Ang Aking Masidhing Pagnanais na Maglingkod sa Diyos
Ang Aking Masidhing Pagnanais na Maglingkod sa Diyos
Ako’y limang taóng gulang at kilalá bilang ang kilabot ng palaruan. Ang paaralan na pinapasukan ko ay ang Perkins School for the Blind.
Gugugulin ko ang susunod na 13 taon ng buhay ko sa paaralang ito sa Watertown, Massachusetts, E.U.A. Alam ko na ang lahat ng iba pang mga bata sa paaralan ay bulag, subalit iniisip ko na ako ay nakakikita. Hindi ako pinakitunguhan ng aking mga magulang na kakaiba sa aking limang kapatid na babae. Anuman ang gawin nila, ginawa ko—mga gawain sa bahay, roller skating, lumangoy, umakyat sa mga punungkahoy, kahit ano. Kailanman ay hindi ako trinato na bulag, kaya hindi ko inisip ang aking sarili na bulag.
Mayroon akong lubos na kasiyahan sa buhay, mahilig ako sa abentura, at sabik akong magkaroon ng katuwaan. Hinikayat ko ang ibang mga bata na maglaro sa padulasan, sa swing, at sa rocking boat. Uugain ko ito nang husto anupat ang mga bata ay maghihiyawan, ngunit ako naman ay aawit nang malakas hangga’t magagawa ko at isisigaw ko sa kanila na magkatuwaan sila. Palagay ko ay pinasobrahan ko ito, sapagkat tutunog ang kuliling at ako’y tatawagin ng housemother, at ako’y papaluin ng brush sa buhok, at ako’y pauupuin sa silya para sa batang salbahe. Ito’y nasa may hagdanan na ginagamit ng lahat ng guro. Makikita nila ako roon at mapapaalik-ik at magtatanong, “Nariyan ka na naman?”
Hayaan mong bumalik ako nang kaunting panahon at ipaliwanag ko kung paano ako napunta sa paaralang ito para sa mga bulag. Ako’y isinilang noong 1941, at nang ako ay dalawang taóng gulang, ang aking mga magulang ay sinabihan na ako’y may tumor sa optic nerve sa isa sa aking mga mata. Ang mata ay kailangang alisin. Noong panahon ng operasyon, natuklasan nila na ang tumor ay kumalat na sa optic nerve ng isa pang mata at patungo sa aking utak. Ito’y nangangahulugan ng pag-aalis ng dalawang mata o hayaan na lamang akong mamatay. Nang panahong iyon, noong 1943, ang pagkabulag ay itinuturing na masahol pa sa kamatayan. Isang espesyalista sa mata ay nagsabi: “Kung anak ko ito, hahayaan ko na lamang siyang mamatay.” Ang isa namang espesyalista ay tumutol. “Hindi, hayaan mo siyang mabuhay.” Mabuti naman, hinayaan ako ng aking mga magulang na mabuhay. Pagkaraan ng tatlong taon ako ang kilabot sa palaruan.
Ang bawat bata ay tumatanggap ng relihiyosong pagtuturo sa gusto niyang relihiyon. Yamang Katoliko ang aking ina, ako’y tinuruan ng mga madre na nagpupunta
sa paaralan linggu-linggo mula sa kalapit na kumbento. Sila’y magkukuwento tungkol sa “mga santo” na ibinigay ang kanilang buhay sa Diyos, at sa maagang gulang, ako’y may masidhing pagnanais na maging gaya nila. Nais kong ibigay ang aking buong buhay sa Diyos, subalit sinabi sa akin ng mga madre na wala akong pag-asa. “Napakasalbahe mo,” sabi nila. “Ayaw sa iyo ng Diyos!” Sinabi nila ito sapagkat ako’y nakikipaglaro sa mga anak ng Protestante at Judio, yamang sinabi nila sa amin na makipaglaro lamang sa mga Katoliko.Lalo ko pang ininis ang mga madre sa pagtatanong sa kanila tungkol sa pangalan ni Jehova. Nang panahong ito ang aking ina ay patigil-tigil na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, at kapag umuuwi ako ng bahay minsan isang buwan sa dulo ng sanlinggo, maririnig ko na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Kapag tatanungin ko ang mga madre kung bakit hindi nila itinuturo sa amin ang tungkol kay Jehova, sila’y magagalit, at ako’y patatayuin sa labas ng klase. Sa palagay ko ay nagugol ko ang kalahati ng aking maagang mga taon alin sa pagtayo sa labas ng klase o sa pag-upo sa silya para sa mga batang salbahe.
