Bakit Tayo Lumuluha?
Bakit Tayo Lumuluha?
KAILAN ka huling lumuha nang husto? Ito ba’y dahil sa kaligayahan o dahil sa dalamhati? Dahil sa personal na tagumpay o sa isang nakahihiyang pagkatalo? Dahil sa ginhawa o dahil sa kabiguan? Ang pagsilang ba ng isang sanggol o ang kamatayan ng isang kabiyak, isang magiliw na alaala o isang masakit na gunita, pagsalubong sa isang mahal na kaibigan o pamamaalam? Ang magkasalungat na mga kalagayan, magkaibang mga damdamin, gayunma’y kadalasang ipinahahayag sa iisang paraan—sa pamamagitan ng mga luha.
Bakit nga ba tayo lumuluha bilang tugon sa matinding damdamin? May nagagawa ba ito? O maaari ba tayong mabuhay nang walang luha?
Bakit Tayo Lumuluha?
Walang nakatitiyak. Ang mga tao at mga hayop ay gumagawa ng dalawang uri ng luha: Basal, o patuloy, na luha na bumabasa sa mata, at reflex na luha na agad kumikilos kapag ang mata ay humahapdi dahil sa ilang bagay na galing sa labas. Ngunit ang pagluha ng emosyonal na luha, pagtangis, ay waring natatangi sa tao—at hindi gaanong nauunawaan.
Ipinahahayag ng mananaliksik na si William Frey na aktuwal na pinagiginhawa ng emosyonal na pagluha ang katawan mula sa nakapipinsala at labis na mga bagay, gaya ng ginagawa ng mga bato, colon, bagà, at ng maliliit na butas sa ating balat. Inilarawan ng kaniyang aklat na Crying—The Mystery of Tears ang kaniyang pananaliksik kung saan inihambing niya ang mga luha na dahil sa isang pampahapdi (isang sibuyas) sa mga luha na dahil sa damdamin (sa panonood ng malulungkot na pelikula). Ang emosyonal na mga luha ay naglalaman ng maraming protina—halos 24 porsiyentong mas marami. Ang dahilan ay hindi pa malinaw, ngunit waring ang katawan ay gumagawa ng isang uri ng luha bilang pagtugon sa damdamin na kakaiba sa uri ng luha bilang pagtugon sa hapdi.
“Ako’y nananangis na parang babae. Ang mata ko, ang mata ko ay dinadaluyan ng luha,” sulat ng propetang si Jeremias. (Panaghoy 1:16) Talaga bang mas iyakin ang mga babae kaysa mga lalaki? Ayon sa estadistika ay gayon nga—halos apat na beses na mas madalas (5.3 beses sa isang buwan laban sa 1.4 para sa mga lalaki). Sang-ayon kay Frey, sa pagkasanggol ang mga lalaki at babae ay magsindalas umiyak, bagaman maaaring mga ilang araw o linggo pagkasilang bago ang isang sanggol ay luluha dahil sa emosyon. Gayunman, ang pagkakaiba ay nagsisimula sa mga taon ng tin-edyer. Maaaring ito ay dahilan sa mga impluwensiyang panlipunan. Subalit ang hormone na prolactin (pampasigla sa paggawa-ng-gatas) ay parehong nasa mga kabataang lalaki at babae hanggang sa mga taon ng tin-edyer. Sa pagitan ng mga edad na 13 at 16, ang antas ay tumataas sa mga babae.
Ang prolactin ay masusumpungan sa luha. Dumarami rin ito kapag ang katawan ay maigting. Kaya, ang mga babae ay napapasailalim sa mas maraming antas ng hormone kaysa mga lalaki kapag maigting. Ito kaya ang dahilan kung bakit ang
mga babae ay mas madali at mas madalas umiyak kaysa mga lalaki? Si Dr. Frey ay naniniwala na ang emosyonal na pagluha ay siyang pagsisikap ng katawan upang mabawi ang kemikal na pagkakatimbang. Maaari pa ngang pinasisigla ng mga hormone ang pagluha, at ayon sa teoriya niya ito ang dahilan kung bakit kadalasang mas bumubuti ang ating pakiramdam pagkatapos nating umiyak.Nasumpungan ng isa pang pag-aaral, ng saykoterapist na si Margaret Crepeau, ang isang ugnayan sa pagitan ng pagpigil sa pag-iyak at ng “maraming panloob na karamdaman na gaya ng ulser at pamamaga ng colon na nauugnay sa kaigtingan.” (Seventeen, Mayo 1990) Ang ibang mananaliksik ay nakasumpong naman ng kasalungat na katibayan. Iniuulat ng magasing Health na sinuri nina Dr. Susan Labott at Randall Martin ang madalas na mga pag-iyak at di-madalas na mga pag-iyak. Ipinakikita ng kanilang mga tuklas na hindi nabawasan ng pagtangis ang kaigtingan at na ang mas madalas umiyak “ay mas madaling mabalisa at manlumo.” Ang kanilang konklusyon ay na ang pag-iyak ay hindi nakatutulong kapag “ginagambala lamang tayo nito mula sa problema.” Gayunman, ang pagtangis ay maaaring maging isang mahalagang bahagi ng pagtanggap ng isang traumatikong karanasan, halimbawa, ang kamatayan ng isang minamahal.
