Pagkalason sa Tingga—Ang Nakapipinsalang mga Epekto Nito
Pagkalason sa Tingga—Ang Nakapipinsalang mga Epekto Nito
‘ANG pinakakaraniwang malubhang sakit ng kabataan.’ “Ang No. 1 bantang pangkapaligiran sa mga bata.” Gaya ng mahuhulaan mo, ang mga bantang binabanggit dito ay iisang bagay: pagkalason sa tingga.
Sang-ayon sa CDC (U.S. Centers for Disease Control), “ang mga bata ay lalo nang madaling tablan ng mga epekto ng nakalalasong tingga. Ang pagkalason sa tingga, sa kalakhang bahagi, ay tahimik: karamihan ng mga batang nalason ay walang mga sintoma. Kaya nga, ang karamihan ng mga kaso ay hindi nasusuri at hindi nagagamot. . . . Hindi ito problema lamang sa mataong lunsod o sa mga anak ng minoridad. Walang sosyoekonomikong grupo, heograpikong dako, o lahi o etnikong populasyon ang itinatangi.” Ang ulat ay nagsasabi pa: “Ang pagkalason sa tingga ng mga bata ay isang pandaigdig na problema.”
Kung Paano Naaapektuhan ng Tingga ang mga Bata
Tinatayang mula tatlong milyon hanggang apat na milyong bata na wala pang anim na taóng gulang sa Estados Unidos lamang ay may mataas na antas ng tingga sa kanilang dugo na sapat upang sirain ang normal na paglaki. Ito ay maaaring mangahulugan ng anumang bagay mula sa bahagyang pag-unti ng mga kakayahan sa pagbasa hanggang sa ganap na pagkabalam ng isip. At kung iyan ang kalagayan sa isang bansa, ang pangglobong bilang ay tiyak na nakalilito.
Sa Aprika, Asia, Mexico, at sa Gitnang Silangan, ang tingga ay ginagamit pa rin kung minsan bilang isang medisina niyaong mga walang kabatiran sa mga panganib nito. Ito ay ginagamit upang paginhawahin ang hindi pagdumi, upang hadlangan ang mga impeksiyon sa pusod, at isang paggamot upang paginhawahin ang gilagid ng mga sanggol.
Ang panganib ay hindi naman masyadong grabe anupat ang mga bata ay nahihimatay at namamatay dahil sa pagkalason sa tingga. Gaya ng ipinakikita ng isang labas noong 1991 ng FDA Consumer, ang mga kamatayan ng mga bata dahil sa pagkalason sa tingga ay naging bibihira. Subalit ang mga epekto ay nakapipinsala pa rin. Ang tingga ay angkop na tinatawag na “pumapatay ng talino.” Sinipi ng magasing Newsweek ang isang opisyal ng kalusugan na nagsasabi: “Napakaraming kabataan ang nahihirapang gumawa ng mapanuring gawain o kahit na pumila sa kapitirya sapagkat ang kanilang utak ay kargado ng tingga.”
Kabilang sa ilan pang sintoma ng mga batang nalason-ng-tingga ang pagkamayayamutin, hindi pagkatulog, matinding pananakit ng tiyan, anemya, at mahinang paglaki. Ang isang napinsalang sistema ng nerbiyo, kasama ng talamak na pagkabalisa—parang hayop na nakakulong, gaya ng paglalarawan dito ng isang doktor—ay maaari ring makita sa batang iyon. Sa mas grabeng mga kaso, ang ilang bata ay maaaring dumanas ng mga koma at mga pag-atake ng sakit, at kahit na pagkakaedad nila, sila’y maaaring patuloy na dumanas ng emosyonal na mga problema. Ang ilan sa mga epektong ito ay maaaring maging permanente, sabi ng pinuno ng Lead Poisoning Prevention Branch ng CDC. Hanggang sa isang wastong pagsusuri ang magawa, ang mga magulang ay kadalasang nalilito tungkol sa sanhi ng traidor na sakit na ito.
Bakit Napakadaling Tablan ng mga Bata?
Ang tingga ay lalo nang mapanganib sa mga bata sa dalawang kadahilanan. Una, ang mga bata ay apektado ng mas mababang antas ng tingga kaysa roon sa nakaaapekto sa mga adulto. Yamang ang kanilang utak at sistema ng nerbiyo ay umuunlad pa lamang, ito ay lalo nang sensitibo sa mga epekto ng tingga. Ikalawa, ang mga bata, dahil sa kanilang ugali at gawain, ay malamang na makahipo ng tingga mula sa kanilang kapaligiran.
