigasig sa relihiyon. Upang makinabang sa espirituwal na pagkakataong ito, ang Pantanging Asamblea para sa Europa ng Sinodo ng mga Obispo ay nagtipon sa Vaticano mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 14, 1991. Lahat ng 137 “Mga Ama ng Sinodo,” na mga tagapagtaguyod ng herarkiya Katolika sa Europa, ay nagtipon na ang tunguhin ay “bagong pag-eebanghelyo.”
Mula nang ipahayag ang sinodo noong Abril 22, 1990, sa Velehrad, Czechoslovakia, ito’y ipinahayag bilang isang makasaysayang pangyayari. Gayunman, mahirap isipin ang sinodo bilang isang tagumpay, yamang ipinahayag ng RAI, ang pambansang network ng telebisyon sa Italya, noong Disyembre 14, 1991: “Ang sinodo ng mga kabiguan ay sumapit sa wakas nito.”
Bakit isang kabiguan ang sinodo? At ang Europa ba, o ang daigdig sa bagay na iyan, ay nangangailangan ng isang “bagong pag-eebanghelyo”?
“Bago” sa Anong Diwa?
Ang herarkiya Katolika ay nag-aakala na isang bagong pag-eebanghelyo ang kailangan sapagkat ang relihiyosong konteksto ay bago. Sinisimulan ang asamblea, binuod ni kardinal Camillo Ruini ang pagkakita niya sa Europeong larangan. Sinabi niya na sa Silangan “angaw-angaw ang hindi pa nabautismuhan at winawalang-bahala ang pinakasaligang katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano.” Sa kadahilanang ito “ang pagbagsak ng mga rehimeng Komunista ay nagbukas ng malaking pagkakataon ng pag-eebanghelyo para sa Simbahan.” Sa kabilang dako, ang tanawin sa Kanlurang Europa ay tinatandaan ng kung ano ang tinatawag niyang isang “praktikal na ateismo.” Ang salita ng Simbahang Katoliko ay hindi na tinatanggap bilang katotohanan buhat sa Diyos.
Ang muling sigasig sa relihiyon sa ganang sarili ay naghaharap ng isa pang hamon sa mga obispo. Sa anong paraan? Kapuwa ang mga obispo sa Europa at sa Latin-Amerika ay nag-aalala tungkol sa paglaganap ng ibang relihiyosong mga kilusan. Bakit? Maliwanag sapagkat naiwala ng simbahan ang marami nitong mahalagang posisyon na dating taglay nito, at ngayon nakikita niya ang kaniyang sarili na “pinagbabantaan ng mapanganib na mga karibal.” Ang babasahing Jesuita na La Civiltà Cattolica ay bumanggit sa mga Saksi ni Jehova bilang isa sa mga karibal dahil sa “marami-raming bilang ng mga Katoliko at mga Protestante na naaakit nila.”
Ang mga salita ng konklusyon ng sinodo na “Deklarasyon” ay nagsasabi na ang bagong pag-eebanghelyo ay isang pangganyak upang “muling tuklasin ang Kristiyanong
pinagmulan ng isa.” Bakit kailangang muling tuklasin ng mga Europeo ang kanilang “Kristiyanong pinagmulan”? Binanggit ng mga obispo na ang mga pamantayang Kristiyano ay hindi na itinuturing na mabisa. “Kung ang pag-uusapa’y ang maraming bautismadong Europeo,” sabi ng La Civiltà Cattolica, ang relihiyon “ay pambata, isang magandang kuwentong ada para sa mga bata na tiyak na hindi seryosong matatanggap ng mga adulto, na para bang isang bagay na makaiimpluwensiya sa kanilang buhay. . . . Nakikita ng ibang Europeo ang relihiyong Kristiyano bilang payak na kuwentong-bayan, nakatalagang maglaho habang umuunlad ang kabihasnan . . . Ang iba namang Europeo ay itinuturing ang relihiyong Kristiyano na nakapipinsala.”Sa mga kadahilanang ito nakikita ng mga obispo ang isang pangangailangan para sa isang “bagong pag-eebanghelyo.”
Bakit Isang Kabiguan?
Upang magtagumpay sa “bagong pag-eebanghelyo” sa Matandang Daigdig, kakailanganin ang napakaraming manggagawa. Gayunman, isa sa pinakamalaking problemang nakaaapekto sa simbahan sa Europa ay ang kakulangan ng mga pari. Isang obispo ang nagsabi na sa nakalipas na 13 taon, ayon sa tantiya kamakailan sa Europa, ang bilang ng mga klero ay bumaba ng 9 na porsiyento.
Ipinalalagay ng marami na ang sinodo ay isang kabiguan sapagkat kakaunti lamang ang praktikal na mga punto tungkol sa kung paano isasagawa ang “muling-Pagsasakristiyano” sa Europa. Ang obispong Pranses na si Joseph Duval ay nagpayo sa asamblea ng sinodo: “Dapat nating iwasan ang mahirap unawaing mga diskurso tungkol sa pag-eebanghelyo . . . Lahat tayo ay nagsasalita nang labis na parang mga abugado. Harinawang ang ating mensahe minsan pa ay maging isang mensahe na payak at istilong ebanghelyo.”
Tanging iilang obispo lamang ang bumanggit ng apostolikong mga paraan para sa pag-eebanghelyo sa mga tao. Halimbawa, si Obispo František Tondra ng Spiš, Pederal na Republikang Czech at Slovak, ay nagsabi: “Para sa bagong pag-eebanghelyo sa Europa, dapat tayong bumalik sa orihinal na anyo ng pag-eebanghelyo. . . . Karaka-raka pagkatapos na sila’y mabautismuhan, inaakala ng unang mga Kristiyano na pananagutan nilang ipalaganap ang Ebanghelyo.”
Ebanghelismo—Ang Paraan ng Bibliya
Ang lahat ba ng mga Kristiyano noong unang siglo ay mga ebanghelisador? Oo! Ang aklat na Evangelism in the Early Church, ni Michael Green, ng Oxford, Inglatera, ay nagsasabi: “Isa sa kapansin-pansing katangian ng ebanghelismo noong unang mga panahon ay ang mga taong nagsasagawa nito. . . . Ang ebanghelismo ang karapatan at tungkulin ng bawat miyembro ng Simbahan. . . . Ang Kristiyanismo ay pangunahin nang isang kilusan ng mga karaniwang tao, ikinakalat ng di-pormal na mga misyonero.”
Ang salitang “ebanghelisador” ay nangangahulugang “tagapangaral ng mabuting balita,” at ang sinabi ni Kristo Jesus tungkol sa pag-eebanghelyo ay kumakapit sa lahat niyang mga tagasunod: “Ang mabuting balitang [ebanghel] ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa mga bansa. At kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14, The New Jerusalem Bible) Kaya, ang pinakamalawak na gawaing pag-eebanghelyong kailangang isagawa ay dapat isagawa sa “panahon ng kawakasan.”—Daniel 12:4.
Noong nakaraang taon, ang mga Saksi ni Jehova, na mahigit na apat na milyon, ay gumugol ng halos isang bilyong oras sa gawaing pag-eebanghelyo sa 211 mga lupain, pati na sa Silangang Europa. Anong mabuting balita ang ipinangangaral nila? Ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. (2 Timoteo 1:9, 10) Ang mensaheng ito ay kailangan ng daigdig ngayon—bago dumating ang wakas.—Mateo 24:3, 14.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Si Jesus na Nangangaral sa Dagat ng Galilea, ni Gustave Doré