“Hindi Kami Mapahinto ng mga Nazi!”
“Hindi Kami Mapahinto ng mga Nazi!”
ITO’Y tahanan ng isang ganap na estranghero. Kumatok ako sa pinto at nakatayo roon na takot na takot, inaasahan kong wala sanang tao sa bahay. Bata pa ako noon—21 anyos lamang—at ito ang kauna-unahang paglabas ko sa bahay-bahay na gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Nobyembre 1934 noon, at dito sa Alemanya, mahigpit na ipinagbawal ni Hitler ang lahat ng gayong pangangaral. Nang banggitin ng ministrong nangunguna sa aming mga pulong na dinadaluhan ng iilan katao ang mga plano na lumabas at mangaral, naisip ko, “Hindi ako!” Sa paano man, hindi pa nga ako nababautismuhan, at isang kasulatan lamang ang alam ko. Subalit mali ako—ako nga ang ibig niyang tukuyin, kaya ako ay sumama sa pangangaral.
Walang tao! Nakadama ako ng ginhawa. Sa susunod na pinto, wala na namang tao, subalit may naririnig akong ingay sa loob, kaya’t binuksan ko ang pinto. Isang babae ang naghuhugas ng ilang kaldero, at nagulat siya na makita ako. Kinakabahang sinimulan kong ipaliwanag ang aking isang kasulatan, ang Mateo 24:14. Siya ay basta nakatitig sa akin. (Nang maglaon ay napag-alaman ko na siya ay bingi.) Walang anu-ano isang lalaki ang lumitaw sa tabi ko. Inaakalang ito ay asawa niya, ako’y patuloy na nagpatotoo, upang masumpungan lamang ang isang baril na nakatutok sa aking mga tadyang. Siya ay isang lider ng Nazi! Ang kasama ko, na nangangaral sa ibayo ng kalye, ay dumalaw sa tahanan ng lalaking ito at siya’y sinipa sa hagdan dahil dito. Inaakalang naihinto niya ang pangangaral ng kapatid noong araw na iyon, saka naman ako nakita ng Nazi at inaresto ako. Samantalang ang aking kasama ay basta nagpagpag ng alabok at nagpatuloy sa pangangaral, ako naman ay ipiniit sa bilangguan sa loob ng apat na buwan. Gayon ang simula ng aking karera sa pangangaral!
Sa Piitang Kampo!
Paglaya ko, ako’y pinagkatiwalaan ng mga kapatid na tumulong sa pailalim na pangangaral. Gayunman, sinusundan ng mga Nazi ang bawat kilos ko at hindi nagtagal ako ay muling nadakip. Ako’y dinala ng lokal na pulis sa Gestapo, at gayon na lamang ang takot ko nang marinig ko ang hatol: “Sa piitang kampo!” Ako ay pupunta sa Esterwegen. Mga 120 sa amin na mga Saksi (Bibelforscher) ang naroroon, at ang mga bantay na SS ay determinadong sirain ang aming katapatan.
May isang sarhento, na pinanganlan naming “Iron Gustav”, na determinadong kami’y magkompromiso. Isang araw pinilit niya kaming lahat na magsagawa ng mahirap na mga ehersisyo ng katawan sa ilalim ng mainit na araw ng
Agosto—walang tigil, maghapon. Sa pagtatapos ng araw, kalahati sa mga kapatid ay hinimatay o may matinding sakit sa pagamutan. Nakalulungkot sabihin, ang tagapangasiwa ng isang kongregasyon ay nanghina at pumirma sa “papeles ng kompromiso,” at 12 iba pa mula sa kaniyang kongregasyon ay nakisama sa kaniya sa pagpirma.Natutuwa na ang kaniyang pagpapahirap ay tila nagkakabisa, si “Iron Gustav” ngayon ay nangako: “Bukas ang bawat isa sa inyo ay maligayang pipirma sa sulat na ito, at walang Jehova na tutulong sa inyo.” Buweno, maguguniguni mo na kami ay buong sikap na nanalangin nang gabing iyon. Kinabukasan ay hinintay namin na magpakita si “Iron Gustav.” At kami’y naghintay. Sa wakas kami ay sinabihang magbalik sa aming kuwartel. Wala pa rin si Gustav! Nang malaon ay napag-alaman namin kung ano ang nangyari. Noong umagang iyon samantalang siya ay patungo sa kampo, natutuhan ni “Iron Gustav” sa mahirap na paraan na siya ay hindi sintigas ng bakal. Bumangga ang motorsiklong pinatatakbo niya sa isa sa mga haliging bato sa may pasukan ng kampo—isang pasukan na mahigit 9 na metro ang lapad! Siya ay isinugod sa ospital na may biyak na noo at isang baling kamay. Nang sa wakas ay makita namin siya pagkalipas ng dalawang buwan, kami’y sinigawan niya: “Ginawa ito ng Jehova ninyo sa akin!” Walang isa sa amin ang nagduda sa kaniya nang sandaling iyon.
