Isang Bagong Sanlibutan na Kasiya-siya sa Lahat
Isang Bagong Sanlibutan na Kasiya-siya sa Lahat
MAHIRAP man paniwalaan, talagang malapit na ang isang bagong sanlibutan. Darating ito sa tamang panahon upang iligtas ang ating lupa bago lubusang mawasak ang kakayahan nitong sumustini ng buhay. At aalisin ng bagong sanlibutang ito ang lahat ng panganib na nagbabanta sa pag-iral ng tao. Paano nito gagawin ito?
Pagkatapos banggitin ang mapanganib na kalagayan ng daigdig, ang mananalaysay na si Arnold J. Toynbee ay nagsabi mga taon na ang nakalipas: “Ano ang dapat nating gawin upang maligtas?” Sinasagot ang kaniya mismong tanong, sabi niya: “Sa pulitika, magtatag ng isang konstitusyunal na kooperatibang sistema ng pamahalaang pandaigdig.”
Gayunman, kahit na isang “kooperatibang sistema,” ang dumarating na bagong sanlibutan ay hindi “sa pulitika.” Hindi nito sasaklawin ang demokrasya o anumang iba pang gawang-taong
pulitikal na ideolohiya. Makakamit ng bagong sanlibutang ito ang mga tunguhin nito sapagkat isang pamahalaan lamang ang magpupuno rito. Sa isang kagila-gilalas na mga pagkilos, agad na aalisin ng pangglobong pamahalaang ito ang lahat ng problemang nakakaharap ng sangkatauhan ngayon. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga sanhi ng mga problemang ito at sa mga balakid na kadalasa’y bumibigo sa mga pagsisikap na ituwid ang mga ito.Makatotohanan, paano maisasagawa iyan? Hindi ba ang di-sakdal na mga tao pa rin ang nagpupuno, mga taong napatunayang tiwali at walang kakayahang lutasin ang mga problema ng tao? Buweno, isip-isipin lamang kung may sakdal na mga tagapamahala ang pamahalaang pandaigdig na ito, na walang pag-iimbot na isinasapuso ang mga kapakanan ng kanilang mga sakop. Saka isaalang-alang kung paano malulutas ang mga problema.
Magkasabay na mga Solusyon
Palibhasa’y isang pangglobong pamahalaan ng sakdal na mga tagapamahala, hindi na iiral ang bawat bansa at ang partikular na anyo ng pamahalaan. Ang mga estadista, embahador, at iba pang pulitiko ay wala nang kapangyarihan sa maraming nasyonalidad, tribo, at mga lahi ng tao. Maraming lokal at pambansang mga kabisera, pati na ang kani-kanilang mga gusali at opisyal na mga tirahan, ay hindi na kakailanganin. Wawakasan nito ang magastos na pangangalaga sa gayong mga gusali, gayundin ang mga gastos sa paglalakbay ng mga opisyal na dumadalo sa mga sesyon, mga miting ng komite, at sa pambansa at summit na mga komperensiya. Mawawala na rin ang lahat ng maaksayang burukrasya ng pamahalaan, at ang kanilang maraming mga katulong, kalihim, at mga kawani, pati na ang kuskos-balungos na humahadlang sa pag-unlad.
Ang kapayapaan ay magkakatotoo sapagkat mawawala na ang bumabahaging nasyonalismo, hahalinhan ng isang nagkakaisang pangglobong awtoridad. Ang mga hukbo, hukbong-dagat, at hukbong panghimpapawid, taglay ang lahat nilang mga sandata, mga kawani ng matataas-ranggong mga komandante, at nasasakupang mga opisyal, ay hindi na kakailanganin upang ipagtanggol ang soberanya ng bawat bansa. Ni iiral pa man ang anumang sistema ng paniniktik. Sa ilalim ng pangglobong pamahalaan na may sakdal na mga tagapamahala, wala nang mga “open market” o “black market” kung saan ang mga sandata ay maaaring bilhin o ipagbili; ni magkakaroon pa man ng anumang pinagtatalunang teritoryo. Lahat ng mga tao sa lupa ay magiging isang di-nababahaging kapatiran. Samakatuwid, maglalaho na ang nasyonalismo.
Isaalang-alang ang higit pang mga pakinabang na mapadaragdag sa mga tao sa ilalim ng isang di-nababahaging pamahalaan na may sakdal na mga tagapamahala. Ang makapangyarihang mga negosyante, gaya ng mga gumagawa ng mga sandata, ay hindi na makaiimpluwensiya sa mga pulitiko upang sila ay makapagpapatuloy sa paggawa at pagbibili ng kanilang mapamuksang mga produkto. Wala nang matatalinong lobbyist na minamaneobra ang mga opisyal sa ilang batas o panukalang batas na tahasang nakaaapekto sa lokal na mga interes; wala nang magulong mga kagawaran ng gobyerno na kumikilos na may magkasalungat na mga layunin, na gumugugol ng pagkalaki-laking halaga ng pera sa walang-saysay na mga proyekto na pinakikinabangan lamang ng ilan; wala nang hindi pakikipagtulungan sa mga batas upang alisin ang mga problema tungkol sa polusyon dahil sa sakim na komersiyal na mga kadahilanan (upang panatilihing mataas ang mga pakinabang); wala nang pagpapawalang-bisa sa mga batas na mangangalaga sa nanganganib na mga uri sa pamamagitan ng pantanging mga interes.
