Tinupad Ko ang Aking Pangako
Tinupad Ko ang Aking Pangako
AKO’Y isinilang sa Rio de Janeiro, Brazil, sa panahon ng isang parti noong Carnival Sunday, 1930. Naroon ang mga kabilang sa mataas na lipunan ng Rio—mga doktor, mga koronel ng hukbo, mayayamang negosyante. Bilang pamahiin, lahat sila ay naghagis ng gintong singsing at mga diyamante sa aking unang pagpaligo, sa paniwala na matutulungan nito ang batang lalaking ito na maging mayaman at bantog. Pagkatapos ng mga isang taon at kalahati, ako ay nakatanggap ng premyo bilang pinakamagandang sanggol sa Rio sa isang timpalak na sinuportahan ng isang magasin.
Di-nagtagal pagkatapos ang aking ina ay nagkasakit nang malubha. Nang sabihin ng mga doktor na wala na siyang pag-asa, ang aking ama ay iniwan siya at ang mga bata. Ako ay ipinambayad niya sa utang, kaya ako ay tumira sa isang mayamang pamilya sa Guarujá, sa isla ng Santo Amaro, sa estado ng São Paulo. Doon ako ay lumaki na hindi naaalaala ang dating pamilya. Subalit, sa panahon ng bakasyon sa paaralan na ginugol ko sa Rio de Janeiro—mga 450 kilometro mula sa aking tinitirhan sa Guarujá—may nangyari sa akin na nagpabago sa aking buhay.
Di-sinasadyang Pagkikita
Ako ay naglalaro kasama ang mga batang lalaki na kaedad ko sa bahagi ng Jardim da Glória. Dahilan sa ako’y binibigyan ng aking itinuturing na mga magulang ng maraming pera, ako ay bumibili ng sorbetes para sa buong grupo, kaya ako naging popular. Isa sa mga batang lalaki, si Alberto, ay nagtanong sa akin kung tagasaan ako. Nang sabihin ko sa kaniya, ang sabi niya: “Ako ay may nakababatang kapatid na lalaki na nakatira rin sa São Paulo, ngunit hindi ko siya kilala. Ang pangalan niya ay Cézar. Ang aking ama ay ibinigay siya sa isang pamilya roon, at ngayon ang aking ina ay umiiyak araw-araw dahil wala na siyang pag-asa na makita siyang muli.”
Isinusog pa niya: “Kung sakaling makita mo ang isang bata na mga sampung taóng gulang sa São Paulo na tinatawag na Cézar, sabihin mo nagkita kayo ng kaniyang kapatid at na gusto ng kaniyang ina na makita siya.”
“Hindi ko kalilimutan iyan,” pangako ko. “Lalo na, ang pangalan niya ay pareho sa akin.”
Isang Pagbabago ng Kalagayan
Sinabi ni Alberto sa kaniyang ina ang tungkol sa aming pag-uusap, at gusto niya akong makilala. Nang si Alberto at ako ay muling magkita sa Jardim da Glória nang sumunod na Linggo, sinabi niya: “Gusto kang makita ni Inay. Palagay ko gusto niyang magpadala ng mensahe sa iyo para sa aking kapatid sa São Paulo.”
Agad akong isinama ni Alberto sa kaniyang ina, na nakaupo sa isang bangko sa parke. Siya ay maingat na tumingin sa akin mula itaas pababa. Pagkatapos ay niyapos niya ako at nagsimulang umiyak. “Sino ang iyong mga magulang?” tanong niya.
“Sina Garibaldi Benzi at Nair,” ang tugon ko. “At ang pangalan ko ay Cézar Benzi.”
Hiniling niya na magkita sila ng aking ina na halos himatayin nang sabihin ko ang nangyari. Bandang huli ang dalawang ina ay nagkita at nag-usap tungkol sa akin nang mahabang panahon. Pagkatapos sinabi ni Alberto sa akin: “Ang aking ina ay ang tunay mong ina, at ikaw ang kapatid ko!”