Isaalang-alang halimbawa ang pintura na may halong tingga, na isa pa ring mahalagang pinagmumulan ng pagkahawa. Sa mga bansa kung saan legal ang paggamit ng gayong pintura sa mga bahay, ang mga kaso ng pagkalason sa tingga ay tiyak na patuloy na darami. At bagaman ipinagbawal na ng maraming bansa ang ilang paggamit ng pinturang may halong tingga nitong nakalipas na mga taon, umiiral pa rin ang pintura sa mas matatandang bahay. Ang mga dingding, pasamano, laruan, kuna, at muwebles ay pawang maaaring mayroon pang suson ng tingga. Sa Estados Unidos, halimbawa, matataas na antas ng tingga ang
nananatili sa halos 57 milyong tahanan. Noong kalagitnaang-1980’s, mga 13.6 milyong batang Amerikano na wala pang pitong taóng gulang ang nakatira sa mga tahanang ang pintura ay may halong tingga. Mahigit na isang milyon nito ay malamang na may mapanganib na mataas na antas ng tingga sa kanilang dugo.Ang ibabaw na makinis ang pagkakapintura ay maaaring hindi pagmulan ng anumang panganib. Subalit habang tumatagal ang pintura, ito’y nagsisimulang bumitak at matuklap. Yamang ang tingga ay matamis, malamang na kainin ng mga bata ang mga piraso ng pintura. Nakain ng mga sanggol ang tingga mula sa tumataliptip na mga pasamano. At kapag ang pintura ay sa wakas naging alabok, nadadampot ito ng mga bata sa kanilang mga daliri mula sa mga laruan, sa sahig, at sa alpombra— tiyak na mula roon ay magtutungo ito sa kanilang bibig, sa tiyan at bituka, at sa daluyan ng dugo. Lalo nang madaling tablan ang mga bata sa pagitan ng anim na buwan at anim na taóng gulang.
“Nangangailangan lamang ng kakaunting tingga upang pagmulan ng pagkalason sa tingga,” sulat ng magasing Newsweek. “Ang isang bata ay maaaring lubhang malason ng tingga (60-80 mikrogramo/dl) sa pamamagitan ng pagkain ng isang miligramo ng alabok ng pinturang may tingga—katumbas ng halos tatlong maliit na butil ng asukal—araw-araw sa panahon ng pagkabata.” Para ang bata ay malagay lamang sa panganib, ang kaniyang nakaing alabok ng pintura ay katumbas lamang ng isang maliit na butil ng asukal sa isang araw. “Iyan ang dahilan kung bakit ang isang bata ay maaaring magkasakit sa palagiang paghipo lamang sa isang pasamano at saka pagsipsip sa kaniyang hinlalaki,” ulat ng Newsweek, isinususog pa na maraming magulang ang “basta hindi nakatatalos—o hindi makapaniwala—na ang alabok sa kanilang pasamano ay maaaring hindi kapansin-pansing sinisira ang mga kakayahan ng kanilang anak sa hinaharap.”
Tingga at ang Ipinagbubuntis
Ang problema ay umaabot pa nga sa mga bahay-bata ng mga babaing nagdadalang-tao, kung saan ang lumalaking mga utak at mga sistema ng nerbiyo ng hindi pa isinisilang na mga bata ay maaaring mapinsala rin. Kapag ang isang inang nagdadalang-tao ay nagpapasok ng tingga sa kaniyang katawan, sa pamamagitan ng pagkain o ng paglanghap, ang tingga ay nagtutungo sa kaniyang daluyan ng dugo. Pagkatapos ito ay ipinapasa sa ipinagbubuntis na sanggol sa pamamagitan ng pusod. Ang bata ay maaaring dumanas ng neurolohikal na pinsala o mababang IQ. “Kung ang isang babaing buntis ay makakain ng kahit kaunting tingga,” sabi ng isang manunulat tungkol sa kalusugan, “ito ay maaaring magdaan sa kaniyang inunan tungo sa ipinagbubuntis na sanggol.” At ang Science News ay nag-ulat: “Pinatunayan ng mga pag-aaral na mas maraming babaing nagtatrabaho sa mga pagawaan na gumagamit ng tingga ay dumanas ng pagkabaog, pagkalaglag ng ipinagbubuntis na sanggol, panganganak nang wala sa panahon at mga depekto sa pagsilang.”
