Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggagalugad sa Kalawakan—Ano ang Inilalaan ng Kinabukasan?

Paggagalugad sa Kalawakan—Ano ang Inilalaan ng Kinabukasan?

Paggagalugad sa Kalawakan​—Ano ang Inilalaan ng Kinabukasan?

SA PAGGUHO ng imperyo ng Komunistang Sobyet, nawala na ang karamihan ng paligsahan sa pag-uunahan sa kalawakan. Ang ilang siyentipiko ngayon ay nawalan na ng kanilang dating pangganyak​—isa na tatalunin. Sa halip na pagpapaligsahan, pinag-uusapan ng Ruso at Amerikanong mga siyentipikong pangkalawakan ang pagtutulungan, o pagsamahin ang kanilang kaalaman at kakayahan. Subalit mayroon pang mga tunguhing dapat abutin at mga katanungang dapat sagutin. Ang isang katanungan na itinatanong ng marami ay, Ano ang mga pakinabang ng sangkatauhan buhat sa lahat ng katakut-takot na pagsisikap at gastos upang galugarin ang malayong kalawakan?

Isang babasahin ng NASA ang nagsasabi na sa nakaraang tatlong dekada, “mahigit na 300 paglulunsad [ng sasakyang pangkalawakang walang sakay na tao] ang isinagawa sa mga programa na mula sa paggagalugad sa sistema solar hanggang sa pinagbuting pagsasabi ng lagay ng panahon, pangglobong komunikasyon at mga pag-aaral sa yaman ng Lupa.” Binigyang-matuwid ba ng mga resulta ang pagkalaki-laking halaga ng perang ibinuhos sa mga programang ito? Iginigiit ng NASA na ang mga ito ay “higit pa ang nagawa sa ipinuhunang panahon, salapi at teknikal na talino ng bansa.” Binibigyang-matuwid pa ng NASA ang ginugol na pera sa pagsasabing: “Halos 130,000 Amerikano ang nabigyan ng trabaho sapagkat ang programa sa kalawakan ay nagsagawa ng pananaliksik upang pagbutihin ang mga telang di-tinatablan ng apoy at ang pintura, mas maliit at mas nagtatagal na mga radyo at TV, mas matibay na mga plastik, mas malakas na mga pandikit, elektronikong mga sistema na pansubaybay para sa mga pasyente sa ospital, pinagbuting teknolohiya sa computer, gayundin ang iba pang mga larangan ng pananaliksik.”

Ang isa pang kaugnay na pakinabang ng programa sa kalawakan ay ang mas detalyadong paggawa ng mapa ng ibabaw ng lupa, at kahit na ang nasa ilalim ng ibabaw ng lupa. Kalakip sa ikalawang paglipad ng shuttle ang isang eksperimento na “ginagamit ang isang medyo saunahing optical recorder.” Ito “ay ipinalalagay na isang payak na heolohikal na pagsusuri na ginagamit ang radar na nagbibigay ng mababasang topograpiya ng ibabaw ng lupa.” (Prescription for Disaster, ni J. J. Trento) Subalit may isang di-inaasahang resulta. “Nang ang sasakyang pangkalawakan ay nagbalik at ang mga larawan . . . ay iproseso, nakita ang mga daan at kalye ng isang sinaunang lunsod na natabunan ng buhangin ng Sahara. Natuklasan ang isang nawawalang sibilisasyon.” At saka, mayroon pang pakinabang na nakaaapekto sa ating lahat.

Ano ba ang Magiging Lagay ng Panahon?

Ang araw-araw na pagsasabi ng lagay ng panahon, na may mga mapa at mga larawan, ay isang bagay na itinuturing ng karamihan ng mga taong may TV na pangkaraniwan lamang. Gayunman, gaano nga nababago nito ang ating kakayahang magplano sa bawat araw! Karaniwan na, kung magkakaroon ng bagyo o uulan o magkakaroon ng niyebe, malalaman mo ito mga ilang oras na patiuna​—dahil sa mga weather satellite sa kalawakan na lumiligid sa lupa.