Ang aking ina ay gumaling sa kaniyang sakit at, sa sarili niya, ay pinalaki ang aking nakatatandang kapatid na lalaki at babae. Nang aking matiyak na natagpuan ko na ang tunay kong pamilya, hiniling
ko na tumira sa kanila, na naging malaking kabiguan sa aking ina-inahan. Gayunman, ako ay may matinding pagnanais na makasama ang aking mga kapatid. Ako ay nalulungkot rin para sa aking ina, na nagtiis at hindi alam kung ako ay patay na o buháy pa. Kaya ako ay naging matatag sa aking desisyon bagaman ito ay nangahulugan ng pag-alis sa maluhong tahanan sa Guarujá patungo sa isang bahay sa maralitang bahagi ng Rio de Janeiro. Anong laking pagbabago nga! Ngayon ay kailangan kong lumabas at magtrabaho pagkatapos ng eskuwela, dahil ang aking pamilya ay umaasa sa aking kinikita para mabuhay.Ako’y Gumawa ng Pangako
Nang ako ay lumaki, ako ay natutong gumawa, at bandang huli, ay magdisenyo ng alahas. Ang grupo na kasamahan ko sa trabaho ay kaugnay din sa pag-aangkat ng mga aytem—karamihan nito ay kontrabando—na napatunayang may napakalaking kita. Dahil sa madali ang pera, ako ay nasangkot sa mga parti, babae, at lasingan. Pagkatapos, nang ako’y 22 pa lamang, napakasal ako kay Dalva, na kasintahan ko noong kami ay nag-aaral pa. Tunay na hindi ako karapat-dapat sa kaniya. Siya ay ulirang asawa at ina—edukada, magalang, at may magandang asal.
Isang gabi, pagkatapos na kami’y pitong taon nang kasal, pauwi na ako sa bahay galing sa isang walang taros na parti nang ako ay magsimulang mag-isip nang seryoso. Nangatuwiran ako na ako ay hindi makapagtuturo ng tamang moral sa aming tatlong lumalaking mga anak sa uri ng aking pamumuhay. Kaya ako ay nakapag-isip upang magbago. Pagdating sa bahay, ginising ko si Dalva para sabihin ang aking desisyon.
“Ibig mong sabihin ginising mo ako ng alas dos ng umaga para lamang sabihin ang walang kabuluhang bagay na iyan?” Marami siyang dahilan para mawalan ng tiwala sa akin. Subalit ako ay nangako: “Sa oras na ito ay tototohanin ko. At upang simulan ito, ililipat ko ang aking pagawaan malapit sa ating bahay upang tayo’y magkaroon ng maraming panahon na magkasama bilang isang pamilya.” Samantalang si Dalva ay nagdududa pa rin, kami ay natulog.
Nang sumunod na araw nakatagpo ako ng isang dalawang-palapag na gusali at gumawa ako ng mga plano na gawing bahay ang itaas at ang aking pagawaan ay sa ibaba. Pagkatapos ako ay pumunta sa dati kong mga kasama at nagpaalam. Ako ay determinadong tuparin ang aking pangako. Sa kauna-unahang pagkakataon, si Dalva at ako ay naging maligaya kasama ng mga bata.
Tumulong Upang Matupad Ko ang Aking Pangako
Pagkaraan ng mga tatlong buwan, si Fabiano Lisowski ay dumalaw sa akin. Matagal na niya akong kilala. Kaya nang sabihin ko na gusto kong makilala niya ang aking asawa, sinabi niya: “Ang tunay mong asawa?”
Nang dumating si Dalva, ipinakilala ko siya na “isang pari ng ibang relihiyon ng Bibliya.” Nagtawa siya at nagpaliwanag na siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Wala akong interes sa relihiyon, ngunit si Dalva ay mahilig sa Bibliya. Siya at si Dalva ay nagsimulang mag-usap, subalit ako ay tumahimik, yamang hindi ko nauunawaan ang kanilang pinag-uusapan.
Si Fabiano ay nag-anyaya sa amin sa pulong nang sumunod na Linggo. Laking pagkagulat niya nang ako ay nangako na sasama. Si Dalva ay labis na natuwa. Batid niya na ako ay isang tao na may isang salita na pagka sinabi kong dadalo sa pulong, maasahan niya iyon. Dalawang bagay ang natutuhan ko sa pagnenegosyo ng kontrabando: Kailangang tuparin mo ang iyong salita, at kailanman ay hindi mahuhulí sa usapan.
Palagi akong may dalang rebolber sa aking baywang, subalit nang ako ay dumalo sa pulong, iniwan ko ang baril sa bahay. Ang mga tao ay magiliw at may napakagandang asal, kaya ako ay nangakong babalik sa susunod na Linggo. Simula noon kami ay regular nang dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, at hindi na ako nagdala ng baril kailanman.
Si Fabiano ay nagsaayos upang dalawin kami tuwing Miyerkules ng gabi, kasama ang kaniyang asawa at biyenang-babae. Sa pagkaalam na ako ay isang ateyista, siya ay laging nakikipag-usap kay Dalva. Sa pagkadamang ako’y napag-iiwanan, ako’y nagpasimulang makipag-usap sa kaniya tungkol sa ibang bagay, at siya ay magalang na nagbigay ng higit na pansin sa akin. Nakita ko na mayroon siyang aklat, “Hayaang ang Diyos ay Maging Tapat,” subalit siya ay nag-atubili na ialok ito sa akin. Sa wakas, ako’y nagtanong: “Para sa ano ang aklat na iyan?”
