Ang Trahedya sa Dagat Aral
Ang Trahedya sa Dagat Aral
“SA kasaysayan ng sangkatauhan ay wala nang makikitang ibang pangyayaring naganap na, sa harap ng isang henerasyon ng mga tao, ay naglaho ang isang buong dagat sa balat ng lupa.”
Matapos gawin ang ganiyang obserbasyon, si R. V. Khabibullaen, isang kilalang miyembro ng siyentipikong komunidad ng dating Unyong Sobyet, ay nagpaliwanag: “Aba, iyan ang malungkot na tadhana na nagbabanta sa Dagat Aral.”
Ang napakalaking dagat na ito ay nasa mga dako ng disyerto ng Uzbekistan at Kazakhstan, dating mga republika ng Asia ng Unyong Sobyet. Noong 1960 ito ay sumasaklaw sa humigit-kumulang 67,000 kilometro kuwadrado, na nagpangyari rito na maging ang pang-apat na pinakamalaking pailayang lawa sa buong mundo. Ang karatig lamang na Caspian Sea, Lake Superior ng Hilagang Amerika, at Lake Victoria ng Aprika ang mas malaki sa sukat.
Gayunman, sa nakalipas na 30 taon, ang dagat Aral ay lumiit nang mahigit na ikatlong bahagi sa lawak at mga dalawang-katlo sa laki ng tubig! Mahigit sa 28,000 kilometro kuwadrado ng Aral, doble ng laki ng estado ng Connecticut, E.U.A., ay naglaho. Ang taas ng tubig ng dagat ay bumagsak nang mahigit na 12 metro, at ang tubig sa ilang lugar ay umurong mula sa 80 hanggang 100 kilometro mula sa dati nitong pampang. Ito ay naglantad sa isang tuyong dagat ng di-kaayaayang buhangin na dati’y may magandang asul na tubig na punung-puno ng mga isda. Ang dating maunlad na mga palaisdaan ang sa ngayon ay iniwang malayo mula sa tabing-dagat.
Sa pagtatapos ng dekada ng 1950, ang Aral ay nagbigay ng isang taunang huli ng mga 45 milyong kilo ng panindang mga isda. Dalawampu’t-apat na uri ng isdang tabang ang nanagana sa di-gaanong maalat na tubig ng dagat. Mga 10,000 na mangingisda ang nagtatrabaho sa daungan ng Muynak lamang, na doo’y inihahanda ang 3 porsiyento ng taunang huli ng Unyong Sobyet. Ngunit sa ngayon, ang maunlad na industriya ng pangingisda, na dati’y nagbibigay ng trabaho para sa 60,000 katao, ay patay na; ang umaalat na tubig ng Aral ay pumatay sa mga isda.
Isang Walang-katulad na Tanawin
Kataka-taka, ang Muynak, na ang populasyon ay bumaba mula sa mahigit na 30,000 tungo sa mga 20,000, ngayon ay nasa mahigit na 30 kilometro mula sa umurong na tubig ng Aral! Isang panauhin mula sa Estados Unidos, habang papalapit sa bayan sakay ng eruplano, ay nag-ulat na nakakita ng “wari’y mga laruang barkong nakahilig na nasa disyerto.” Habang tinitingnang mabuti ang lugar nang siya’y nakababa na, napansin niya: “Dose-dosenang napakalaking bapor na ginamit sa pangingisda na yari sa bakal at iba pang mga bangka ang nakahilig at nakabaon nang bahagya, na para bang inihagis ng napakalakas na alon mga milya ang layo pailaya.”
Nang ang mga tubig ng dagat ay magsimulang umurong, isang kanal ang hinukay upang ang mga bangka sa daungan ng Muynak ay magkaroon ng daanan patungo sa dagat. Ngunit ang alkalde ng bayan ay nakapansin: “Sa taglamig ng 1974 ang dagat ay mabilis na kumati, at sa tagsibol, kapag ang mga bangka ay karaniwang inilulunsad, umurong ang tubig, at imposible na ang mga iyon ay maikilos.”
Ano ang sanhi ng trahedyang ito?