Yamang ang nanay ko ay isang mabuting Katoliko, ano’t siya’y nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova? Pagkatapos ng aking operasyon siya ay dinalaw ng pari at sinabi sa kaniya na tiyak na may napakasamang bagay siyang nagawa na sukat ikagalit ng Diyos upang pangyarihin ang aking pagkabulag. Sa halip na aliwin siya sa panahong ito ng kalungkutan na tinitiis niya, siya ay kinonsiyensiya ng pari. At isa pa, sinisi ng pari ang Diyos sa aking pagkabulag. Ang mga komentong ito ng pari ang nagpangyari sa aking ina na tanggapin ang mga Saksi ni Jehova nang sila’y kumatok sa kaniyang pinto—na agad nilang ginawa.
Sinabi nila sa kaniya ang kahanga-hangang mabuting balita ng Kaharian at na ang Diyos ay hindi isang Diyos na nananakit kundi isang Diyos ng pag-ibig. Kaya ang aking nanay ay nakipag-aral sa mga Saksi. Gayunman, kumuha ng mahabang panahon upang mag-alay siya na paglingkuran si Jehova. Ang maling mga turo ng Katolisismo ay malalim ang pagkakaugat sa kaniya. Subalit ang mga katotohanan ng Bibliya na natututuhan niya ay “pinaging makapangyarihan ng Diyos upang magiba ang matitibay ang pagkatatag na mga bagay,” at noong 1954 ang aking ina ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.—2 Corinto 10:4.
Ngayon kapag umuuwi ako para sa aking buwanang pagdalaw kung mga dulo ng sanlinggo, nais ng tatay ko na sumama kami sa simbahan ng Baptist, ang ilan sa nakatatanda kong mga kapatid na babae ay nagtutungo sa simbahang Methodist, ako naman ay isasama ng nanay ko sa Kingdom Hall, at sa paaralan ang pagtuturo sa akin sa Katolisismo ay tumitindi. Apat na iba’t ibang relihiyon ang
kumikilos nang sabay-sabay sa loob ng isang pamilya! Kaya nang panahong ito ako ay litung-lito sa kung alin ang tamang paraan upang sambahin ang Diyos.Nang ako ay 16 anyos, ang aking matinding pagnanais na maglingkod sa Diyos sa tamang paraan ay lalong tumitindi. Ako’y nanalangin kay Jehova na kung ako’y mag-aasawa, ito’y sa isang lalaki na may tamang relihiyon, alinman ito. Bueno, dumating ang araw nang ang waring kahanga-hangang lalaking ito ay dumating at nais akong mapangasawa. At yamang siya ay isang Katoliko at malamang na sinugo siya ng Diyos sa akin bilang tugon sa aking panalangin, nahinuha ko na malamang na ang Katolisismo ang tamang relihiyon. Nagpasiya ako mula noon na ako ay magiging isang mabuting Katoliko at asawa at ina.
Nakalulungkot sabihin, ang aking pag-aasawa ay naging isang malaking sakuna. Sa loob ng 10 buwan kami ay pinagpala ng isang anak na babae at pagkaraan ng 22 buwan ng isang anak na lalaki, subalit sa lahat ng panahong ito ang aming pagsasamang mag-asawa ay humihina. Natitiyak ko na ang mga bagay ay hindi naman masahol.
Mali ako; ang mga kalagayan ay lumala pa. Ugali na namin na magsayaw tuwing Sabado ng gabi, at pagkatapos ang grupo ay babalik sa aming bahay para magkape at kumain. Subalit noong partikular na Sabadong ito, kami’y nagtungo sa bahay ng isa pang kaibigan. Samantalang naroon, naulinigan ko ang aking asawa na gumagawa ng plano para sa pagpapalitan ng asawa. Isang estranghero ang naroon, at itinanong niya kung sino ang makukuha niya, at narinig kong sinabi ng aking asawa: “Puede mong kunin ang misis ko.” Nanginginig sa takot at nagigitla, tumakas ako mula sa bahay na iyon. Noong madaling-araw, pinagbayaran ko ang pag-alis kong iyon. Nang umuwi ang asawa ko, binugbog niya ako nang husto. Ang dahilan, sabi niya, ay dahil sa ‘ginawa ko siyang tanga.’
