Mga Babae—Iginagalang ba sa Dako ng Trabaho?
Mga Babae—Iginagalang ba sa Dako ng Trabaho?
“Binata man o may asawa, ipinalalagay ng karamihan ng mga lalaki sa trabaho ang mga babae na parang mga hayop na sasalakayin.”—Jenny, dating sekretarya ng isang abugado.
“Ang seksuwal na panliligalig at pag-abuso sa mga babae sa paligid ng ospital ay kilalang-kilala.”—Sarah, isang rehistradong nars.
“Lagi akong pinasasaringan sa trabaho, alam mo na, imoral na mga mungkahi.”—Jean, isang rehistradong nars.
ANG mga kaso bang ito ay kumakatawan ng hindi pangkaraniwang kalagayan, o ito ba ay palasak? Kinapanayam ng Gumising! ang maraming kababaihang may karanasan sa dako ng trabaho. Sila ba’y iginagalang at marangal na pinakikitunguhan ng mga lalaking katulad nila ang trabaho? Ganito ang ilan sa kanilang mga komento:
Si Sarah, isang nars mula sa New Jersey, E.U.A., na may siyam na taóng karanasan sa militar na mga ospital sa E.U.: “Natatandaan ko nang ako’y nagtatrabaho sa San Antonio, Texas, nagkaroon ng isang bakanteng puwesto sa Kidney Dialysis Department. Tinanong ko ang isang pangkat ng mga doktor kung ano ang gagawin ko upang makuha ko ang trabaho. Isa ang pangising sumagot, ‘Makipagtalik ka sa nangangasiwang doktor.’ Nasabi ko na lamang, ‘Sa mga kondisyong iyan hindi ko na ibig ang trabaho.’ Subalit kadalasang ganiyan nakukuha ang pag-asenso at trabaho. Ang babae ay kailangang sumuko sa dominanteng mahalay na lalaki.
“Noong minsan, ako’y nagtatrabaho sa isang intensive care unit na naglalagay ng suwero sa isang pasyente nang sa-darating ang isang doktor at kurutin ang puwitan ko. Galit na galit akong lumabas ng silid tungo sa isang kalapit na silid. Sinundan niya ako at may sinabi siyang bastos na bagay. Sinuntok ko siya at pinabagsak doon mismo sa basurahan! Agad akong nagbalik sa pasyente ko. Hindi na kailangan pang sabihin kailanma’y hindi na niya ako muling niligalig!”
Si Miriam, isang babaing may asawa mula sa Ehipto na dating nagtatrabaho bilang sekretarya sa Cairo, ay nagpaliwanag kung ano ang kalagayan ng mga babaing nagtatrabaho sa kapaligirang Muslim sa Ehipto. “Ang mga babae ay nagdaramit nang mas mahinhin kaysa Kanluraning lipunan. Wala akong napansing anumang pisikal na seksuwal na panliligalig sa aking dako ng trabaho. Subalit may seksuwal na panliligalig sa paano man sa subway sa Cairo anupat ngayon ang unang kotse ng tren ay nakareserba para sa mga babae.”
Si Jean, isang tahimik subalit determinadong babae na may 20 taóng karanasan bilang isang nars, ay nagsabi: “Sinusunod ko ang isang mahigpit na patakaran ng hindi kailanman pakikipag-date sa kaninuman na kasama ko sa trabaho. Subalit may panliligalig
pa rin ako man ay nakikitungo sa mga doktor o sa mga lalaking atendant sa ospital. Sila’y pawang nag-aakala na sila’y sikolohikal na nakahihigit. Kung kaming mga narses ay hindi ‘makikipagtulungan’ sa kanila sa kanilang seksuwal na mga hangarin, kung gayon ang mga atendant ay hindi tutulong kung kinakailangan namin ang tulong upang buhatin ang pasyente sa kama at katulad na mga bagay.”Si Jenny ay nagtrabaho bilang isang sekretarya ng abugado sa loob ng pitong taon. Ipinaliliwanag niya kung ano ang nakita niya samantalang nagtatrabaho na kasama ng mga abugado. “Binata man o may asawa, ipinalalagay ng karamihan ng mga lalaki sa trabaho ang mga babae na parang mga hayop na sasalakayin. Ang kanilang saloobin ay, ‘Bilang mga abugado karapatan namin ito, at ang mga babae ay isa sa aming mga pribilehiyo.’ ” At waring ipinakikita ng katibayan na ang ibang propesyonal ay may gayunding opinyon. Subalit ano ba ang magagawa ng isang babae upang bawasan ang panliligalig?