Itinuwid ang Iba Pang Problema
Hindi ipahihintulot ng gayong sakdal na pamahalaang pandaigdig ang pang-aapi. Sa pangangasiwa nito, titiyakin nito na ang kriminal na mga gawa ay pakikitunguhan sa wasto, makatarungang paraan. Kaya, ang mga mamamayan ay mapalalaya buhat sa takot na ang mas mapanganib na mga mamamatay-tao ay maaaring pumaslang na muli.
At kumusta naman ang tungkol sa pandaigdig na samahan ng organisadong mga sindikato ng krimen at makapangyarihang ilegal na mga negosyante ng droga? Lubusang wawakasan ito ng isang sakdal na pamahalaang pandaigdig. Ang pambansang mga batas tungkol sa extradition ay hindi na magiging isang ligtas na kanlungan para sa gayong internasyonal na mga kriminal. Ang tusong paggamit sa mga butas sa lokal na mga batas at ang tusong paggamit sa maimpluwensiyang pulitikal na mga kaugnayan ng mga manlalabag-batas na ito ay magiging lipás na bagay. Ang isahang pagkilos na pag-aalis ng krimen ay mag-aalis din sa lupa ng maraming iba pang salot ng lipunan, gaya ng pagsusugal, away ng mga gang, pornograpya, prostitusyon, at pagpupuslit. Anong husay at matipid na pagtutuwid!
Oo, lahat ng masalimuot, mahirap, at matinik na mga problema na nakalilito sa pinakamatatalinong isipan ng sangkatauhan ngayon ay lubusang malulutas sa bagong sanlibutang iyon. At ang bawat isa ay permanenteng itutuwid—minsan at magpakailanman. Hinding-hindi na muling daranasin ito ng mga salinlahing darating.
Hindi Isang Naantalang Pangarap
‘Ngunit,’ maitatanong mo, ‘saan manggagaling ang sakdal na mga tagapamahala upang mamahala sa bagong sanlibutang iyon?’ Ang Maylikha ng tao ang maglalaan sa kanila! Ito ba’y tila hindi kapani-paniwala? Buweno, isip-isipin lamang: Kung ikaw ay may kapangyarihan na gawin iyon, hindi mo ba wawakasan ang lahat ng mga kalagayan sa lupa na nagdudulot ng labis na pagdurusa? Mangyari pa wawakasan mo iyon! Kung gayon, dapat ba nating isipin na hindi gayon ang gagawin ng ating Maylikha?
Sa katunayan, layunin ng ating maibiging Maylikha na lumikha ng isang bagong sanlibutan, at ang paraan upang gawin niya ito ay sa pamamagitan ng isang matuwid na pamahalaang pandaigdig. Ito ang itinuro ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na ipanalangin ng mga tao sa mga salitang: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Ang Kahariang iyan ay isang tunay na pamahalaan, isang pamahalaang pandaigdig. Ang Hari nito, si Jesu-Kristo, “ay magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” (Awit 72:8) At malapit nang halinhan nito ang lahat ng mga pamahalaan ng tao, gaya ng ipinangangako ng Salita ng Diyos nang sabihin nito: “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian [ang pamahalaan na pamumunuan ng Haring hinirang ng Diyos, si Jesu-Kristo] na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng [kasalukuyang] mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Yamang ang pamahalaang pandaigdig na ito na itinatag ng Diyos sa langit ay pamamahalaan ng mga pinunong nakahihigit sa tao, gagawin nito ang lahat ng mabubuting bagay na hindi magawa ng mga pinunong tao. Inilalarawan ng Bibliya ang pamahalaan ng Diyos bilang isang makalangit na kaharian na bubuuin ng Hari, si Jesu-Kristo, na tutulungan ng isang kawani ng 144,000 na mga espiritung persona. Lahat ng mga tagapamahalang ito ay mga taong mapagkakatiwalaan na nagpakita ng namumukod-tanging katapatan noong sila’y nabubuhay sa lupa bago sila buhayin-muli tungo sa buhay sa langit. Lahat sila ay malalagay sa ekselenteng katayuan upang gumawa para sa kabutihan ng sangkatauhan sapagkat naranasan nila ang mga pangangailangan ng tao samantalang sila’y nabubuhay sa lupa.—Apocalipsis 14:1-3.
Isipin ang mga problemang aalisin nito. Dahil sa pagkawalang-kamatayan, ang espiritung mga tagapamahalang ito ay hindi kailanman mapapagod o mamamatay. (1 Corinto 15:50, 53) At hindi sila maaaring pasamain ng mga tukso na iligaw ang katarungan o magpakita ng paboritismo kapalit ng mga regalo. Tutal, ano nga ba ang lihim na maibibigay ng isa bilang suhol sa isang walang-kamatayang espiritung persona? Salapi, isang kaha ng mamahaling alak, isang paglalakbay sa eksotikong isla, o mga tiket sa ilang pagtatanghal o konsiyerto? Ang materyal na mga bagay na ito ay maaaring makatukso sa mga tao ngunit hindi sa espiritung mga nilalang na ito. Kaya hindi mararanasan ng mga taong pamamahalaan ng mga pinunong ito ang katiwalian ng mga pamahalaan na napakapalasak sa ngayon.
