Kung Paano Pasusulungin ang Iyong Memorya
Kung Paano Pasusulungin ang Iyong Memorya
IKAW ay may ekselenteng memorya! Mahirap bang paniwalaan iyan? Bueno, isaalang-alang sandali ang maraming bagay na agad mong natatandaan: mga tagpo noong kabataan, ang pangalan ng mga kaibigan at mga kamag-anak—kahit na ang hindi totoong mga tauhan sa mga aklat at telebisyon, ang mga himig at liriko ng iyong paboritong mga awitin, ang abakada, kung paano bibilang, libu-libong salita. Oo, naipakita mo na ang kakayahang tandaan ang milyun-milyong mga bagay!
‘Ngunit kung gayon nga kahanga-hanga ang aking memorya,’ maitatanong mo, ‘bakit nakakalimutan ko ang mga bagay-bagay? Bakit madalas kong ilagay sa maling lugar ang mga bagay? Bakit ako nagtutungo sa isang tindahan at saka makakalimutan kung ano ang bibilhin ko? Masahol pa, bakit nahihirapan akong tandaan ang mga pangalan—huwag nang banggitin ang mga numero ng telepono at mga tipanan?’ Ito ay karaniwang mga pagkabahala. Gayumpaman, ang iyong memorya ay mas mahusay kaysa nalalaman mo—at ito ay maaaring pasulungin.
Kung Bakit Tayo Nakakalimot
Tayo ay nilikha ng Diyos na may kahanga-hangang kakayahang magtanda. Angkop nga, ang utak ay naroroon sa kung ano ang matulaing binabanggit sa Bibliya bilang ang “ginintuang mangkok”—isang mahalagang sisidlan ng mga alaala. (Eclesiastes 12:6) Kung gayon, bakit kung minsan ay tila binibigo tayo ng ating memorya? Kadalasan nang ito’y dahil sa kakulangan ng interes. Pinangasiwaan ng kilalang konduktor na si Arturo Toscanini ang buong mga simponiya mula sa memorya. Natatandaan ng negosyanteng si Charles Schwab ang mga pangalan ng 8,000 empleado. Subalit ang kanila bang mga memorya ay gayundin kalawak sa mga paksang hindi sakop ng kanilang personal na interes? Malamang na hindi. Kung gayon, gaano man kahusay ang iyong memorya, magiging napakahirap para sa iyo na matutuhan at tandaan ang mga bagay na hindi nakaiinteres sa iyo.
Ang isa pang salik na maaaring magpangyari sa atin na makakalimot ay ang pagbabago ng situwasyon o kinaroroonan. Ang mga bagay ay pinakamabuting natatandaan sa konteksto na ang mga ito’y natutuhan. Isang lalaki na dumadalaw sa lugar na kinalakhan niya ay binati ng isang di-kilalang babae. Natural, ipinalagay niya na malamang na ito ay isa na kababata niya sa kaniyang dating pook. Gayunman, bigla niyang natanto na ang babae ay isa na nakikita niya araw-araw—isang kasama sa trabaho! Nagkataon naman na ang babae ay dumadalaw sa lugar ding iyon. Ang pagkakita sa kaniya sa ibang tagpo ay maaaring nagpangyaring pansamantalang makalimutan ng lalaki kung sino ang babae.
Mabuti na lamang, hindi mo na kailangang tandaan ang milyun-milyong impormasyon na napupunta sa iyong isip araw-araw; karamihan dito ay walang halaga. Gayunman, kapag isang bagay ay mahalaga, matututuhan mong tandaan ito. Paano? Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin dito.
Kung Paano Makatatanda
Sabihin na natin na kailangan mong gumawa ng isang mahalagang tawag sa telepono mamayang gabi. Kung basta mo lamang ilalagay sa isip ang pangangailangang ito, malamang na makalimutan mo ito. Kaya huminto at pag-isipan ang tungkol sa tawag sa telepono na balak mong gawin. Ang aklat na Instant Recall—Tapping Your Hidden Memory Power, ni Jeff Budworth, ay nagmumungkahi ng paggugol “ng mga minuto, hindi mga segundo,” upang ilarawan ang mahalagang impormasyon sa memorya. Sabihin mo sa iyong sarili na talagang hangad mong tandaan na gawin ang pagtawag na ito. Yamang binigyan mo ng pantanging pansin ang bagay na ito, malamang na hindi mo makalimutan ito.
