Sinasagot ba ng Diyos ang Aking mga Panalangin?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Sinasagot ba ng Diyos ang Aking mga Panalangin?
“KAILANGANG malaman ko kung sinasagot ni Jehova ang aking mga panalangin,” sabi ng 11-anyos na si Sandra, “sapagkat hindi ko tiyak kung sinasagot nga niya. Marami akong nakikilalang ibang kabataan na gayundin ang problema.” Ang kinse-anyos na si Alyssa ay nagkaroon din ng gayong problema sa panalangin noon. “Madalas kong nadarama na ako’y nagsasalita sa aking sarili,” sabi niya.
Sang-ayon sa isang surbey ng Gallup noong 1988, 87 porsiyento ng mga tin-edyer sa Estados Unidos ay nanalangin sa ilang panahon o higit pa, subalit wala pang kalahati ang regular na nananalangin. Maliwanag na inaakala ng ilan na ang kanilang mga panalangin ay hindi sinasagot. Kung minsan, maaaring inaakala mo na wala namang nakikinig sa iyong mga panalangin. Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na kapag ang isa ay nananalangin ng taimtim na panalangin ng pananampalataya, ang “Dumirinig ng panalangin” ay nakikinig! (Awit 65:2) Ngunit paano mo nalalaman na siya ay hindi basta walang kibong tagapakinig—magalang na nakikinig ngunit kaunti o walang ginagawa bilang pagtugon?
Pagkatapos tawagin ang Diyos na ang Dumirinig ng panalangin, ang salmista ay nagsabi: “Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakila-kilabot na bagay, Oh Diyos ng aming kaligtasan.” (Awit 65:5; ihambing ang Awit 66:19, 20) Kung gayon, bakit inaakala ng iba na ang kanilang mga panalangin ay hindi sinasagot?
Mga Hadlang sa Panalangin
Ang dahilan ay maaaring ang kakulangan ng isang tunay na kaugnayan sa Diyos. Ang ilang kabataan ay nag-aalinlangan sa kaniya mismong pag-iral. Ang iba ay naniniwala subalit itinuturing siya na isang malayo, mahirap unawaing persona. Ang panalangin ay nagiging—huling takbuhan sa panahon ng kagipitan. “Naniniwala ako sa Diyos,” sabi ng isang kabataang Katoliko. “Kapag ako’y may problema, kung kailangan ko ng tulong, lagi kong idinadalangin ang tulong Niya.” Ganito naman ang tahasang sinabi ng isang kabataan: “Kung minsan nananalangin lamang ako kung talagang may kailangan ako.”
Gayunman, ang panalangin ay dapat na isang kapahayagan ng pananampalataya, pagpipitagan, debosyon, at pagtitiwala—hindi lamang dahil sa kawalan ng pag-asa o masakim na pagnanais. At hindi sapat ang manalangin sapagkat iniisip mong maaaring umiiral ang Diyos. “Ang lumalapit sa Diyos,” sabi ng Bibliya, “ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ang mga panalangin ng mga nag-aalinlangan ay hindi sinasagot. (Santiago 1:6-8) Si Jehova ay nakikinig sa panalangin niyaong nakakikilala at nagmamahal sa kaniya; hindi nila inirereserba ang panalangin sa mga panahon lamang ng kagipitan. Gaya ng ipinapayo ng 1 Tesalonica 5:17, sila’y “nananalanging walang patid,” o gaya ng pagkakasabi rito ng An American Translation, “sila’y hindi humihinto sa pananalangin.”
Nakalulungkot sabihin, nakilala ng ilang kabataang Kristiyano si Jehova ngunit hindi nila nalinang ang pakikipagkaibigan sa kaniya. (Awit 25:14) Ang kanilang mga panalangin ay waring kakaunti at madalang, hindi personal, at sa wakas ay hindi sinasagot. Totoo ba ito sa iyong mga panalangin? Kung gayon, “magsilapit kayo sa Diyos” sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya nang higit. (Santiago 4:8) Ang kabataang si Alyssa, nabanggit kanina, ay may mga pag-aalinlangan tungkol kay Jehova. Subalit ang isang personal na pag-aaral ng Bibliya ay nakatulong upang unti-unting maalis ang kaniyang mga pag-aalinlangan at nakatulong sa kaniya na magkaroon ng isang kaugnayan sa Diyos.
