Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nasagip sa Bingit ng Kamatayan ng Paggamot na Walang Dugo

Nasagip sa Bingit ng Kamatayan ng Paggamot na Walang Dugo

Nasagip sa Bingit ng Kamatayan ng Paggamot na Walang Dugo

Gaya ng inilahad ng isang miyembro ng patnugutan ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova

PARANG balintuna. Noong Pebrero 1991, ako ay nagtungo sa Buenos Aires, Argentina, upang tumulong sa pagdaraos ng mga seminar tungkol sa paggamit ng mga mapagpipilian sa pagsasalin ng dugo. At ngayon ako ay nasa bingit ng kamatayan, malubhang nagdurugo sa loob.

Ang problema ay nagsimula noong nakaraang linggo, nang ako ay nasa Mexico. Nakaramdam ako ng kirot sa sikmura ngunit hindi ko inaakala na ito ay grabe. Sinabi ng isang doktor doon na karaniwang nagkakaroon ng mga sakit sa tiyan ang mga Amerikano samantalang dumadalaw sa dakong iyon. Binigyan niya ako ng gamot upang paginhawahin ang kirot.

Samantalang ako’y naglalakbay sakay ng eruplano patungong Buenos Aires kinabukasan, tumindi ang kirot. Para bang may nag-iinit sa loob ng tiyan ko, at pagkalipas ng dalawang araw ito ay parang nagliliyab na apoy. Ako’y tinurukan ng iniksiyon upang sugpuin ang kirot. Ito ang nagpangyari sa akin na matapos ang aking mga lektyur sa seminar. Pagkatapos, ako ay kinuha mula sa sangay ng mga Saksi ni Jehova, kung saan kami ng asawa ko ay tumutuloy, at dinala tungo sa isang lokal na ospital. Doon ako ay nasuri na may ulser na malinaw na kailan lamang huminto sa pagdurugo.

Ang rikonosi ay tila nakalilito, yamang hindi pa ako kailanman nagkaroon ng ulser o kahit ng mga sintoma nito. Sa paano man, inaasahang ako ay gagaling sa pamamagitan ng pagpapahinga, mga antacid, at pagkain ng matatabang na pagkain. Nakalulungkot, pagbalik ko sa pagamutan ng sangay, nagsimula na naman ang pagdurugo.

Ang aking dumi ay itim, tigmak ng dugo, at ako ay maputla na parang bangkay. Sa wakas, ako ay hinimatay, di-sinasadyang nahatak ko ang suwero sa aking braso. Ang aking asawa ay tumakbo sa pasilyo na tinatawag ang nars.

Pag-opera o Hindi?

Hindi nagtagal dalawang doktor ang nasa tabi ng kama ko. Sa pamamagitan ng isang interprete, ipinagbigay-alam nila sa akin na ang aking hemoglobin ay bumaba sa 6.8 gramo sa bawat decilitro (ang normal ay halos 15). Sinabi nila na sinasangguni nila sa pamamagitan ng telepono ang isang espesyalista sa pag-opera na walang dugo. Inirerekomenda niya ang isang emergency na operasyon. Nagtanong ako tungkol sa mga mapagpipilian sa pag-opera.

Isang gastroentrologo ang nakita. Sinabi niyang posibleng paraanin ang isang scope sa aking lalamunan tungo sa butas na nasa duodenum, ang unang bahagi ng maliit na bituka. Minsang naroon na sa dakong nagdurugo, isang kemikal na hemostat (instrumentong pipigil sa pagdurugo) ang maaaring ihulog sa sugat upang mapatigil ang pagdurugo.

“Ano ang mga tsansa ng tagumpay?” tanong ko.

“Halos 50-50,” tugon niya. Gayunman, sinabi ng siruhano na kung ang paggamit ng hemostat ay hindi magtagumpay, dahil sa pag-antala at pagkaubos ng dugo malamang na imposibleng magpatuloy sa pag-opera. Wari bang wala akong mapagpipilian kundi ang magpaopera.

