Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Sakit na Kaugnay ng Pagkain Sana’y noon pa nabasa ng aking pamilya ang “Pagtulong sa mga May Sakit na Kaugnay ng Pagkain.” (Pebrero 22, 1992) May 35 taon na akong nakikipagpunyagi sa anorexia, magmula sa edad na 9. Tinalakay ng artikulo ang pinakamahalagang mga paksa nang wastung-wasto at maikli ngunit malaman. Tunay, inilahad ninyo ang mga bagay na naunawaan lamang ng aking mga mahal sa buhay pagkatapos ng maraming taon ng pagpapayo! Batid kong ang artikulo ay tutulong sa maraming nababahalang mga kaibigan at mga pamilya ng mga nagdurusa.
C. S., Estados Unidos
Di pa Naisisilang na mga Bata Ako’y nasiyahan sa inyong mga artikulo tungkol sa siyensiya at kalikasan sa maraming taon na ngayon. Nasumpungan kong kawili-wili ang artikulong “Ang Pagkatuto ay Nagsisimula sa Bahay-bata.” (Enero 22, 1992) Tunay na kagila-gilalas kung gaano kamangha-mangha at kasalimuot ang utak. At ang larawan ng walong-linggong embryo ay may makapigil-hiningang kagandahan. Ang artikulo ay nagpangyari na mag-umapaw sa pagpapahalaga ang aking puso kung paanong ako’y kamangha-manghang ginawa.
J. J., Estados Unidos
Motorsiklo Sa inyong artikulong “Motorsiklo—Gaano Kapanganib Ito?” (Abril 8, 1992), inyong pinayuhan ang mga motorsiklista na maglagay ng reflective tape sa kanilang mga helmet. Ang payong ito ay maaaring makamatay kung ang helmet ay gawa sa polycarbonate o katulad na mga materyales, gaya sa marami. Ang mga pandikit at pintura ay sumisira sa materyales na ito na nagpapangyaring ito’y madaling mabasag. Sa isang aksidente, ang helmet ay mababasag na lamang, anupat hindi makapagbibigay ng proteksiyon sa motorsiklista. Mas mabuting payo ay bumili ng isang helmet na may matingkad na kulay na.
S. J. H., Inglatera
Pinasasalamatan namin ang pangkaligtasang tip na ito. Magiging isang katalinuhan na basahin muna ang mga tagubilin ng pagawaan bago gumawa ng anumang gayong pagbabago.—ED.
Pinahahalagahan ko ang artikulo. Ang ama ng aking tatlong anak ay namatay kamakailan lamang nang masira ang isang bahagi ng kaniyang motorsiklo, anupat sumaboy ang langis sa hulihang gulong. Tatlong linggo siyang nasa koma matapos ang maselan na operasyon sa utak. Hindi na kailangang sabihin pa, tatandaan ko ang artikulong ito para sa panghinaharap na reperensiya kung ang anak kong lalaki ay magnais na magmotorsiklo.
M. G., Estados Unidos
Mga Ipis Ako ay isang mambabasa ng inyong magasin sa loob ng walong taon na, at nais kong purihin kayo sa pagkasarisari ng mga artikulo na inyong inilalathala tungkol sa pantahanang mga gawain. Tinutukoy ko lalo na ay ang artikulong “Ang Namamalaging Ipis.” (Enero 22, 1992) Bukod sa napakahusay ang pagkasulat, ito rin ay nagtuturo sa atin kung paano masusugpo ang insektong ito. Sa pagsunod sa mga tagubilin, malapit ko nang mapalaya ang aking tahanan sa kanilang nakayayamot na mga pagbisita.
A. F. A. A., Brazil
Elektronikong Lihim na Pakikinig sa Usapan ng Iba Aking binasa nang may pagkawili ang artikulong “Mananatili ba ang Lihim na Pakikinig sa Usapan ng Iba?” (Disyembre 8, 1991) Gayunman, nasumpungan kong nakababalisa na malaman ang pag-aabuso sa mga scanner radio. Tunay na nakaiinis isipin na ang mga tao’y nakikinig sa usapan ng iba. Ako ay isang baguhang operator ng radyo at madalas gumamit ng scanner upang makinig sa mga paghahatid mula sa mga barko at maliliit na bangka. Ang isa na may scanner ay maaaring maging isang tagapagligtas-buhay sa isa na nasa dagat na humihingi ng tulong. Kaya pakisuyong ipaliwanag sa inyong mga mambabasa na hindi lahat ng tao na may scanner ay lihim na mga nakikinig sa usapan ng iba.
R. P., Inglatera
Crossword Puzzle Yamang ang inyong labas ng Pebrero 8, 1992, ay naglalaman ng unang crossword puzzle na inyong inilathala sa matagal na panahon, nais kong ipaliwanag kung bakit ang mga puzzle ay totoong kapaki-pakinabang. Ang aking anak na lalaki ay nagdurusa mula sa isang sakit na nagpapangyaring maging mahirap ang pagbabasa at pagsusulat. Gayunman, nagawa niyang sagutan ang inyong mga crossword puzzle. Nagbigay ito sa kaniya ng pagkadama ng tagumpay at tumulong sa kaniya na matutuhan ang pagkakasunud-sunod ng mga aklat ng Bibliya. Gaya ng inyong nakikita, ang inyong pagpapagal ay may malaking kapakinabangan.
C. G., Alemanya