Ang saloobin at gawi ng isa ay maaari ring maging malaking hadlang sa panalangin. Ang salmista ay nagsabi: “Kung pinakundanganan ko ang anumang kasamaan sa aking puso, hindi ako diringgin ni Jehova.” (Awit 66:18; Kawikaan 15:29) Makatuwiran bang asahan na sasagutin ng Diyos ang iyong mga panalangin kung ginagawa mo ang mga bagay na kinaiinisan niya—kung ikaw ay gumagamit ng droga, naninigarilyo, nakikinig sa masamang musika, o gumagawa ng seksuwal na imoralidad? Tiyak na hindi. Samakatuwid tinatanggihan ni Jehova ang mga panalangin niyaong namumuhay ng dobleng pamumuhay, mapagpakunwari na ‘itinatago kung ano sila.’ (Awit 26:4) Kaniya lamang pinakikinggan yaong “lumalakad na matuwid at gumagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Awit 15:1, 2) Kaya kung inaakala mong ikaw ay nakikipag-usap sa iyong sarili kapag ikaw ay nananalangin, suriin mo ang iyong buhay. Marahil kailangang gumawa ka ng ilang pagbabago.
Mga Pag-abuso sa Panalangin
Anong uri ng mga bagay ang maaari mong hilingin sa Diyos? Sa atin ay tinitiyak ni Jesus: “Kung kayo’y hihingi ng anuman sa Ama ay ibibigay niya iyon sa inyo sa aking pangalan.” (Juan 16:23) Ang kahali-halinang salitang iyon—anuman! Talaga bang ibibigay ng Diyos ang anumang ating hilingin sa kaniya na parang genie? Tutuparin ba niya ang bawat kahilingan mo, kahit na ang walang kabuluhang mga bagay? Binanggit ni Jesus ang kaniyang mga salita mga ilang oras lamang bago ang kaniyang napakasakit na kamatayan. Tiyak na wala sa isip niya ang walang-saysay na mga bagay! Kaya ang Santiago 4:3 ay nagbababala laban sa pag-abuso sa panalangin. Sabi nito: “Kayo’y nagsisihingi, at gayunma’y hindi kayo nagsisitanggap, sapagkat nagsisihingi kayo sa maling layunin, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.”
Inaabuso ng marami ngayon ang pribilehiyo ng panalangin. Ang isang koponan ng basketball sa paaralan ay luluhod sa gitna ng basketball court at bumibigkas ng isang panalangin pagkatapos ng bawat laro. Subalit talaga bang inaakala mong ang Diyos ay isang tagahanga ng basketball o na siya’y magpapakababa upang makialam sa isang paligsahang laro? (Ihambing ang Galacia 5:26.) O kumusta naman ang babaing iniulat na nananalangin para sa sapatos? “Kung minsan ay isa o dalawang pares na lang ng sapatos ang matitira sa isang tindahan ng sapatos na kasukat ko,” sabi niya, “at kung wala akong pera sa pagkakataong iyon, hihilingin ko sa Diyos na tiyakin niyang naroon ito pagbalik ko.” Ngayon, isang bagay ang manalangin kung nangangailangan—at lubhang ibang bagay naman na umasa na ang Diyos ang mamimili para sa iyo.
Kasuwato nito, magiging hindi angkop—at walang-saysay—na manalangin sa Diyos na iligtas kaHebreo 12:7, 8, 11) Ni magtatagumpay ka kaya sa paghiling sa Diyos na bigyan ka ng mataas na marka sa isang pagsusulit kung ikaw ay hindi gaano o hindi ka naghanda.—Ihambing ang Galacia 6:7.
sa karapat-dapat na parusa o disiplina. (Mga Panalangin “Ayon sa Kaniyang Kalooban”
Ipinaliliwanag ni apostol Juan ang isang mahalagang punto tungkol sa panalangin: “At ito ang ating pagtitiwala sa kaniya, na, anuman ang hingin natin sa kaniya ayon sa kaniyang kalooban, kaniyang dinirinig tayo.” (1 Juan 5:14) Ipinakikita ng huwarang panalangin ni Jesus (Panalangin ng Panginoon) ang ilang bagay na maaaring isama sa panalangin. Ipinanalangin niya na (1) pakabanalin ang pangalan ng Diyos, (2) dumating nawa ang Kaharian ng Diyos, (3) mangyari nawa ang kalooban ng Diyos, (4) ang pagbibigay ng pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, at (5) tulong upang maiwasan ang mga patibong ni Satanas.—Mateo 6:9-13.
