Mga Babae—Sila ba’y Iginagalang Ngayon?
Mga Babae—Sila ba’y Iginagalang Ngayon?
BAKIT kailangan pang bumangon ang tanong na ito? maaaring itanong ng ilang nagtatakang lalaki. Ngunit kung susuriin natin ang pagtrato sa mga babae sa buong kasaysayan, at sa ngayon sa buong daigdig, ang ilang payak na katanungan ay nagbibigay sa atin ng isang himaton sa kasagutan.
Sa mga ugnayang pantao, sino ang pangunahin nang naging mga biktima at sino ang mga mang-aapi? Sino ang pangunahing nabubugbog sa pag-aasawa? Ang mga lalaki o ang mga babae? Sino ang nahahalay sa mga panahon ng kapayapaan at ng digmaan? Sino ang naging pangunahing mga biktima ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata? Ang mga lalaki o ang mga babae? Sino ang madalas ituring ng gawang-taong mga batas bilang segunda-klaseng mamamayan? Sino ang pinagkaitan ng karapatang bumoto? Sino ang may limitadong pagkakataon sa edukasyon? Ang mga lalaki o ang mga babae?
Ang mga tanong ay maaari pang magpatuloy, subalit ipinakikita ng mga katotohanan ang tunay na kalagayan. Sa kaniyang aklat na May You Be the Mother of a Hundred Sons, ganito ang sulat ni Elisabeth Bumiller, batay sa kaniyang mga karanasan sa India: “Ang ‘karaniwang’ babaing Indian, kumakatawan ng halos 75 porsiyento ng apat na raang milyong mga babae at mga batang babae sa India, ay nakatira sa isang nayon. . . . Hindi siya makabasa o makasulat, bagaman gusto niya, at bihira siyang makalakbay ng mahigit na tatlumpung kilometro mula sa lugar na kaniyang sinilangan.” Ang di-pagkakaparehong ito sa edukasyon ay isang problema hindi lamang sa India kundi sa buong daigdig.
Sa Hapón, gaya sa maraming ibang bansa, umiiral pa rin ang hindi pagkakapantay. Sang-ayon sa The Asahi Yearbook para sa 1991, ang bilang ng mga estudyanteng lalaki sa apat-na-taóng mga kurso sa pamantasan ay 1,460,000, samantalang ang bilang ng mga babae ay 600,000. Walang alinlangan, ang mga babae sa buong daigdig ay makapagpapatunay sa kanilang mas mababang mga pagkakataon sa larangan ng edukasyon. ‘Ang edukasyon ay para sa mga lalaki’ ang saloobin na kailangang harapin nila.
Sa kaniyang aklat kamakailan na Backlash—The Undeclared War Against American Women, si Susan Faludi ay nagtanong ng ilang nauukol na mga tanong tungkol sa mga katayuan ng mga babae sa Estados Unidos. “Kung ang mga babaing Amerikano ay kapantay ng mga lalaki, bakit kinakatawan nila ang dalawang-katlo ng lahat ng mahihirap na adulto? . . . At bakit mas malamang na sila ay tumira sa pangit na mga pabahay kaysa mga lalaki at hindi tumatanggap ng seguro sa kalusugan, at dalawang beses na malamang na walang makuhang pensiyon?”
Ang mga babae ang siyang nahirapan nang husto. Sila ang naging pangunahing tudlaan ng paghamak, insulto, seksuwal na panliligalig, at kawalan ng paggalang sa kamay ng mga lalaki. Ang pagmaltratong ito ay hindi natatakdaan sa tinatawag na umuunlad na mga bansa. Ang U.S. Senate Judiciary Committee ay nagtipon kamakailan ng isang report tungkol sa karahasan laban sa mga babae. Isiniwalat nito ang ilang nakasisindak na bagay. “Sa bawat 6 na minuto, isang babae ang nahahalay; sa bawat 15 segundo, isang babae ang binubugbog. . . . Walang babae ang hindi naaapektuhan ng marahas na krimen sa bansang ito. Sa mga babaing Amerikano na nabubuhay ngayon, tatlo sa apat ang magiging biktima ng hindi kukulanging isang marahas na krimen.” Sa loob ng isang taon, mula tatlo hanggang apat na milyong babae ang inabuso ng kanilang mga asawa. Ang nakalulungkot na kalagayang ito ang umakay sa pagpapakilala sa Batas Laban sa Karahasan sa mga Babae ng 1990.—Report ng Senado, The Violence Against Women Act of 1990.
Atin ngayong suriin ang ilang kalagayan kung
saan tinitiis ng mga babae ang kawalan ng paggalang mula sa mga lalaki sa buong daigdig. Pagkatapos, sa huling dalawang artikulo sa seryeng ito, tatalakayin namin kung paano maipakikita ng mga lalaki at ng mga babae mula sa lahat ng kalagayan sa buhay ang paggalang sa isa’t isa.