Ang mga ama rin ay maaaring may bahagi sa gayong mga panganib. Ang tingga sa daluyan ng dugo ng mga lalaki ay maaaring magpangyari sa semilya na maging dispormado at hindi masigla, na maaaring humadlang sa paglilihi o magpangyari ng dispormadong sanggol na ipinagbubuntis. Tinatayang 400,000 ipinagbubuntis na sanggol ng mga babaing Amerikana ay lubhang nahawaan ng tingga anupat masisira ang paglaki nito. Yamang ang pagkalason sa tingga ay isang pandaigdig na epidemya, ang bilang ng apektadong hindi pa isinisilang na mga bata ay tiyak na napakalaki.
Hindi Lamang ang mga Bata
Maliwanag, ang mga adulto ay nanganganib din. Upang maingatan ang kanilang mga anak, kailangang ingatan din nila ang kanilang sarili. Paano sila nalalantad sa tingga? Ang mga eksperto ay sumasang-ayon na bukod sa pintura sa bahay, ang pinakakaraniwang pinagmumulan ng pagkalantad sa ngayon ay ang tingga sa tubig dahil sa instalasyon ng mga tubo (yamang kahit na ang mga tubong tanso ay maaaring pinagdugtong sa pamamagitan ng tinggang panghinang) at sa gasolinang may tingga. Sa mga paaralan at mga opisina, ang mga paunten ng tubig ay may mga tangke ng tubig na ang mga gilid ay hininang ng tingga. Isang opisyal ng EPA (U.S. Environmental Protection Agency) ang tumataya: “Halos 20 porsiyento ng pagkalantad sa tingga ay nanggagaling sa iniinom na tubig.” Ang Agency for Toxic Substances and Disease Registry ng pamahalaang pederal ay nag-ulat na ang antas ng tingga “mula sa de kuryenteng mga tagapagpalamig ng tubig ay maaaring napakataas, at maaaring maging lubhang mapanganib na nakalalason para sa lahat ng tao, hindi lamang sa mga bata.”
Nakadaragdag pa sa problema, maaaring dalhin ng mga magulang ang tingga sa tahanan sa mga damit na isinusuot nila sa dako ng trabaho at ilantad pa ng higit ang kanilang mga anak. Tinatayang halos walong milyong mga manggagawa sa Estados Unidos lamang ang nalantad sa tingga sa kapaligiran ng kanilang trabaho. Malaking porsiyento nito ay mga babae.
Yaong nag-iimbak ng mga inuming de alkohol o iba pang likido sa mga sisidlang kristal na may tingga ay nagdadala rin ng panganib, yamang ang tingga sa kristal ay maaaring tumagas sa inumin. Sa katulad na paraan, ang mga pinggan at lutuan na yari sa seramiks na hindi inihurno sa mataas na temperatura ay maaaring ikalat ang mga partikulo ng tingga mula sa pampakinang tungo sa pagkain. Halimbawa, isang mag-asawa ang bumili ng isang set ng mga coffee mug samantalang naglalakbay sa isang
banyagang bansa. Natuklasan na ang mga mug ay naglabas ng mahigit na 300 ulit ng tingga kaysa mga pamantayan sa kalusugan na ipinahihintulot sa kanilang sariling bansa. Ang mag-asawa ay malubhang nagkasakit pagkatapos gamitin ang mga mug sa sandaling panahon. Isa pa, ang mga panghinang sa mga pagkaing de lata, na ginagamit pa rin sa ilang bansa, ang dahilan ng ilang mababang-antas na pagkalason sa tingga.Ang mga mahilig sa baril ay nanganganib din sa pagkalason sa tingga. Bakit? Buweno, ipinakita ng mga pag-aaral kamakailan na yaong madalas sa mga dako kung saan ang mga tao ay nag-eensayo ng pagbaril sa mga tudlaan ay may matataas na antas ng tingga dahil sa paglanghap ng alabok na may tingga. Ang pagputok at ang halos hindi makitang pagbitak ng mga balang tingga habang ito ay nagdaraan sa mga kanyón ng baril ay naglalabas ng mga partikulo ng tingga sa hangin, at nilalanghap ito ng bumabaril sa kaniyang mga bagà, ulat ng magasing Science News. Ang ilan sa mga sintoma na itinala ay ang talamak na lasa ng metal at ang panginginig ng kamay na may koneksiyon sa utak at sa sistema ng nerbiyo. Ipinakikita ng iba pang pag-aaral na ang mga miyembro ng pamilya ay maaari ring manganib sa matinding pagkalantad sa tingga mula sa mga gumagamit ng baril na iniuuwi sa bahay ang alabok ng tingga na nasa kanilang mga damit.
