Mga Taon ng Paghubog—Kung Ano ang Inihahasik Mo Ngayon ay Aanihin Mo sa Dakong Huli
Mga Taon ng Paghubog—Kung Ano ang Inihahasik Mo Ngayon ay Aanihin Mo sa Dakong Huli
ANG mga utak ng sanggol ay mistulang mga espongha na sinisipsip ang kanilang kapaligiran. Sa loob ng dalawang taon natututuhan ng mga nagtataglay nito ang isang masalimuot na wika sa pamamagitan lamang ng pakikinig dito. Kung dalawang wika ang naririnig ng bata, natututuhan niya ito kapuwa. Hindi lamang ang wika kundi ang musikal at artistikong mga kakayahan, pagkakaugnay-ugnay ng kalamnan, mga pamantayang moral at budhi, pananampalataya at pag-ibig at ang simbuyo na sumamba—pawang galing sa mga kakayahan at potensiyal na patiunang naiprograma sa mga utak ng sanggol. Naghihintay lamang ito ng impormasyon mula sa kapaligiran para sa pag-unlad nito. At, may tamang talaorasan para sa pagdating ng impormasyong ito para sa pinakamainam na mga resulta, at ang kapaki-pakinabang na panahong iyan ay sa mga taon ng paghubog.
Ang proseso ay nagsisimula sa pagsilang. Ito ay tinatawag na pagbubuklod. Maibiging tinititigan ng ina ang mga mata ng sanggol, magiliw na kinakausap siya, niyayapos at pinapangko siya. Ang pagmamahal ng ina ay napupukaw habang siya ay minamasdang mainam ng sanggol at nakadarama ng katiwasayan. Kung sa pasimulang ito ay maganap ang pagsuso, mas mabuti sa kanilang dalawa. Pinasisigla ng pagsuso ng sanggol ang paggawa ng gatas. Ang pagdaiti ng balat niya sa ina ay nagpapalabas ng mga hormone na nakababawas sa pagdurugo ng ina pagkapanganak. Ang gatas ng ina ay naglalaman ng mga antibody na magsasanggalang sa sanggol mula sa mga impeksiyon. Nangyayari ang pagbubuklod. Ito ang pasimula ng maibiging ugnayan sa pagitan ng ina at ng anak. Subalit pasimula lamang ito.
Di-nagtatagal ang ugnayang dalawahan ay nagiging tatluhan kapag nasasangkot ang ama, na dapat lamang mangyari. “Kailangan ng bawat bata . . . ang isang ama,” sabi ni Dr. T. Berry Brazelton, “at bawat ama ay mahalaga. . . . Ang mga ina ay may hilig na maging magiliw at mahinahon sa kanilang mga sanggol. Sa kabilang dako, ang mga ama ay mas mapaglaro, kinikiliti at sinusundut-sundot ang kanilang mga sanggol ng higit kaysa ginagawa ng mga ina.” Ang mga sanggol ay tumutugon sa paglalarong ito ng ama sa pamamagitan ng mga sigaw ng kagalakan at mga pagtili sa tuwa, masayang nag-iingay at humihiyaw sa paghingi ng higit pa. Karugtong ito ng pagbubuklod na nagsimula sa pagsilang, ‘isang ugnayan ng pag-ibig sa pagitan ng mga magulang at ng anak na karaniwan nang likas na nangyayari o nakakaligtaan sa unang labingwalong buwan ng buhay ng isang sanggol,’ sabi ni Dr. Magid, kasamang awtor ng aklat na High Risk: Children Without a Conscience. Kung makakaligtaan, sabi niya, ang mga batang iyon ay maaaring lumaki na walang kakayahang magkaroon ng anumang personal na mga kaugnayan at walang kakayahang umibig.