Ang Bagong Sanlibutan ay Makasisiya sa Iyo
Ikaw ba’y nakatatandang tao? Isip-isipin ang lahat ng kaalaman, kasanayan, at karanasan na natamo mo sa nakalipas na mga taon. Ngunit napansin mo ba na samantalang ang iyong isip o mental na mga pakultad ay maaaring mahusay, unti-unti at patuloy na humihina ang iyong pisikal na mga kakayahan? Ang iyong katawan ay hindi na tumutugon sa mga utos ng iyong isipan na gaya nang dati. Oo, ang iyong mga replekso ay bumabagal, ang iyong lakas ay humihina, at ang iyong pagtitiis ay umuunti. Ang iyong paningin at pandinig ay humihina, at ang iyong mga kalamnan ay humihina samantalang dumadalas naman ang mga kirot.
Subalit subukin mong gunigunihin ang karunungang
natamo sa maraming taon ng buhay sa isang batang katawan na mas mabuti pa kaysa taglay mo nang ikaw ay nasa mga edad 20—oo, ang iyong pisikal na mga kakayahan ay kasinghusay ng iyong isip. Isipin ang maraming bagay na magagawa mo sa iyong malusog na pangangatawan! Aba, taglay ang gayong katawan na nasa mabuting kondisyon na tumutugon sa iyong maygulang na isip, masusumpungan mo na ang anumang trabaho na gagawin mo ay kasiya-siya. Ang iyong karanasan ay magpapangyari sa iyo na gawin ang mga bagay na mas mahusay, na nakadaragdag pa sa iyong kasiyahan. At kung ikaw ay isang kabataan, gunigunihin ang katuwaan ng pagpapanatili sa iyong kabataan at lakas samantalang ikaw ay nagkakamit ng karunungan, kaalaman, at karanasan magpakailanman.At, ito pa, isipin ang iyong mga kasamahan at
mga kaibigan, mga kasama at mga kamag-anak, pawang nasa ganito ring kalagayan. Gunigunihin kung ano ang magagawa ninyong lahat sa konstruksiyon, pagtatayo, o mga gawa ng kamay. Oh, anong kamangha-manghang pag-asa ito para sa mga taong may talino, gaya ng mga mahilig sa sining, musikero, disenyador, landscaper, hardinero, at mga dalubhasa sa halaman! Ang kanilang mga gawa ay magiging kagila-gilalas. Ang napakagandang mga iginuhit na larawan, tahanan, hardin, parke—ang produksiyon ng mahuhusay na instrumento sa musika at ang sining sa pagdadalubhasa rito ay ilan lamang sa kanilang kamangha-manghang gawa.Isa sa mga layunin ng pamahalaan ng bagong sanlibutang ito ang pagpapabata sa lahi ng tao tungo sa kasakdalan ng katawan. Ang iyong paningin, pandinig, at iba pang mga pandamdam ay
kikilos sa kanilang tugatog. Gaano katagal? Buweno, kung ikaw ay aalukin ng isang pamahalaan ng tao ng paggamot na gumagarantiyang 50-porsiyentong babaguhin ang lahat ng kilos ng iyong katawan sa loob ng isang taon sa napakaliit na halaga, hindi ba hahangarin mong tanggapin ang paggamot, nanaisin mong mauna ka sa pila upang makuha ito? Ang pamahalaang ito ng bagong sanlibutan ay gumagarantiya ng ganap, 100-porsiyentong pagpapabata nang walang bayad—hindi sa loob ng isang taon, 5 taon, o 50 taon, kundi walang-hanggan.Huwag ituring na hindi kapani-paniwala ang kahanga-hangang pag-asang ito na tiyak na tatamasahin ng mga tao sa lupang ito mismo. Isaalang-alang, sa mga pahina 7 hanggang 10, ang ilan sa mga pagpapalang tatamasahin ng mga umiibig sa Diyos.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7-10]
Kung Ano ang Gagawin ng Bagong Sanlibutan
Wawakasan ang Krimen at Karahasan
“Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa.”—Kawikaan 2:22.
Aalisin ang Digmaan
“At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Saganang Mabubuting Bagay Para sa Lahat Upang Kanin
“Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 72:16.
Magagarang Tahanan at Kasiya-siyang Trabaho Para sa Lahat
“Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Kapayapaan sa Pagitan ng mga Tao at mga Hayop
“Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali na kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, . . . at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila.”—Isaias 11:6.
Wala Nang Sakit, Pagtanda, o Kamatayan
“At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” —Apocalipsis 21:4.
Pagkabuhay-muli ng Patay na mga Minamahal
“Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at magsisilabas.” —Juan 5:28, 29.