Sa loob ng balangkas na ito ay maraming angkop na mga paksa para sa panalangin. Oo, ang 1 Pedro 5:7 ay humihimok sa mga Kristiyano na ‘ilagak ang lahat ng kanilang kabalisahan sa Diyos, sapagkat sila’y ipinagmamalasakit niya.’ Nangangahulugan iyan na angkop na manalangin tungkol sa halos bawat pitak ng ating buhay. Mayroon ka bang gagawing pasiya, gaya ng pagpili ng kung anong kurso ang iyong kukunin? Humiling ka ng karunungan buhat sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. (Santiago 1:5) Ikaw ba’y nakagawa ng ilang pagkakamali? Kung gayon humingi ng kapatawaran sa Diyos.—Isaias 55:7; 1 Juan 1:9.
Subalit kailangang kumilos ka na kasuwato ng iyong panalangin. Isaalang-alang ang kabataang si Clint. Siya’y naging isang buong-panahong ebanghelisador pagkatapos niyang mag-aral ng high school. Sa loob ng ilang buwan ay wala siyang nasumpungang interesado sa pag-aaral ng Bibliya. Kaya hiniling niya ito sa panalangin. Gayunman, hindi niya hinintay na makahimalang dumating ang isang estudyante sa Bibliya. Masikap siyang nagpatuloy sa pakikibahagi sa bahay-bahay na ministeryo, at nang maglaon siya ay nakasumpong ng maraming tao na handang mag-aral ng Bibliya.
Kung Paano Sumasagot ang Diyos
Kung minsan ang pananalangin mismo ay nakatutulong. Ang kabataang si Sandy ay nakikipagpunyagi sa problema ng masturbasyon. Sabi niya: “Ang pananalangin at pagtawag kay Jehova ay nakatutulong sa akin sapagkat alam kong pagkatapos kong manalangin na tulungan niya akong huwag gumawa ng masturbasyon, kailangang huwag kong gawin ito.”
Gayunman, kung minsan wari bang minamaneobra ng Diyos ang mga pangyayari upang sagutin ang mga panalangin. Noong minsa’y kailangang magtungo ng kabataang si Ken sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova upang ipahayag ang isang maikling lektyur sa Bibliya na iniatas sa kaniya. Sa kasamaang-palad, wala siyang masakyan. Taimtim siyang nanalangin tungkol sa bagay na ito. Pagkaraan ng ilang minuto ang kaniyang ate, na bihirang dumalaw, ay dumating. Bagaman hindi interesado ang ate niya sa kaniyang relihiyon, siya ay isinakay nito. Isang tuwirang sagot sa kaniyang panalangin? Marahil. Sa anumang kaso, angkop na laging magpasalamat sa Diyos kung ang mga bagay ay nagiging pabor sa atin. Si Pablo ay nagpapayo: “Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.”—1 Tesalonica 5:18.
Gayunman, huwag mong asahan na sasagutin ng Diyos ang iyong mga panalangin sa madulang paraan. Ni dapat mo kayang bigyan ng kahulugan ang bawat maliit na bagay na nangyayari sa iyo bilang isang kapahayagan ng kalooban ng Diyos. Ang ating mga panalangin ay karaniwang sinasagot sa mahusay na mga paraan: May nababasa ka sa Bibliya o sa literatura sa Bibliya; isang magulang o kapuwa Kristiyano ay nagbibigay sa iyo ng mabuting payo. Totoo, maaaring mangailangan ng unawa upang matiyak kung ano nga ba ang kalooban ng Diyos para sa iyo. Ang mga bagay ay karaniwang nalulutas sa tamang panahon.
Oo, panahon! Huwag mong asahan na sasagutin ka ng Diyos kung kailan inaakala mo na dapat kang sagutin. “Mabuti nga na ang tao ay maghintay, na tahimik, sa pagliligtas ni Jehova,” sulat ni Jeremias. (Panaghoy 3:26) Isa pa, ikaw ay hindi garantisadong tatanggap ng sagot na gusto mo. Makaitlong hiniling ni apostol Pablo sa Diyos na alisin ang problemang tinatawag niyang “isang tinik sa laman.” Ang sagot ng Diyos ay hindi. (2 Corinto 12:7-9) Gayunman, si Pablo ay hindi nawalan ng pagpapahalaga sa kaloob na panalangin kundi nagpatuloy siya sa paglilingkod kay Jehova. Siya ang sumulat: “Magmatiyaga sa panalangin.” (Colosas 4:2) Kaya “patuloy na humingi, . . . patuloy na humanap, at patuloy na tumuktok.” (Mateo 7:7) Sa paggawa mo ng gayon ay magiging malapít ka sa Diyos, at malamang na tanggapin mo ang mga sagot sa iyong mga panalangin.
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang panalangin ay hindi dapat na binubuo ng walang-saysay na mga kahilingan para sa materyal na mga kagustuhan