Paggalang sa mga Babae sa Araw-Araw na Buhay
Paggalang sa mga Babae sa Araw-Araw na Buhay
KUNG ang mga babae ay dapat na igalang nang higit sa ngayon, kailan at saan dapat magsimula ang pagbabago? Bueno, kailan at saan ba karaniwan nang nagsisimula ang mga maling opinyon? Sa tahanan at sa paaralan, sa maaga at madaling mahubog na mga taon. Sa kalakhang bahagi ay nalilinang natin ang ating mga saloobin sa ilalim ng impluwensiya ng mga magulang. Makatuwiran nga, sino ang may malakas na epekto sa hinaharap na mga saloobin ng mga binata sa mga kababaihan? Maliwanag, ang ama at ang ina. Sa gayon ang isa sa mga susi sa problema ay ang wastong edukasyon na maaaring pumasok sa mga sambahayan at impluwensiyahan ang mga magulang.
Kung Paano Minamalas ang mga Babae
Na ang maling opinyon ay naikikintal sa sambahayan ay inilalarawan ni Jenny, isang may asawang sekretarya, ang pinakamatanda sa apat na anak na babae, na nagsabi: “Bilang mga babae, lagi kaming palaisip sa bagay na sa Estados Unidos, mas maraming babae kaysa lalaki. Kaya kung gusto mong mag-asawa, dapat kang kumilos sa paraan na nanaisin kang mapangasawa ng mga lalaki.
“Isa pa, ang mga babae ay nakondisyong mag-isip na sila ay mas nakabababang nilalang. Kung minsan kahit na ang iyong mga magulang ay pinag-iisip ka na ikaw ay hindi gaanong mahalaga kaysa mga lalaki. Kapag dumating sa buhay mo ang isang lalaki, gayunding mensahe ang ipinahahatid niya, na ikaw ay mas nakabababa sa mga lalaki.
“At bakit nga ibabatay ang ating pagpapahalaga-sa-sarili tangi lamang sa mga bahagi o aspekto ng katawan o sa kakulangan nito? Gayon ba hinahatulan ang mga lalaki?”
Ganito pa ang sabi ni Betty, 32 taon nang kasal, dating manedyer ng isang tindahan: “Bakit ba hinahatulan ang mga babae ayon sa kanilang kasarian sa halip na sa kanilang karanasan, kakayahan, at talino? Ang hinihingi ko lamang ay na pakinggan ng mga lalaki ang aking isipan. Huwag ninyo akong maliitin dahil lamang sa aking sekso!
“Kadalasang minamalas ng mga lalaki ang mga babae na para bang kaming lahat ay bobo o tangá—napakatangá upang gumawa ng tamang pasiya. Alam mo ba kung ano ang sabi ko? Tratuhin nila kami kung paanong gusto nilang sila’y tratuhin. Agad na babaguhin niyan ang kanilang palagay!” Ang hinihiling niya lamang ay ikapit ng mga lalaki ang Ginintuang Tuntunin, ‘Gawin mo sa iba ang gusto mong gawin nila sa iyo.’—Mateo 7:12.
Ang mga babaing ito ay nagbangon ng ilang mahalagang punto. Ang tunay na halaga ng isang babae ay hindi dapat ibatay sa panlabas na hitsura at halina o sa kultural na mga maling opinyon. Ganito ang sabi ng isang kawikaang Kastila: “Ang magandang babae ay nakalulugod sa mata; ang mabait na babae ay nakalulugod sa puso. Kung ang nauna ay isang hiyas, ang huling banggit ay isang kayamanan.”
Ang Bibliya ay bumabanggit ng nahahawig na punto sa kakaibang paraan: “Ang iyong kagandahan ay hindi dapat nakasalig sa masalimuot na pag-aayos ng buhok, o sa pagsusuot ng mga alahas o magagarang damit, kundi sa panloob na pagkatao—ang hindi kumukupas na kagandahan ng isang mahinahon at magiliw na espiritu, isang bagay na mahalaga sa paningin ng Diyos.” At kung paanong hindi natin dapat hatulan ang aklat sa pamamagitan ng takip nito, hindi rin natin dapat hatulan ang mga tao sa kanilang kasarian.—1 Pedro 3:3, 4, Phillips.