Patungo sa Holland
Noong Disyembre 1935, ako’y pinalaya at ako’y sinabihang sumali sa hukbong Aleman. Sa halip, ako’y nagpasiyang magtungo sa Espanya mula sa Holland at patuloy na magpatotoo roon. Nang magawa kong makapasok sa Holland, hinanap ko ang mga Saksi, at hinimok nila akong manatili sa Holland. Anong laking kasiyahan na minsan pang mangaral nang malaya at makasama ang aking mga kapatid na lalaki at babae sa mga pulong Kristiyano! Kami’y nagbisikleta sa lalawigang Olandes, nangangaral sa araw at natutulog sa mga tolda sa gabi. Sa katamtaman, kami’y gumugol ng mula 200 hanggang 220 oras isang buwan sa pangangaral.
Kaunti lamang ang aming pera upang ibili ng pagkain at bayaran ang iba pang gastusin. Tandang-tanda ko pa ang isang magsasaka na, nang makita kung paano namin inihahanda ang aming kaunting pagkain sa gabi, ay inanyayahan kaming maghapunan. Isang mesang punô ng pinakamasasarap na pagkain ang naghihintay sa amin! Mula noon, inilaan ng maibiging pamilyang ito ang aming mahalagang mga pangangailangan na mantikilya, itlog, keso, at tinapay, at tinulungan pa nga nila kami sa aming mga labahin. Ang buong pamilya ay naging mga Saksi. Sila ay mahalagang kontak noong panahon ng gawain na nasa unahan.
Isang kombensiyon ang ginanap sa Bern, Switzerland, noong 1936. Si Joseph F. Rutherford, ang presidente ng Samahang Watch Tower noong panahong iyon, ang nagsalita roon. Noong panahong iyon, pagkatapos ng lahat ng panahong ginugol ko bilang isang buong-panahong ebanghelisador, ako sa wakas ay nabautismuhan!
Ang The Hague
Ako’y naatasan sa rehiyon ng The Hague. Maraming sambahayan ang tumanggap sa katotohanan ng Salita ng Diyos doon. Nakikibalita pa rin ako sa ilan sa kanila hanggang sa ngayon. Noong 1939 ako ay inaresto ng pulisyang Olandes—bilang isang espiyang Nazi, sa lahat ng bagay! Aking ipinagpatuloy hangga’t magagawa ko ang aking pangangaral sa pamamagitan ng mga liham mula sa piitan, alam na alam kong binabasa ng hukom ang lahat ng aking lumalabas na mga sulat. Pagkalipas ng limang buwan, ang huling dalawang buwan nito sa bartolina, ako ay pinalaya. Pagkaraan lamang ng ilang araw na ako ay bumalik sa aking tahanan sa The Hague, sinimulang bombahin ng Alemang Luftwaffe (hukbong panghimpapawid) ang rehiyon! Batid ko na hindi lalampas ang Gestapo sa likuran ng sumasalakay na mga sundalo. Panahon na upang ako ay bumalik sa pailalim na gawaing pangangaral.