Sapat nang sabihin, ang dahilan at layunin ng emosyonal na mga luha ay nananatiling mailap.
Ang Iba Pang Luha
Mas marami tayong nalalaman tungkol sa kilos ng patuloy na mga luha, ang nasa mga mata mo ngayon. Higit pa kaysa basain lamang ang iyong mata ang ginagawa nito. Ating obserbahan ang landas ng kahanga-hangang likidong ito habang ito ay ginagawa, ikinakalat, at inilalabas sa sistema lacrimal (gumagawa ng luha).
Ang pangunahing glandula ng luha ay masusumpungan sa malalim na bahagi sa itaas lamang ng panlabas na gilid ng iyong mata. Ang mala-esponghang glandulang ito, pati na ang 60 iba pa, ay gumagawa ng isang presisyong takip na binubuo ng tatlong suson—uhog, tubig, at langis.
Ang panloob na suson, ang uhog, ay pinadudulas ang ibabaw ng mata upang ang talukap ay dumudulas sa nakalantad na bola ng mata. Ang suson ng
tubig ang pinakamakapal sa tatlo, naglalaman ng maraming mahalagang sangkap pati na ng oksiheno, na mahalaga sa cornea. Idagdag mo pa ang isang dosis ng lysozyme at 11 pang enzyme na masusumpungan sa luha. Ang lysozyme ay walang katulad na panlabang baktirya. Pinananatili nitong puti at malinaw ang mata.Ang gumagawang sakdal sa luhang ito ay itutustos ng 30 glandulang Meibomian, ang maliliit na tuldok na dilaw na nakahanay sa dalawang talukap sa likuran ng pilikmata. Ang mga glandula ay naglalabas ng suson ng langis, napakanipis anupat hindi nito sinisira ang iyong paningin, gayunman ay iniingatan nitong huwag sumingaw ang takip na luha at maging sanhi ng di-maginhawang tuyong mga dako sa mata sa pagitan ng pagkurap. Sa katunayan, ang ilang tao ay walang sapat na suplay ng langis, at ang kanilang luha ay mas mabilis na sumisingaw kaysa normal.
Isang Kisap ng Mata
Kaya narito na ang talukap, mabilis na nagsasara, pinalalabas ang tamang halo ng mga sangkap, at ikinakalat ito nang pantay sa mata sa tatlong suson. Ang mga talukap ay nagsasara anupat ang buong ibabaw ng nalantad na mata ay napaliliguan ng nakagiginhawang hugas na ito.
Ano ang nangyayari sa nagamit nang luha? Ang maingat na pagsusuri sa iyong mata ay magpapakita ng isang munting butas sa panloob na sulok, ang punctum, na sumasala sa sobrang mga luha tungo sa isang alulod na patungo sa tear sac. Mula roon ang mga luha ay nagdaraan sa likuran ng ilong at lalamunan, kung saan ang mga luha ay sinisipsip ng mga mucous membrane. Ang pagkisap o pagkurap ay nagpapangyari sa tear sac na kumilos na parang bomba, na nagtutulak sa mga luha na magtungo sa kanal at pababa.
Kung ikaw ay maiiyak, ikaw ay maaaring likas na mas mabilis kumurap, pinakikilos ang bomba nang mas mabilis upang dalhin ang sobrang mga luhang iyon. Gayunman, kapag nagsimula na ang tunay na baha ng mga luha, ang bomba ay nabibigatan, ang tear sac sa butas ng ilong ay umaapaw, at ang iyong ilong ay dinadaluyan ng luha. At maaaring kunin mo ang panyo mo sapagkat ngayon ang iba pang luha ay umagos na sa mga talukap at pababa sa mga pisngi.
Kaya anuman ang nag-udyok dito—isang taos-pusong papuri o masakit na insulto, mga pag-ihit ng tawa o matagal na panlulumo, isang matagumpay na pangyayari o isang matinding kabiguan—isang handang suplay ng mga luha ang naghihintay upang ipahayag ang iyong mga damdamin.
[Kahon sa pahina 26]
Tulong Para sa mga Matang Pula
Madalas mong maranasan ang mainit, parang mabuhanging pakiramdam sa iyong mga mata. Ano ang sanhi nito? Ang mga matang pula ay nangyayari kapag ang mga daluyan ng dugo sa lamad sa puti ng mata ay lumaki.