Sa nakalipas na 30 taon, ang meteorolohikal na mga satelayt ay naghahatid ng impormasyon tungkol sa lagay ng panahon sa lupa. Isang babasahin ng NASA ay nagsasabi: “Hindi lamang ginagawang posible ng mga satelayt na ito na higit nating maunawaan ang ating kapaligiran, ipinagsasanggalang din tayo nito mula sa mga panganib.” Binabanggit pa nito na noong 1969 isang bagyo ang humampas sa Mississippi Gulf Coast, pinipinsala ang ari-arian na nagkakahalaga ng $1.4 bilyon. “Gayunman, dahil sa pagsasabi ng lagay ng panahon ng weather satellite, 256 katao lamang ang nasawi, at karamihan sana rito ay nailigtas kung sinunod nila ang maagang mga babala na lisanin ang lugar na iyon.” Tiyak, ang mga pakinabang na ito ay maaaring ikapit sa iba pang bahagi ng lupa na regular na dumaranas ng nakamamatay na mga epekto ng bagyo at mga unos.

Ang mga siyentipikong pangkalawakan ay hindi lamang interesado sa pangalawahin at di-inaasahang mga pakinabang para sa mga naninirahan sa lupa. Ang kanilang mga tunguhin ay higit pa riyan. Kaya, ano ba ang inilalaan ng kinabukasan para sa paggagalugad sa kalawakan?

Ang Hamon ng Istasyon sa Kalawakan

Ang nakikita ng maraming siyentipikong pangkalawakan bilang mahalagang pangangailangan ay isang tunay, gumaganang istasyon sa kalawakan. Tinatantiya ng NASA na $30 bilyon ang kakailanganin sa taóng 2000 para sa itatayong istasyon sa kalawakan na Freedom. Yamang ang istasyon ay ilang taon nang isinaplano, $9 na bilyon na ang nagugol, ayon sa isang pinagmumulan ng balita sa NASA. Subalit paano mapaiikot ng mga eksperto ang kanilang istasyon sa kalawakan? Tinatayang ang U.S. shuttle ay kailangang gumawa ng hindi kukulanging 17 paglalakbay sa kalawakan na may sakay na tao upang mailagay ang Freedom sa kalawakan nang piraso por piraso. Iyan ay nangangahulugan ng napakamahal at kumukunsumo-panahong operasyon. Ano ang maaaring maging lunas?

Iminungkahi ng ilan na ang mga Ruso at mga Amerikano ay magsama ng lakas at gamitin ang malalakas na rocket ng mga Ruso na Energia upang ilagay ang Freedom sa kalawakan. Ang Energia, inilarawan ng manunulat sa New York Times na si Serge Schmemann bilang “isang 20 palapag na lumilipad na gusali,” ay maaaring tumulong upang pabilisin ang proyektong istasyon sa kalawakan ng E.U. Kailangan ng mga Ruso ang mga dolyar ng E.U., at narito ang kanilang pagkakataon na magkaroon ng matalinong kapitalismo. Ang U.S.News & World Report ay nagsasabi: “Mailalagay ng anim na Energia na walang sakay na tao ang buong istasyon sa kalawakan, nang mas mura at nang walang isinasapanganib na buhay ng tao.”

Mangyari pa, hindi lamang ang Estados Unidos at ang Pederasyon ng mga Ruso ang mga bansang nasasangkot sa paggagalugad sa kalawakan. Kabilang sa iba pang mga nangunguna, ang European Space Agency, sa pamamagitan ng kompaniyang Pranses na Arianespace, ay gumagawa ng magagamit na mga rocket para sa paglulunsad ng komersiyal na mga satelayt. Tunguhin din ng Hapón na marating ang kalawakan, at “sa pagtatapos ng siglong ito, ang Hapón ay nagbabalak na maging ang kauna-unahang bansa sa Asia na magtayo ng isang permanenteng presensiya ng tao sa kalawakan,” sang-ayon sa isang impormasyon na inilathala kamakailan sa Asiaweek. Ang unang opisyal na astronot na Hapones, si Mamoru Mohri, ay nakatakda sa isang pitong-araw na misyon mula sa Cape Canaveral, Florida, sa 1992. Sinasabi ng report ding iyon na “ang misyon ay isang mahalagang simula sa mga balak ng Hapón na makatulong sa istasyon sa kalawakan na Freedom [E.U.].” Ang proyektong ito ay may pakikipagtulungan din ng mga siyentipikong pangkalawakan sa Europa at Canada.