Buong araw ng Linggo, ako ay taimtim na nanalangin kay Jehova na kung may tamang relihiyon, isang tamang paraan upang paglingkuran siya, ipakita niya iyon sa akin. Kung hindi, nais ko nang mamatay. Ang tanging bagay na pumipigil sa akin na magpakamatay ay ang aking dalawang maliliit na anak. Sino ang mag-aalaga sa kanila kung mamatay ako?
Kinabukasan ako’y nasa labas ng bahay at nagtatabas ng damo na nakatapak—kung ako’y nakatapak nalalaman ko kung saan mas mataas ang damo at kailangang tabasin. Dalawang Saksi ni Jehova ang dumating, isang lalaki at isang babae. Hindi ko malilimutan kung gaano kahinahon at kabanayad magsalita ang lalaki, at siya ay may pantanging artikulo sa Braille (babasahin para sa mga bulag) na gawa ng Samahang Watch Tower. Ibinigay niya ito sa akin at tinanong ako kung maaari ba silang bumalik sa susunod na linggo. Hindi pa ako talagang handa rito, ngunit sila kapuwa ay totoong masigla at palakaibigan, hindi ko sila matanggihan. Natatandaan ko pa ang paglakad ko patungo sa loob ng bahay at naiisip ko: “Oh, hindi, Diyos ko, hindi sila, hindi ang mga Saksi ni Jehova! Hindi ba maaaring ibang relihiyon na lang?”
Sila’y nagbalik, at lingguhan kaming nag-aaral ng Bibliya. Sa wakas, dalawang babae, sina Judy at Penny, ang nagpupunta. Sila’y mga buong-panahong ministro (tinatawag na mga espesyal payunir) at sila’y malaking pagpapala mula kay Jehova. Si Judy ay masayahin, palakaibigan ngunit palaaral din at sanay na sanay sa paghahanap ng mga kasulatan sa Bibliya. Si Penny naman ay mas tahimik ngunit matatag sa pagdisiplina na kailangan ko. Itinatalaga nila ang kanilang buong buhay sa paglilingkod kay Jehova, at balang araw nais kong maging gaya nila sa halip na gaya niyaong “mga santo” na ikinuwento sa akin ng mga madre.
Nang maglaon ay binanggit nila ang tungkol sa pangangaral ko sa bahay-bahay na gaya ng ginagawa nila, naisip ko, ‘Oh, hindi, hindi nila maaasahang magagawa ko iyan! Ako’y bulag!’ Kailanman ay hindi ko pa nagamit ang aking pagiging bulag
sa pag-iwas sa paggawa ng anumang bagay, subalit sa pagkakataong ito ay naisip ko, ‘Hindi ako. Hindi ako lalabas sa paglilingkod sa bahay-bahay.’ Kaya sinabi ko: “Paano ako magbabasa ng kasulatan sa mga tahanan?” Marahang sinabi ni Penny: “Maaari mong isaulo ang mga kasulatan, di ba?” Batid niyang magagawa ko iyon, sapagkat ipinasasaulo nila sa akin ang dalawang bagong kasulatan bawat linggo. Hindi ako makalusot sa dalawang iyon!Pagkatapos kong mag-aral sa loob ng dalawang taon, determinado akong magtungo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1968. Nanalangin ako bago ko sabihin ito sa aking asawa. Alam kong marahas ang magiging reaksiyon niya, at gayon nga. Siya’y sumigaw na gugustuhin pa niyang makita akong patay kaysa maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Sinunggaban niya ang isang kutsilyo at itinutok ito sa lalamunan ko. “Sabihin mo sa akin na hindi ka aalis, at hindi kita papatayin!” Nanalangin ako nang tahimik kay Jehova: ‘Tulungan mo po akong manatiling tapat kahit na kung ikamamatay ko.’ Nagulat ako sa nadama kong panloob na kahinahunan at nasumpungan ko ang aking sarili na nag-iisip, ‘Ano ba ang silbi ng buhay kung hindi maglilingkod kay Jehova?’ Ito ay para bang walang-hanggan, subalit sa wakas ay inihagis niya ang kutsilyo sa sahig. “Hindi kita mapatay,” ang tangis niya. “Gusto ko, pero hindi ko magawa. Ewan ko kung bakit.”
