Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Klero at Pag-abuso sa Sekso
Kamakailan ay nagsahimpapawid ang Australian National Television ng isang dokumentaryo na pinamagatang “Ang Pinakasukdulang Pagtataksil.” Inangkin ng programa na 15 porsiyento ng mga klerigo sa Australia ay nakagawa ng seksuwal na mga paglabag, mula sa pag-aabuso ng mga bata hanggang sa panghahalay ng mga babae sa parokya. Ilang oras lamang pagkatapos ng programa sa telebisyon, ang iba’t ibang sentrong binuo upang humawak ng mga reklamo ng seksuwal na panghahalay ay dinagsaan ng mga tawag sa telepono mula sa nag-aangking mga biktima. Marami sa mga tumawag ay nagsabi na inilihim nila ang kanilang karanasan sa maraming taon. Isang babae ang nagsabi na kaniyang ipinakikipag-usap ang kaniyang nakatatakot na karanasan sa unang pagkakataon sa loob ng 40 taon! Isa pa ang nagsabi na pagkatapos siyang halayin ng kaniyang klerigo bilang isang bata, siya’y pinagbantaan ng pagpapahirap sa impiyerno kung siya’y mangangahas na sabihin iyon kaninuman. Ang mga tagapagsalita ng iba’t ibang mga grupo ng iglesya ay di-sumang-ayon sa bilang na 15-porsiyento subalit umamin na ang mahalay na paggawi sa sekso ng mga klerigo ay isang seryosong problema.
Mas Gusto ng mga Bata ang TV
Karamihan sa mga bata ay nag-aakala na ang pagbabasa ng mga aklat ay labis na nakapapagod. Iyan ang nasumpungan ng isang pag-aaral na isinagawa ng magasing Aleman na Eltern sa 1,960 mga estudyante sa paaralan mula sa edad na 8 hanggang 15 taong gulang. Mas gusto ng kalakhan ang panonood ng telebisyon. Nag-uulat sa pag-aaral, sinabi ng pahayagang Schweinfurter Tagblatt na pinili ng 64 porsiyento ang panonood ng TV at na ang isang bagay na gustung-gustong basahin ng mga bata ay ang guide sa mga programa sa telebisyon. Isang 14-taong-gulang ang naghinuha na ang panonood ng TV marahil ay isang likas na katutubong abilidad ng mga tao samantalang ang pagbabasa ay isang nakayayamot na proseso na kailangang pag-aralan pa.
Mas Kakaunting Uri ng mga Hayop sa Bukid
Maraming uri ng maaamong hayop na pambukid ay nanganganib na malipol, sabi ng pahayagan sa Paris na Le Figaro. Buhat noong pasimula ng siglo, nalipol na ang kalahati sa mga uri ng mga hayop na pambukid sa Europa, at di-magtatagal ang sangkatlo niyaong nalabi ay maaaring mawala na. Ang pangunahing kausuhan sa makabagong agrikultura ay ang pagtuunan ng pansin ang pagpaparami lamang ng mga lahi ng hayupan na nagbibigay ng pinakamaraming produkto at sa gayo’y may pinakamataas na kita. Ang gayunding kausuhan ay laganap sa mga bansang umuunlad. Sa gayon, habang higit at higit na mga uri ng baka, baboy, at manok ay hinahayaang mamatay, ang suplay sa pagkain ng daigdig ay higit na umaasa sa papaunti at papaunting uri ng mga hayop. Natatakot ngayon ang mga siyentipiko na ang pagkawalang ito ng henetikong pagkasarisari ay lubusang magpapataas sa panganib na maaaring mapalis ng isang bagong sakit ang marami sa mga hayupan sa lupa.
Ang Awit ng Isang Patay Nang Ibon
Ang awit ng huia, isang ibon sa New Zealand, kamakailan ay artipisyal na kinopya sa paggamit ng isang computer at isang synthesizer. Kung isasaalang-alang ang katotohanan na ang huia ay nalipol na noong 1907, ito’y nakagugulat. Sang-ayon sa The Times ng London, natagpuan ni David Hindley ang mga rekording ni Henare Hemana, isang taga-Maori na nagkukunwang huia. Noong 1954 nang irekord ang mga awit, si Hemana ay 80 taong gulang, subalit kaniyang naisisipol ang “isang kahanga-hangang pagkasarisari ng mga huni ng huia” mula sa memorya. Di-nagtagal ang mga bersiyon ni Hemana ay napatunayan nang ang iba pang mga paggaya ng awit ng ibon ay natagpuan. Taglay ang mga rekording na ito, at ang mga impormasyon na hango buhat sa mga aklat, maaaring kumatha si Hindley ng isang awit na ginawa ng ibong huia sa huling pagkakataon 85 taon na ang nakaraan.
