Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sa Pagsusuri ng Sanhi

Sa Pagsusuri ng Sanhi

Sa Pagsusuri ng Sanhi

KINAILANGAN ng mga taon upang matuklasan kung ano ang sumisira sa sistemang imunidad ng mga maysakit ng AIDS, subalit mas matagal pa nga ang kailangan upang makilala kung ano ang pumipinsala sa mga katawan at utak niyaong may CFS (chronic fatigue syndrome). Bagaman hindi pa matiyak ang sanhi, ang mga awtoridad sa panggagamot ay handang magharap ng kumukumbinsing mga patotoo ng pagiging di-normal sa pisikal ng mga maysakit. Sa katunayan, ang gayong patotoo ay nagamit na sa hukuman.

Nag-ulat ang Medical Post ng Canada na sa isang legal na usapin, ang mga medikal na eksperto ay nagharap ng katibayan upang sumuporta sa pag-aangkin ng nasasakdal na ang kakayahan ng maysakit upang gumawa ng mga pagpapasiya ay napinsala ng kaniyang sakit. Sa gayon si Hukom William G. N. Egbert ay napakilos na magtapos: “Ang sakit ay nakaaapekto sa bawat larangan ng pagpapasiya. . . . Ang maliliit na dako ng utak ay napinsala.”

May katotohanan ba sa bagay na ito?

Pagiging Di-normal ng Utak

Sumusuporta ang medikal na pananaliksik sa pangangatuwiran na ang utak ng maysakit ng CFS ay apektado. Ang The New York Times ng Enero 16, 1992, ay naglabas ng ulong pambungad: “Natuklasan ng Pagsusuri ang Depekto sa Utak ng mga Maysakit ng Chronic Fatigue.” Ang artikulo, salig sa isang ulat na inilathala nang nakaraang araw sa Annals of Internal Medicine, ay nagsabi:

“Ang pinakamalawak na pagsusuri ng chronic fatigue syndrome ay nakasumpong pa ng ebidensiya ng pamamaga sa mga utak ng mga maysakit, ang unang katunayan ng diperensiya sa utak may kaugnayan sa misteryosong karamdaman.” Nagsusog pa ang artikulo: “Ang pagsusuri ay ang pinakahuli sa kamakailang mga serye na nagpapakita ng mga pagkakaiba sa imunidad at sa hormone niyaong may syndrome at malusog na mga tao.”

Isa pang pagsusuri na umakit ng higit pang atensiyon ay naiulat sa Disyembre 1991 na labas ng Journal of Clinical Endocrinology and Metabolism. Nasumpungan nito ang mga palatandaan ng mga kakulangan sa hormone sa mga glandulang endocrine at mga utak ng mga tao na may CFS. Sa gayo’y nagsusog pa ang pagsusuri na ang biyokemikal at imunidad na mga salik ay nagpapangyari sa mga sintoma ng CFS.

Si Dr. Walter Gunn, samantalang naglilingkod sa CDC (U.S. Centers for Disease Control), ay sumubaybay sa maraming pag-aaral sa mga maysakit ng CFS. Kaniyang binanggit na “ang ilang mahuhusay na siyentipiko ay nagpapasimulang mapasangkot sa pananaliksik ng CFS.” Bagaman ang mga pagsusuri ng mga mananaliksik ay kadalasang nagpapatunay sa iba’t ibang posibleng mga sanhi, idiniin ni Dr. Gunn: “Ang isang bagay na di-nagbabago ay na walang sinuman ang nag-uulat na ito’y walang mga depekto.”

Ano ang posibleng sanhi o mga sanhi na responsable sa CFS? Kasangkot ba ang virus, o mga virus? Kung gayon nga, sa anong paraan? Paano ang sistema ng imunidad ay mapanganib na naapektuhan? Paano ang di-normal na paggana nito ay naging sanhi ng mga nakikitang sintoma sa mga maysakit ng CFS?

Posibleng mga Sanhi

Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga virus ay nasasangkot. Subalit anong mga virus? Marami ang naiugnay ng mga mananaliksik. “Ang mga retrovirus, spuma o ‘mabula’ na mga virus, enterovirus, Epstein-Barr virus, at herpesvirus type 6 ng tao ay lahat kabilang sa kilala at posibleng mga sanhi ng CFS,” ang sabi ng The Journal of the American Medical Association noong nakaraang Nobyembre.

Sa anong paraan maaaring ang mga virus ay sanhi ng CFS? Iyan ay hindi alam. Gayunman, si Dr. Anthony L. Komaroff, nangungunang mananaliksik ng CFS, ay nagsabi: “Ang panuntunan na lumilitaw ay ang patuloy na aktibong sistemang imunidad, isang sistemang imunidad na abala sa isang uri ng patuloy na pakikipagtunggali laban sa ilang uri ng bagay na nakikilala nito na naiiba.”

Ang isang malusog na sistemang imunidad ay tumutugon sa kalabang virus, o mga virus, sa pamamagitan ng paglalabas ng mga kemikal, tinatawag na mga cytokine, upang lumaban sa mga sumasalakay. Gayunman, pagka ang di-inaasahang pangyayari ay napangasiwaan na, ang paglalabas ng mga cytokine ay karaniwan nang humihinto. Subalit ang sistemang imunidad ng maysakit na CFS ay waring hindi tumitigil. Kapansin-pansin, ang magkakaayon na pagsusuri sa mga taong may CFS ay isang tumaas na produksiyon ng mga cytokine.