Paggalang sa Tahanan
Isang lehitimong reklamo ng maraming kababaihan, lalo na ang mga nagtatrabahong mga asawang babae at ina, ay na hindi kinikilala ng kanilang mga asawa ang mga gawain sa bahay bilang karagdagang gawain, at na karaniwang hindi nila ginagawa ang kanilang bahagi. Si Susan Faludi, nabanggit kanina, ay nagsasabi: “Ni nagtatamasa man ng pagkakapantay-pantay ang mga babae sa kani-kanilang tahanan, kung saan binabalikat pa rin nila ang 70 porsiyento ng mga gawain sa bahay.” Ano ang lunas sa kawalan ng katarungang ito?
Bagaman marahil hindi kaayaaya sa maraming asawang lalaki sa ilang kultura, dapat gawin ang isang patas na kaayusan sa pamilya, lalo na kung ang asawang babae ay nagtatrabaho rin. Mangyari
pa, dapat ding isaalang-alang ng anumang pagtutulungan sa mga tungkulin ang mga larangan ng gawain na karaniwang pananagutan ng lalaki—pag-aasikaso sa kotse, pangangalaga sa bakuran at sa hardin, pagtutubero, gawaing elektrikal, at iba pa—na, gayunman, ay bihirang makatulad ng panahon na ginugugol ng babae sa gawain sa bahay. Sa ilang bansa inaasahan pa nga ng mga lalaki ang mga babae na maglinis ng kotse, na para bang ito ay karugtong pa ng tahanan!Sa isang paraan, ang mungkahing ito na magtulungan sa mga gawain sa bahay ay kasuwato ng payo ni apostol Pablo sa mga asawang lalaki na makipamahay na kasama ng kanilang mga asawa “ayon sa pagkakilala.” (1 Pedro 3:7) Kabilang sa iba pang mga bagay, ito’y nangangahulugan na ang asawang lalaki ay hindi dapat maging isang walang-interes, walang-pakiramdam na kakuwarto o kasama sa bahay. Dapat niyang igalang ang talino at karanasan ng kaniyang asawang babae. Dapat din niyang unawain ang kaniyang mga pangangailangan bilang isang babae, asawa, at ina. Ito’y nagsasangkot ng higit pa kaysa pag-uuwi lamang ng suweldo; ginagawa rin iyan ng maraming nagtatrabahong asawang babae. Kailangan niyang unawain ang kaniyang pisikal, emosyonal, sikolohikal, seksuwal, at higit sa lahat, espirituwal na pangangailangan.
Para sa asawang lalaki na nag-aangking sumusunod sa mga simulaing Kristiyano, higit pang pananagutan ang nasasangkot—yaong pagtulad sa halimbawa ni Kristo. Siya ay may magandang paanyaya sa lahat ng “nagpapagal at nabibigatang lubha,” na ang sabi: “Kayo’y pagiginhawahin ko. . . . Ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:28, 29) Anong laking hamon para sa Kristiyanong mga asawang lalaki at mga ama! Dapat tanungin ng bawat isa ang kaniyang sarili: ‘Pinagiginhawa ko ba ang aking asawa o nilulupig siya? Ako ba’y mabait at madaling lapitan, o ako ba’y parang pinunong malupit, hari-harian, o isang diktador? Ako ba’y nagpapakita ng “pag-ibig kapatid” sa mga pulong Kristiyano at pagkatapos ay nagiging malupit sa tahanan?’ Hindi dapat magkaroon ng dalawang-personalidad na mga asawang lalaki sa loob ng kongregasyong Kristiyano.—1 Pedro 3:8, 9.
Samakatuwid, hindi maaaring ipagmatuwid ang paglalarawan sa isang asawang lalaki na ibinigay ng isang inabusong babaing Kristiyano: “Ang macho na ulong Kristiyano ay napakabait sa Kingdom Hall at bumibili ng mga regalo para sa iba subalit tinatrato ang kaniyang asawa na hamak.” Ang tamang paggalang sa asawang babae ay hindi nangangahulugan ng paglupig at paghamak. Mangyari pa, may dalawang aspekto sa bagay na ito; ang asawang babae ay dapat ding magpakita ng tamang paggalang sa kaniyang asawa.—Efeso 5:33; 1 Pedro 3:1, 2.
