Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahanga-hangang mga Marsupial na Iyon Buhat sa Bansa sa Ilalim

Ang Kahanga-hangang mga Marsupial na Iyon Buhat sa Bansa sa Ilalim

Ang Kahanga-hangang mga Marsupial na Iyon Buhat sa Bansa sa Ilalim

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia

ANO bang talaga ang isang marsupial, at ano ang gumagawa sa mga marsupial kahanga-hanga?

Sa madaling sabi, ang isang marsupial ay isang uri ng mamal, yaon ay, isang mainit-dugong hayop na nagpapasuso sa anak nito. Gayunman, di-gaya ng karamihang mamal, ang babaing mga marsupial ay walang inunan sa kanilang bahay-bata sa panahon na sila’y magbuntis. Sa halip, sila’y nagsisilang ng isang anak na pagkaliit-liit, at hindi nakakikita, saka pinasususo at inaalagaan ang mga ito sa loob ng panlabas na mga lukbutan. Kaya, pangunahin na, ang isang marsupial ay isang mamal na may lukbutan, sapagkat ang salitang Latin na marsupium ay nangangahulugang “lukbutan” o “bulsa.”

Sa katunayan, ang kangaroo ay isa lamang sa halos 250 uri ng marsupial. May mga marsupial sa mga bansa maliban sa Australia​—subalit hindi marami. Halimbawa, ang opossum ng Hilagang Amerika ay isang marsupial, at ang iba pa ay masusumpungan sa Timog Amerika. Ngunit ang karamihan ng marsupial sa daigdig ay masusumpungan lamang sa rehiyon ng Australiasian, mga 175 iba’t ibang uri ang nakilala roon. Lahat-lahat, may 45 uri ng kangaroo sa Australia, subalit ang dambuhalang pulang kangaroo ang kilang-kilala. Siya ang pinakamalaki sa lahat ng marsupial, tumitimbang ng hanggang 90 kilo, at tumatayo na mas mataas kaysa karamihan ng mga tao. Gayunman, ang kaniyang kaparehang babae ay kapuna-punang mas maliit at abuhing-asul ang kulay.

Ang mga kangaroo ay makatatalon ng hanggang 11 metro sa isang lukso. Ang iba ay naorasan sa bilis na hanggang 64 na kilometro sa isang oras at lumukso sa mga bakod na mahigit na tatlong metro ang taas. Ang dambuhalang pula at maliit nang kaunting abuhing kangaroo ay masusumpungan sa karamihang bahagi ng kontinente ng Australia. Ang mga ito ay isang karaniwan at nakatutuwang tanawin para sa mga turista na naglalakbay sa ibayo ng makahoy na mga dako at maging sa tigang na mga rehiyon ng disyerto ng gitnang Australia. Ang mga kangaroo ay palakaibigang mga hayop at karaniwang nagsasama-sama sa mga grupo na tinatawag na mobs.

Isang Kagila-gilalas na Pagsilang

Marahil ang pinakakamangha-manghang aspekto ng buhay ng marsupial ay ang pagsilang at pangangalaga sa anak. Ang mga kangaroo ay karaniwan sa mga marsupial. Mga 33 hanggang 38 araw lamang pagkatapos makipagtalik, ang batang kangaroo ay isinisilang. Subalit ang bagong silang ay sa katunayan malaki lamang ng kaunti sa isang bilig​—isang munti, hugis-balatong na kinapal, tumitimbang ng halos wala pang isang gramo (0.75 gramo), mas maliit kaysa dulo ng iyong kalingkingan, at halos naaaninag.

Karaka-raka pagkasilang niya, siya ay “umaakyat” mula sa matris ng kaniyang ina tungo sa kaniyang balahibo. Pagkatapos, ginagamit ang mumunting bisig na nasasangkapan ng mga kuko, siya ay nagpupunyagi ng mga 15 centimetro tungo sa lukbutan ng ina. Doon siya ay kumakabit sa isa sa apat na utong, na lumalaki naman sa loob ng kaniyang bibig. Sa buong panahong ito, siya ay tumatanggap ng lahat ng pagkaing kailangan niya, at sa susunod na limang buwan, siya ay nananatili sa loob ng komportableng lugar na ito bago ilabas ang kaniyang ulo sa lukbutan sa kauna-unahang pagkakataon.

Pagdating ng mga anim na buwan, ang batang joey (gaya ng tawag sa mga batang kangaroo) ay pansamantalang hahakbang sa labas ng lukbutan sa unang pagkakataon, subalit siya ay kadalasang bumabalik sa lukbutan para sa pagkain at katiwasayan. Gayunman, sa wakas ang ina ay nagpapasiya na si joey ay masyado nang malaki para sa lukbutan kaya hinahadlangan siya na lumukso pabalik dito. Pagsapit niya ng 18 buwang gulang, siya ay ganap na nagsasarili na.

Isa pang kagila-gilalas na bagay ay na ang inang kangaroo ay maaaring sabay na gumawa ng dalawang magkaibang uri ng gatas. Pagkapanganak kay joey numero uno, siya ay muling makikipagtalik. Ang bagong ipinaglilihing bilig ay nananatiling hindi lumalaki hanggang sa ang unang joey ay magsimulang umalis sa lukbutan. Saka ang joey numero dos ay isinisilang sa kaniyang munting anyo at kumakapit sa isa pang utong sa loob ng lukbutan.

