Ano Kung Dinulutan Kami ng Kahihiyan ng Aking Magulang?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano Kung Dinulutan Kami ng Kahihiyan ng Aking Magulang?
ANG tatay ni Jacob ay dating iginagalang na tagapangasiwang Kristiyano sa isang bansa sa Aprika. Subalit nang iwan niya ang nanay ni Jacob upang sumama sa ibang babae, ang tatay ni Jacob ay itiniwalag sa kongregasyong Kristiyano. Ang mga bagay ay lumala pa nang ang ama ay magsimulang uminom nang malakas. “Sa ganitong kalagayan,” gunita ni Jacob, “siya’y pupunta sa paaralan at hihiyain ako sa harap ng aking mga guro at mga kaklase.” a
Isa pang kabataang Aprikano, na tatawagin nating David, ay nasaksihan din ang pagkatiwalag ng kaniyang ama mula sa kongregasyong Kristiyano bilang isang di-nagsisising manggagawa ng masama. “Hindi ako makapaniwala,” sabi ni David. “Lagi akong tumitingin sa kaniya bilang aking mabuting halimbawa. Ang labis kong ikinatatakot ay na wala nang magnanais na makisama sa pamilya ng isang taong tiwalag.”
Kapag ang isang magulang ay nagdadala ng kahihiyan sa pamilya sa pagsangkot sa nakahihiyang gawi, o madakip pa nga ng pulis, karaniwan nang ikaw ay makadama ng hiya, paghamak, at takot sa hinaharap. Kung minsan ay maaari mong madama ang gaya ng nadama ng salmista na sumulat: “Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri, at ang kahihiyan ng aking mukha ay tumatakip sa akin.”—Awit 44:15.
Dahil sa paggawi ng iyong magulang, maaaring maging asiwa ka at nahihiya sa samahan ng mga kaibigan at mga kakilala. Ang ilan sa kanila ay maaaring asiwa rin sa iyong pagkanaroroon. Ang ilang malupit na mga kabataan ay maaari pa ngang natutuwang tuksuhin ka tungkol sa alanganing katayuan ng iyong magulang, o maaaring seryosong babalaan ka ng mga adulto na maaari ring mangyari sa iyo ang gayon.
Hindi Mo Kasalanan!
Isang popular na kasabihan noong sinaunang panahon ay nagsabi: “Kinain ng mga magulang ang maasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ang nangilo.” (Ezekiel 18:2, Today’s English Version) Maaari ring akalain ng mga kabataan ngayon na nararanasan nila ang mga bunga ng maling paggawi ng kanilang magulang. Nang matiwalag ang tatay niya sa kongregasyon, ang kabataang si David ay lubhang nasaktan at nag-isip kung siya kaya ay pinarurusahan ng Diyos.
Ngunit siya ba ay pinarurusahan ng Diyos? Totoo, ang Diyos ay nagbabala sa bansang Israel na kaniyang “dinadala ang parusa sa pagkakamali ng mga ama sa mga anak.” (Exodo 20:5) Halimbawa, noong minsan ay ipinadalang bihag ni Jehova ang buong bansa sa malayong Babilonya. Bagaman ito ay pangunahin nang dahilan sa maling paggawi ng mga nakatatanda, ang pagkabihag ay walang alinlangang nagdulot ng kahirapan sa mga batang Israelita. Gayunman, ang Diyos ay patuloy na nagpakita ng pabor sa mga kabataang Israelita, gaya nina Daniel at ng kaniyang mga kasama, na may katapatang nagpatuloy sa pagsamba sa kaniya.—Daniel 3:28, 30.
Kaya bagaman ang paglihis ng iyong magulang ay maaaring magdulot sa iyo ng labis na kalungkutan at kirot, hindi mo dapat ikatakot na naiwala mo ang pagsang-ayon o pagpapala ng Diyos. Isaalang-alang ang mga salita ni Jehova sa Ezekiel 18:14, 17 na kasunod ng kasabihang sinipi-kanina tungkol sa maaasim na ubas: “Narito! kung siya’y magkaanak ng isang lalaki, na nakikita ang lahat ng kasalanan na ginagawa ng kaniyang ama, at nakikita niya at hindi niya ginagawa ang gayon. . . . Siya mismo ay hindi mamamatay dahil sa kasamaan ng kaniyang ama. Siya’y walang pagsalang mabubuhay.”
