Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Columbus Katatapos ko lamang basahin ang mga serye ng mga artikulong “‘Ang Bagong Daigdig’—500 Taóng Gulang.” (Marso 8, 1992) Aaminin ko na ako’y talagang nahihirapan sa pag-unawa sa kasaysayan, at nasumpungan kong mahirap ang panimulang materyal. Subalit talagang nagustuhan ko ang pagkakapit na ginawa sa artikulong “Ang Tunay na Bagong Daigdig na Naghihintay Tuklasin.” Tinulungan ako nito na pahalagahan ang mga pagpapala na di na magtatagal ay gagawin ng Diyos.
N. Z., Italya
Ako’y 13 taóng gulang. Aming pinag-aaralan sa paaralan ang tungkol sa mga marino, at kami’y hinilingan na sumulat ng isang sanaysay tungkol sa paksang iyon. Yamang kakaunti lamang ang nakuha naming impormasyon mula sa aming guro sa kasaysayan, ginamit ko ang mga detalye mula sa mga artikulo ng Gumising! tungkol kay Christopher Columbus. Ako’y nakakuha ng mataas na marka at ako’y nakapagpasakamay rin ng maraming kopya ng magasin sa klase.
M. D., Alemanya
Ang Bahay-Bata Kailanman ay hindi ako sumulat sa isang magasin sa buong buhay ko. Subalit ako’y labis na humanga sa kagandahan ng artikulong “Ang Bahay-Bata—Ang Ating Kahanga-hangang Unang Tahanan” (Abril 8, 1992) anupat kailangan kong sumulat. Ako mismo’y nasindak sa kapangyarihan ng Diyos. Bawat salita ay naisulat nang may pagmamahal.
B. J., Estados Unidos
Kamakailan ako ay nagkasuliranin sa aking matris. Subalit nang ipaliwanag ng doktor kung ano ang aking problema, hindi ko maunawaan iyon. Yamang nabasa at binasa kong muli ang inyong artikulo, naunawaan ko ngayon kung ano ang nangyayari sa akin. Magiging mas madali para sa akin na makipag-usap sa aking doktor.
S. G., Brazil
Nais ko kayong pasalamatan sa magandang paraan ng pagkasulat ng artikulo, lakip na ang kawili-wiling mga ilustrasyon na kasama nito—isang kombinasyon na ginagawa ang Gumising! na kapana-panabik basahin. Kung aking nabasa ang gayunding impormasyon sa isang siyentipikong lathalain, ako’y walang anumang mauunawaan at iyon ay magiging kabagut-bagot.
S. P., Italya
Ang inyong napakahusay na pambungad na mga pangungusap ay agad nakatawag-pansin sa akin, at totoong buhos ang aking isip sa pagbabasa. Habang aking binabasa ito, napagwari ko na ang mga kabataang nakaranas ng seksuwal na kalisyaan ay nakagawa ng isang malaking pagkakamali. Totoong isang kahangalan na abusuhin ang katawan na, sa kaniyang dakilang karunungan, ay ginawa para sa atin ni Jehova.
M. S., Hapón
Mga Asong Dingo Ako’y nagbabalak na lumipat sa Australia, kaya ang anumang impormasyon tungkol sa lupaing iyan ay umaakit sa akin. Sa gayon ako ay humanga sa inyong artikulong “Makipagkilala sa Kontrobersiyal na Dingo ng Australia.” (Oktubre 8, 1991) Bago ko nabasa ang artikulong ito, ako’y nagkaroon ng pagtatangi laban sa dingo, naniniwala na iyon ay wala kundi isang domestikadong “aso” na naging mabangis. Ang inyong artikulo ay nagbigay sa akin ng mas malalim na paggalang sa dingo, at ako’y tumitingin sa hinaharap na makatagpo ang kahanga-hangang hayop na ito balang araw.
A. S., Estados Unidos
Mga Pep Rally Lubos kong pinahahalagahan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Tayong Pumunta sa Pep Rally?” (Pebrero 8, 1992) Ako’y hindi na nag-aaral, subalit aking inaalaala ang nakalipas at nagugunita na ako’y aktibong napasangkot sa rally sa aming paaralan. Aming ginutay-gutay ang isang kaparehong mascot ng aming kalabang paaralan! Ang salita ng Bibliya ay kapit sa aking kalagayan: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali.”—1 Corinto 15:33.
L. S., Estados Unidos
Ako’y nakadalo na sa mga pep rally ngunit hindi kailanman napasangkot nang aktibo sa mga ito. Gayunman, ako’y nagkaroon ng pag-aalinlangan sa pagdalo, bagaman hindi ako kumilos ayon sa aking mga pag-aalinlangan. Yamang ang pagdalo ay hindi sapilitan, ako’y nagpasiyang huwag nang dumalo sa mga iyon.
B. K., Estados Unidos