Sa pagpapatunay sa nabanggit, si Dr. Susan Forward ay sumulat: “Ang mabuting kaugnayan ay batay sa paggalang sa isa’t isa.” Iyan ay gumagawa sa mag-asawa na may pananagutan sa tagumpay. Siya’y nagpapatuloy: “Kasangkot dito ang pagkabahala at kabatiran sa nadarama at pangangailangan ng isa’t isa, gayundin ang pagpapahalaga sa mga bagay na gumagawa sa bawat isa na totoong natatangi. . . . Ang maibiging mag-asawa ay hinahanap ang mabisang mga paraan upang lutasin ang kanilang mga di-pagkakaunawaan; hindi nila minamalas ang bawat engkuwentro na parang isang digmaan na dapat mapanalunan o matalo.”—Men Who Hate Women & the Women Who Love Them.
Ang Bibliya ay nagbibigay rin ng mainam na payo sa mga asawang lalaki sa Efeso 5:28: “Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang umiibig sa asawa niya ay umiibig sa sarili niya.” Bakit totoo ang pangungusap na iyan? Sapagkat ang pag-aasawa ay gaya ng isang magkasamang kuwenta sa bangko ng dalawang tao kung saan sila kapuwa ay nagdeposito ng 50 porsiyento bawat isa. Kung gagamitin sa maling paraan ng asawang lalaki ang alinman sa perang iyon, pinipinsala niya ang pinansiyal na katayuan nilang dalawa. Sa gayunding paraan, kung sasaktan ng lalaki ang kaniyang asawa sa anumang paraan, kung gayon sa malao’t madali, sinasaktan din niya ang kaniyang sarili. Bakit? Sapagkat ang kaniyang pag-aasawa ay isang pamumuhunan nilang dalawa. Kung pipinsalain mo ang puhunang iyon, pinipinsala mo ang kapuwa partidong kasangkot dito.
May isang mahalagang puntong dapat tandaan tungkol sa paggalang—ito’y hindi dapat hinging sapilitan. Bagaman ang bawat isa ay nararapat magpakita ng paggalang sa isa’t isa, ang isa ay dapat na maging karapat-dapat sa paggalang. Hindi kailanman natamo ni Kristo ang paggalang sa pamamagitan ng paggiit ng kaniyang nakahihigit na kapangyarihan o katayuan. a Gayundin naman, sa isang pag-aasawa ang lalaki’t babae ay nagtatamo ng paggalang sa pamamagitan ng kanilang makonsiderasyong pagkilos sa isa’t isa, hindi ginagamit ang mga teksto sa Bibliya upang sapilitang hingin ito.
Paggalang sa Trabaho
Kailangan bang malasin ng mga lalaki ang mga babae na isang banta sa kanilang pagkamaka-ako? Sa kaniyang aklat na Feminism Without Illusions, si Elizabeth Fox-Genovese ay sumulat: “Sa katotohanan, naiibigan ng maraming babae ngayon kung ano ang naiibigan ng maraming lalaki: magkaroon ng sapat na kabuhayan, magkaroon ng kasiya-siyang personal na buhay, at mabuhay sa mundo nang hindi lumilikha ng napakaraming problema.” Ang pagnanais o ambisyon bang iyan ay dapat ipakahulugan bilang isang banta sa kalalakihan? Binanggit din niya: “Bakit hindi natin kilalanin na, sa kabila ng lahat ng mga pagbabago na naranasan o maaaring maranasan ng ating daigdig, ang mga di-pagkakaunawaan ay nananatili at maaaring tamasahin?”
Ang mga lalaking Kristiyano na naglilingkod bilang mga kapatas o tagapangasiwa ay lalo nang nangangailangang igalang ang dangal ng kanilang kapuwa mga manggagawang babae at tandaan na ang isang babaing may asawa ay may isa lamang lalaki bilang “ulo” niya sa diwa ng Bibliya, ang kaniyang asawa. Ang iba ay maaaring nasa puwesto ng pangangasiwa at iginagalang dahil doon; subalit minsan pa sa mahigpit na diwa ng Bibliya, walang lalaki maliban sa asawa niya ang “ulo” ng babaing iyon.—Efeso 5:22-24.