Ngunit paano ako mangangaral nang hindi matutuklasan? Isang kapatid na lalaki na may tindahan ng bisikleta ay iginawa ako ng isang pantanging bisikleta. Ito’y gaya ng mga bisikleta na ginagamit ng mga sekreta—parehong pantanging kulay, na may mataas na mga hawakan at mga klip na makahahawak ng isang sable. Binabati pa nga ako ng sekreta, inaakalang isa ako sa kanila! Gayunman, isang araw samantalang ako ay nagbibisikleta sa kahabaan ng landas para sa mga bisikleta na kubli sa daan ng halamang-bakod, dalawang pulis na nagbibisikleta sa kabilang panig ng daan ang nakakita sa akin sa isang putol na halamang-bakod, at nakilala nila ako bilang isang takas. Pinatakbo
ko ang aking bisikleta nang mas matulin kaysa kailanma’y nagawa ko sa buong buhay ko! Kailangan nilang magdaan sa isang tawiran sa itaas bago sila makaikot at makasunod sa akin, at bagaman hinabol nila ako nang puspusan, sa wakas ay naiwasan ko sila.Maraming Muntik-muntikang Pagtakas
Ngayon alam na ng mga pulis ang aking pagkanaroroon sa The Hague. Nagsimula akong matulog sa iba’t ibang tahanan para sa kaligtasan. Noong minsan ako ay natulog sa tahanan ng isang pamilya na may tatlong anak. Gaya ng dati, inilatag ko ang aking mga damit upang mabilis akong makapagbihis sakaling may pagsalakay. Pinatulog ko rin na magkatabi ang dalawang bata upang mailipat ko ang isang bata sa aking kama pag-alis ko. Sa gayong paraan, hindi masusumpungan ng mga Nazi ang isang mainit, walang laman na higaan.
Noong alas singko nang umagang iyon, ang mga kaayusang ito sa pagtulog ay napatunayang malaking tulong. May malakas, walang tigil na pagkatok sa pinto. Tamang-tama lamang na nailagay ko ang nuwebe-anyos na batang lalaki sa aking kama, isiniksik ang aking mga damit sa aking portpolyo, isinuot ang aking sombrero at overcoat, tumalon na walang sapin sa paa mula sa bintana sa likod tungo sa niyebe. Nakatutuwa naman, hindi nila naisip na maglagay ng isang bantay sa likod ng bahay. Tumakbo ako sa bahay ng isang pamilya na pinagdarausan ko ng pag-aaral sa Bibliya. Bagaman alas 5:30 n.u. pa lamang at sa dilim ng taglamig, ako’y pinatuloy ng lalaking ito nang walang salita at itinago ako. Lahat silang tatlo sa pamilya niya ay nang maglaon naging mga Saksi.
Nang tanungin ng Gestapo ang pamilya na nilisan ko, itinuon nila ang pansin sa batang lalaki. Inalok nila siya ng pera kung sasabihin niya sa kanila kung isang “tiyo” ba ang dumalaw kamakailan. Sabi niya sa kanila: “Opo, matagal na po iyon.” Gaano katagal? Hindi niya alam. Sila’y umalis, na bigo. Nang maglaon, tinanong ng nanay ang batang lalaki kung bakit gayon ang sagot niya, yamang alam niya na si “Tiyo Tom” (ang aking pangalan sa pailalim na gawain) ay natulog doon noong gabi. Sagot niya: “Ang beinte kuwatro oras ay mahabang panahon, na may napakaraming minuto.” Totoo naman!
Ang susunod kong atas ay sa Groningen. Ang ilan sa mga Saksi sa lunsod na iyon ay nagapi ng takot, at ang gawaing pangangaral ay talagang nahinto. Subalit hindi nagtagal ang mga kapatid ay muling naging walang takot, hinahamon ang brutal na Gestapong Olandes. Isang gabi noong 1942, nakibahagi pa nga kami sa isang “pagsalakay,” namamahagi ng libu-libong pulyeto sa Bibliya sa buong lunsod sa isang itinakdang sampung-minutong yugto ng panahon. Iniulat ng lahat ng pahayagan na ipinamahagi ng Royal Air Force ng Britaniya ang angaw-angaw na mga pulyeto para sa mga Saksi ni Jehova! Ipinaalam namin sa mga Gestapo na kami ay buháy at nasa mabuting kalagayan. Hindi kami mapahinto ng mga Nazi—nungka!