Isa itong makabagbag-damdaming sandali. Kaming mag-asawa ay nagyakapan. Bago ako umalis sakay ng ambulansiya patungo sa ospital, isang dokumento ang ginawa para sa akin, at pinirmahan ko ito. Inaakala ng aming mga kaibigan na malamang na hindi ko maligtasan ang operasyon.

Ang Operasyon

Sa sala de operasyon, ako’y inilagay sa isang animo’y malaking mesang salamin. Ang liwanag ay tumagos mula sa ilalim at nakasisilaw ang liwanag mula sa itaas. Tumindi ang aking pagkabalisa, na malamang ay halatang-halata, sapagkat nilapitan ako ng isa sa mga siruhano. “Huwag kang mag-alala. Magiging maayos ang lahat ng bagay,” sabi niya. Ang kaniyang maibiging pagkabahala ay nakaaaliw. Ako’y binigyan ng pampatulog sa pamamagitan ng paglanghap dito, at para bang sa isang segundo, ako ay nawalan ng ulirat, namanhid, nawalan ng malay-tao.

Nagising ako nang inililipat nila ako mula sa isang teheras tungo sa isang regular na higaan sa ospital. Nataranta ako nang madama ko ang matinding kirot mula sa hiwa at mula sa mga tubo sa aking ilong at lalamunan. Inaliw ako ng misis ko, pati ng isang kaibigan. Ang aking matinding pagkauhaw ay nabawasan sa pagpapahid ng tubig sa aking mga labi. Ako’y natutuwa’t ako’y buháy.

Bagaman tiniyak sa akin na ang operasyon ay isang tagumpay, ang bilang ng aking dugo ay patuloy na bumababa. Ano ang diperensiya? Isiniwalat ng pagsusuri sa aking dumi na ako ay nagdurugo pa rin. Natitiyak ng mga siruhano na ang pagdurugo ay hindi mula sa dako na nakumpuni nila​—kung gayon, saan?

Inaakala ng mga doktor na ako ay nakakain ng ilang nakalalasong bagay na naging sanhi ng pagkabutas, marahil sa colon o malaking bituka. Sinabi nila na napakahina ko pa upang muling sumailalim ng operasyon.

Panggigipit Upang Pasalin ng Dugo

Yamang ang bilang ng aking dugo ay patuloy na bumababa, tumindi ang panggigipit na tumanggap ng pagsasalin ng dugo. Ang nars na nag-aasikaso sa akin ay nagsabi na kung siya ay isang doktor, sisige na lamang siya at sasalinan ako ng dugo nang hindi na nagtatanong pa. Mga bandang alas tres ng umaga, isang doktor ang lumapit sa akin at nagsabi: “Dapat kang pasalin ng dugo kung gusto mong mabuhay.”

Ipinaliwanag ko sa kaniya na ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova at na sa relihiyoso at medikal na mga kadahilanan, hindi ako magpapasalin ng dugo. (Levitico 17:10-14; Gawa 15:28, 29) Halatang-halata na siya ay balisa, subalit ipinalagay ko na ang saloobin niya ay dahilan sa hindi niya pag-unawa at paggalang sa aking matatag na paninindigan.

Dahil sa tumitinding panggigipit, gayundin sa iba pang mga kalagayan sa ospital, hiniling ko na ako ay palabasin. Hindi nagtagal ako ay ibinalik sakay ng ambulansiya sa pagamutan sa sangay.