Ang Ina at Ama ay Nakikibahagi sa Pagbubuklod
Kaya, anong pagkahala-halaga nga na kapuwa ang ina at ang ama ay magtulungan sa pagpapatibay sa ugnayang ito ng pag-ibig, ang pagbubuklod at pagmamahal na ito sa pagitan ng mga magulang at ng anak sa mga taon ng paghubog bago magkindergarten! Hayaang magkaroon ng saganang mga yapos at halik mula sa kapuwa mga magulang. Oo, mula rin sa mga tatay! Ang Men’s Health, ng Hunyo 1992, ay nagsasabi: “Ang mga yapos at pisikal na pagmamahal ng mga magulang ay malakas na magsasabi ng matagumpay na pagkakaibigan, pag-aasawa at karera ng bata sa hinaharap, sabi ng isang 36-na-taóng pag-aaral na inilathala sa Journal of Personality and Social Psychology. Pitumpung porsiyento ng mga bata na may mapagmahal na mga magulang ay mahusay makisama, kung ihahambing sa 30 porsiyento lamang ng mga bata na ang mga magulang ay walang malasakit; at ang
mga yapos ni Itay ay nasumpungang kasinghalaga ng mga yapos ni Inay.”Mahalaga rin, kargahin siya samantalang iniuugoy sa silyang tumba-tumba. Basahan siya habang siya’y tiwasay sa iyong kandungan. Kausapin siya at pakinggan siya, turuan siya sa kung ano ang tama’t mali, at tiyakin na maging mabuting mga halimbawa, ginagawa mismo ang mga simulaing ito. At laging tandaan ang edad ng bata. Panatilihin itong simple, panatilihin itong kawili-wili, gawin itong nakatutuwa.
Ang inyong anak ay may likas na pagkamausisa, isang pagnanais na manggalugad, alamin ang lahat tungkol sa paligid niya. Upang sapatan ang pagkauhaw na ito na matuto, ang bata ay walang tigil sa katatanong. Bakit humahangin? Bakit bughaw ang langit? Bakit ito pumupula kapag lumulubog ang araw? Sagutin ang mga tanong. Hindi ito laging madali. Ang mga tanong na ito ay isang paanyaya sa inyo upang impluwensiyahan ang isipan ng bata, magkaroon ng impormasyon, marahil ikintal ang pagpapahalaga sa Diyos at sa kaniyang paglalang. Isa bang salagintong gumagapang sa isang dahon ang nakahahalina sa kaniya? O ang disenyo ng isang munting bulaklak? O ang pagmamasid sa paghahabi ng isang gagamba? O ang basta paghuhukay sa lupa? At huwag kaligtaan ang pagtuturo ng maiikling kuwento, gaya ng ginawa ni Jesus sa kaniyang mga parabula. Ginagawa nitong kasiya-siya ang pag-aaral.
Sa maraming kaso kailangang magtrabaho ng ama’t ina upang magkaroon ng sapat na pera upang mabuhay. Makagagawa ba sila ng pantanging pagsisikap na gugulin ang mga oras sa gabi at sa dulo ng sanlinggo na kasama ng kanilang mga anak? Maaari bang kalahating araw na lang magtrabaho ang ina upang magkaroon ng higit na panahon na kasama ng kaniyang mga anak? Maraming nagsosolong magulang ngayon, at kailangan nilang magtrabaho upang suportahan ang kanilang sarili at ang kanilang mga anak. Maaari kaya silang maging masikap upang ibigay ang hangga’t maaari’y maraming oras sa gabi at sa mga dulo ng sanlinggo sa kanilang mga anak? Sa maraming kaso kailangan pa ngang iwan ng mga ina ang kanilang mga anak. Kahit na kung ang mga dahilan ng pag-alis ay makatuwiran, hindi iyan maunawaan ng munting bata at maaaring madama niyang siya’y pinabayaan. Kaya kailangan ang pantanging pagsisikap upang samantalahin ang panahon para sa iyong anak.