Ang digmaan ay nagpatuloy, at naging higit at higit na mapanganib na lumakad sa mga lansangan. Isang gabi habang kami ng isang kapatid na lalaki ay paalis sa isang lihim na pulong sa Hilversum, may bumangga sa akin sa likuran, at isang bagay ang kumalatok sa lupa sa paanan ko. Pinulot ko ito at nakita ko na may malaking sindak na ito ay isang helmet ng sundalong Aleman! Ang may-ari nito ay nakatayo sa kaniyang bisikleta at ngayon ay itinutok ang sinag ng kaniyang plaslait sa akin. Lumakad ako patungo sa kaniya; inagaw niya sa kamay ko ang helmet, hinugot ang kaniyang rebolber, at sumigaw: “Dinarakip kita!”
Nanginginig ako. Kung darakpin niya ako, marahil ay ito na ang katapusan ko. Humingi ako ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Naririnig ang kaguluhan, nagkatipon ang maraming tao. Nang mapansin ko na ang sundalo ay bahagyang sumusuray, naging maliwanag sa akin na siya ay lasing. Saka ko naalaala na ang mga tuntuning militar ng Alemanya na nagpapahintulot sa mga opisyal na lumakad na nakasuot sibilyan. Kaya nilapitan ko ang sundalo at sumigaw ako taglay ang lahat ng awtoridad na magagawa ko: “Hindi mo ba nakikilala kung sino ako?” Nasindak ang sundalo. Tinapik niya ang kaniyang helmet at sumaludo sa akin! Kumbinsido na nainsulto niya ang isang opisyal, siya ay lihim na umalis at naglaho sa kadiliman. Ang mga miron ay nagkalat. Ako’y nagpasalamat kay Jehova sa isa pang muntik-muntikang pagtakas!
Ang Buhay sa Palihim na Gawain sa Belgium
Ang aking susunod na atas ay sa ibang bansa: Belgium. Ako ang naging tagapangasiwang ministro sa Antwerp. Dahil sa pagbabawal, ako’y nagdaraos
ng maraming maliliit na pulong sa iba’t ibang tahanan sa bawat linggo. Ako rin ang mensahero, isa pang kawing sa kahanga-hangang kawing sa patuloy na pagdating ng espirituwal na pagkain noong mahihirap na panahong iyon.Ang aming tagpuan upang ipuslit ang mga literatura sa ibayo ng hangganan mula sa Holland ay isang restawran. Ang gusali mismo ay nasa Belgium, subalit ang hardin ay nasa Holland, kaya ito ay isang tamang-tamang dako upang makipagkita sa aking kontak at makipagpalitan ng portpolyo sa kaniya. Ipinalagay ng may-ari na kami’y Britanong mga espiya at nakipagtulungan sa amin. Sinabihan pa nga niya ang opisyal na pulis na namamahala na pabayaan kami. Ngunit isang araw isang bagong pulis ang nasa tungkulin, isang taga-Belgium na may kaisipang-Nazi na walang kaalam-alam tungkol sa akin. Nang makita niya ako na may malaking portpolyong katad, iginiit niyang buksan ko ito. Tumanggi ako; sapagkat ito ay punô ng tatlo o apat na raang magasing Bantayan. Kaya dinakip niya ako at sinamahan ako sa istasyon ng pulis. Sinabihan ng opisyal na namamahala roon ang pulis na lumabas habang inaasikaso ako. Pagkatapos ay marahan niya akong sinabihan: “Ayaw kong makita ang nilalaman ng portpolyo. Pakisuyong sa susunod ay mas maliit na portpolyo na lamang ang dalhin mo.” Minsan pa ako ay nagpasalamat kay Jehova!
