Ang Capybara—Pagkakamali o Kababalaghan ng Paglalang?
Ang Capybara—Pagkakamali o Kababalaghan ng Paglalang?
ANO ang madarama mo kung ikaw ay tawaging kakatwa o mukhang tanga? Maiinsulto ka ba? Buweno, iyan ang itinawag sa akin ng ebolusyunistang si Charles Darwin at ng iba pa. Isip-isipin, sinabi pa nga ng isa na ako raw ay “isang pagkakamali ng paglalang”! Bagaman ako ay likas na mapayapa, ito ay talagang nakaliligalig sa akin. Kaya nga, nais kong linawin ang aking pangalan. Sasabihin ko sa iyo ang tungkol sa aking hitsura, mga kagustuhan ko, at mga pangamba ko—ang aking mabubuting katangian at ang aking hindi mabubuting katangian. Pagkatapos ay makapagpapasiya ka kung ako ba ay isang pagkakamali o isang kababalaghan ng paglalang.
Pinakamalaki sa Daigdig
Pasensiya ka na. Balisang-balisa lamang ako anupat nakalimutan kong ipakilala ang aking sarili. Ang pangalan ko ay G. Capybara, mula sa tropikal na Timog Amerika. a Ang tawag sa akin ng mga taong nagsasalita ng Kastila ay carpincho o chigüiro. Ito ay 2 lamang sa 190 pangalan na tawag sa akin. Gayunman, mas kilala ako bilang ang “pinakamalaking hayop na nagngangatngat (rodent) sa daigdig.”
Ito sa wari ay parang paghahambog, subalit hindi naman. Alam mo, humigit-kumulang ay kasinlaki ako ng isang tupa. Timbangin mo ako, at ang timbangan ay magtatala ng apatnapu’t limang kilo. Ang aking kakambal na kapatid na babae ay nagtatala ng 60 kilo o higit pa. Gayunman, siya ay balingkinitan kung ihahambing sa babaing capybara sa Brazil na nakapagtala ng rekord—isang malaking 90 kilo.
“Dalubhasa sa mga Damo”
Lahat ng timbang na iyan ay hindi bunga ng pagpapakabundat namin sa mga sitsiriya, yamang pananim lamang ang aming kinakain, pangunahin nang kinakain ang damo. Kung minsan kami ay nanginginaing kasama ng maaamong baka. May paggalang, ang mga Amerikanong Indian noong una ay tinatawag kaming “dalubhasa sa mga damo.” Tiyak na iyan ay mas makatuwirang paglalarawan kaysa “kakatwa.”
Kumakain din kami ng mga halamang-tubig, at samantalang ikaw ay natutulog, hindi namin mapigil na ilubog ang aming hugis-pait na ngipin sa makatas na pakwan, matamis na tagdan ng tubó, o sa murang tanim na palay.
Sa katunayan, kailanma’t makita mo kami, kami ay ngumangatngat—hindi dahil sa kami’y masisiba kundi sapagkat kami’y mga hayop na ngumangatngat. Ang aming mga bagang ay hindi humihinto sa paglaki, kaya ang tanging paraan upang pudpurin ito ay sa pamamagitan ng pagnguya at pagngatngat hanggang kami ay mamatay.
Gayumpaman, gaya ng itinala ng mga biologo, alam namin kung ano ang ngunguyain. Pinipili namin ang “mga halaman na sagana sa nilalamang protina,” at, sabi nila, kami “ay mas magaling sa paggawa sa mga damo na protina kaysa mga tupa o kuneho.” Sino ang nagsabing kami ay mukhang tanga?
Isang Baboy na May mga Palaypay na Panlangoy?