Pananahan sa mga Planeta

Isa pang ambisyon ang nagpapasigla rin sa imahinasyon ng marami​—ang pagnanais na panahanan at pakinabangan ang ibang planeta. Si George Henry Elias, sa kaniyang aklat na Breakout Into Space​—Mission for a Generation, ay sumulat: “Ang pagtatayo ng isang sibilisasyon sa mga planeta ay mahalaga sa kaligtasan ng ating uri. . . . Sakop nating mga tao ngayon ang isang buong planeta, at panahon na para tayo ay lumipat sa isang mas malaking tirahan. Isang walang laman na sistema solar ang naghihintay sa atin.” Inaakala niyang ang unang planetang dapat lipatan ng tao ay ang Mars.

Ang isang taong talagang nag-iisip na ang tao ay dapat na magtungo sa Mars ay si Michael Collins, dating astronot na piloto ng Gemini 10 noong 1966 at siya ring piloto ng sasakyang pangkalawakang Apollo 11, na nagdala sa tao sa buwan. Sa kaniyang aklat na Mission to Mars, sinabi niya: “Ang Mars ay tila palakaibigan, maaaring marating, maaari pa ngang tirhan.”

Masidhing iminumungkahi ni Bruce Murray, matagal nang manedyer ng Jet Propulsion Laboratory sa Pasadena, ang pinagsamang Estados Unidos-Rusong pakikipagsapalaran sa Mars. Bilang kasamang tagapagtatag ng Planetary Society, hinimok rin niya kamakailan ang proyektong “To Mars . . . Together.” Sabi niya: “Ang Mars ang planeta ng hinaharap. Ito ang magiging larangan ng gawain para sa mapagsapalarang mga miyembro ng hinaharap na mga salinlahi.”

Si Marshall Brement, dating embahador ng E.U. sa Iceland, ay sumulat: “Ang dalawang bansa ay maaaring malaki ang maituro sa isa’t isa sa larangang ito [ng kalawakan]. Ang programang pangkalawakan ng Sobyet na may sakay na tao sa kalawakan ang pinakamagaling; hawak ng mga kosmonot na Sobyet ang lahat ng pinakamahusay na rekord sa paglibot sa kalawakan. . . . Ang mga pangako ng dalawang bansa na magkasamang magtayo ng isang istasyon sa buwan, libutin ang Venus, at lumapag sa Mars ay maaaring magkaroon ng napakalaking siyentipikong halaga.”

Ang Planetary Society, na kinabibilangan ng astronomo sa Cornell University na si Carl Sagan bilang tagapagtatag, ay naglathala ng “The Mars Declaration,” na nagsasabi: “Ang Mars ang kalapit na daigdig, ang pinakamalapit na planeta kung saan ang mga manggagalugad na tao ay maaaring ligtas na lumapag. . . . Ang Mars ay isang bodega ng siyentipikong impormasyon​—mahalaga sa pag-aaral mismo tungkol sa Mars at sa liwanag na maaaring ibigay rin nito tungkol sa pinagmulan ng buhay at tungkol sa pag-iingat sa kapaligiran ng Lupa.” Ang mga siyentipiko ay naiintriga sa hiwaga ng pinagmulan ng buhay. Ang payak na sagot ng Bibliya ay hindi nakasisiya sa kanila: “Karapat-dapat ka, Jehova, na Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila’y nagsiiral at nangalikha.”​—Apocalipsis 4:11; Roma 3:3, 4.

Mga Problemang Dapat Harapin

Gayunman, kinikilala ni Murray, kasama ang iba pang siyentipiko, ang ilang problema ng gayong malalayong paglalakbay sa ibang planeta. Halimbawa, ang mga astro/kosmonot ay gugugol ng halos isang taon sa paglalakbay sa kalawakan upang marating ang Mars. Kaya, ang balikang-paglalakbay ay kukuha ng hindi kukulanging dalawang taon, hindi pa kasali ang panahong gugugulin sa Mars. Ang mga epekto ng kawalan-ng-timbang ay hindi lubusang nauunawaan. Isang babasahin ng NASA ang nagsasabi: “Kabilang dito [sa mga epekto ng kawalan-ng-timbang] ay ang pag-aalis ng ilang mineral sa buto; ang pagkatuyot ng mga kalamnan kapag hindi naeehersisyo; at mga tanda ng pakikibagay sa kalawakan, isang uri ng pagkaliyó na masusumpungan lamang sa paglalakbay sa kalawakan.”