Nang dumating ang D day (Hunyo 6, 1944) at sinimulan ng mga hukbo ng Allied ang kanilang pagsalakay sa Belgium, ang digmaan ay nakarating hanggang sa Antwerp. Ang pagpapatotoo at pagdalo sa mga pulong ay naging isang tunay na hamon habang ang mga putok ng baril at mga kanyon sa magkabilang panig ay naglipana sa buong lunsod. Nang ang digmaan ay malapit nang matapos, may kamaliang inakala ng lingkod ng sangay na hindi ko na kailangang manatili sa palihim na gawain. Sumunod ako, labag sa payo ng isang palakaibigang kapitan na pulis na nag-aakalang napakaaga pa upang ihayag ko ang aking sarili. Pagkalipas ng labing-isang buwan ako ay lumabas mula sa kakila-kilabot na karanasan ng buhay ko. Ang mga awtoridad ay hindi makapaniwala sa kuwento ko. Kumbinsido na ako’y isang ahenteng Gestapo, ikinulong nila ako sa lubhang hindi makataong mga kalagayan na kailanma’y nakita ko. Maraming lalaking mas bata pa sa akin ang nagkasakit at namatay noong mga buwang iyon. Pagkatapos na ako’y mapalaya, ako’y lubusang nagkasakit.
Patuloy ang Matapat na Paglilingkod
Pagkatapos ng higit pang makabagbag-damdaming mga pagkaantala, pagtatanong, at pagkabilanggo, sa wakas ako ay nakabalik sa Alemanya—sampung taon mula noong ako’y lumisan! Nakasama kong muli ang aking ina, isang tapat na Saksi, at marami kaming mga karanasan na ikukuwento sa isa’t isa. Samantalang unti-unti akong lumakas, muli kong sinimulan ang buong-panahong pagpapatotoo, ngayon ay sa Schweinfurt. At anong laking kaluguran na tumulong sa paghahanda ng aming unang kombensiyon pagkatapos ng digmaan, na ginanap sa Nuremberg doon mismo kung saan buong pagmamalaking ipinarada ni Hitler ang kaniyang mga sundalo! Nang maglaon ako ay tuwang-tuwa na matanggap sa Watchtower School of Gilead sa Estados Unidos, kung saan ako ay sasanayin bilang isang misyonero.
Sa isang pagtitipon bago ako umalis patungong Gilead, nakilala ko si Lillian Gobitas, na gumanap ng mahalagang bahagi sa pakikipagbaka para sa relihiyosong kalayaan may kinalaman sa usapin na pagsaludo-sa-bandila sa Estados Unidos. Sinabi niya sa akin na naibigan niya ang mga solo na inawit ko sa pagtitipon, at ngumiti lamang ako sapagkat hindi ko siya maintindihan. Patuloy akong ngumiti, at patuloy naman siya sa pagsasalita. Nauwi ito sa pagpapakasal namin! Iyan ay pagkatapos na kaming dalawa ay magtapos sa Gilead, mangyari pa, at kami’y gumawa bilang mga misyonero sa Austria.
Nang maglaon, dahil sa aking mga problema sa kalusugan ay napilitan kaming bumalik sa Estados Unidos. Mula noon kami ay nagkaroon ng dalawang kaibig-ibig na mga anak, isang lalaki at isang babae. Natutuwa kaming makita na tinanggap nila kapuwa ang katotohanan. Habang bumubuti ang aking kalusugan, tumutulong ako sa mga kongregasyon sa Estados Unidos at Canada. Ang gawain ay hindi kailanman humihinto, at sinisikap naming makialinsabay rito. Ginugunita ko pa rin ang mga taon na iyon ng palihim na gawain taglay ang pagkagiliw. Hindi kami mapahinto ng mga Nazi, sapagkat si Jehova ay sumasaamin. Maliwanag, pinagpapala pa rin niya ang gawain, at walang makapagpapahinto nito hanggang sa ito ay maganap sa kaniyang kasiyahan!—Gaya ng inilahad ni Erwin Klose.
[Larawan sa pahina 18]
Si Erwin Klose