Yamang ang pagkalason sa tingga ay napakapangkaraniwan at napakapanganib sa mga bata at sa mga adulto rin, ang susunod na tanong ay maliwanag: Ano ang maaaring gawin upang hadlangan ito?
[Kahon sa pahina 7]
Gaano Karaming Tingga Ang Makakaya ng Katawan?
GAANO karaming tingga ang napakarami? Gaano karami ang ligtas na makakaya ng katawan? Bagaman pinagtatalunan pa ng mga siyentipiko ang gayong mga tanong, maraming bansa ang gumawa ng mga batas upang hadlangan ang pagkalason sa tingga, sa paano man buhat sa pinturang may tingga. Inilagay ng Australia ang batas na iyon sa mga aklat ng batas noon pang dekada ng 1920. Ang Gran Britaniya, Gresya, Poland, at Sweden ay gumawa rin ng kahawig na mga batas nang dakong huli ng dekadang iyon. Ang Estados Unidos ay hindi isinabatas ang Lead Paint Poisoning Prevention Act nito kundi noong 1971.
Gayunman, ang Estados Unidos ay patuloy na gumawa ng mahihigpit na batas sa larangang ito mula noon. Noong 1985 ibinaba ng CDC (U.S. Centers for Disease Control) ang tinatanggap na antas ng tingga sa dugo tungo sa 25 mikrogramo (25 sangkamilyon ng isang gramo) ng tingga sa bawat decilitro (halos sangkalima ng isang pint) ng dugo. Iyan ay kalahati ng dami ng tingga na tinukoy ng surgeon general noong 1970, na 60 mikrogramo sa bawat decilitro. Subalit sa paglipas ng mga taon, ipinahihiwatig ng higit pang mga pag-aaral na ang mga bata ay maaaring isapanganib ng kahit na mas mababang antas ng tingga. Kaya noong 1991 muling ibinaba ng CDC ang tinatanggap na antas na wala pa sa kalahati, ibinababa ito sa 10 mikrogramo sa bawat decilitro.
Bagaman may mahigpit na pagtatalo sa isa sa mahalagang pag-aaral na nagpangyari sa pagbabagong ito, ang iba pang mga pag-aaral ay nagkaroon din ng katulad na mga resulta. Halimbawa, iniugnay ng dalawang pag-aaral sa Scotland ang mga antas ng tingga sa dugo na kasimbaba ng 11 mikrogramo sa bawat decilitro sa nabawasang talino at mga suliranin sa paggawi ng mga bata. At gaya ng binanggit ng Bangkok Post maaga noong 1992, ang mga batas na gaya niyaong isa sa Thailand na nag-iingat sa mga adulto mula sa tingga ay maaaring hindi nag-iingat sa mga bata—lalo na ang hindi pa isinisilang.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Pagkalason sa Tingga—Isang Sinaunang Problema
ANG tingga ay maaaring ginamit na noon pang 3000 B.C.E. Ginamit ito ng sinaunang mga Ehipsiyo sa paglilok at pagpapalyok, ilegal na kinalakal ito ng mga taga-Fenecia at mga Caldeo, at minina ito ng mga Griego sa Atenas sa loob ng pitong dantaon. Subalit ang mga Romano, noong paghahari ng mga Cesar, ang unang nakatuklas sa industriyal na potensiyal ng tingga—at pinagbayaran nila nang malaki ang pagkatuklas na iyon.
Tinawag ito ng mga Romano na plumbum. Inirorolyo ng may kakayahang mga manggagawa ang malalaking pohas ng tingga sa 15 pamantayang mga haba ng tubo upang gamitin sa kanilang malawak na mga sistema ng paghahatid ng tubig. Kapuwa ang mga Romano at ang mga Griego ay naglaan ng huwaran sa modernong-panahong mga tubero sa pagkakabit ng mga tubong tingga sa isa’t isa. Sa gayon ang milya-milyang mga tubo ay maidurugtong upang ihatid ang tubig sa malalayong distansiya. Hinubog din ng mga Romano ang tingga na mga sisidlan ng inumin, sisidlan ng alak, at mga gamit sa pagluluto. Ang magaling sa lahat ng panahon na manipis na pohas ng tingga ay ginawa para sa bubong.