Nagulat siya, at sumagot: “Para pag-aralan.”
“Kung ito’y pag-aaralan,” ako’y sumagot, “tingnan natin kung ano ang sinasabi nito.”
Bawat isa ay nagulat at hindi alam kung ano ang aasahan. Gayunman, ang pag-aaral ay nagsimula, at ako ay matamang nakinig. Si Dalva ay natuwa, at maging ang tatlong bata ay nagustuhan ang paliwanag ni Fabiano.
Habang nag-aaral, ang asawa ni Fabiano ay napansin akong naninigarilyo, at siya ay nagkomento: “Mukhang malakas kang manigarilyo.”
“Ako’y nanigarilyo sapol noong ako ay nag-aaral pa,” paliwanag ko. “At habang ako’y nag-aaral ng disenyo ng alahas, ako’y patuloy na naninigarilyo.”
Mataktika, sinabi niya: “Maraming tao ang sumubok na huminto sa paninigarilyo subalit nabigo.”
“Kaya kong huminto anumang oras na gustuhin ko,” ang aking ipinakli.
“Iyan ang palagay mo,” ang sagot niya.
“Upang ipakita sa inyo, ako ay hihinto na ngayon,” ang sabi ko sa kaniya. Ginawa ko, at hindi na ako nanigarilyo simula noon.
Sa simula ng unang mga buwan ng aming pag-aaral, ang mga bagay ay hindi naging madali. Ang dati kong mga kaibigan ay nagpunta sa akin at nag-alok ng kahina-hinalang mga proposal sa negosyo, ang mga babae na nakasama ko sa parti ay nagpunta sa aming tahanan at ako’y hinahanap. Subalit ako ay determinadong magbago, at dahil sa di-nararapat na awa ni Jehova, nagawa ko iyon. Ang aking negosyo ay nalugi noong una, at kinailangan naming ibaba ang uri ng aming pamumuhay. Subalit nakagagalak, si Dalva ang laging pinagmumulan ng pampalakas-loob.
Pagkatapos ng limang buwan ng pag-aaral ng Bibliya, lahat ng aking pag-aalinlangan ay nawala. Ako ay nakumbinse na si Jehova ang tunay na Diyos at na ang Bibliya ay ang kaniyang nasusulat na Salita. Kaya noong Enero 12, 1962, si Dalva at ako ay kabilang sa 1,269 katao na nabautismuhan sa isang malaking kombensiyon sa São Paulo, na ginanap sa Ibirapuera Park. Anong gandang tanawin na makita ang mga 48,000 katao na nagsidalo!
Pagtuturo sa Aming mga Anak
Ang kombensiyon na iyon ay tumulong na maidiin sa akin ang responsibilidad na turuan at sanayin ang aming mga anak. Kaya kami’y karaka-rakang nagsaayos ng isang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya tuwing Miyerkules ng gabi. Kahit ngayon, ang Miyerkules ay nagpapatuloy bilang gabi ng aming pampamilyang pag-aaral. Subalit ngayon, si Dalva at ako na lamang ang nag-aaral, dahil lahat ng bata ay may mga asawa na.
Ang aming pag-aaral sa mga bata ay naglakip ng pagtalakay sa mga problema na pangkaraniwan na sa mga bata sa ating kaarawan, gaya ng mga istilo ng damit at pag-aayos at tamang asal sa gitna ng di-kasekso. Gayundin, kung ang isa sa mga bata ay may bahagi sa Teokratikong Paaralan sa Pagmiministro, ito ay iniinsayo ng Miyerkules ng gabi.
Karagdagan pa, ipinakita namin sa mga bata ang kagandahan ng paglalang ni Jehova sa pamamagitan ng pagdala sa kanila sa mga zoo at iba pang mga lugar. Sila’y tinutulungan naming magpahalaga na ang mga hayop at mga ibon ay nilalang ni Jehova para sa kasiyahan ng tao at di na magtatagal tayo ay may kasiyahan na makita ang mga ito, hindi sa mga kulungan o sa mga rehas, kundi nasa labas na, kung saan sila ay maaaring haplusin at himasin.