Kung Bakit Naglalaho ang Dagat
Buhat pa noong panahong hindi maalaala ang Aral ay natutustusan ng dalawang malalaking ilog, ang Amu Darya at ang Syr Darya. Ang tubig ng mga ilog na ito ay nagmumula sa nalulusaw na mga yelo mula sa mga bundok ng hilagang-silangang Afghanistan at Kyrgyzstan. Gayunman, upang baguhin ang tuyong lunas ng Aral tungo sa isang pangunahing lugar na pang-agrikultura, ang tubig ay inilihis na patungo sa mga patubig kaya halos wala nang natira para umagos naman patungo sa dagat.
Ang tinatawag na proyekto para sa dagat Aral ay pinasinayaan noong 1960, at ang lupa na nasasaklawan ng patubig ay kaagad na lumawak tungo sa mga 6.8 milyong ektarya, doble niyaong sa California, E.U.A. Ang disyerto ay namukadkad sa mga pananim, ngunit di-nagtagal ang dagat ay nagsimulang mawala.
Nahigitan ba ng mga pakinabang ang kapinsalaan sa dagat?
Mga Pakinabang na May Malulungkot na Resulta
Ang pangunahing pananim ay bulak, na may mga kalahati ng lupa ang nakalaan para rito. Bago nabuwag ang Unyong Sobyet, 95 porsiyento ng bulak na ginamit nito ay nanggaling sa pinatubigang lupang ito ng lunas ng Aral. Bukod doon, may sobra pa na mailuluwas sa ibang bansa upang makapaglaan ng kinakailangang salapi. Ang 40 porsiyento ng bigas sa Unyong Sobyet ay naibigay rin ng pook na ito.
Karagdagan pa, ang lunas ng Aral ay naging ang pangunahing tagapanustos ng sariwang mga prutas at mga gulay sa bansa, gaya naman ng California para sa Estados Unidos. At ang mga oportunidad sa trabaho ay inilaan para sa mabilis na dumaraming populasyon ng halos 40 milyong katao sa pook na iyon. Ngunit, hindi gaanong pinag-ukulan ng pansin ang may kaugnayan sa maaaring maging epekto nito sa kapaligiran.
Halimbawa, ang mga linya ng patubig ay hindi konkreto. Bilang resulta, ang karamihan sa tubig ay tumatagas sa mabuhanging lupa bago pa ito makarating sa mga pananim. Sa karagdagan, napakaraming pestisidyo ang ginamit, at para mapadali ang pag-aani ng bulak, gumamit sila ng matatapang na pamatay-damo upang mapigil ang paglago ng mga dahon sa halaman.
Sa ganito, lumaki ang pinsala sa kapaligiran, nahigitan pa ang napinsalang industriya ng pangingisda sa dagat Aral. Bilang halimbawa, bawat taon sampu-sampung milyong tonelada ng buhangin at asin na tinangay ng hangin na nagmula sa 28,000 kilometro kuwadradong nakalantad na ilalim ng dagat ang humahampas na gaya ng malalakas na bagyo anupat maaaring makita mula sa kalawakan.
Ang mga maliliit na butil mula sa mga bagyong ito, sa anyo ng alikabok o di kaya’y ulan, ay naglalaman ng nakalalasong mga asin, mga pestisidyo, at iba pang mga timplada. Ilang bahagi ng lunas ng Aral ay tumatanggap taun-taon ng kasindami ng kalahating tonelada bawat ektarya ng ganitong timplada ng asin at buhangin. At ang alikabok ng Aral ay namatyagan hanggang sa layo ng dalampasigan ng Arctic ng Rusya.
Ang isa pang nakasisindak na tanawin ay ang epekto ng umuurong na dagat Aral sa klima. Ang katamtamang impluwensiya ng dagat sa klima ay nabawasan kung kaya ang temperatura kung tag-init ay mas mataas at kung taglamig naman ay mas mababa. Sa tagsibol, ang nagyeyelong hamog ay nagaganap sa dakong huli, at sa taglagas iyon ay dumarating nang mas maaga, na nagpapaikli sa panahon ng paglago.