Ngayon, ano nga ba ang “panahong de kalidad” na ito na naririnig natin? Ang abalang mga magulang ay maaaring gumugol ng 15 o 20 minuto tuwing ikalawang araw na kasama ng kanilang anak, marahil ay isang oras kung dulo ng sanlinggo, at tawagin itong panahong de kalidad. Sapat na ba ito sa pangangailangan ng bata? O ang layunin ba nito
ay palubagin ang budhi ng magulang? O ito ba’y upang guminhawa ang isipan ng isang ina na nagtatrabaho para sa personal na kasiyahan samantalang iniiwan ang kaniyang anak na walang katuparan? Subalit ang sabi mo, ‘Totoo, ako’y abalang-abala anupat wala ako ng ganiyang uri ng panahon.’ Sayang at napakalungkot naman para sa iyo at sa iyong anak sapagkat walang mga shortcut. Magkaroon ka ng panahon sa mga taon ng paghubog, o maging handa kang umani ng generation gap sa mga taon ng pagkatin-edyer.Hindi lamang ang posibleng pinsalang nagagawa sa batang iniiwan sa day care, kundi ang kalugihan din ng mga magulang kapag hindi nila natatamasa ang pakikisama sa bata habang siya ay lumalaki. Hindi laging nauunawaan ng bata ang mga dahilan kung bakit siya ay naiiwang mag-isa; maaaring madama niyang siya’y pinababayaan, tinatanggihan, iniiwan, hindi minamahal. Sa mga taon ng kaniyang pagkatin-edyer maaaring naging malapít na siya sa kaniyang mga kasamahan kaysa kaniyang mga magulang na walang panahon sa kaniya. Ang bata ay maaari pa ngang mamuhay ng dobleng buhay, isang buhay upang payapain ang kaniyang mga magulang at isa pa upang palugdan ang kaniyang sarili. Mga salita, paliwanag, paghingi ng paumanhin—hindi nito masasara ang agwat. Ang pag-ibig na sinasabi ngayon ng magulang ay hindi pinaniniwalaan ng bata na pinabayaan noong mga taon kung kailan kailangang-kailangan niya ang kaniyang mga magulang. Ang sinasabing pag-ibig ay hindi totoo; ang mga salita ay waring hindi taimtim. Tulad ng pananampalataya, ang sinasabing pag-ibig na walang gawa ay patay.—Santiago 2:26.
Pag-aani Kahit na Ngayon ng Ating Inihasik
Sa salinlahing ito na ako-muna, laganap ang pagkamakasarili, at maliwanag na makikita ito lalo na sa pagpapabaya ng ating mga anak. Isinisilang natin sila, at pagkatapos ay inilalagay natin sila sa mga day-care center. Ang ilang day-care center ay maaaring mabuti para sa mga bata, subalit ang marami ay hindi, lalo na para sa musmos na mga bata. Ang ilan ay iniimbestigahan pa nga dahil sa seksuwal na pag-abuso sa mga bata. Isang mananaliksik ay nagsabi: “Sa hinaharap, walang alinlangan, magkakaroon tayo ng mga problema na para bang hindi nakapipinsala na gaya ng isang salu-salo sa hapon.” Ang “salu-salo sa hapon” ngayon ay kasindak-sindak na, gaya ng ipinakikita ng mga estadistikang iniharap ni Dr. David Elkind noong 1992:
“May 50-porsiyentong pagdami ng labis na katabaan sa mga bata at mga kabataan sa nakalipas na dalawang dekada. Nawawalan tayo ng mga sampung
libong tin-edyer sa isang taon dahil sa mga aksidenteng nauugnay sa paggamit ng nakasusugapang mga sustansiyang gaya ng droga at alkohol, hindi kasali ang nasaktan at napinsala. Isa sa apat na mga tin-edyer ay umiinom nang labis tuwing ikalawang linggo, at mayroon tayong dalawang milyong alkoholikong mga tin-edyer.“Ang mga babaing tin-edyer sa Amerika ay nagbubuntis sa dami na isang milyon sa bawat taon, doble sa dami ng pagbubuntis ng mga tin-edyer sa susunod na Kanluraning bansa, ang Inglatera. Ang pagpapatiwakal ay triple ang itinaas sa gitna ng mga tin-edyer sa nakalipas na 20 taon, at sa pagitan ng lima at anim na libong tin-edyer ang nagpapakamatay taun-taon. Tinatayang isa sa apat na mga babaing tin-edyer ang nagpapakita ng hindi kukulanging isang sintoma ng sakit na nauugnay sa pagkain, karaniwan na ang grabeng pagdidiyeta. Ang pangkat ng 14- hanggang 19-anyos ang may ikalawang-pinakamataas na dami ng pagpatay sa kapuwa sa anumang pangkat ng edad.”
Idagdag pa sa nakatatakot na mga estadistikang ito ang pagpatay ng mahigit 50 milyong sanggol samantalang ang mga ito ay nasa sinapupunan pa, at ang “salu-salo sa hapon” ngayon ay hindi mailarawan. Dahil sa pagguho ng mga pamilya, si Dr. Elkind ay nagsabi: “Ang mabilis na pagbabagong panlipunan ay isang malaking sakuna para sa mga bata at mga kabataan, na nangangailangan ng katatagan at katiwasayan para sa malusog na paglaki at pag-unlad.” Isang manunulat tungkol sa ako-munang pagkamakasarili ay nagpoprotesta: “Subalit walang nagkukusang magsabi sa mga mag-asawa, Narito, kailangang huwag kayong maghiwalay bilang mag-asawa. Kung may mga anak kayo, huwag kayong maghiwalay!”
