AIDS—Paano Ito Magwawakas?
AIDS—Paano Ito Magwawakas?
“AKO’Y lubusang kumbinsido na tayo’y tiyak na magkakaroon ng bakuna sa dekadang ito.”—Jorg Eichberg, pinuno ng pananaliksik sa bakuna sa Wyeth-Ayerst Research Center, Philadelphia, E.U.A.
Isip-isipin kung may nasumpungang isang panlunas, o maging isang panlabang bakuna para sa AIDS. Anong kamangha-mangha nga iyon! Para sa 9,000 espesiyalista sa AIDS na nagtipon sa Florence, Italya, noong nakaraang taon sa ilalim ng paksang “Siyensiya Hinahamon ang AIDS,” ang paghahanap sa gayong panlunas ay walang alinlangang pangunahin sa kanilang mga kaisipan.
Habang ang 9 sa 10 bagong impeksiyon sa AIDS ay nagaganap sa umuunlad na mga bansa, ang panggigipit na makasumpong ng isang mabisang panlunas ay nagpapatuloy. Subalit, sang-ayon sa magasing New Scientist, marami sa nagkomperensiya sa Florence ay waring “nawalan ng kanilang pagkadama ng kasigasigan.” “Marahil,” sabi ng magasin, gayon na lamang ang kapinsalaan anupat ang marami ay “basta na lamang iniwan ang suliranin.”
Ang masaklap na katotohanan ay na ang mga siyentipiko ay napaharap sa mas maraming mga katanungan kaysa mga kasagutan. Nagpapaliwanag ang New Scientist na “sa 10 taon na may epidemya, napapaharap ang mga virologist at mga immunologist sa mga suliranin na halos waring higit na marami.” Nagbabala ang Britanong clinician sa AIDS na si Ian Weller: “Hindi pa natutuklasan ang tunay na mabisang panlunas laban sa mga virus.”
Subalit kung magkaroon ng bakunang anti-AIDS, gaano nga kadaling makuha iyon? Nagpapaliwanag si Dr. Dennis Sifris, isang manggagamot na may karanasan sa aktuwal na pagtatrabaho sa Aprika: “Tayo ay may lubhang mabisang bakuna sa TB [tuberkulosis] na sa teoriya ay dapat sanang nalipol na ang TB [gaya sa kaso ng]
tigdas at Hepatitis B. Subalit ang tatlong sakit na iyan ay ang . . . pangunahing mga pumapatay sa Aprika ngayon. Kaya magkaroon man ng bakuna ang pagka-madaling makuha ng gamot ay isang malaking suliranin para sa mga tao.”Dahilan sa bahagyang pag-asa para sa isang panlunas, ang tanging pagpipilian lamang ng mga tao ay magbago ng kanilang seksuwal na paggawi. Ngunit ang tanong ay—paano?
Ang Karaniwang Sagot
Ang karaniwang sagot sa paglutas ng AIDS sa Aprika ay ang magbigay ng mga kondom, kondom, at higit pang kondom. Ang mga nagmamaneho ng trak ay nakakukuha niyaon ng libre sa mga hangganan. Inilalabas ang mga ito sa mga pahayagan na nakakahon. Itinatago ito ng mga klinika at mga manggagawang nangangalaga ng kalusugan sa milyun-milyon.
Samantalang ang gayong mga pamamaraan ay may ilang epekto sa paglaganap ng AIDS, hindi pa rin nawawala ang mga suliranin nito—lalo na sa Aprika. Ang manggagawang nangangalaga ng kalusugan na si Stefan van der Borght ng Medecins Sans Frontieres sa Angola ay nagpaliwanag na kung ikaw ay magbibigay ng tatlong milyong kondom, iyan ay mabuti. Subalit iyan ay nangangahulugan na ang isa at kalahating milyon katao ay
makikipagtalik ng dalawang beses lamang bago maubos ang suplay.Bukod sa kahirapan sa pag-oorganisa at pagpapatupad sa pamamahagi nito, may anong epekto ang walang-itinatanging pamamahagi ng mga kondom sa pagkagahaman sa sekso—ang pangunahing pinagmumulan ng AIDS sa Aprika? Lahat ng tanda ay na ang gayong mga pamamaraan ay nagpapasigla sa halip na patamlayin ang seksuwal na gawain. Maging ang mga awtoridad ng pamahalaan ay nagpapasimulang kumilala sa katotohanang ito. Isang bansa sa Aprika ang nag-utos na sa media na pinamamahalaan ng gobyerno na itigil na ang mga pag-aanunsiyo sa mga kondom, yamang ito ay humihikayat lamang ng pagkagahaman sa sekso. Nagsabi pa ang awtor na si Keith Edelston sa kaniyang aklat na Aids—Countdown to Doomsday: “Tungkol sa mga panganib . . . na likas sa paggamit ng mga kondom, maliwanag na ang istriktong pagsiping sa iisa lamang ang tanging paraan upang lubusang maging ligtas.”