Subalit kung paanong ang gamit ng tingga ay hindi na bago, ang bagay na ito ay nagdudulot ng sakit sa mga tao ay hindi rin bagong tuklas. “Sa loob ng hindi kukulanging 2,000 taon,” sulat ng magasing Science News, “kinilala ng mga lipunan ang tingga bilang isang malakas na lason bagaman ipinagtataka pa rin nito kung paano ito nakalalason.” Gayunman, para bang hindi alintana ng sinaunang mga Romano ang tunay na mga panganib ng tingga. Sang-ayon kay Jerome Nriagu ng Canadian National Water Research Institute, karaniwang idinaragdag nila sa kanilang alak ang arnibal na ubas na pinakuluan sa mga sisidlang tingga. Sinisipi ng magasing Newsweek si Nriagu na nagsasabi: “Ang isang kutsarita ng arnibal na iyon ay sapat na upang maging sanhi ng talamak na pagkalason sa tingga.” At ang mga pinunong Romano ay malalakas uminom ng alak. Tinataya ni Nriagu na ang mga piling tao sa Roma ay umiinom na mula isa hanggang limang litro ng alak araw-araw!
“Ipinalalagay na ang isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng Romanong daigdig,” ulat ng The Medical Post ng Canada, “ay ang kanilang hilig na patamisin ang kanilang mga alak sa pamamagitan ng tingga.” Ganito ang sabi ng isang report: “Ang pagkalason mula sa malawakang paggamit ng tingga sa mga kasangkapan, sandata, kosmetiks, sisidlan ng alak, at mga tubo ng tubig ay maaaring siyang dahilan ng kabaliwan ng mga emperador [ng Roma] at dahil sa dami ng naging baog at nakukunan kung kaya ang mga namumuno ay hindi napapalitan.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]
Tingga sa Iláng
KUNG ikaw ay mahilig sa buhay-iláng, maaaring makabalisa sa iyo na malaman na kasindami ng tatlong milyong ibon-tubig ang namamatay taun-taon dahil sa pagkalason sa tingga. Dito man, ang pagkalason sa tingga ay tinatawag na isang “di-nakikitang sakit” yamang ito ay karaniwang hindi napapansin. Ang Kagawarang Panloob ng E.U. ay nag-uulat na sa bawat ibon na nababaril ng mga mangangaso, 0.23 kilo ng tingga mula sa mga bala ng baril ang napupunta sa kapaligiran. Natuklasan ng mga biyologong sinusuri ang ibabaw na suson ng lupa na ilang centimetro ang kapal sa ilalim ng mga latian, dagat-dagatan, at mga lawa sa ilang dako na may mahigit na 250,000 tingga mula sa mga bala ng baril sa bawat ektarya! Ang nawawalang mga pabigat na gamit sa pangingisda na yari sa tingga ay nakakalat din sa ilalim.
Pagkatapos ng panahon ng pangangaso, nakakain ng mga pato at iba pang ibon-tubig na naghahanap ng pagkain ang mga tingga mula sa mga balang ito. Pagkalipas ng tatlo hanggang sampung araw, ang lason ay nakakarating sa daluyan ng dugo at dinadala sa mahahalagang sangkap—sa puso, atay, at sa mga bató. Pagkalipas ng 17 hanggang 21 araw, ang ibon ay nakokoma at namamatay. Ang mga bald eagle (isang uri ng agila) ay maaaring malason ng tingga na galing sa bala na nakatago sa mga bangkay ng ibon-tubig na kinakain nila. Mula noong 1966, mahigit na 120 ng pambihirang mga ibong maninilang ito ang nasumpungang patay dahil sa nalason sa tingga—mahigit na kalahati nito ay mula noong 1980. Mangyari pa, ang bilang na ito ay kumakatawan lamang sa mga agilang ang mga bangkay ay nasuri at ang dahilan ng kamatayan ay natiyak; malamang na ito ay maliit na bahagi lamang ng aktuwal na kabuuang bilang.