Hanggang sa ngayon, wala pang tao ang nakaranas ng kawalan-ng-timbang sa loob ng mahabang panahon. Gayunman, ang mga Rusong kosmonot ay nag-eeksperimento na ng mahahabang panahon ng kawalan-ng-timbang. Noong Marso 25, 1992, pagkaraan ng sampung buwan sa kalawakan sa istasyon sa kalawakan ng Ruso na MIR, ang 33-taóng-gulang na si Sergei Krikalev ay bumalik sa lupa. Siya ay medyo nahihilo nang angatin siya buhat sa nagbalik na sasakyang pangkalawakan, subalit naipakita niya na maaaring maligtasan ng tao ang mahabang panahon ng kawalan-ng-timbang. At ang kawalan-ng-timbang ay hindi siyang tanging problema na kailangang harapin ng mga astro-kosmonot, gaya ng natuklasan ng mga Ruso.

Kapag inilagay mo ang isang grupo ng mga tao sa isang kulong na dako sa loob ng isang yugto ng panahon, sa dakong huli ay magkakaroon ka ng mga suliranin sa personalidad at isipan. Ang aklat ng Time-Life na Outbound, sa seryeng Voyage Through the Universe, ay nagsasabi: “Ang pagkayamot ay tumitindi sa bawat linggo ng misyon. Noong panahon ng mga misyon ng Salyut [Sobyet], napansin ng mga ground controller na ang mga kosmonot ay higit at higit na mayamutin sa inaakala nilang walang kuwentang mga tanong. . . . Noong pinalawig na misyon ng 1977 ni Grechko at ni Romanenko, ang mga ground controller ay nagtatag din ng isang ‘psychological support group’ upang subaybayan ang kalusugan ng isipan ng mga kosmonot.” Sabi ni Grechko: “Ang kompetisyon sa pagitan ng mga tripulante ay isa sa pinakamapanganib na bagay, lalo na kung nais patunayan ng bawat isa na siya ang pinakamagaling.” Isinusog pa niya na sa malayong kalawakan, “wala kang sikolohikal na labasan. Mas mapanganib doon.”

Kaya, ang anumang pangmatagalang paglalakbay sa kalawakan ay isang kalagayan na mangangailangan ng kasanayan at taktika, kung isasaalang-alang ang lahat ng siyentipiko, mekanikal, at sikolohikal na mga salik na nasasangkot. Ang pagpaparaya sa isa’t isa ay hindi madali para sa mga tao rito sa lupa; gaano pa nga kahirap iyon sa loob ng isang sasakyang pangkalawakan.​—Ihambing ang Colosas 3:12-14.

Marating Kaya ng Tao ang mga Planeta?

Ang bantog na mga pelikulang Amerikano na Star Trek ang nagpatindi sa pananabik ng angaw-angaw sa paglalakbay sa kalawakan. Ano ang mga maaasahan sa hinaharap para sa may taong paggagalugad sa ibang planeta? May dalawang perspektibong dapat isaalang-alang​—ang tao at ang Diyos. Sa bagay, sinasabi ng Bibliya na si Jehova “ang Maygawa ng langit at lupa. Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.”​—Awit 115:15, 16; Genesis 1:1.

Nakita na natin na maraming siyentipiko ang optimistiko tungkol sa kakayahan ng tao na marating ang Mars at manirahan doon. Ang pagkausyoso ng tao at ang paghahangad niya sa kaalaman ay tiyak na patuloy na magtutulak sa mga lalaki’t babae na palawakin ang mga hangganan ng pagtuklas. Ang isa sa layunin ng Hubble Space Telescope, ayon sa isang ulat ng NASA, ay “hanapin ang iba pang daigdig, iba pang galaksi at ang pinagmulan mismo ng sansinukob.” Ganito pa ang sabi ng NASA: “Ang pangmalas para sa mga gawain sa kalawakan sa ika-21 siglo ay kapana-panabik at humahamon. Maguguniguni natin ang mahahalagang tagumpay gaya ng mga industriyang kumikilos sa landas ng mundo, mga sentro ng operasyon sa buwan, at may taong mga ekspedisyon sa Mars. Ngayong natawid na ang hangganan ng kalawakan, wala nang urungan.”