Ito’y mahalaga, yamang ang virus ay hindi ang nagpapangyari na magkasakit ang tao pagka sinalakay nito ang kaniyang katawan. Siya’y nakadaramang may sakit sapagkat ang mga selula ng kaniyang katawan ay naglalabas ng mga cytokine, na sanhi ng lagnat, pananakit, at pagkahapo. Si Dr. William Carter, isang propesor sa panggagamot sa E.U., ay nagsabi: “Ang mga cytokine ay nananatili at nagsisimulang pinsalain ang tao hanggang sa wakas ay ating makikita ang maysakit na lubusang nakaratay na halos hindi makagalaw.”

Gayunman, ano ang sanhi na ang sistemang imunidad ay patuloy na maglabas ng mga cytokine na dapat sana’y huminto na ito sa paglalabas? “Ang isang nakatagong virus ay napaging-aktibo ng isang bagay na nagpasigla rito,” ayon kay Dr. Jay A. Goldstein, “na nagpapangyaring ang mga selula ng sistemang imunidad ay maglabas ng [mga cytokine] sa di-normal na dami.”

Karagdagan pa, lumilitaw na ang likas na mámamatay na selula at ang mga macrophage, na pangunahing mga panlaban sa sumasalakay na mga organismo, ay bumaba alinman sa bilang o sa paggana sa mga maysakit ng CFS, higit pang pinahihina ang sistemang imunidad. Ang kapuna-punang bagay ay na ang sistemang imunidad ng mga maysakit ng CFS ay waring may di-maayos na paggana, bagaman nagkakaiba ang mga kuru-kuro kung bakit nagkakagayon.

Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, kadalasang napapansin ng mga doktor na sa maraming maysakit ang panlulumo ay hindi ang sanhi ng CFS. Gayunman, sa ibang mga maysakit inaakala ng ilang doktor na ang mga suliraning sikolohikal, gaya ng panlulumo, ay maaaring maging sanhing salik. Kawili-wili, isiniwalat ng pagsusuri na maaaring sirain ng panlulumo ang sistemang imunidad. “Ang sikolohikal na pagkabalisa mismo ay maaaring lumikha ng mga di-kaayusan sa neurohormone at imunidad na paggana,” sulat ni Dr. Kurt Kroenke, ng Walter Reed Army Medical Center sa Washington, D.C.

Sa gayon, sa ilang pangyayari maaaring pasimulan ng panlulumo ang mga pagbabago sa sistemang imunidad na magiging dahilan ng CFS. Subalit, maraming iba pang mga salik na makapagpapahina sa sistemang imunidad ay malamang na nauugnay rin.

Maraming mga Salik

Sumasang-ayon ang karamihan sa mga nagsusuri na malamang na hindi lamang isang bagay ang nagiging sanhi ng CFS. “Sa halip, ang CFS ay maaaring isang karamdaman na lumilitaw sa isang mahinang indibiduwal na ang panlulumo, [mga alerdyi], mga pagkahawa sanhi ng virus, o iba pang mga salik ay nagbunga sa ilang antas ng pagkapinsala ng imunidad,” paliwanag ng magasing medikal na Cortlandt Forum.

Isang doktor, na sumusulat sa Medical Post ng Canada, ay nagsabi: “Maaaring may namamanang pagkamadaling-tablan at ang hapung-hapo na katawan ay maaaring isa pang paghahantad sa karamdaman. Pagkatapos isang matinding pangyayari, kalimitan isang malubhang virus ng pagkahawa, ay sumasalakay sa patáng-patâ na indibiduwal. Ang pagkasama-sama ng lahat ng mga salik na ito ay malamang na lumikha ng pinsala sa sistemang imunidad.”

“Ang kaigtingan ay isa sa pangunahing mga nagpapasimula na aming nakikita,” sabi ni Dr. Charles Lapp. “Kung minsan aming nakikita na may kaugnayan ang ilang kemikal. . . . At nakapagtataka ang marami sa aking mga pasyente (bagaman kami’y hindi pa kailanman nakagawa ng pagsusuri) ay bumanggit na ang mga pamatay-kulisap, mga pintura, at mga barnis ay waring nasasangkot pagka ang kanilang sakit ay napaging-aktibo.”

Hindi kailanman sa kasaysayan na ang mga tao ay mapahantad sa mas maraming pagsalakay sa kanilang mga katawan sa pamamagitan ng pangkapaligirang polusyon. Ang mga additive sa pagkain at mga droga ay makapipinsala rin sa katawan at mapanganib na nakaaapekto sa sistemang imunidad. Ang ilang doktor ay nagsasabi pa man din na ang matagal na pag-inom ng mga antibayotik ay nagpapahina sa sistemang imunidad.

Ang iba pang mga salik ay maaaring nasasangkot din sa pagdurusang nakikita sa libu-libong maysakit ng CFS. Subalit samantalang may nakapapanabik na mga himaton at nakatatawag-pansin na mga posibilidad, ang sanhi ng CFS ay hindi pa rin alam.

Isang Tanda ng mga Huling Araw

Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa mga huling araw ng sistema ng sanlibutan, inihula ni Jesu-Kristo: “Magkakaroon . . . ng mga salot sa iba’t ibang dako.” (Lucas 21:11) Anong totoo nga ito sa ating panahon! Marami sa mga sakit sa ngayon ay hindi alam ang sanhi, subalit hindi nito ginagawa na ang mga ito ay di-gaanong totoo o nagpapahina.

Ang CFS ay waring isa pang karamdaman na bumubuo sa bahagi ng hula na sinabi ni Jesus na magiging tanda ng mga huling araw. Subalit ang pagkaunawa rito ay hindi gumagawang mas madali ang buhay para roon sa mga nagdurusa. Paano madaraig ng mga maysakit ng CFS ang kanilang karamdaman?