Subalit ang pagbabalik ba sa gawaing pagsiping sa iisa lamang sa kaayusan ng pag-aasawa ay isang makatotohanang pasiya?
Ang Pagwawakas sa AIDS
“Kung bukas ang mga tao ay hindi na sisiping kung kani-kanino,” pahayag ni Propesor Reuben Sher, isang eksperto sa AIDS sa Aprika, “ang virus ay mawawala na. Ang mga taong mayroon nito ay mamamatay at iyan na ang katapusan.” Gayundin, isang editoryal sa The Star, isang pahayagang inilathala sa Johannesburg, Timog Aprika, ang nagpahayag na “sa isa na hindi sumisiping kung kani-kanino o nakikigamit ng mga karayom na panturok o nagpapasalin ng dugo, [HIV] ay napakahirap makakuha ng virus.”
Sa ngayon, mahigit na 450,000 Saksi ni Jehova sa Aprika ang nakaiiwas sa mga bagay na ito. Sila’y may katatagang naniniwala na ang moralidad salig sa Bibliya ay mahalaga. Isaalang-alang ang kanilang pangangatuwiran: Yamang ang Maylikha ang gumawa sa tao, ang Diyos na Jehova, samakatuwid ang kaniyang alituntunin sa pag-uugali ng tao ay makatuwiran na isaalang-alang. Ang simulaing nakaulat sa Hebreo 13:4 ay isang mabuting halimbawa: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa.” Sa halip na isiping pinagkaitan ng kasiyahan, naingatan niyaong mga nagkapit ng gayong mga kasulatan ang kanilang mga sarili sa labis na pisikal at emosyonal na pagkaligalig.—Ihambing ang Gawa 15:29; 2 Corinto 7:1; Efeso 5:3-5.
Kawili-wili, ang media ay kadalasang nagkokomento nang mabuti sa paggawi ng mga Saksi ni Jehova sa Aprika: “[Kanilang] ipinakita sa kanilang mga sarili . . . na sila’y disente, mga mamamayang namumuhay nang maayos sa isang mataas na pamantayang moral,” sabi ng Daily Telegraph ng London, Inglatera. Nagsusog pa ito: “Ang pagkagahaman sa sekso at ang pagiging poligamo ng lipunan ng Aprika ay hindi man lamang pumasok sa isip ng mga Saksi.” Gayundin, ang awtor ng aklat na Contemporary Transformations of Religion, si Bryan Wilson, ay nagkomento na “sa lipunan ng Aprika, ang mga Saksi . . . ay naging natatanging mga tao” at na “ang bunga ng [kanilang] . . . alituntunin ng moral ay makikita sa kanila mismo.”
Hindi ibig sabihin nito na ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang naingatan na mula sa mga epekto ng AIDS. Ang ilan ay nahawahan ng mga asawa na hindi sumusunod sa gayunding mga simulaing Kristiyano na kanilang sinusunod, at ang iba ay nahawahan bago pa naging mga Saksi. Gayundin, pinili ng ilan na bumalik sa mahalay na paggawi ng sanlibutan ngayon, at isang maliit na bilang sa mga ito ang nahawa ng AIDS bilang bunga ng kanilang paggawi. (Galacia 6:7) Gayunman, naiwala niyaong mga kusang sumusunod sa imoral na istilo ng pamumuhay ang kanilang pribilehiyo na manatili sa kongregasyong Kristiyano. (1 Corinto 5:13; 6:9, 10) Subalit ang kalakhan sa mahigit na apat na milyong mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay nagtatamasa sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na kabutihan na bunga ng pagsunod sa mga simulain ng Maylikha sa moralidad.
Nakatutuwa, ipinakikita ng Bibliya na ang walang-hanggang kalutasan sa mga salot na gaya ng AIDS ay nakikita na. (Apocalipsis 21:1-4) Ang Diyos na Jehova ay nangangako ng isang bagong sanlibutan na kung saan ang lahat ng imoral na dahilan ng mga sakit na gaya ng AIDS ay lubusang maaalis. Hindi na magkakaroon ng gaya ng walang-malay na nagdurusa, yamang lahat ay magtataguyod ng matuwid, mabuting istilo ng pamumuhay na magpapaunlad sa tunay na kaligayahan.—Isaias 11:9; 2 Pedro 3:13.
[Blurb sa pahina 9]
“Hindi natin kailangang gumugol ng bilyun-bilyon sa pananaliksik at pagpapaunlad . . . Kailangan natin ang pagbabalik sa kalinisang-asal.”—Dr. Mark Hendricks, Immunologist sa Timog Aprika
[Larawan sa pahina 9]
Ang lubusang monogamya ay mahalagang paraan ng pag-iwas sa salot ng AIDS
[Larawan sa pahina 10]
Ang Diyos ay nangangako ng isang bagong sanlibutan na lubusang ligtas sa mga sakit na gaya ng AIDS