Inaamin ko na ang aking hitsura ay, sabihin na natin, katutubo. Usling mga mata; maliit, bilog na mga tainga; napaliliit na mga butas ng ilong—pawang mataas ang pagkakalagay sa aking malaking
ulo, para ba akong laging nanggigilalas. Sabi ng iba mukha raw akong “pagkalaki-laking dagang-kosta na nahahawig ng kaunti sa hipopotamus.” Matitiis ko iyan. Gayunman, hindi ako sang-ayon sa manunulat na nagsabing ang aking kudradong nguso ay para bang “inukit ng isang bagito mula sa nakadahilig na katawan ng punungkahoy.” Sa personal, mas gusto ko ang bansag na: “Isang katawa-tawang mukha [na may] maliliit na matang parang baboy.”Mangyari pa, wala akong kaugnayan sa mga baboy, subalit ang aking maiikli at malalaking hita, gabariles na katawan, ay nahahawig nga sa baboy. Isa pa, 200 taon ang nakalipas, may pagkakamaling inuri ako ng dalubhasa sa mga halaman na taga-Sweden na si Carolus Linnaeus na isang baboy. Aba, nakakita ka na ba ng isang baboy na may mga palaypay na panlangoy? Nungka! Gayunman, iyan mismo ang ibinigay sa akin ng Maylikha, at maniwala ka sa akin, ang mga paang ito na parang pato ay nakatutulong sapagkat mahilig ako sa tubig. Sa katunayan, ang katawan kong hugis-baboy at ang hilig ko sa tubig ang dahilan kung bakit ako binansagang baboy sa tubig.
Sekretong Taba
Ang mga dakong malapit sa mga dagat-dagatan, lawa, ilog, at mga latian—lalo na yaong napaliligiran ng mga kahuyan na may mayabong na maliliit na halaman sa loob ng kahuyan—ang tamang tirahan para sa akin. Hindi lamang ako mahilig sa tubig kundi kailangan ko ito upang mabuhay.
Gayunman, mga tatlong daang taon na ang nakalipas sa Venezuela, ang aming pagkahilig sa tubig ang nagdala sa amin ng problema. Ang mga Romano Katoliko ay pinagbabawalang kumain ng karne kung panahon ng Kuwaresma. Gayunman, ang isda ay maaaring kanin. Kaya kombinyenteng ipinahayag ng Simbahang Katoliko ang aking mga ninuno na isda! Hanggang sa araw na ito ang mga mananampalataya sa Venezuela ay kinakain kami nang walang pagkabalisa kung panahon ng Kuwaresma.
Sa kabutihang palad, ang ilan sa aking mga ninuno ay nakaligtas. Paano? Hindi sa paggawa ng mga butas upang magtago roon na gaya ng ibang hayop na ngumangatngat. Bagkus, kapag nangangamba kami ay nagtutungo sa tubig, sumisisid, at madaling lumalangoy na palayo. Bagaman ang aking katawan ay walang makinis na hugis na gaya ng ibang nilikha sa tubig, ako’y magaling lumangoy. Ang dahilan? Narito ang sekreto ko.
Dahil sa susun-suson ng taba ko, laki sa laki, mas mabigat lang ako ng kaunti sa tubig. Gunigunihin lamang, isang mananaliksik ay sumulat na samantalang nasa tubig ako ay magandang kumilos na parang mananayaw ng ballet at ang aking mga pagkilos, sabi niya, ay maganda! Malayung-malayo iyan sa pagiging “isang pagkakamali ng paglalang.”
Kapag nakakaharap ko ang problema, ako ay tinutulungan ng aking paang parang pato na mabilis na makalayo—sa aking mga kaaway. Nakalalangoy ako ng malayo sa tubig at nananatiling nakalubog sa loob ng ilang minuto. Pagkatapos, maingat, ako’y umaahon, nananatiling mababa sa tubig, inilalabas lamang ang aking butas ng ilong, mata, at tainga—gaya ng hipopotamus. Ang mga kaaway, gaya ng mga asong feral, jaguar, caiman, anaconda, at mga tao, ay nahihirapang makita ang butas ng aking mga ilong sa gitna ng mga halamang-tubig. Subalit taglay ang aking matinding pangamoy, madaling natutuklasan ng aking ilong ang mga maninila.