Ang mga usap-usapan sa dako ng trabaho ay dapat na laging nakapagpapatibay. Kapag ang mga lalaki ay bumaling sa mga usapan na may dalawang kahulugan o seksuwal na mga pasaring, sila’y hindi nagpapakita ng galang sa mga babae, ni pinagaganda man kaya nila ang kanilang sariling mga reputasyon. Si Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano: “Ngunit ang pakikiapid at ang ano mang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat, kundi bagkus kayo’y magpasalamat.”—Efeso 5:3, 4.
Ang pagpapalit ng atas na trabaho nang hindi isinasaalang-alang ang mga damdamin ng isang babae ay isa pang paraan ng hindi paggalang. Si Jean, isang nars, ay nagsabi: “Maganda sana kung ikaw
ay sangguniin muna bago gawin ang mga pagbabago sa aming mga atas na trabaho. Tiyak na ang landasing ito ng pagkilos ay magdadala ng positibong mga resulta. Ang mga babae ay nangangailangan ng pakikiramay at kailangang madama nila na sila ay mahalaga at pinahahalagahan.”Ang isa pang aspekto ng paggalang sa dako ng trabaho ay ang hadlang na tinatawag ng ilang babae na “kisameng kristal.” Ito’y nangangahulugan ng “institusyunal na mga maling opinyon na humahadlang sa mga babae na makuha ang mataas na puwesto bilang manedyer sa pribadong industriya.” (The New York Times, Enero 3, 1992) Bunga nito, ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan sa Estados Unidos na isang mababang persentahe ng mas matataas-antas na trabaho ang okupado ng mga babae, mula 14 porsiyento sa Hawaii at 18 porsiyento sa Utah hanggang 39 na porsiyento sa Louisiana. Kung ipinakikita ang paggalang, ang pag-asenso sa sekular na dako ng trabaho ay hindi ibabatay sa kasarian kundi sa kakayahan at karanasan. Ang direktor para sa pananaliksik na si Sharon Harlan ay nagsabi: “Ito’y bumubuti, ngunit . . . marami pa ring hadlang na umiiral para sa mga babae.”
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan ng Mayo 15, 1989, pahina 10-20, “Pagpapakita ng Pag-ibig at Paggalang Bilang Isang Asawang Lalaki” at “. . . Bilang Isang Asawang Babae.”
[Kahon sa pahina 14]
PAGGALANG Ano ang Magagawa ng mga Babae?
● Magkaroon at panatilihin ang PAGGALANG-SA-SARILI
● Liwanagin kung ano ang pinapayagan mong sabihin at gawin sa harap mo
● Magtakda ng wastong mga hangganan ng kaayaayang paggawi at pananalita
● Huwag sikaping makipagkompitensiya sa mga lalaki sa larangan ng kalaswaan at masasamang biro; binabawasan nito ang iyong pagiging mahinhing babae at hindi nito ginagawa silang mga maginoo
● Huwag magdamit nang nakapupukaw-damdamin, anuman ang kasalukuyang uso; ang paraan ng iyong pananamit ay nagpapakita sa antas ng iyong pagpapahalaga-sa-sarili
● Kamtin ang paggalang sa pamamagitan ng iyong kilos; pakitunguhan ang mga lalaki nang may paggalang na inaasahan mo mula sa kanila
● Huwag maging alembong
PAGGALANG Ano ang Magagawa ng mga Lalaki?
● Pakitunguhan ang lahat ng mga babae nang may paggalang at dangal; huwag mong akalain na ikaw ay isinasapanganib ng isang mapilit na babae
● Huwag maging masyadong pamilyar sa isa na hindi mo asawa, na ginagamit ang di naman kinakailangang mga katawagan ng pagmamahal
● Iwasan ang berdeng mga biro at may kahulugang mga titig
● Huwag maging labis sa pagpuri, at iwasan ang di-angkop na paghipo
● Huwag hamakin o maliitin ang kaniyang gawa o ang kaniyang pagkatao
● Makisangguni, makinig, at makipagtalastasan sa makatuwirang paraan
● Pahalagahan ang gawain ng babae
● Tumulong sa mga gawain sa bahay. Kung inaakala mo na ito’y humahamak sa iyong dangal, kumusta naman sa kaniya?
● Kung kayo ay kapisan ng inyong mga magulang, maging madaling humalata sa mga panggigipit na binabata ng iyong asawa. Siya ngayon ang una mong pananagutan at nangangailangan ng iyong suporta (Mateo 19:5)