Pagpaparami sa Kaytatayog na mga Puno sa Baybayin
Pagpaparami sa Kaytatayog na mga Puno sa Baybayin
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
ANG isang pamamasyal sa kaytatayog na kahuyan ng mga punungkahoy ay tiyak na isa sa kahanga-hanga, nakasisindak pa nga, na karanasan na maaaring maranasan ng isa. Ang pagkakita sa mga silahis ng liwanag at mga kulay, paglanghap ng malamig, sariwang hangin, at ang pagkadama sa katahimikan at kapayapaan ay talagang nagbibigay-inspirasyon.
Ang Pacific Northwest ng Hilagang Amerika ay kilala sa malawak na kakahuyan nito. Ang mga bundok, libis, at mga ilog na pasukan ay natatakpan ng saganang tubò ng kilalang kaytatayog na mga puno sa baybayin—mga punungkahoy na namumunga ng kono at malambot ang kahoy. Abeto de Canada, balsamo, pino, cedro, abeto del Norte, at abeto ay pawang lumalaki rito. Ang bantog na abetong Douglas ay maaaring umabot ng halos 90 metro sa taas!
Gayunman, higit pa ang masasabi sa mga punungkahoy na ito kaysa kanilang kariktan. Ang mga ito’y mahalaga sa kabuhayan ng mga magtotroso, mga trucker, mga gumagawa ng daan, mga manggagawa sa lagarian, mga opereytor ng towboat, at iba pa. At mula sa mga punungkahoy ay nagagawa ang hilaw na materyales para sa libu-libong gawang mga paninda upang bigyan-kasiyahan ang mga mamimili. Napakahalaga ng mga punungkahoy anupat ang mga siyentipiko at mga manedyer ng kagubatan ay nagsisikap na humanap ng mga paraan upang pabilisin ang kanilang paglaki at pagbutihin ang ani ng kagubatan. Upang gawin ito, sila’y bumaling sa siyensiya at sining ng pagpaparami ng punungkahoy.
Bakit ang Pagpaparami ng Punungkahoy?
Ang mga punungkahoy sa gubat, tulad ng mga mukha sa isang pulutong, ay may pagkakakilanlan. Ang bawat isa ay naiiba nang kaunti sa iba sa taas, dahon, at sanga. At maaari rin itong naiiba sa mga paraan na hindi mo nakikita.
Ang ilang punungkahoy ay mas mabilis lumaki kaysa iba. Ang ilan ay nagbibigay ng kahoy na mas matibay, mas makapal, at makinis (walang mga buko) kaysa iba. At ang ilan ay mas nakakalaban sa mga peste at sakit. Lahat ng mga bagay na ito ay mahalaga sa industriya ng gubat.
Natural na nais ng mga manedyer ng kagubatan ang mga
punungkahoy na mabilis lumaki, lumalaban sa sakit, at gumagawa ng mataas na uring kahoy. At para madali sa pagtotroso, paghahatid, at paglalagari, ang mga punungkahoy na magkakasinlaki ay kanais-nais. Subalit ang mga punungkahoy na angkop—ang dating tubò na naririto noon nang ang unang mga magtotroso ay dumating noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo—ay naani na. Ang mga punungkahoy na pinuputol ngayon, ikalawang-tubòng mga punungkahoy, ay mas maliit, mas mabagal lumaki, naglalaman ng kaunting kahoy, at hindi pare-pareho ang kalidad. Trabaho ng tagapagparami ng punungkahoy na makagawa ng mga punungkahoy na nagtataglay ng kanais-nais na mga katangian. Ito ay umakay sa mga programa ukol sa pagpapabuti-sa-punungkahoy na ngayo’y kumikilos sa Pacific Northwest.Kung Paano Ito Ginagawa
Ang pagpaparami ng punungkahoy ay nagsisimula sa pagpili. Sa lugar kung saan ang muling pagtatanim ng punungkahoy ay isinaplano, isang pangkat ng mga teknisyan ang naghahanap sa mga pangkat ng mga punungkahoy sa paghahanap ng mga plus tree—mga punungkahoy na waring nag-aalok ng pinakamalaking henetikong potensiyal para sa pagpaparami.