Si Darlene, isang Amerikanang itim na nagtatrabaho bilang isang sekretarya at bilang isang tagatanggap at tagapagpaupo ng mga kumakain sa restauran, ay nagsabi: “Maaaring magkaproblema kung hindi ka magtatatag ng mga hangganan ng paggawi. Kung ikaw ay bibiruin ng isang lalaki at ikaw ay makikipagbiruan, kung gayon ang mga bagay ay maaaring madaling mawalan ng kontrol. Kinailangang banggitin ko nang maliwanag ang aking katayuan sa iba’t ibang okasyon. Ginamit ko ang mga pananalitang gaya ng, ‘Pahahalagahan ko kung hindi ka magsasalita sa akin sa ganiyang paraan.’ Noong minsan naman ay sinabi ko: ‘Bilang isang may asawang babae, hindi ko naibigan ang sinabi mo, at natitiyak kong hindi ito maiibigan ng asawa ko.’
“Ang punto ay, kung nais mo ng paggalang, kailangang makamit mo ito. At hindi ko nauunawaan kung paano makakamit ng isang babae ang paggalang kung siya ay nakikisali sa mga lalaki sa tinatawag kong usapang mahalay—berdeng mga biro at seksuwal na mga pasaring. Kung pinalalabo mo ang hangganan sa pagitan ng kaayaaya at di-kaayaayang pananalita at gawi, baka subuking tawirin ito ng ilang lalaki.”
Ang Nananakot na Lalaki
Si Connie, isang nars na may 14 na taóng karanasan, ay nagsasabi tungkol sa isa pang anyo ng panliligalig na maaaring bumangon sa maraming kapaligiran. “Ako’y nagtatrabaho na kasama ng isang doktor sa isang normal na rutina na pagpapalit ng mga benda sa isang sugat. Sinusunod ko ang lahat ng pamantayang pamamaraan na nalalaman ko. Alam ko ang lahat tungkol sa paraan ng pagpapanatiling malinis sa sugat at sa benda, at iba pa. Subalit lahat ng gawin ko ay mali sa doktor na iyon. Sinisigawan at kinagagalitan niya ako at pinipintasan ang bawat kilos ko. Ang bagay na ito, ang pagmamaliit sa mga babae, ay palasak. Ang ilang lalaki ay may problema sa pagkamaka-ako, at wari bang may pangangailangan sila na igiit ang kanilang awtoridad sa mga babaing nagtatrabahong kasama nila.”
Ganito pa ang idinagdag na karanasan ni Sarah, na sinipi kanina, may kaugnayan dito. “Aking inihahanda ang pasyente para sa isang operasyon nang suriin ko ang mahalagang mga palatandaan ng pasyente. Ang kaniyang EKG [electrocardiogram] rekord ay masyadong iregular at nalalaman ko na wala siya sa kalagayang maoperahan. Nagkamali ako sa pamamagitan ng pagbanggit nito sa siruhano. Galit na galit siya, at ang tugon niya ay: ‘Dapat asikasuhin ng mga nars ang mga arinola-tsata, hindi ang mga EKG.’ Kaya ipinagbigay-alam ko na lamang
ito sa nangangasiwang anestesiologo, at ang sabi niya na sa ilalim ng mga kalagayang ito ang kaniyang pangkat ay hindi makikipagtulungan sa siruhano. Pagkatapos ay nakapagtatakang sinabi ng siruhano sa asawa ng lalaki na ako ang dapat sisihin kung bakit hindi pa naoperahan ang kaniyang asawa! Sa gayong kalagayan ang isang babae ay hindi maaaring manalo. Bakit? Sapagkat hindi sinasadyang naisapanganib mo ang pagkamaka-ako ng isang lalaki.”Maliwanag, ang mga babae ay kadalasang dumaranas ng panliligalig at minamaliit sa dako ng trabaho. Subalit ano ang kanilang katayuan sa harap ng batas?
