Piliin ang Buhay sa Bagong Sanlibutang Iyon
Piliin ang Buhay sa Bagong Sanlibutang Iyon
MALIWANAG, ang Diyos ay may layunin sa paglikha sa natatanging munting hiyas na ito ng isang planeta. At itinaan niya ang sangkatauhan na gumanap ng isang mahalagang papel sa layuning ito. (Isaias 45:18) Ang kakila-kilabot na kalagayan na kinasadlakan ng ating lupa ay hindi nagpaparangal sa Diyos. Subalit talaga bang naniniwala ka na hahayaan niyang magpatuloy ang kalagayang ito? Tiyak na hindi!
Ang pananabik ng tao para sa isang bagong sanlibutan ay sa katunayan bilang pagtugon sa pag-asam sa isang bagay na dating taglay ng sangkatauhan. Iyan ay isang tunay, nakikitang, makalupang paraiso. Ang unang mag-asawang tao ay inilagay sa gayong tahanan, at orihinal na layunin ng Maylikha na tamasahin ng sangkatauhan ang Paraiso sa lupa magpakailanman.—Genesis 1:28.
Inaalok ka ngayon ng Diyos na Jehova ng isang pagkakataon para sa buhay sa kaniyang bagong sanlibutan, kung saan pagpapalain niya ang tapat na mga tao ng mga naisin ng kanilang puso. (Awit 10:17; 27:4) Pipiliin mo bang mabuhay roon?
Ikaw ay May Mapagpipilian
Ang mga Israelitang nakarinig sa pahimakas na talumpati ni Moises ay kailangang gumawa ng kahawig na desisyon. Kailangang piliin nila alin sa pamamahala ng Diyos o yaong sa mga bansa noong panahong iyon. Narito ang payo ni Moises: “Aking inilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan . . . Kaya piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi, na ibigin mo si Jehova mong Diyos, makikinig ka sa kaniyang tinig at huwag kang hihiwalay sa kaniya.” (Deuteronomio 30:19, 20) Oo, ang iyong pagpili ay nangangahulugan din ng buhay-at-kamatayan.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga artikulong ito tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos ay inilathala—upang antigin ang iyong puso para piliin mo ito sa halip na ilagak ang iyong pag-asa sa walang-saysay na mga pangako ng mga tao na lumikha ng isang bagong sanlibutan. Napakaraming kahanga-hangang mga bagay na kailangan mong alamin tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos.
Halimbawa, anong katibayan mayroon tayo na ang bagong sanlibutang ito ay malapit na? Paano nito hahalinhan ang lahat ng mga pamahalaan sa lupa? Anong mga pangyayari ang hahantong dito? Paano tayo makatitiyak na mangyayari kung ano ang mga ipinangangako ng Bibliya?
Ang mga sagot sa mga katanungang ito at sa marami pang iba ay makukuha. Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na ipakita sa iyo ang mga talata sa iyong kopya ng Bibliya na hindi lamang naglalarawan sa mga pagpapala sa bagong sanlibutan ng Diyos kundi nagpapakita rin kung kailan at paano magsisimulang mamahala ang pamahalaan ng Diyos at sa wakas ay palalawakin ang pamamahalang iyan upang pamahalaan ang buong lupa.
Ikaw ay hinihimok namin na tumugon na gaya ng ginawa ng mga taga-Berea noong unang siglo na nakinig kay apostol Pablo. Gumugol sila ng panahon na “maingat na sinusuri ang mga Kasulatan araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:11) Makabubuti, gayundin ang gawin mo. Makatitiyak ka na ang iyong pagtalakay ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ay magdudulot sa iyo ng malaking espirituwal na kasiyahan habang natututuhan mo ang tungkol sa kalugud-lugod na hinaharap na ipinangangako ng Diyos sa atin.
Kailangan kang gumawa ng pagpili—alin sa maglingkod ka sa Diyos at sa mga kapakanan ng pamamahala ng kaniyang Kaharian o ilagak mo ang iyong tiwala at pag-asa sa mga pagsisikap ng tao na pamahalaan ang kanilang sarili. Hinihimok ka namin na alamin ang lahat ng magagawa mong alamin tungkol sa mga pangako ng Diyos upang ang iyong desisyon ay isa na may kabatiran. Ang pagkuha ng kaalaman sa Bibliya ay hindi lamang magpapasigla sa iyong pag-asa para sa hinaharap kundi tutulungan ka nitong manatiling espirituwal na buháy hanggang sa mga huling araw ng pamamahala ng tao.—2 Timoteo 1:13.
Ang maraming taon ng pananabik ng tao para sa isang bagong sanlibutan ay halos matatapos na. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ikaw ay makapasok sa bagong sanlibutang iyon at tamasahin ang buhay magpakailanman. Iyan din ang nais ng Diyos. Taimtim naming inaasahan na pipiliin mo ang bagong sanlibutan ng Diyos. Kung gagawin mo iyon, kung gayon ay makikita mo na ang pananabik ng sangkatauhan para sa isang bagong sanlibutan ay hindi kailanman walang-saysay.