Gayunman, ano pa ang ibang paraan upang ikaw ay magbigay ng pantanging pansin sa mga bagay na ayaw mong makalimutan? Ang sumusunod na mga mungkahi, kung ikakapit, ay maaaring maging kusa sa iyo.
Kunin ang iyong impormasyon nang tama: Hindi maaaring makuhang muli ng isang computer ang impormasyon nang wasto malibang ito ay naipasok nang wasto. Sa katulad na paraan, totoo rin ito sa ating memorya. Isaalang-alang, halimbawa, ang tungkol sa pag-aaral ng mga pangalan. Ganito ang sabi ni Dr. Bruno Furst sa kaniyang aklat na Stop Forgetting: “Kung hindi natin makuha nang malinaw at wasto ang pangalan, hindi nga natin maaaring tandaan o kalimutan ito. Hindi natin maaaring tandaan o kalimutan ang isang bagay na hindi natin alam. Kaya ang unang hakbang ay dapat na kunin ang pangalan sa paraan na natitiyak mo ang bigkas o baybay nito.” Kung ibinubulung-bulong ng isa ang kaniyang pangalan nang siya ay ipakilala sa iyo, huwag mag-atubiling tanungin ang tao na ulitin iyon. Tanungin kung paano ito binabaybay.
Ilarawan: Sikaping ilarawan kung ano ang sinisikap mong tandaan. Mayroon bang isang gawaing-bahay na hindi mo dapat kalimutan? Kung gayon ay ilarawan mo ang iyong sarili na ginagawa ito. Mientras mas maraming detalye kang idinaragdag sa larawang ito sa isipan, mas madali mong matatandaan ito.
Ang paglalarawan sa isipan ay maaari ring tumulong sa iyo na iugnay ang waring hindi magkakaugnay na mga bagay. Halimbawa, isip-isipin na kailangan mong bumili ng gatas at toothpaste. Maaaring gumawa ka ng larawan sa isipan ng isang baka na nagsisipilyo ng kaniyang ngipin. Ito ang larawan na hindi mo malilimutan, kahit na subukin mong kalimutan!
Sabihin ito: Ang pagsasabi nang malakas sa iyong sarili, ‘Kailangang tawagan ko si John mamayang gabi,’ ay isa pang paraan upang tulungan kang maalaalang gawin ito. Sa kabilang dako, madalas mo bang makalimutan kung naikandado mo ba ang pinto o kung napatay mo ba ang oven? Ang aklat na How to Improve Your Memory, ni Dr. James D. Weinland, ay nagsasabi: “Ang problema ay karaniwan nang malulutas sa pagsasabi ng mga atas habang ginagawa natin ang mga ito . . . Kapag sinusian mo ang relo at isinet ang alarma, sabihin mo, ‘Nasusian ko na ang relo at naiset ang alarma.’ Kapag ikinandado mo ang pinto, sabihin mo sa iyong sarili, ‘Naikandado ko na ang pinto.’ ” Maaaring ipalagay mo para kang sira sa paggawa nito, ngunit ito ay maaaring tumulong sa iyo na matandaan ito.
Magkaroon ng interes sa iyong paksa: Maaaring ikaw ay hindi likas na naaakit sa isang paksa, subalitKawikaan 14:6.
kung ipaaalala mo sa iyong sarili ang mga dahilan kung bakit kailangan mong malaman ang impormasyon at ang mga resulta kung hindi mo matatandaan ito, ang pag-aaral ay magiging mas madali. Isa pa, mientras mas marami kang alam tungkol sa anumang paksa, lalo itong napatitimo sa iyo. Sabi ng Bibliya: “Ang kaalaman ay madali sa kaniya na nag-uunawa.”—Bilangin: Ipagpalagay nang kailangan mong magdala ng ilang bagay sa trabaho bukas ng umaga. Sa paglilista ng eksaktong bilang ng mga bagay na dadalhin mo, malamang na wala kang gaanong makakaligtaang dalhin.