Ang kakulangan ng luha ay maaaring siyang sanhi. Ang mga taong nagtatrabaho nang mahahabang oras sa harap ng video display terminal o sa nalimbag na pahina ay hindi sapat na kumukurap. Ang normal na bilis ng pagkurap ay halos 15 ulit sa isang minuto. Kapag nagbabasa, nagmamaneho, o kaya’y nagtutuon ng isip, ang bilis ng pagkurap ay maaaring bumagal mula tatlo hanggang anim na ulit sa isang minuto, na nagiging sanhi ng panunuyo at paghapdi. Iminumungkahi ng mga doktor ang pagkurap at paggamit ng mga pampatak sa mata upang paginhawahin ang mga mata.
Paggising mo ay mapapansin mo ang pamumula ng mata sapagkat ang pagluha ay lubhang nababawasan sa dilim at sa panahon ng pagtulog.
Ang ilang paggagamot ay maaaring maging sanhi ng pagbagal ng mga glandula ng luha, gaya ng proseso ng pagtanda. Ang impeksiyon o pamamaga ng mga talukap dahil sa mga alerdyi, sobrang init o lamig ng klima, o mga dumi ay maaaring maging sanhi ng pamumula.
Ang pagsira sa hugis o pagbara ng talukap o mga glandula dahil sa pinsala o mga depekto sa pagsilang ay maaaring pagkaitan ang mata ng ganap na pagsaklaw ng pantakip na luha, o ang pantakip na luha mismo ay maaaring maging di-timbang ang halo.
Sa katapusan, angaw-angaw ang pinahihirapan ng mga sakit na gaya ng Sjögren’s syndrome, isang autoimmune na karamdamang sinasalakay ang glandula ng luha, laway, langis, at iba pang glandula, pinangyayari ang panunuyo ng mata, bibig, at balat.
Ano ang magagawa sa talamak na panunuyo ng mga mata? Ang artipisyal na mga luha sa anyo ng mga pampatak ay malawakang mabibili ngayon, gayundin ang pantanging mga salamin na mahigpit na sinasara ang palibot ng mata upang pabagalin ang pagsingaw ng luha. Bagaman hindi kanais-nais, ang mga kalagayang ito ay bihirang mauwi sa pagkabulag. Gayunman, kung hindi gagamutin, ang talamak na panunuyo ay maaaring puminsala sa cornea, kaya mahalagang humingi ng medikal na payo.
[Kahon sa pahina 27]
“Ilagay Mo ang Aking mga Luha sa Iyong Botelya”
Gayon ang sulat ng salmistang si David, na nagsusumamo sa kaniyang Diyos na masdan ang kaniyang matinding pamimighati. (Awit 56:8) Oo, ang makabagbag-damdaming mga kalagayan kahit na sa buhay ng tapat na mga lingkod ng Diyos ay pinagmulan ng pagtangis.
Gunigunihin ang nakaiiyak na dalamhati ni Haring David dahil sa kamatayan ng kaniyang mga anak na sina Amnon at Absalom at ng kaniyang matapat na kaibigang si Jonathan, gayundin ni Haring Saul. (2 Samuel 1:11, 12; 13:29, 36; 18:33) Nang dambungin ng mga Amalecita ang lunsod ng Siclag at kidnapin ang mga asawa at mga anak ni David at ng kaniyang makapangyarihang mga lalaki, sila’y “naglakas ng tinig at umiyak, hanggang sa sila’y nawalan ng lakas na umiyak.”—1 Samuel 30:4.
Tiyak na matindi ang pagdadalamhati nang sina Jacob at Moises ay mamatay, na tinangisan ng buong bayan ng ilang araw. (Genesis 50:3; Deuteronomio 34:8) Ang pagkabihag at kalungkutan ay nagdala rin ng sigaw ng pagdurusa sa mga pakinig ni Jehova. (Job 3:24; Awit 137:1; Eclesiastes 4:1) Ang buong aklat ng Panaghoy ay isang malungkot na panambitan na isinulat ng naiiyak na si Jeremias.—Panaghoy 1:16; 2:11, 18; tingnan ang talababa ng Pan 1:1.
Malayo sa pagiging tanda ng kahinaan, ang pagtangis ay isang likas na kapahayagan ng matinding damdamin. Kaya nga, kahit na ang sakdal na taong si Jesus ay umiyak. Minsan ay tinangisan niya ang lunsod ng Jerusalem at muli nang makita niya ang naulilang pamilya at mga kaibigan ng patay na si Lazaro. (Lucas 19:41; Juan 11:33-35) Gayunman, ang mga luhang iyon ng kalungkutan ng pamilya at mga kaibigan ay biglang naging mga luha ng kagalakan nang tawagin ni Jesus mula sa libingan ang kaniyang minamahal na kaibigan.—Juan 11:41-44.