Karagdagan pa, ang pagkasira ng Aral ay nagdulot ng lansakang pagkamatay ng mga hayop. Mahigit sa 170 mga uri ng hayop ang nanirahan sa paligid ng Aral sa nakalipas na mga taon; ngayon ay mas kaunti pa sa 40 ang naroroon. Sa pasimula ng dekada ng 1960, mahigit sa 600,000 mga balat ng muskrat taun-taon ang kinukuha, ngayon ay wala na. Ang tumaas na dami ng mineral sa tubig ng dagat ay pumatay sa mga hayop sa disyerto na umiinom mula roon.
Ang Naghihingalong Lupa at mga Taong May-sakit
Kalunus-lunos, ang naiipong asin sa lupa ay lumalason dito. Kapag ang lupa sa disyerto ay pinatubigan, ang mainit na sikat ng araw ay tumutuyo sa tubig, na nagpapangyaring maipon ang asin sa lupa. Bilang karagdagan, kapag napakaraming tubig sa patubig ang nasisipsip ng lupa, unti-unting tumataas ang sukat ng tubig. At pagka ang maruming tubig ay umabot sa ugat ng mga halaman, napipinsala ng nakalalason na tubig ang mga ugat nito. Ganiyan ang nangyayari sa lunas ng Aral. “Ang katulad na parusa na naging dahilan ng pagbagsak ng sinaunang mga sibilisasyon sa Mesopotamia,” paliwanag ng isang manunulat, “ay umaangkin sa isa na namang biktima.”
Ang mga tao man ay nalalason din. Ang mga pestisidyo at mga pamatay-damo ay tumatagos pailalim na nagpaparumi sa tubig ng balon. Sa gayon, maraming tao ang umiinom ng tubig na naglalaman ng mapanganib na mga kemikal, at ang mga resulta ay kalunus-lunos. “Ang lokal na literaturang medikal,” itinala ng magasing World Watch, “ay punô ng mga istorya ng mga kapinsalaan sa panganganak, tumataas na ulat ng sakit sa atay at bato, talamak na gastritis, tumataas na bilang ng mga namamatay na sanggol, at pumapailanlang na bilang ng mga may kanser.”
Si Dr. Leonid Elpiner, na nagpapakadalubhasa sa mga problema sa kalusugan ng dagat Aral, ay kinilala ang sakit na nararanasan sa lugar na iyon bilang “pesticide AIDS,” o mga sakit na may sintoma na gaya ng AIDS ngunit sanhi ng pestisidyo. Sinabi niya: “Ang pangunahing layunin, sa tingin namin, ay hindi na para iligtas ang Dagat Aral. Iyon ay para iligtas ang populasyon.”
Isang patnugot para sa National Geographic, si William S. Ellis, isa sa mga unang Amerikanong pumasyal sa lugar na iyon, ay sumulat: “Ang dagat ay isang nagpapatuloy na trahedyang pangkapaligiran—katumbas, maraming nagsasabi, ng malaking sakunang nuklear ng Chernobyl noong 1986.” Sa isang pagpupulong sa Muynak isang lalaki ang nagsabing iyon ay “makasampung beses ang samâ.”
Tunay, ang nangyari sa dagat Aral ay isang trahedya. Gayunman, iyon ay hindi sinasadya. Ang mga nangangasiwa ay may mabubuting hangarin. Sinisikap nilang mamukadkad ang disyerto upang mapakain ang mga tao. Ngunit ang pagpapatupad ng kanilang mga plano ay nagbunga ng kahila-hilakbot na pagdurusa, higit na nakalalamang sa mga pakinabang.
Sa pagbubulay-bulay sa trahedya sa dagat Aral, isang manunulat ang pumansin sa responsibilidad ng tao na iwanan ang lupa para sa henerasyon sa hinaharap “bilang isang napakainam at marangal na lugar.” Nakalulungkot, ang kabaligtaran ang nangyari rito, na pinatunayan ng madulang mga pagbabago na nagsimula sa lunas ng Aral mahigit na 30 taon na ang nakalipas.
[Larawan sa pahina 24, 25]
Ang dalampasigan ng dagat Aral ay umurong hanggang 95 kilometro, iniwan ang mga bangka na nakasadsad sa buhangin
[Credit Line]
David Turnley/Black Star
[Larawan sa pahina 26]
Ang patubig ay nagpangyari sa lunas ng Aral na maging isang nagbubungang lupa ngunit sa napakalaking halaga
[Credit Line]
David Turnley/Black Star