Gayunman, pansinin na upang patuloy na mabuhay, dapat kang lumakad sa isang landas na kakaiba sa landas na nilakaran ng iyong nagkasalang magulang. “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa,” payo ng Bibliya, “at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magalak tungkol sa kaniyang sariling mag-isa, at hindi kahambing ng iba.”—Galacia 6:4.
Patunayan Mong Iba Ka
Isaalang-alang, halimbawa, ang batang hari ng sinaunang Juda na nagngangalang Josias. Kapuwa ang kaniyang ama at lolo ay kilalang mga mananamba sa diyus-diyusan. Gayunman, si Josias mismo “ay gumawa ng matuwid sa paningin ni Jehova.” (2 Hari 21:19, 20; 22:1, 2) Ang ama ni Haring Hezekias, si Ahaz, ay isa pang hari na nagpakita ng masamang halimbawa. Ipininid ni Ahaz ang mga pintuan sa templo ni Jehova at inihandog ang kaniya mismong mga anak bilang hain sa isang paganong diyos! (2 Cronica 28:1-3, 24, 25) Gayunman, si Hezekias ay kakaiba sa kaniyang ama. Sa gulang na 25 siya ay nagsimulang magpuno at agad niyang isinauli ang tunay na pagsamba sa Juda.—2 Hari 18:1-5.
Ang mga anak ni Core ay nagpakita ng kahawig na halimbawa. Bago pumasok sa Lupang Pangako ang bansang Israel, si Core, isang kilalang Levita, ay nanguna sa isang paghihimagsik laban kay Moises at Aaron. Gayunman, ang paghihimagsik ay agad na nasawata nang si Core at ang kaniyang mga tagasunod ay lipulin sa pamamagitan ng isang lindol at apoy mula sa langit. Gayunman, kawili-wili na ang mga anak ni Core ay nakaligtas. (Bilang 26:9-11) Waring sila ay hindi kumampi sa kanilang ama sa paghihimagsik na ito. Walang alinlangan na ang mga anak na ito ni Core ay napahiya sa masamang landasin ng kanilang ama. Subalit pinagpala ni Jehova ang mga inapo ni Core sapagkat sila ay nanatili sa kaniyang Kautusan. Kabilang sa magagandang kapahayagang masusumpungan sa Bibliya ay mga salitang sinulat ng mga anak ni Core.—Tingnan ang Awit 45, 48, 84, 85, 87, at Aw 88.
Tulad ni Josias, Hezekias, at ng mga anak ni Core, maraming kabataang Kristiyano ngayon ang napatunayang iba sa kanilang nagkasalang mga magulang. Isaalang-alang ang isang tin-edyer na tatawagin nating Maxwell. Ang kaniyang mga magulang ay dating tapat na mga Saksi ni Jehova subalit naging apostatang mga mananalansang ng Kristiyanismo. Noong minsan ang kaniyang mga
magulang ay may dalang mga baner at nagdemostrasyon sa labas ng isang kombensiyong Kristiyano na dinadaluhan ni Maxwell. “Nakakahiya,” sabi niya. “Ang ilan na hindi nakakikilala sa kanila bilang mga magulang ko ay nagsabi sa akin, ‘Nakita mo ba ang mangmang na mga apostatang iyon sa labas?’ ” Gayunman, si Maxwell ay hindi sumunod sa mapaghimagsik na landasin ng kaniyang mga magulang. At sa pamamagitan ng alalay ng tapat na mga miyembro ng pamilya at ng iba pang mga kasamang Kristiyano, nakayanan niya ang mga damdamin ng pagkapahiya at kahihiyan.Si Maxwell, si Jacob, at si David (nabanggit kanina) ay nakaahon nga sa kanilang mga kalagayan sa pamilya. Ang lahat ay kasalukuyang naglilingkod bilang mga ministro sa isang tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Aprika. “Alam ko na maaari pa rin akong mapahiya dahil sa aking mga magulang sa hinaharap,” sabi ni Maxwell, “ngunit batid ko rin na kung magtitiwala ako kay Jehova, bibigyan niya ako ng lakas upang magtiis.”