Matagumpay na Paggamot na Nagliligtas-Buhay

Hiniling ko ang doktor doon, isa sa mga Saksi ni Jehova, na tiyakin sa akin na ipinanggamot niya ang EPO (erythropoietin), isang sintetikong hormone na nagpapasigla sa utak sa buto na mabilis na gumawa ng pulang mga selula ng dugo. Sinabi niya na ginawa niya ito. Mangyari pa, kailangan pa rin ng katawan ang mahalagang building blocks upang gumawa ng malusog na pulang mga selula ng dugo. Ang mga building block na ito ay ang folic acid, bitamina B, at lalo na ang iron. Ang iron dextran (Imferon) na isinusuwero ang pinakamabilis na paraan upang tustusan ang kinakailangang iron, at hiniling ko ito.  a

Gayunman, walang mabiling Imferon sa Argentina. Mahirap din itong mabili sa Estados Unidos, yamang ang karamihan nito ay ipinadala sa Gitnang Silangan dahil sa digmaan sa Persian Gulf. Gayunman, sa wakas ay may nabiling ilan, at kaagad na ito ay ipinagkatiwala sa isa sa mga Saksi ni Jehova na patungo sa Argentina.

Noong panahong ito ang aking hemoglobin ay sumusukat lamang ng 4. Palibhasa’y nalalaman ko na ang pagkuha ng labis na sampol ng dugo para sa pagsusuri ay maaaring pagmulan ng anemia, sinabi ko sa medikal teknisyan na nagtutungo sa sangay na hindi ko na siya pahihintulutang kunan ako ng dugo. Siya ay tumutol: “Kailangang kunin namin ito upang malaman namin kung ano ang nangyayari.”

“Alam mo kung ano ang nangyayari,” sabi ko. “Ako’y nagdurugo, at ano ba ang pinakamahalagang bagay sa aking katawan?”

“Dugo,” tugon niya.

“At naipasiya ko sa ngayon na huwag nang magbigay ng anupamang dugo ko,” sabi ko. Kung gaano pa ang ibinaba ng bilang ng aking dugo ay hindi alam.

Nang gabing iyon ako ay taimtim na nanalangin kay Jehova, hinihiling ang kaniyang patnubay at ipinahahayag ang aking pag-asa na magising kinabukasan. Nagising nga ako, subalit pakiramdam ko na ang aking puwersa-ng-buhay ay umaalis sa akin. Para bang nalalapit ang kamatayan. Ang normal na bilang ng aking hemoglobin ay halos 17.2 gramo sa bawat decilitro, nasa mataas na dulo ng tinatanggap na agwat, kaya mahigit na 75 porsiyento ng dugo ko ang nawala. May isang bagay na kailangang gawin.

Nang umagang iyon humiling ako ng isang talakayan tungkol sa aking paggamot sa mga doktor na tumitingin sa akin. Ang bitamina K, mahalaga para sa pamumuo ng dugo, ay hindi ipinanggamot, subalit ngayon sila ay agad na sumang-ayon na bigyan ako nito. Pagkatapos ay tinanong ko: “Maaari kayang ang alinman sa mga gamot na inyong ipinanggagamot ay nagiging sanhi o nakatutulong sa pagdurugo?”

“Hindi,” sagot nila.

“Tiyak ba ninyo?” giit ko.

Maaga kinabukasan, isa sa mga siruhano ang lumapit sa akin at nagsabi na nang kanilang suriin nang husto ay nasumpungan nila na isa sa mga gamot ay maaaring nakatutulong sa pagdurugo. Ang paggamit nito ay agad na ipinatigil. Ang pagkukusa ng mga doktor na maingat na makinig sa akin bilang isang pasyente at suriin ang aking paggamot ay nakaragdag sa aking paggalang sa kanila.

Sa kahilingan ko, ang medikal na literatura ay dinala sa tabi ng kama ko, at sinaliksik namin ito ng asawa ko. Binabanggit ng isang artikulo ang tungkol sa kemikal na hemostat, isang medisina na nagpapatigil sa pagdurugo. Kakikita pa lamang namin sa artikulong ito nang sa-darating si Dr. Marcelo Calderón Blanco, isang kapuwa Saksi, at ipinahayag niya ang kaniyang pagnanais na gamitin ang isang kahawig na produkto! Ang gamot ay ibinigay sa akin sa katulad na paraan ng labatiba. Halos kasabay nito, ang Imferon ay dumating buhat sa Estados Unidos at ito ay ibinigay sa akin sa pamamagitan ng suwero.