Ang mga Babae at ang Batas
Sa ilang bansa ang mga babae ay nangailangan ng maraming dantaon upang makamit kahit na ang ayon lamang sa teoriya na pagkakapantay-pantay sa ilalim ng batas. At kung saan ipinaliliwanag ng batas ang pagkakapantay-pantay na iyan, isang malaking kalaliman ang naghihiwalay sa teoriya at sa gawain.
Ang babasahin ng UN na The World’s Women—1970-1990 ay nagsasabi: “Karamihan ng agwat na ito [agwat na likha ng patakaran ng gobyerno] ay isinama sa mga batas na nagkakait sa mga babae na maging pantay sa mga lalaki sa kanilang karapatan na magmay-ari ng lupa, manghiram ng pera at pumasok sa mga kontrata.” Gaya ng sabi ng isang babae buhat sa Uganda: “Kami’y patuloy na nagiging segunda-klaseng mamamayan—hindi, pangatlong-klase, yamang ang aming mga anak na lalaki ay nauuna sa amin. Kahit na ang mga buriko at mga traktora kung minsan ay tumatanggap ng mas mabuting trato.”
Ang babasahin ng Time-Life na Men and Women ay nagsasabi: “Noong 1920, iginarantiya ng ika-19 na Susog sa Konstitusyon ng Estados Unidos sa mga babae ang karapatang bumoto—pagkaraan ng mahabang panahon na naipanalo nila ang karapatang iyan sa maraming bansa sa Europa. Ngunit ang karapatan o pribilehiyo ayon sa batas na bumoto ay hindi ipinagkaloob sa Britaniya kundi noong 1928 (at hindi hanggang pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II sa Hapón).” Bilang protesta sa pulitikal na kawalan ng katarungan sa mga babae, isang Britanong tagapagtaguyod ng karapatang bumoto ng mga babae, si Emily Wilding Davison, ay nagpasagasa sa kabayo ng Hari sa Derby ng 1913 at namatay. Siya’y naging martir sa kapakanan ng pantay na karapatan para sa mga babae.
Ang mismong bagay na nito lamang 1990, isinaalang-alang ng Senado ng E.U. ang “Violence Against Women Act” (Batas na Nagbabawal sa Karahasan Laban sa mga Babae) ay nagpapakita na ang batasan na dominado-ng-lalaki ay naging mabagal sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga babae.
Ang maikling paglalarawang ito ng pagtrato sa mga babae sa buong daigdig ay umaakay sa atin sa tanong na, Magbabago pa kaya ang mga bagay-bagay? Ano ang kailangan upang mabago ang kalagayan? Tatalakayin ng susunod na dalawang artikulo ang mga tanong na iyan.
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Sino ang Mas Kawawa?
“Ginagawa ng mga babae ang dalawang-katlo ng mga gawain sa daigdig. Ginagawa nila ang 60 hanggang 80 porsiyento ng pagkain sa Aprika at Asia, 40 porsiyento sa Latin Amerika. Gayunman isang ikasampu lamang ng kita ng daigdig ang kinikita nila at wala pang isang porsiyento ng pag-aari sa daigdig ang pag-aari nila. Sila ay kabilang sa pinakadukha sa mga dukha ng daigdig.”—May You Be the Mother of a Hundred Sons, ni Elisabeth Bumiller.
“Ang totoo ay na ang mumunting batang babae ay hindi nakapag-aaral [sa ilang bahagi ng daigdig] ay sapagkat walang malinis na tubig na maiinom. . . . Nakita ko ang tin-edyer na mga babae na nag-iigib ng tubig na dalawampu at kung minsan ay tatlumpung kilometro [10 hanggang 20 milya] ang layo, na kumukuha ng maghapon. Pagsapit nila sa gulang na katorse o kinse, ang mga babaing ito . . . ay hindi kailanman nakapag-aral, walang anumang natutuhan.”—Jacques-Yves Cousteau, The Unesco Courier, Nobyembre 1991.
[Larawan sa pahina 10]
Ang seksuwal na panliligalig ay hindi dapat pahintulutan