Habang mga bata pa sila, kami ay naglagay ng iskedyul sa aming paminggalan para sa pagbabasa ng mga magasing Ang Bantayan at Gumising! at iba pang mga publikasyon ng Watch Tower Society. Ginawa nila ang lahat ng kanilang magagawa na makasunod sa iskedyul upang masabi nila sa amin ang kanilang natutuhan. Tunay na masasabi namin na ang pagsasanay sa aming mga anak sa ganitong paraan ay nagdulot sa amin ng mayamang mga pagpapala. Bawat isa sa tatlong mga bata ay nabautismuhan bago sila sumapit sa kanilang kasibulan.
Si Cézar, ang aming bunso, ang unang nagpakita ng hangarin na maging nasa buong-panahong pagmiministeryo. Nang siya ay siyam na taon, siya ay tinawag nang walang abiso sa plataporma ng naglalakbay na tagapangasiwa, na nagtanong sa
kaniya kung ano ang gusto niya paglaki niya. “Bethelite, tagapangasiwa ng sirkito, o misyonero,” ang sagot ni Cézar.Sa edad na 17, si Cézar ay naging isang buong-panahong payunir na ministro. Pansamantala siya ay kumuha ng kurso sa pag-iimprenta, sa gayo’y paghahanda sa paglilingkuran niya sa sangay ng Watch Tower Society sa Brazil. Pagkatapos siya ay inimbitahan sa Bethel, at siya ay naglingkod doon ng apat na taon. Pagkatapos siya ay nag-asawa, siya at ang kaniyang asawa ay naging mga special pioneer; sila ay nagpatuloy hanggang sa isilang ang kanilang anak. Ngayon si Cézar ay naglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda, at ang kaniyang asawa ay isang regular pioneer. Ang kanilang anak na lalaki ay nabautismuhan noong 1990, nang siya ay 11 taóng gulang.
Si Sandra, isa sa aming mga anak na babae, ay pumasok sa paglilingkuran bilang payunir noong 1981. Nang sumunod na taon siya ay napakasal kay Sílvio Chagas, isang miyembro ng pamilyang Bethel. Sila ay naglingkod ng walong taon bilang mga special pioneer at ngayon ay nasa pansirkitong gawain, dumadalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang kakambal na babae ni Sandra, si Solange, at ang kaniyang asawa ay naglingkod ng tatlong taon bilang mga special pioneer. Ang kanilang anak na lalaki, si Hornan, kamakailan lamang ay nabautismuhan. Ang asawa ni Solange ay isang Kristiyanong matanda.
Si Dalva at ako ay nakadama na ang espirituwal na pagsulong ng aming mga anak sa malaking bahagi ay dahil sa aming regular na pampamilyang pag-aaral tuwing Miyerkules ng gabi, nagsimula mahigit na 30 taon na ang nakalipas. Ang isa pang tulong sa pagpapalaki sa kanila ay ang regular na pag-aasikaso sa aming tahanan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at iba pang nasa buong-panahong mga ministro. Ang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae na ito ang tumulong sa mga bata upang mapasulong ang tunguhin ng buong-panahong pagmiministeryo.
Personal na mga Pagpapala
Si Dalva at ako ay nakalampas sa maraming kilometrahe sapol nang pangunahing yaon noong 1962, nang kami ay nabautismuhan. Sa mga ilang panahon ako ay naglingkod bilang kahalili ng tagapangasiwa ng sirkito, at kami ay nasiyahan sa pribilehiyo na dumalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ako ay nagkaroon din ng bahagi sa pagtatayo ng aming Assembly Hall sa Duque de Caxias, isang proyekto na tumagal ng limang taon. At kadalasang ako’y humaharap sa sibil, medikal, at mga autoridad sa militar, kasali na ang bise-gobernador ng estado. Ang layunin ng aking mga pagharap na ito ay upang umupa ng mga istadyum para sa aming mga kombensiyon at upang ipaliwanag ang aming katayuan bilang neutral, gayon din kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpapasalin ng dugo.
Kapag naalaala ko ang nakaraan at nag-iisip sa lahat ng kamangha-manghang mga pagpapala na aking natanggap simula ng mahalagang gabing iyon nang gisingin ko si Dalva upang sabihin sa kaniya ang aking pangako, tunay na masasabi ko na ang pinakadakilang pagpapala sa lahat ay ang pagiging isang mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Si Dalva at ako ay nakumbinse na ang paraan ng patnubay ng Diyos na Jehova sa atin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay tunay na “Ang Daan” na umaakay sa maligayang buhay sa ngayon at sa wakas sa walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Gawa 9:2; 19:9)—Gaya ng inilahad ni Cézar A. Guimarães.
[Larawan sa pahina 23]
Si Cézar Guimarães at ang kaniyang pamilya ngayon