Organisahin: Kung kailangan mong bumili ng ilang bagay sa isang tindahan ng pagkain, sikaping ayusin ang mga ito ayon sa uri. Halimbawa, maaari kang magpasiyang bumili ng tatlong produktong galing sa gatas, dalawang produkto ng karne, at dalawa ng sarisaring bagay. Ang pag-oorganisa ng mga bagay sa ganitong paraan ay tutulong sa iyo na magbigay ng higit na pansin.
Gamitin at repasuhin ito: Lagi mong matatandaan ang pangalan mo, ang abakada, o kung paano gagamitin ang isang tinidor o isang lapis. Bakit? Sapagkat paulit-ulit mong ginamit ang kaalamang ito. Ang madalas na paggamit ay nagpapakintal nito sa memorya, ginagawa itong mas madaling tandaan. Kaya nga, sa pana-panahon ay repasuhin sa isipan o gamitin ang mga bagay na nais mong tandaan. Pagkatapos maipakilala sa isa, sikapin mong gamitin ang pangalan niya nang ilang beses. O kung may natutuhan kang bagong impormasyon, sikaping gamitin ito sa iyong pakikipag-usap, mag-ingat na huwag magtinging ikaw ay naghahambog.
Ang Halaga ng Pag-alaala
‘Ngunit bakit kailangan pang gawin ang lahat ng ito?’ maitatanong mo. ‘Hindi ba’t mas madaling isulat ang mga bagay-bagay?’ Ang mga kalendaryo, listahan, orasang de alarma, mga sulat mo para sa iyong sarili—ang mga ito’y pawang nagsisilbi ng isang kapaki-pakinabang na layunin. Gayunman, kung minsan hindi praktikal na isulat ang mga bagay, gaya kung nakikipagkilala ka sa mga tao sa isang sosyal na tagpo. At kung kinakailangang baguhin ang iyong pinag-isipang-mainam na listahan ng mga bibilhin, kadalasang wala kang magamit na lapis. Bukod pa riyan, ang mga listahan ay madaling mawala. At kumusta naman kung nakalimutan mong sangguniin ang iyong kalendaryo? Kaya ang pagsasanay sa iyong memorya ay sulit na pagsikapan.
Mientras madalas mong ginagawa, mas kaunting pagsisikap ang kakailanganin sa pagmememorya. Oo, hindi magtatagal ay maaari mong masumpungan na mas gugustuhin mong sauluhin ang mga bagay kaysa ilista ang mga ito. Gayunman, huwag kang matakot na baka magulo lamang ang isip mo at gawin itong hindi gaanong mabisa o mapanlikha. Ang isip, gaya ng isang kalamnan, ay lalong lumalakas at mas mabisa sa kagagamit. Ganito ang sabi ni Dr. Joan Minninger: “Karamihan ng mga tao ay nag-iisip tungkol sa pangmatagalang memorya na gaya ng isang malaking aparador na kailangang alisan ng laman sa pana-panahon upang bigyan ng lugar ang bagong mga bagay. Mali. Walang nalalamang takda sa naiimbak na impormasyon sa iyong memorya. Maaari kang matuto at magtanda ng bagong mga bagay sa buong buhay mo.”
Gayundin ang sinabi ni Dr. Furst na “maling isipin na upang mapangalagaan ang mga selula ng ating utak kailangang huwag itong pagurin at ingatan ito na hindi ginagamit. Ang kabaligtaran ang totoo.” Ang iyong memorya ay lalakas sa kagagamit. (Ihambing ang Hebreo 5:14.) Ang iba, gaya ni Harry Lorayne, kasamang awtor ng The Memory Book, ay naniniwala pa nga na “ang memorya ay maaari pa ngang tumalas habang ikaw ay tumatanda.”
Bagaman maaari o hindi maaaring magkagayon, walang mawawala sa iyo kundi makikinabang ka sa paggamit sa bigay-Diyos na kaloob ng memorya. Ang mga pakinabang ay maaaring maging hindi malilimutan.