Nangangailangan ng panahon upang ibigin ang isang bata. Mga taon na ang lumipas si Robert Keeshan, brodkaster sa mga bata bilang “Captain Kangaroo,” ay nagbabala tungkol sa mga resulta ng pagkakait ng panahon sa inyong mga anak. Sabi niya:
“Isang munting bata, ang hinlalaki ay nakasubo sa bibig, tangan-tangan ang manika, ang may pagkainip na naghihintay sa pagdating sa bahay ng isang magulang. Nais niyang ikuwento ang ilang maliit na karanasan sa kahon ng buhangin. Sabik na sabik siyang ibahagi ang katuwaan na naranasan niya nang araw na iyon. Dumating ang panahon, dumating na ang magulang. Nalupig ng mga kaigtingan sa dako ng trabaho kadalasang sinasabi ng magulang sa bata, ‘Hindi ngayon, mahal. Marami akong gawain, manood ka na lang ng telebisyon.’ Ang salitang pinakamalimit bigkasin sa maraming sambahayan sa Amerika, ‘Marami akong gawain, manood ka na lang ng telebisyon.’ Kung hindi ngayon, kailan? ‘Saka na.’ Ngunit ang saka na ay bihirang dumating . . .
“Lumilipas ang mga taon at ang bata ay lumalaki. Binibigyan natin siya ng mga laruan at mga damit. Binibigyan natin siya ng mga damit na may pangalan at isang stereo ngunit hindi natin ibinibigay sa kaniya ang kailangang-kailangan niya, ang ating panahon. Siya’y katorse, ang kaniyang mga mata ay walang kabuhay-buhay, siya’y nasangkot sa isang bagay. ‘Mahal, ano ang nangyari? Magsalita ka, magsalita ka.’ Huli na ang lahat. Huli na ang lahat. Wala na ang pag-ibig. . . .
“Kapag sinasabi natin sa isang bata, ‘Hindi ngayon, saka na.’ Kapag sinasabi natin, ‘Manood ka ng TV.’ Kapag sinasabi natin, ‘Huwag kang maraming tanong.’ Kapag hindi natin ibinibigay sa ating mga kabataan ang isang bagay na hinihingi nila sa atin, ang ating panahon. Kapag hindi natin maipakita ang pag-ibig sa isang bata. Kapag tayo ay walang malasakit. Tayo ay basta napakaabala upang ibigin ang isang bata.”
Maraming Panahon ang Kailangan
Ang uliran ay hindi basta pagbibigay ng kaunting “panahong de kalidad” nang hulugan; dapat na kasama rin dito ang “maraming panahon.” Ang Bibliya, na naglalaman ng higit na karunungan kaysa lahat ng aklat na kailanma’y naisulat tungkol sa sikolohiya, ay nagsasabi sa Deuteronomio 6:6, 7: “At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasaiyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” Dapat mong ikintal sa mga puso ng iyong mga anak ang tunay na mga pamantayan buhat sa Salita ng Diyos na nasa iyong puso. Kung ikaw ay namumuhay ayon dito, gagayahin ka ng iyong anak.
Natatandaan mo ba ang kawikaan na sinipi sa ikalawang parapo ng naunang artikulo? Narito itong muli: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” (Kawikaan 22:6) Totoo ito tanging kung ang pagsasanay sa mga pamantayan ay naikintal, yaon ay, naipasok sa kaniya, naging bahagi ng kaniyang pag-iisip, ng kaniyang kaloob-loobang damdamin, kung ano siya sa kaloob-looban niya. Nangyayari lamang ito kung ang mga pamantayang ito ay hindi lamang itinuro sa kaniya ng kaniyang mga magulang kundi isinasagawa rin naman ng kaniyang mga magulang.
Tinanggap niya ito bilang isang paraan ng pamumuhay. Ito’y naging personal na pamantayan niya na bahagi niya mismo. Ang pagsalungat ngayon dito ay hindi magiging paglabag sa kung ano ang itinuro sa kaniya ng kaniyang mga magulang kundi paglabag sa kung ano ang kinahinatnan niya. Siya’y magiging di-tapat sa kaniyang sarili. Ito’y katumbas ng pagkaila sa kaniyang sarili. (2 Timoteo 2:13) Sa loob niya ay ayaw niyang gawin ito sa kaniyang sarili. Kaya, malayong ‘lumihis siya sa daang ito’ na naikintal sa kaniya. Kaya hayaang tularan ng inyong mga anak ang inyong maiinam na ugali. Ituro ang kabaitan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan, magandang asal sa pamamagitan ng pagsasagawa nito, pagkamalumanay sa pagiging malumanay, katapatan at pagkatotoo sa pamamagitan ng pagpapakita nito.