Ano naman ang masasabi mula sa pangmalas ng Bibliya? Totoo, ang tao ay sinabihan ng Diyos na ‘magpakarami at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28) Kasabay nito, siya’y binigyan ng talino at ng walang ampat na pagnanais na malaman ang higit tungkol sa kaniyang kapaligiran, kasali na ang daigdig ng nabubuhay na mga bagay, ang kalangitan, at lampas pa. Kasali na riyan ang ating munting sistema solar at ang mga bituin sa ibayo pa nito. Kaya, si Haring David ay kinasihang sumulat mga tatlong libong taon na ang nakalipas: “Pagka natanaw ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano baga ang taong mortal upang iyong alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?”​—Awit 8:3, 4.

Ang teleskopyong Hubble ay naghatid kamakailan ng isang larawan ng dambuhalang galaksi M87. Ito ay inilarawan bilang isang kumpol ng liwanag na binubuo ng dalawang trilyong bituin! Maguguniguni mo ba ang bilang na iyan? Gaano kalayo ang M87? Limampu’t-dalawang milyong light-year mula sa lupa​—“may kalapitan kung isasaalang-alang ang distansiya sa pagitan ng mga galaksi!” Harapin natin ang katotohanan, ang tao at ang lupa ay napakaliit kung ihahambing sa di-malirip na pagkalawak-lawak na espasyo ng sansinukob! Ang ginagawa ni Jehova at gagawin pa sa lahat ng walang katapusang espasyong iyon ay higit pa sa ating kasalukuyang pang-unawa. Anuman ang mga ambisyon ng tao para sa malayong kalawakan, isang usapin na ibinangon sa ating planeta ang dapat munang lutasin ng Diyos.​—Apocalipsis 16:14-16.

Usaping Dapat Lutasin

Ang usapin ay ang pagpili sa pagitan ng pamamahala ng Diyos at ng pamamahala ni Satanas. Iyan ang dahilan kung bakit ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na malapit nang kumilos ang Diyos upang linisin ang lupa ng kabalakyutan, katiwalian, pagpatay, karahasan, at digmaan.​—Marcos 13:10; 2 Corinto 4:4.

Ang mga astronot na nagmasid sa ating lupa mga daan-daang milya mula sa kalawakan ay namangha sa kagandahan ng hiyas na planetang ito. Minamasdan mula sa itaas, ang lupa ay walang naghahati at naghihiwalay na pulitikal na mga hangganan. Ito ay isa lamang maganda, pangglobong tahanan para sa sambahayan ng tao. Gayunman, narito ang isang daigdig na punô ng kasakiman, inggit, kasinungalingan, pagsasamantala, pang-aapi, sindak, takot, krimen, at karahasan. Ano ba ang kailangan ng tao upang pahintuin sila sa gayong kahangalan?

Ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos na Jehova, ang Maygawa at May-ari ng lupa, ay malapit nang kumilos laban sa magulo at di-masupil na mga naninirahan sa planetang ito. Tanging ang mga tunay na maaamo lamang ang matitira upang manahin ang lupa. Sa panahong iyon lamang natin mauunawaan kung ano pa ang mga layunin ng Diyos para sa masunuring sambahayan ng tao.​—Awit 37:11, 29; Apocalipsis 11: 18; 16:14-16.

[Kahon sa pahina 14]

Pagsagip sa Satelayt

MATAGUMPAY na nalutas ng NASA ang isang problema noong Mayo ng taóng ito nang paandarin ng tatlong astronot mula sa sasakyang pangkalawakang Endeavor ang isang 4,080 kilong naligaw na satelayt na pangkomunikasyon sa panahon ng space walk. Dinala nila ito sa silid ng mga kargamento kung saan isang bagong booster rocket ang ikinabit dito. Ang satelayt ay saka pinalipad sa mataas na orbita bago ibinaba sa mabisang posisyon nito na 35,900 kilometro sa ibabaw ng lupa.

[Mga larawan sa pahina 15]

1. Paglalarawan ng pintor sa binabalak na istasyon sa kalawakan na “ Freedom”;

2. Ang kawalan-ng-timbang ang isang problema na nakakaharap ng mga maglalakbay sa ibang planeta;

3. Ang lupa mula sa buwan;

4. Venus;

5. Mars

[Credit Line]

Mga larawan 1-4, NASA photo; 5 Photo NASA/JPL