Masiyahan sa Isang Taco ng Mexico
Masiyahan sa Isang Taco ng Mexico
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Mexico
ANO ba ang isang taco? Sa daigdig na nagsasalita ng Kastila, ito ay maaaring mangahulugan ng maraming bagay. Sa Espanya ito ay maaaring mangahulugan ng isang sumpa! Subalit sa Mexico at sa Hilagang Amerika, ito ay nangangahulugan ng pagkain. Ano ang hitsura nito? Ano ang lasa nito?
Ito ay isang klase ng sandwich na gawa sa maninipis na tortilya, na lapad at mabilog na gawa sa giniling na mais. Ang tortilya ay nilalagyan ng sarisaring palaman at kung minsan ay ipiniprito. May mga tortilya rin na gawa sa arina. Napakahalaga ng mga tortilya sa Mexico anupat ang isang tunay na mexicano ay hindi makakakain nang wala ito.
Kamakailan, ang pahayagan sa Mexico na El Universal ay naglathala ng isang artikulo na may pamagat na “Mga Taco: Isang Luho.” Kabilang sa ibang bagay, sabi
nito: “Dapat nating tawagin ang ating mga sarili na tacomexicanos, yamang, walang alinlangan, ito ang paborito nating pagkain.” Subalit ang ilang taco ay nagiging napakamahal anupat para sa maraming Mexicano ang mga ito ay isang luho. Gayunman ito ang “pang-araw-araw na tinapay” ng mga tagalatag ng ladrilyo, mga manggagawa sa pabrika, mga magsasaka, at mga umaakyat sa bundok, na nag-aakalang hindi sila maaaring mabuhay nang wala nito. Kapansin-pansing masdan ang mga naglalatag ng ladrilyo na kumakain ng kanilang pananghalian. Sila’y nagsisiga ng apoy at iniinit ang mga taco sa isang comal, isang patag na palayok—at anong sarap ng lasa nito!Kung gawa sa bahay, ang mga taco ay hindi napakamahal. Maaari mong palamanan ang isang tortilya ng kahit anumang bagay na makakain: pinirito-muling balatong, keso, karne, patatas, kanin, karne ng baboy, manok, at iba pa. Ang mga ito ay maaaring napakasimple o napakasalimuot, subalit paano mo man iluto ito, ang mga ito ay nakabubusog para sa isang magaang na pagkain.
Ang Pinakapopular na mga Taco
Sa Peninsula ng Yucatán, sila’y naghahanda ng tinatawag na cochinita pibil. Sila’y nagkakatay ng isang maliit na baboy, nililinis ito nang husto, nilalagyan ito ng pampalasa na tinatawag na achiote, at saka ito iba-barbecue. Ang karne ay masarap at malambot na may natatanging lasa. Ang cochinita pibil na mga taco ay kilala sa buong Mexico at mabiling-mabili.
Ang mga taco ay maaaring kanin nang gayon o pinirito. Upang magkaroon ng malutong na taco, gumamit ng mainit na mantika o langis. Ilubog ang mga taco sa mantika hanggang sa ito ay maging kulay kayumanggi, saka hanguin at patuluin. Pagkatapos idagdag ang inyong maanghang na sarsa o sour cream kung gusto mo. Ang sarap nito!
Ang pinakapopular na taco sa Mexico City ay ang mga steak na taco na inihaw sa uling. Kung nais mong gawin ito sa bahay, kumuha ka ng bistik na mga mahigit isang daang gramo, lagyan mo ng katas ng kalamansi at paminta, saka ilagay ito sa isang ihawan. Budburan din ng ginayat na sibuyas na mura ang bistik sa ihawan. Kung may makita kang katas sa ibabaw ng bistik, budburan ito ng asin (asin na lasang sibuyas kung ibig mo) at saka baligtarin ito. Samantala, mag-init ng dalawang tortilya. Kapag luto na ang karne, ilagay ito sa pagitan ng dalawang tortilya, at buhusan ng maraming pula o berdeng maanghang na sarsa pati ng ilang sibuyas na mura. Ngayon ay mayroon ka nang magaang na pagkain na maaaring maging katakam-takam. Gayunding paraan ang maaaring gawin sa fajitas, maninipis na hiwa ng karne.
Ang carnitas na taco ay napakasarap anupat ito’y lubhang inirerekomendang tikman ng isa. Ang karne ng baboy ay hinihiwa nang maliliit at ipiniprito sa sarili nitong taba sa isang malalim na kalderong tanso. Ang asin na tinatawag na sal-tierra ay idinaragdag sa karne upang bigyan ito ng mamula-mulang kulay. Ito kasama ng inihaw na tupa ang pangunahing mga handa sa mga piknik. Bakit? Bueno, sa Mexico City ay may halos 18 milyon katao, at ang lungsod ay napaliligiran ng maliliit na bayan sa mga kabundukan. Kaya sa bawat dulo ng sanlinggo libu-libong pamilya ang nagtutungo sa kabundukan, at sa halip na magdala ng kanilang inihanda sa bahay na pagkain, sila ay bumibili ng karne, maraming tortilya, keso, gulay na gaya ng nopales (malambot na prickly pear na uri ng cactus) at watercress. Ang coriander, at iba pang sangkap ay ginagamit upang gawin ang masarap na maanghang na sarsa. Para sa panghimagas, mayroon silang prutas.
Sa susunod na pagkakataong ikaw ay nagmamadali, tandaan ang mga taco ng Mexico ay maaaring ihanda sa loob ng ilang minuto. Kaya, gusto mo bang subukan ang isang taco ng Mexico? Masisiyahan ka rito!