Kung ang paghahanap ay parang isang kalugud-lugod na pamamasyal sa kakahuyan, hindi ito totoo. Ito ay isang mabusising paghahanap. Ang bawat prospektibong plus tree ay dapat tumugma sa isang talaan ng mga katangian—magaling sa paggawa ng kono, mabilis lumaki, tuwid ang katawan, walang sakit, at iba pa. Subalit sa trabahong ito, ang mga hitsura ay nakaliligaw. Ang maringal, malusog, 40 metrong abeto na iyon ay maaaring mas mataas, ngunit mas mabilis ba itong lumaki o ito ba’y mas matanda lamang? Ito ba’y mayroong mas mabuting puwesto o patakbuhan ng tubig, o ang laki ba nito ay dahil sa superyor na minanang katangian?
Minsang matagpuan ang isang kasiya-siyang ispesimen, ito ay nilalagyan ng tag at bilang. Subalit, ngayon, paano ito pararamihin upang makagawa ng iba pang superyor na mga punungkahoy? Walang mangyayari sa pagbunot at pagtatanim-muli nito saanman. Ni kapaki-pakinabang man na kunin ang mga binhi nito at itanim ang mga ito. Ito’y dahilan sa walang paraan ng pag-alam kung aling punungkahoy sa paligid ang nag-pollinate sa mga binhi, sa gayo’y ginagawa itong hindi dalisay o puro sa henetikong paraan. Ang kinakailangan ay isang taad (cutting) mula sa puno. Gayunman paano ito makukuha?
Ang pinakamababang sanga ay mataas. Kaya itataas ng isang asintado ang kaniyang riple at magpapaputok. Mahuhulog na ang dulo ng isang malusog na sanga. Ang taad na ito, tinatawag na usbong na pananim (scion), ay kinukuha at inihuhugpong sa sanga-sangang tangkay sa ilalim ng lupa (rootstock) ng isang batang punungkahoy sa isang seed orchard. Doon ang inihugpong na usbong na pananim ay lálakíng isang henetikong kapareho ng magulang na punungkahoy—isang clone.
Ang lugar ng seed orchard ay maingat na pinipili upang ang inihugpong na mga clone ay hindi mapo-pollinate ng ligaw na mga punungkahoy. Kapag gumulang na ang mga clone, ang mga bulaklak na magpaparami, na protektado ng mga supot na papel upang huwag pasukin ng pollen na dala ng hangin, ay artipisyal na pino-pollinate sa pamamagitan ng iniksiyon. Mula sa resultang mga binhi ay manggagaling ang isang bagong salinlahi ng mga punla, o bagong mga halaman. Sa bawat hakbang sa hinaba-haba ng proseso, at sa bawat punla,
ang detalyadong impormasyon ay kailangang ingatan upang ang pinagmulan ng plus tree, ang pinagmulan ng pollen, at ang marami pang impormasyon ay maaaring matunton.Ang mga punla ay saka dadalhin sa lugar na malapit sa plus tree at itatanim upang makita ang paglaki nito. Tulad ng mga anak ng tao maaaring mabuti o hindi mabuting ipinababanaag ng mga punungkahoy ang mga magulang nito. Kung ito’y lálakí nang mahusay, ang kanilang mga usbong na pananim ay maaaring maging saligan para sa ikalawang-salinlahi ng seed orchard. Ang mga binhi mula sa mga usbong ng pananim ay maaaring komersiyal na ipagbili sa halagang hanggang $260 (U.S.) bawat libra. Subalit kung hindi maganda ang tubo nito, ang mga magulang nito, ang mga clone, ay maaaring bunutin mula sa orchard, at ang mga plus tree na pinagkunan nito ay aalisin sa programa. Bagong mga plus tree ang hahanapin, at ang mabusising proseso ay magsisimula na naman.