Panghahalay sa Timog Aprika
“Ang Timog Aprika ay isa sa pinakamararahas na lugar sa daigdig,” sabi ng Sunday Star Review ng Johannesburg, Timog Aprika. Ang isang marahas na krimen na tumatanggap ng internasyonal na pansin ay ang panghahalay. Sa Timog Aprika ang katamtamang 23,000 panghahalay ay iniuulat taun-taon. Gayunman, tinataya na “isa lamang sa 36 na panghahalay ang naiuulat.” Ang malaking porsiyento ng mga panghahalay ay isinasagawa ng mga lalaking kilala ang kanilang mga biktima, gaya ng mga asawa, mga kamag-anak na lalaki, o mga kaibigan. Nagsabi ang Sunday Star Review na “ayon sa isang pag-aaral sa karahasan ni Lloyd Vogelman ng University of the Witwatersrand, isa sa dalawang babaing taga-Timog Aprika ay mahahalay sa kaniyang buong buhay.”
Pagdaraya sa Credit Card
Nag-uulat ang Canadian Bankers’ Association (CBA) na ang pagdaraya sa credit card sa bansang iyan ay mahigit sa dumoble sa nakalipas na dalawang taon, at ito’y patuloy sa pagbilis. Sinabi ni Paul Facciol, tagapangulo ng subkomite sa credit card ng CBA na ang ‘kalakhan ng mga kalugihan ay nasa mga nawala at ninakaw na mga kard.’ Sang-ayon sa The Globe and Mail, “ang mga ninakaw, huwad at pinalitang mga credit card noong nakaraang taon ay nagpalugi sa dalawa sa pinakamalalaking
kompanya, ang Visa at Mastercard, ng mahigit sa $46-milyon—halos 14 na ulit ng $3.3-milyong ninakaw sa lahat ng panloloob sa bangko.”Mapanganib na mga Timba
“Sa katamtaman, halos isang sanggol bawat makalawáng linggo ang nalulunod pagkatapos mabuwal sa isang malaking timba na naglalaman ng tubig o iba pang likido,” sabi ni Don Barkas ng Kagawaran ng Panlunsod na Sunog ng Santa Barbara sa California, E.U.A. Isang artikulong inilathala ng The California Fire Service ay pantanging bumanggit sa limang-galong mga timba, na ginagamit sa maraming tahanan sa sarisaring gawaing-bahay. Maliwanag, ang isang di-nababantayang bata ay maaaring lumapit sa gilid ng timba, dumukwang sa loob nito upang maglaro, at mabuwal sa loob nito. Ang matigas na limang-galong lalagyan na punô, o maging kakalahati ang laman na tubig ay mas mabigat sa katamtamang 8-hanggang-12-buwang bata. Sinasabi ng artikulo na sa nakalipas na pitong taon, mahigit sa 200 maliliit na bata ang nalunod sa Estados Unidos pagkatapos mabuwal sa punô-ng-likidong mga timba.
Mas Maraming Tao
Inilabas kamakailan ng United Nations Population Fund ang kanilang pinakahuling mga tantiya para sa pambuong-daigdig na paglago ng populasyon. Sang-ayon sa The New York Times, ang “bagong mga tantiya ay nagpapakita na ang daigdig ay magdaragdag ng 97 milyong bagong mga tao bawat taon hanggang sa dulo ng siglo at 90 milyon bawat taon pagkatapos nito hanggang 2025.” Ang 97-porsiyento ng paglagong ito sa populasyon ay inaasahang mangyayari sa mga bansang umuunlad. Ang gayong pagdami ng populasyon ay isang seryosong banta sa kalidad ng buhay ng tao. “Ang ulat ay nagbabala na ang gayong mga antas ng paglago ay nangangahulugan ng mas maraming bilang ng mahihirap at gutom na mga tao, pagdami ng pandarayuhan sa mga lunsod at mas mayayamang bansa at paglaki ng panggigipit sa reserba ng pagkain, tubig, at iba pang mga likas na pinagkukunan sa daigdig,” sabi ng Times. Ang kasalukuyang populasyon ng daigdig na 5.5 bilyon ay inaasahang tataas hanggang sa halos 10 bilyon sa taóng 2050.