Noong pagdiriwang ng Memoryal, ang mga damdamin ng kapayapaan at pagiging malapít kay Jehova ay muling nangibabaw sa akin. Pag-uwi ko ng bahay, ito’y nakakandado, at ang aking mga gamit ay nasa baitang sa labas ng pinto. Nagpalipas ako ng gabi sa aking mga magulang. Mula noon ang mga banta sa pamamagitan ng isang kutsilyo sa aking lalamunan ay nagpatuloy, at ang pambubugbog ay nagpatuloy. Madalas na ikinakandado niya ang bahay pag-uwi ko ng bahay galing sa mga pulong. Sabi ng asawa ko: “Kung paglilingkuran mo si Jehova, hayaan mong siya ang mangalaga sa iyo.” Inihinto na niya ang pagbabayad ng mga kuwenta. Naubusan kami ng pagkain, ang gas at kuryente ay pinutol, napaalis kami sa bahay. Subalit si Jehova ay laging naroroon upang umalalay sa akin at sa mga bata.
Noong Hulyo 1969 isang malaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ang ginanap sa New York City. Isang oras bago ako sumakay sa tren upang magtungo roon, ako’y sinukol ng aking asawa, ginawa ang karaniwan niyang pagbabanta, at tinututukan akong muli ng kutsilyo sa lalamunan. Ngunit sanay na ako riyan at hindi ako kailanman nag-alinlangan. Sa kombensiyong iyon, noong Hulyo 11, 1969, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova. Kasama ng 3,000 iba pang kombensiyunista, ako ay nabautismuhan sa karagatan.
Sa paano man dalawang beses sa isang taon, ako’y gumugugol ng 75 oras sa isang buwan, kahit na pinagbabawalan ako ng aking asawa na lumabas sa paglilingkuran. Alam kong utos ni Kristo Jesus na mangaral, at kailangang sundin ko siya. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Gayunman, lagi akong nagtatrabahong masikap sa bahay. Pinananatili kong malinis ang bahay. Inihahanda ko ang kaniyang mga pagkain sa oras. Kung mga gabi ng pulong, iniluluto ko ang kaniyang paboritong pagkain. Pag-uwi ko ng bahay, inihahanda ko ang espesyal na mga himagas para sa kaniya. Gayon pa man, mareklamo pa rin siya. Ngunit mahirap para sa isa na palaging sigawan ka kung pinakakain mo siya ng paborito niyang himagas!
Noong 1975 inilipat ng asawa ko ang pamilya sa California. Noong Nobyembre 1976 ay nagwakas ang aming pagsasama bilang mag-asawa, pagkalipas ng 17 taon. Hindi ko hinangad kailanman ang magdiborsiyo. Hindi ako naniniwala sa diborsiyo. Sa Malakias 2:16, sinabi ni Jehova na ‘kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo.’ Isa itong lubhang nakababalisang karanasan na mapagdaanan. Nakaragdag pa sa aking dalamhati, ang aking mga anak ay nasa poder ng kanilang ama sa California. Ako’y nagbalik sa Silangang bahagi ng E.U. kung saan ako nakatira noon.
Ang aking mga magulang, na nagbigay sa akin
ng masigla at maibiging pagkabata, ay nakatira roon. (Ang aking tatay ay namatay na, ngunit ang aking nanay ay buhay pa, mahigit nang 80 anyos at isang tapat na Saksi sa loob halos ng 40 taon.) Gayunman, ako’y namuhay na mag-isa at inilaan ni Jehova ang lahat ng aking mga pangangailangan: apartment, pagkain, pananamit, pera, trabaho nang kailangan ko ang mga ito, at maraming maibiging kaibigan na naging at hanggang ngayo’y matulungin at mapagpatibay-loob. Isang malaon ko nang kaibigan, si Judy Cole, ay madalas na tumatawag sa akin sa telepono bagaman malayo na ngayon ang tirahan niya sa akin, binasa sa akin ang mga artikulo buhat sa Ang Bantayan, pinatitibay ako. Siya ang aking pinakamatalik na kaibigan—pangalawa lamang kay Jehova, mangyari pa, na ang pakikipagkaibigan ay minamahalaga ko nang higit kaysa iba pang kaugnayan na maaaring taglayin ko!Noong Oktubre 1, 1986, bandang alas 11 ng gabi, ang aking anak na si Linda ay tumawag sa akin mula sa San Diego, California. Sinabi niya sa akin na ang aking anak na lalaki, si Stephen, 23 anyos noong panahong iyon, ay nasa intensive care ng ospital at na siya ay hindi inaasahang mabuhay. Sakay ng kaniyang motorsiklo sa isang palikong daan sa bundok, siya ay tumama sa isang puno, nahulog sa bangin na mahigit 45 metro, at bumagsak sa lambak sa ilalim. Isang bahay lamang ang nasa malapit. Alas dos ng umaga noon, subalit ang taong nakatira roon ay gising pa at nag-aaral. Narinig niya ang ingay, lumabas siya, nakita niya ang nangyari, at agad na tinawagan ang mga paramedics doon.
