Ikaw ba ay Isang Mapagmahal na Magulang?
Ikaw ba ay Isang Mapagmahal na Magulang?
MAHAL mo ba ang iyong mga anak? Ipinagmamalaki mo ba sila? Nadarama mo bang ang bawat isa sa kanila ay naiiba, bukod-tangi, hindi mapapalitang indibiduwal? Gayon ang palagay ng karamihan sa mga magulang. Ngunit sinasabi mo ba sa iyong mga anak na ganito ang iyong nadarama? Pinupuri mo ba sila lalo na kung may ginagawa silang mahusay? At iyo bang ipinahahayag ang pagmamahal sa ibang paraan—sa pamamagitan ng magiliw na paglalaro, nagbibigay-katiyakang mga haplos, maibiging mga yakap?
“Ngunit hindi ako ganiyan,” ang ilan ay maaaring tumutol. “Hindi ako ganiyan kahayag sa aking mga damdamin.” Totoo, hindi lahat ay likas na hayag. Gayunman, ang pagpapakita ng pagmamahal sa iyong mga anak ay maaaring mas mahalaga kaysa kailanma’y nababatid mo.
Sinubaybayan kamakailan ng isang pangkat ng mga siyentipiko ang isang pag-aaral noong 1951 tungkol sa 400 bata sa kindergarten. Kabilang sa 94 na mga lalaki’t babae na nasubaybayan nila, nasumpungan nila ang ilang mabisang huwaran. Sang-ayon sa The New York Times, ang mga batang may mapagmahal, magiliw na mga magulang ay lumabas na mas mabuti sa kanilang adultong buhay. Mayroon silang matagumpay na mga pag-aasawa, nagpapalaki ng mga anak, nasisiyahan sa kanilang trabaho, at ipinagpapatuloy ang malapit na pagkakaibigan. Si Dr. Carol Franz, na nanguna sa pag-aaral, ay nagsabi sa pahayagan na sila “ay nagpakita ng saykolohikal na kagalingan, isang diwa ng lubos na kaluguran at kasiyahan sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga buhay.”
Sa kabaligtaran, nasumpungan ni Franz na “yaong may hindi mapagmahal, tumatangging mga magulang ay nagkaroon ng pinakamahirap na panahon sa dakong huli ng buhay sa lahat ng paraan—sa trabaho, sa pakikibagay sa lipunan, at sa saykolohikal na kagalingan.” Sa katunayan, ipinakikita ng pag-aaral na ang kawalan ng pagmamahal ng mga magulang ay maaaring mas nakapipinsala sa mga bata sa kalaunan kaysa paghihiwalay ng mga magulang, alkoholismo, o karukhaan.
Ito ay hindi kataka-taka sa taimtim na mga estudyante ng Bibliya. Alam na alam nila kung paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga bata. Pinahalagahan niya sila, pinalapit sila sa kaniya, at ipinakita niya ang pagmamahal niya sa kanila. (Marcos 10:13-16; Lucas 9:46-48; 18:15-17) Mangyari pa, tinutularan lamang niya ang kaniyang makalangit na Ama sa bagay na ito—ang Isa na nagiging Ama ng mga ulila. (Awit 68:5) Si Jehova ang sakdal na Magulang; nakatutuwa naman na para sa mga umiibig sa kaniya, maaari niyang punan ang anumang pagkukulang sa di-sakdal na mga magulang na tao.—2 Corinto 6:18.