Napinsala ng Moda
“May mahabang kasaysayan ng moda na nakapipinsala,” puna ng mananalaysay sa kasuutan na si Barbara Schreier. Ano ang ibig niyang sabihin? Sang-ayon sa magasing In Health, isiniwalat ng isang ulat ng National Safety Council na sa loob lamang ng isang taon sa Estados Unidos, “102,397 katao ang nasaktan sa kanilang damit at 43,868 ang napilipit, nahiwa, o natusok ng kanilang alahas.” Ang pagdadala ng mabibigat na handbag ay nagbunga ng pinsala sa mga kalamnan sa balikat at sa leeg. Mangyari pa, ang mga bilang na nasa itaas ay nagpapakita lamang ng mga kaso kung saan ang mga tao ay humingi ng medikal na tulong.
Pang-aalipin sa Ngayon
Ang usapin ng pang-aalipin ay inaakalang nalutas na noong nakaraang ika-19 na siglo. Gayunman, isang imbestigasyong isinagawa kamakailan ng magasing Newsweek ay “nagpapahiwatig na ang di-kusang paglilingkod ay umaabot sa milyun-milyon.” Ang organisasyon ng Britaniya na Anti-Slavery International ay nagsasabi na mahigit sa 100 milyon katao ang nagdurusa bilang mga alipin sa buong mundo. Ang mga tao ay inaaring propyedad at hinihimok ng sapilitang trabaho sa mga lugar na gaya ng Caribbean, ang Gitnang Silangan, Aprika, at Asia. “Marami ang karaniwan nang binubugbog upang ipatupad ang pagsunod,” sabi ng Newsweek. Ang ilang manggagawa ay sinasabing hineruhan ng nagbabagang mga bakal. Sa ilang lugar may mga lalaki na naghahanapbuhay bilang mga mangangalakal ng alipin na nagpapakadalubhasa sa pagdukot at pagbibili ng mga kabataang babae. Sa isang bansa ang “kasalukuyang halaga” para sa isang babae ay anim na baka.
AIDS sa Brazil
Si Dr. Luís Alberto Pelegrino Ferreira, isang virologist na taga-Brazil, ay nagsabi kamakailan na sa estado ng Santa Catarina, 42 porsiyento niyaong maysakit ng AIDS ay nasa pagitan ng mga edad na 20 at 29. Kaniyang binanggit na ang mataas na bahagdan ng AIDS sa gitna ng mga batang adulto ay “umaakay sa amin upang maniwala na ang mga taong ito ay nahawahan sa pagitan ng 15 at 19 taóng gulang.” Maliwanag, ang pagkagahaman sa seksuwal na gawain sa maagang edad ay naging dahilan sa malungkot na kalagayang ito. Gayunman, malawakang kinikilala na ang paglilipat ng HIV ay posible rin sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Nag-uulat ang pahayagang O Estado de S. Paulo na anim na mga hemophiliac, mga miyembro ng iisang pamilya, ay nahawahan lahat ng HIV sa pamamagitan ng nahawahang mga pagsasalin ng dugo.
Isang Mapandigmang Daigdig
Ang terminong “Bagong Sanlibutang Kaayusan” kamakailan ay malawakang ginamit upang ilarawan ang nagbagong kalagayan ng pulitika sa daigdig. Kadalasan ang termino ay may positibong pangangahulugan, iniuugnay itong bagong kalipunan ng mga kalagayan sa posibilidad ng pandaigdig na kapayapaan. Gayunman, sa ilalim ng pamagat na “Ang Bagong Sanlibutang Kaayusan,” ang magasing Asiaweek ay nagtala kamakailan ng mga pangalan ng mahigit na 100 bansa, na gumuguhit ng isang mas makatotohanang larawan ng mga kalagayan sa daigdig. Ang mga bansa ay naitala ayon sa laki ng hukbo. Ang nangunguna sa talaan ay ang Tsina, na may hukbo ng 2,300,000. Sumunod ang India at Hilagang Korea, bawat isa ay may halos 1,000,000 sundalo. Halos 30 bansa ay nag-aangkin ng hukbo na may bilang na 100,000 o higit pa. Ang pinakahuli sa talaan ay ang Burkina Faso na may hukbo ng 7,000. Ang kabuuang bilang ng lahat ng mga hukbo na naitala ng Asiaweek ay umaabot sa mahigit na 15,000,000 sundalo!