Natuklasan ba Nila ang Impiyerno?
Natuklasan ba Nila ang Impiyerno?
NAPANSIN mo ba na ang doktrina tungkol sa apoy ng impiyerno ay waring humihina kamakailan? Marahil ay basta hindi nito maligtasan ang mapag-alinlangang panahon na kinabubuhayan natin. O marahil parami nang paraming tao ang nakababatid na ang idea ng pagpapahirap sa mga tao magpakailanman sa apoy ay hindi kasuwato ng makatarungan at maibiging Diyos na inilalarawan sa Bibliya. Anuman ang dahilan ng hindi paniniwala, ang ilang lider ng relihiyon ay tumutugon sa pamamagitan ng mga paraan na nagmumungkahi ng kawalan ng pag-asa. Isaalang-alang ang isang halimbawang kaso.
Sa Estados Unidos, iniulat kapuwa ng isang pambansang “Kristiyanong” network ng telebisyon at isang pahayagang ebangheliko na natuklasan na ng mga siyentipiko ang “impiyerno” samantalang nagbubutas sa Siberia! Mapanuyang binuod ng magasing Biblical Archaeology Review ang isa sa mga ulat na iyon.
Sinasabing, isang pangkat ng mga siyentipikong taga-Finland at Norwego ang nasa Siberia at nagbubutas sa lupa bilang isang eksperimento. Sila’y nagulat nang, ilang milya sa ibaba nila, ang barena ay nagsimulang umikot sa hungkag na espasyo! Lalo pa silang nagulat nang matuklasan nila na ang temperatura roon ay mahigit na 1,100 digris Celsius! Gayunman, higit silang nagtaka nang ibaba nila ang isang mikropono sa butas at makarinig sila ng libu-libo—marahil ay milyun-milyon—na mga tinig ng tao, pawang humihiyaw sa matinding hirap! Gayon na lamang ang takot ng mga siyentipiko, sabi ng kuwento, anupat iniwan ng marami ang proyekto. Ang iba ay pinapangako na hindi sasabihin ang bagay na iyon, samantalang ang iba naman ay nakumberte mula sa ateismo tungo sa “Kristiyanismo” dahil sa patotoong ito ng impiyerno.
Hindi kataka-taka, sinasabi niyaong naglathala at nag-ulit ng kuwentong ito na ito ay dokumentado nang husto. Si Rich Buhler, host ng isang talk show sa radyo, ay sumulat sa Christianity Today na sinikap niya at ng kaniyang mga kawani na subaybayan ang mga report na iyon. Sa ilalim ng imbestigasyon, ibinunyag ng isang babasahin ang mga kuwentong nailathala na sumipi sa mga liham na sumisipi sa mga artikulong hindi napatunayang totoo.
Ang isa pang ulat ay isang liham mula sa isang Norwego na, nang tanungin, ay prangkahang inamin na ang kaniyang liham ay huwad. Ipinadala niya ito dahil sa inaakala niyang ito’y tiyak na paniniwalaan at ilalathala. Walang alinlangan na natalos niya ang malungkot na katotohanan tungkol sa napakaraming relihiyosong organisasyon—pinaniniwalaan nila ang nais nilang paniwalaan.
Sa Hebreong Kasulatan ng Bibliya ang salitang “impiyerno” ay isinalin mula sa salitang Hebreo na sheol. Ito ay lumilitaw ng 65 ulit at sa salin ng Bibliya na Authorized King James ito ay isinalin na 31 ulit na “impiyerno,” 31 ulit na “libingan,” at 3 ulit na “hukay.” Sa Griegong Kasulatan ng salin ng Bibliyang iyon ang salitang “impiyerno” ay isinalin buhat sa salitang Griego na Hades sa lahat ng sampung paglitaw nito. Kapuwa ang sheol at hades ay nangangahulugang ang karaniwang libingan ng sangkatauhan, at hindi kailanman tumutukoy sa kirot o maapoy na pagpapahirap o sa sinumang nakatira mga ilang milya sa ilalim ng lupa sa Siberia!
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Picture Book of Devils, Demons and Witchcraft/Ernst at Johanna Lehner/Dover