Si Stephen ay walang-malay, may dalawang baling paa, isang wasak na tuhod, at namamaga ang kaniyang utak. Pagdating ko roon, sinabi sa akin ng mga doktor na hindi nila inaakalang siya ay mabubuhay. Siya ay nasa-coma sa loob ng isang linggo. Naroon ako nang siya’y magkamalay. “Hi, Mama,” sabi niya. Ang pinakamaligayang mga salita na kailanma’y narinig ko! Mabubuhay siya! Nakaragdag pa sa aking kagalakan, si Stephen ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova pagkalipas ng isang taon, noong Hulyo 1988.
Isa pang kaligayahan ang ngayo’y nagpapasigla ng aking buhay: ang Samahang Watch Tower ay nakagawa na ngayon ng napakaraming literatura na makukuha sa Braille! Ito’y isang kahanga-hanga, kahanga-hangang regalo sa akin! Nang ako’y mapasakatotohanan, ay halos walang mabasang literatura sa Braille. Ngunit ngayon nariyan ang aklat na Dakilang Guro, ang aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, ang aklat na Ang mga Kabataan ay Nagtatanong, at ngayon ang bagong aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.
Sa pagtatapos ay nais kong sabihin na sa lahat ng mga pagsubok ko lalo lamang akong napalapít kay Jehova. Ito’y pawang nakapagpapatibay ng pananampalataya. Kailanma’y hindi ko napansin ang kawalan ko ng paningin, palibhasa’y hindi ko alam kung ano ang katulad ng may paningin. Mangyari pa, nakakita ako hanggang noong ako’y dalawang taon, subalit wala na akong alaala nito. Gayunman, isa sa paborito kong kasulatan ay ang Awit 145:16, na nagsasabing: ‘Binubuksan ni Jehova ang kaniyang kamay at sinasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’ Anumang nasa na hindi nasasapatan ngayon ay masasapatan sa kaniyang ipinangakong lupang Paraiso, kung saan gagawin niyang bago ang lahat ng bagay. (Apocalipsis 21:3-5) Pati na ang paningin ay ipagkakaloob sa akin, gaya ng ipinaalaala sa akin ng isang Saksi.
Ang kagalakan na ngayo’y nag-uumapaw sa aking puso ay ang pag-asang matupad magpakailanman ang aking masidhing pagnanais na maglingkod kay Jehova!—Gaya ng inilahad ni Collette Nunes.
[Blurb sa pahina 19]
“Kung anak ko ito, hahayaan ko na lamang siyang mamatay”
[Blurb sa pahina 19]
“Napakasalbahe mo,” sabi nila. “Ayaw sa iyo ng Diyos!”
[Blurb sa pahina 20]
Sinisi ng pari ang Diyos sa aking pagkabulag
[Blurb sa pahina 20]
Naulinigan ko ang aking asawa na gumagawa ng mga plano para sa pagpapalitan ng asawa
[Blurb sa pahina 21]
Sinunggaban niya ang isang kutsilyo at itinutok ito sa lalamunan ko. “Sabihin mong hindi ka aalis, at hindi kita papatayin!”
[Larawan sa pahina 17]
Si Collette kasama ang kaniyang giyang aso
[Mga larawan sa pahina 18]
Si Collette sa edad na 17 at sa edad na 2 (nang siya ay nakakikita pa)