Kaayusan ni Jehova
Ang yunit ng pamilya ang kaayusan ni Jehova para sa tao mula sa pasimula. (Genesis 1:26-28; 2:18-24) Pagkaraan ng anim na libong taon ng kasaysayan ng tao, ito pa rin ang kinikilala bilang ang pinakamainam para sa mga adulto at sa mga bata, gaya ng pinatutunayan ng aklat na Secrets of Strong Families, sa mga salitang ito:
“Marahil mayroon sa kaloob-looban natin na kumikilalang ang pamilya ang saligan ng kabihasnan. Marahil likas na nalalaman natin kapag dumating na tayo sa mahalagang punto sa buhay na hindi ang salapi, karera, katanyagan, magandang bahay, lupa, o materyal na mga ari-arian ang mahalaga—ito’y ang mga tao sa ating buhay na nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Ang mga tao sa ating buhay na nangako sa atin at na maaasahan natin ang alalay at tulong ang siyang mahalaga. Saanman ay wala nang hihigit pa sa potensiyal para sa pag-ibig, alalay, malasakit, at pangako na hinahangad nating lahat kaysa sa pamilya.”
Kaya nga, mahalagang maging masikap at maghasik ng mahusay na pagsasanay ngayon sa mga taon ng paghubog upang anihin mo sa hinaharap ang isang maligayang buhay pampamilya, kapuwa sa iyo at sa iyong mga anak.—Ihambing ang Kawikaan 3:1-7.
[Kahon sa pahina 10]
Aling Magulang Kaya Ako?
“Nakakuha ako ng dalawang pinakamataas na marka,” sigaw ng batang lalaki, ang kaniyang tinig ay punô ng tuwa. Ang kaniyang ama ay tahasang nagtanong, “Bakit hindi ka nakakuha ng mas marami?” “Inay, nahugasan ko na po ang mga pinggan,” sabi ng batang babae mula sa pinto ng kusina. Ang kaniyang nanay ay mahinahong nagsabi, “Inilabas mo ba ang basura?” “Tinabas ko po ang damo,” sabi ng matangkad na batang lalaki, “at itinabi ko na po ang pantabas ng damo.” Nagkikibit ng balikat na tinanong siya ng kaniyang ama, “Tinabas mo rin ba ang bakod na halaman?”
Ang mga bata sa kapitbahay ay waring maligaya at kontento. Gayundin ang nangyari roon, at ganito ang nangyari:
“Nakakuha ako ng dalawang pinakamataas na marka,” sigaw ng batang lalaki, ang kaniyang tinig ay punô ng tuwa. Ang kaniyang ama ay buong pagmamalaking nagsabi, “Magaling; natutuwa ako sa nagawa mo.” “Inay, nahugasan ko na po ang mga pinggan,” sabi ng batang babae mula sa pinto ng kusina. Ang kaniyang nanay ay ngumiti at marahang nagsabi, “Lalo kang napapamahal sa akin araw-araw.” “Tinabas ko po ang damo,” sabi ng matangkad na batang lalaki, “at itinabi ko na po ang pantabas ng damo.” Ang kaniyang ama ay tuwang-tuwang sumagot, “Ipinagmamalaki kita.”
Ang mga anak ay karapat-dapat sa kaunting papuri para sa mga atas na ginagawa nila araw-araw. Kung nais ninyong sila’y mamuhay ng isang maligayang buhay, malaki ang nakasalalay sa inyo.
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang ama ay sumasali sa ina sa proseso ng pagbubuklod
[Larawan sa pahina 8]
Habang umuunlad ang imahinasyon, ang isang batang tumatakbong nakadipa ang mga kamay ay isang eruplanong lumilipad na paitaas, ang isang malaking kahon ay nagiging isang bahay para sa bahay-bahayan, ang isang walis ay nagiging isang matuling kabayo, ang isang silya ay upuan ng tsuper ng isang kotseng pangkarera