Pakikitungo sa mga Damdamin
Maaaring lalo nang kailanganin ang tulong upang mabata ang nakapanlulumong mga damdamin na likha ng nakahihiyang gawi ng iyong magulang. “Kapag nakikita ko ang aking ina [na lasing],” sulat ng 15-anyos na si Charmaine, “para bang mayroon sa loob ko na namamatay . . . Galit na galit ako . . . Hindi dapat malaman ng mga kaibigan ko ang tungkol sa problema ng nanay ko, sapagkat mayroon pa akong paggalang-sa-sarili.” (Alcohol Abuse—The Incredible Lie! ni Henri Naudé) Gayunman, isang kasabihang Ingles ang nagpapagunita sa atin na “ang lumbay ay nababawasan kapag pinagsasaluhan.” Sa isang bagay, maaaring ang problema ng iyong magulang ay alam ng karamihan. Kaya bakit mo pakikitunguhan ito na para bang ito’y di-mabigkas na lihim? At kahit na kung kailangan ang pag-iingat, makatuwiran bang hayaang sumidhi ang iyong galit? Hindi ba makatutulong na humanap ng isang maygulang na Kristiyano na mapagtatapatan mo? Sa ganitong paraan ikaw ay tatanggap ng mabubuting salita ng pampatibay-loob.—Kawikaan 12:25; 16:24.
Ang pagbubulay-bulay sa mga simulain ng Bibliya ay isa pang mabisang paraan ng pakikitungo sa negatibong mga damdamin. Sabi ni Jacob: “Ang mga bagay na ginawa ng tatay ko ay lumikha sa puso ko ng pagkapoot sa kaniya.” Gayunman, hindi mapabubuti ng pagkapoot ang kalagayan, ni ito man ay kasuwato ng utos ng Bibliya na igalang ang iyong ama at ina. (Efeso 6:1-3) Sa halip na personal na kapootan ang iyong magulang, dapat kang magkaroon ng mabuting pagkapoot sa pagkakamali ng iyong magulang. (Ihambing ang Kawikaan 8:13; Judas 23.) Wasto pa nga na sundin at igalang ang nagkasalang magulang. Ang pagpapakita at pagpapahayag ng iyong patuloy na pagmamahal ay maaaring magpakilos sa magulang na iyon na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.
Ang kabataang si Jacob ay may isa pang karaniwang problema—ang hilig na ihambing ang kaniyang sarili sa ibang kabataan na ang mga kalagayan ay mas mabuti. Gayunman, natanto niya kung gaano kawalang-saysay ang pag-iisip na iyon. “Sa halip na pag-isipan ang gayong mga kaisipan,” sabi ni Jacob, “makabubuting pag-isipan ang mga paraan ng pakikitungo sa kalagayan.” Nasumpungan ni Jacob na ang pagbabasa ng literatura sa Bibliya at pagbubulay-bulay sa landasin sa buhay ng tapat na mga Kristiyano ay isang malaking tulong.
Ang malapit na pakikisama sa kongregasyong Kristiyano ay maaari ring makatulong. Doon ay masusumpungan mo ang espirituwal na “mga kapatid na lalaki at babae at mga ina.” (Marcos 10:30) Ikinatatakot ng kabataang si David na baka siya iwasan ng kongregasyon dahil sa pagkatiwalag ng kaniyang tatay. Subalit nasumpungan niya na ang kaniyang pangamba ay ganap na walang saligan. “Sa kongregasyon,” aniya, “hindi ipinadama sa amin na kami’y mga itinakwil, gaya ng akala ko. Dinadalaw pa rin kami ng mga kaibigan. Lahat ng ito ay kumumbinsi sa akin na ang kongregasyon ay talagang interesado at nagmamalasakit.”
Walang alinlangan na ang pagkakaroon ng isang magulang na nagkasala ay maaaring maging masakit at mapangwasak. Subalit hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Isipin ang mga karanasan niyaong binanggit dito. Hingin ang tulong ng maibiging mga kaibigan. Huwag maging walang-galang sa iyong mga magulang; ang iyong tapat na landasin ay maaaring sa dakong huli’y magpakilos sa kanila na magbago. (Ihambing ang 1 Pedro 3:1, 2.) At anuman ang mangyari, tandaan na ang iyong katayuan sa harap ng Diyos ay hindi depende sa paggawi ng iyong mga magulang. Ito’y depende sa iyo!
[Talababa]
a Ang mga pangalan sa artikulong ito ay pinalitan.
[Larawan sa pahina 20]
Hindi mo kailangang sundin ang nagkasalang landasin ng iyong magulang