Yamang ang madalas na pagkabilad sa mainit na araw ay madaling nagpapabitak at sumusugat sa aking balat, ang pagiging nasa tubig ay humahadlang din sa pagkasunog sa araw. Yamang ang aking mamula-mulang-kayumanggi hanggang abuhing balahibo ay madalang, nakikita ang aking balat. Kaya upang supilin ang temperatura ng aking katawan, basta ako nananatiling nakalubog sa tubig o naglulubalob sa putik, tinatakpan ang aking katawan ng isang suson ng putik.
“Isang Pagsasanib ng Pagpapasuso”
Kami ba kailanmay nasa lupa? Sa paano man ang nanay ay kailangang naroon upang magsilang. Pagkatapos magbuntis ng halos apat na buwan, mula dalawa hanggang walong anak ang isinisilang, bawat isa’y tumitimbang ng mahigit na isang kilo. Ang kanilang “mapusyaw na kulay kayumanggi, makintab na balahibo,” sabi ng isang nagmamasid, ay gumagawa sa kanila na magmukhang “mas magarang nadaramtan” kaysa mga magulang. Ang babaing capybara ay nagsisimulang magparami kapag ito ay 15 buwang gulang na. Siya ay maaaring mabuhay ng sampung taon at maaaring gumawa ng sa pinakakaunti ay 36 na mga anak sa buong buhay niya.
Sa loob ng ilang oras ang mga bata ay lumalakad na kasunod ng ina. Gayunman, ang paglangoy ay mas mahirap sapagkat ang bata sa simula ay atubiling magtungo sa tubig. Pagkatapos ng sapilitang pagsisimula, sisikapin ng tatampi-tampisaw na bata na abutan ang ina, o ang ibang babae, at umakyat sa likod niya. Pagkatapos, ang ina ay kusang nagsisilbing isang palutang. Gayunman, habang lumalaki ang bata ay lalong mahirap na panatilihin nito ang kaniyang pagkakatimbang. Di-nagtatagal ito ay nahuhulog sa likod ng ina, lumalangoy sa ganang sarili nito.
Ang adultong mga babae ay nakikipagtulungan din sa pagpapasuso. Pinakakain ng mga ina hindi lamang ang kanilang sariling anak kundi gayundin ang nauuhaw na anak ng iba pang babae. Bakit? “Maaaring paramihin ng isang pagsasanib ng pagpapasuso,” paliwanag ng prodyuser sa pelikula ng buhay-ilang na si Adrian Warren, “ang tsansa [ng mga bata] na mabuhay.”
Ang Huling Salita
Likas na maamo, kami ay madaling-paamuing alagang hayop. Ginamit pa nga ng isang bulag na magsasaka sa Suriname ang isang capybara bilang isang “asong tagaakay.” Subalit kami ay karaniwan nang inaalagaan dahil sa aming karne, na sabi ng ilan ay malasa. Ang Venezuela, halimbawa, ay may mga rantso kung saan libu-libo sa amin ay inaalagaan para sa pagkain—isang nakapag-aalinlangang karangalan. Sa paano man, inaasahan ko na sa ngayon ay naiibigan mo ako hindi lamang sa aking lasa kundi sa kung ano ako.
Buweno, ano ang palagay mo? Ako ba ay isang pagkakamali o isang kababalaghan ng paglalang? Ikaw ba ay sumasang-ayon kay Darwin o sa akin? Mangyari pa, ayaw kong gumawa ng desisyon para sa iyo ngunit tandaan: Si Darwin ay dati nang mali!
[Talababa]
a Ang hayop na inilalarawan dito ay kilala bilang Hydrochoerus hydrochaeris. Ang mas maliit na uri nito ay nakatira sa Panama.
[Larawan sa pahina 23]
Kakatwa? Mukhang tanga? Oo nga! Hindi ba kaming dalawa ay magandang tingnan?
[Larawan sa pahina 24]
Libu-libo sa amin ay inaalagaan para sa pagkain—isang nakapag-aalinlangang karangalan