Lahat ng ito ay nangangailangan ng maraming panahon. Maaaring hindi makita ng isang tagapagparami ng mga punungkahoy ang kahit na isang ganap-ang-laki na salinlahi na bunga ng kaniyang gawa. Kumukuha ng hanggang sampung taon upang ang isang seed orchard ay makagawa ng mga binhi na magagamit. Kukuha ng isa pang sampung taon upang subukin ang supling ng mga punungkahoy sa orchard. Sa wakas, kukuha ng isa pang 50 hanggang 60 taon upang ang mga punungkahoy ay umabot sa laki kung kailan ito ay maaaring anihin.
May mga Panganib
Gaya ng nabanggit kanina, kung ang inihugpong na mga usbong na pananim ay hindi mabuti ang kinalabasan, ang mga taon ng paggawa ay maaaring mawala. Kaya, malaki ang tukso na manatili lamang sa kakaunting bilang ng magagaling at napatunayang mga plus tree. Subalit may mga panganib sa paggawa nito. Ano ang mga ito?
Ang bawat punungkahoy, gaya ng bawat tao (maliban na lamang sa mga kambal o triplet), ay bukod-tangi sa henetikong paraan—isang genotype. Mientras mas kaunti ang mga genotype sa koleksiyon ng gene ng isang tagapagparami ng punungkahoy, mas kaunti ang iba’t ibang gene sa koleksiyong iyon, at mas malaki ang panganib na maaaring lipulin ng ilang sakit o peste ang buong salinlahi ng mga punungkahoy, maging ang buong kagubatan.
Kaya makabubuting magkaroon ng mas malaking koleksiyon ng gene, kahit na ang ilan sa mga plus tree na ginagamit ay hindi mabilis-lumaki o tuwid. Ang paggamit ng maraming plus tree ay nakababawas sa panganib ng ganap na pagkalipol.
Hinaharap ng Pagpaparami ng Punungkahoy
Bagaman maaaring mga 50 taon pa bago magkaroon ng mga resulta buhat sa pagpaparami ng punungkahoy na ginagawa ngayon, ang bonus ay na ang mga kagubatan na natamnan ng mas mabuting mga binhi ay maaaring ipagbili nang 10 hanggang 20 porsiyentong mas maaga kaysa roon sa mga itinanim sa pamamagitan ng ordinaryong mga binhi. At hinuhulaan ng ilang eksperto na ang pagpaparami ng punungkahoy ay maaaring makaragdag sa dami ng inaaning kahoy ng hanggang 25 porsiyento sa isang partikular na piraso ng lupa. Ang pakinabang na ito, pati na ang mas mahusay na paglaban sa sakit at mga peste, mas matibay at mas makinis na kahoy, at mas mabuting produksiyon ng binhi, ay gumagawa sa pagpaparami ng punungkahoy na isang mahalagang bahagi ng pangangasiwa sa kagubatan sa Pacific Northwest.
Ang panahon ang natitirang kaaway ng tagapagparami ng punungkahoy. Napakatagal upang makita ang mga resulta, upang gumawa ng mga desisyon, upang magpatuloy sa susunod na hakbang. Ang mga punungkahoy, at lalo na ang mga punong pino, ay laging mas matagal ang buhay kaysa atin. Subalit binabanggit ng Bibliya ang panahon kung kailan hindi na magiging gayon. “Kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan,” pangako nito. Sa katunayan, ang Diyos ay nangangako na ang kaniyang bayan ay mabubuhay magpakailanman. (Isaias 65:22; Apocalipsis 21:3, 4) Sa panahong iyon ang mga tao ay magkakaroon ng panahon na galugarin ang kahali-halinang henetikong potensiyal na nananatili pa ring lihim sa mga halaman at mga hayop.
[Mga larawan sa pahina 26]
Pagbaril ng isang taad mula sa isang puno