Subalit ang malaking joey ay kumukuha pa rin ng gatas sa kaniyang dating utong. Pinasasalimuot pa ang mga bagay, ang bagong tulad-bilig na joey ay nangangailangan ng ibang timpla ng gatas. Gayunman, ito ay hindi problema yamang sa utong ng nanay na kinakabitan niya, ang ina ay makapaglalaan ngayon ng gatas na mayaman-sa-asukal, samantalang sa dating utong ng nakatatandang kapatid ang ina ay patuloy na naglalaan ng gatas na mayaman-sa-protina at mayaman-sa-taba para sa kaniya.

Bagaman hindi likas na agresibong mga hayop, ang mga lalaki kung minsan ay parang nagboboksing. Kadalasan nang ito ay dalawang nakababatang mga lalaki na sinusubok lamang ang kanilang lakas. Kung minsan ang dalawang adultong lalaki ay nagsusuntukan​—aktuwal na nagboboksing dahil sa isang napiling babae! Ang mga away na ito ay maaaring maging lubhang seryoso, habang kinakalmot ng magkaribal ang isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga bisig at marahas na naninipa sa pamamagitan ng kanilang mga paa sa hulihan.

Ang Nakatutuwang Koala​—Isa Pang Kahanga-hangang Marsupial

Kilalang-kilala rin na gaya ng kangaroo, at madalas ding itampok sa mga brosyur para sa mga turista sa Australia, ang pinakamaganda sa lahat ng marsupial​—ang koala. Ang munting kinapal na ito ay ganap na naninirahan-sa-punungkahoy at kumikilos sa gabi. Siya ay kadalasang napagkakamalang isang oso dahil sa kaniyang hitsura, kaya siya kung minsan ay may kamaliang tinatawag na isang koala bear. Ngunit wala siyang anumang kaugnayan sa pamilya ng mga oso, ni siya man ay isang uri ng opossum o unggoy. Siya ay natatangi. Oo, may isa lamang uri ng koala, at ito ay makikita lamang sa silangang mga estado ng Australia.

Ang koala ay may walang katapusang kakayahang bumighani, na may malambot, masarap yapusing hitsura, maningning at bilog na mga mata, malambot na parang goma na ilong, at ang kaniyang hitsura na para bang laging nalilito. Hindi malalaking hayop, sila ay tumataas ng halos animnapung centimetro at tumitimbang ng mula 8 hanggang 14 na kilo.

Ang batang koala ay isinisilang na gaya ng iba pang marsupial maliban lamang sa bagay na ang lukbutan ng inang koala ay nasa likod. Ang bagong silang ay nananatili sa lukbutan sa loob ng anim na buwan, at kapag sa wakas siya ay nangangahas na lumabas, siya ay nangungunyapit sa likod ng kaniyang ina habang ito ay abalang naghahanap ng mga punungkahoy para sa masarap na mga dahon.

Isang Pambihirang Sistema ng Panunaw

Ang mga koala ay mga pihikan sa pagkain. Ang kinakain lamang nila ay mga dahon ng punong eukalipto. At hindi uubra ang kahit na anong dahon. Sa 600 iba’t ibang uri ng eukalipto, mga 50 o 60 lamang ang kinakain ng mga koala. Kung kakanin ng ibang hayop ang mga dahong ito, malamang na sila ay mamatay dahil sa langis at mga kemikal sa dahon na nakalalason. Isang masalimuot na sistema ng panunaw ang tumutulong sa mga koala na tunawin ang kanilang pantanging pagkain, subalit ang gayong pambihirang pagkain ay nagbibigay sa kanila ng pagkakakilanlang amoy ng katawan!

Sinasabi ng ilang awtoridad na ang mga koala ay hindi umiinom ng tubig, at ang salitang “koala” ay galing sa salitang Katutubo na ang ibig sabihin ay “Hindi ako umiinom ng tubig.” Subalit ang maingat na pagmamasid ay nagpapakita na ang mga koala ay bumababa sa kanilang mga punungkahoy upang uminom ng tubig, at kung minsan sila ay kumakain pa nga ng kaunting lupa upang punán ang kanilang pagkain na kulang-sa-mineral.

Bagaman ang mga kangaroo ay maaaring makita sa maraming zoo sa palibot ng daigdig, ang mga koala ay bihirang masumpungan sa mga zoo sa labas ng Australia. Ngunit kung ikaw man ay may pagkakataon na makita ang mga ito o wala, natitiyak namin na sasang-ayon ka na sila nga ay kahanga-hangang mga hayop​—ang mga mamal na ito na may mga lukbutan at walang mga inunan.

[Larawan sa pahina 16]

Ang nanay na kangaroo kasama si joey sa loob ng lukbutan

[Larawan sa pahina 17]

Ang koala na kumakain ng mga dahon ng eukalipto

[Credit Line]

Melbourne Zoo Education Service, Victoria, Australia