Ngayon ang magagawa lamang namin ay maghintay. Sa araw na iyon, nadama kong ako’y lumalakas. Pagkaraan ng tatlong araw pinayagan ko silang kumuha ng sampol ng dugo. Nakapagtataka, ang hemoglobin ay tumaas tungo sa 6! Gayunman, nang ito ay suriin limang araw na maaga, ito ay 4 at bumababa pa! Ang mga doktor ay nagdududa. Ipinag-utos nila ang isa pang pagsubok. Pinatunayan nito ang unang pagsubok. Ang EPO at Imferon ay nagkakabisa!

Ang teknisyan sa klinika na nagsuri sa aking dugo ay tumawag at sinabi niya na tiyak na ang doktor ay nagsagawa ng isang pagsasalin ng dugo. “Walang bilang ng dugo ang maaaring tumaas nang ganiyang kabilis nang walang pagsasalin ng dugo,” giit niya. Tiniyak sa kaniya ng doktor na walang ibinigay na dugo. “Anong paraan ng paggamot ang sinusunod na nagpapataas sa antas ng dugo nang gayong kabilis?” nais niyang malaman. Sinabi sa kaniya ang tungkol sa paggamit ng EPO at Imferon.

Si Dr. Amilcar Fernández Llerena, isa sa mga doktor na hindi Saksi, ang dumalaw sa akin noong araw na matanggap ang pagsubok sa dugo. Pagkatapos akong suriin, nasabi niya sa labis na pagtataka: “Binibigyan kita ng isang bagong pangalan​—Lazaro.” (Ihambing ang Juan 11:38-44.) Kailangang tipunin ko ang lahat ng lakas ko upang pigilin ang aking mga luha.

Sabi ni Dr. Llerena: “Maaari mong pasalamatan ang Diyos mo, si Jehova, sa pagiging buháy.” Tinanong ko siya kung ano ang ibig niyang sabihin. “Kung ikaw ay naninigarilyo, nagpapakalabis sa droga, o malakas na manginginom,” sagot niya, “maaaring hindi mo naligtasan ang operasyon. Ngunit yamang ang iyong katawan ay malinis at malakas dahil sa pagsunod sa batas ng Diyos, ikaw ay nakaligtas.”

Ang impormasyong ginamit ko sa aking kaso ang karamihan ng itinuturo namin sa mga Hospital Liaison Committee sa mga seminar sa Hilagang Amerika, Europa, at Latin Amerika. Ang idiniriin ng programa ay ang tungkol sa matagumpay na mga mapagpipilian na magagamit sa medikal na panggamot nang walang dugo. Nakatutuwa naman, ang impormasyon tungkol sa mga mapagpipiliang ito ay makukuha ng mga manggagamot sa pamamagitan ng pakikipag-alam sa isang Hospital Liaison Committee, mahigit na 800 nito ang umiiral ngayon sa buong daigdig.

Ako’y umaasa na ang karanasan ko ay tutulong sa iba pang mga Saksi na naghahanap ng paggamot na walang dugo. Nang maglaon ang ospital kung saan ako inopera ay nakipag-alam sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Argentina at nagsabi na batid na nila ngayon na tayo ay may matagumpay na paraan sa paggamot sa mga pasyente sa pamamagitan ng mga produktong walang dugo at na sila ay magagalak na makipagtulungan sa atin sa hinaharap.

[Talababa]

a Para sa detalyeng listahan ng mga mapagpipilian, tingnan ang Gumising! ng Nobyembre 22, 1991, pahina 10.

[Larawan sa pahina 13]

Paalis ng ospital pagkatapos ng operasyon ko