Pangangalaga sa Mapayapang Pachyderm
Pangangalaga sa Mapayapang Pachyderm
“TINGNAN mo lang ang pagkagagandang batang elepanteng iyon! Kaibig-ibig! Ang ibig mo bang sabihin itong papalapit sa atin, na pinanganlang Lanka, ay pitong buwang gulang lamang? At ang mahiyaing babaing elepanteng iyon, si Kanchana, ay walong buwang gulang? At lahat ng mga ito ay nagmamadali palabas ng gubat na ang kanilang matitigas na batang buhok ay nakatikwas sa buong katawan nila, ano ang ginagawa nila? Oh, hindi kataka-taka, oras na ng pagkain! Pinakakain ninyo ang mga batang elepante limang beses isang araw at binibigyan sila ng pitong bote ng gatas sa bawat pagkakataon, bawat bote ay naglalaman ng isang litro. Aba, iyan ay 35 litro! Hindi kataka-taka na ang bawat isa ay tumitimbang ng halos 90 kilo, sa kabila na ito ay ilang buwang gulang pa lamang!”
Kami ay nasa Pinnawela Elephant Orphanage mga 85 kilometro mula sa Colombo, ang pangunahing lunsod ng Sri Lanka. Kapag ang mga batang elepante na inabandona o nasugatan ay masumpungan sa iláng, sila ay dinadala sa ampunang ito at pinalalaki hanggang sa hustong gulang. Mga 15 batang elepante ang naroroon nang kami’y dumalaw. Karaniwan nang sila’y kasama ng mga adultong elepante at nakakalat sa malaking dako ng bukás na kakahuyan, subalit sa oras ng pagkain ang mga batang elepante ay tinatawag para sa kanilang mga rasyon ng gatas. Ang mga ulilang ito ay hindi nag-aaksaya ng panahon doon at hinahanap ang isa sa tatlo o apat na nag-aalaga na naghihintay na may mga boteng punô ng gatas.
Binabaluktot nila ang kanilang mga nguso sa ibabaw ng ulo nila, ibinubuka nila nang maluwang ang kanilang mga bibig, at hangga’t magagawa nila ay mabilis ang kanilang paglulon habang itinatagilid ng tagapag-alaga ang bote at ibinubuhos ito. Walang panahon para sa mga tsupon sa mga boteng ito! Ang gatas ay bumubulwak at kung minsan ay tumatapon sa gilid ng kanilang bibig. Ang isa, na mas malaki kaysa iba, ay nakatali sa isang poste upang bigyan ng pagkakataon ang mas maliliit. Galit na galit sa “paghiwalay” na ito, siya ay kumikilos sa magkabi-kabila, itinataas ang kaniyang nguso, at pinupuno ang himpapawid ng kaniyang mga sigaw ng pagtutol. Minsang ang mga batang elepanteng ito ay marami na ang nainom, sila’y magkukulampulan sa palibot mo, hihilig sa iyo, ipupulupot pa nga ang kanilang nguso sa iyong paa upang tawagin ang iyong pansin.
Ang Banyera ng mga Elepante
Sa pagtatapos ng araw, panahon ito ng paligo. Lahat ng elepante, malaki’t maliit, ay kinakawan ng kalahating milya sa daan patungo sa pampang ng Ilog Maha Oya. Ito ay mababaw at napakalawak na may malalaking patag na mga batong nakausli mula sa tubig. Tatlo o apat na babae ang naglalaba ng kanilang mga damit, inihahampas ito sa mga bato upang maalis ang dumi, pagkatapos ay inilalatag ang mga ito upang patuyuin. Sa malayo ito ay parang magagandang kulay na kubrekama na nakalatag sa mga bato. Mayabong na kagubatan ang nagsisilbing hangganan ng pampang ng Maha Oya. Ito ay isang magandang tanawin at pagkalaki-laking banyera para sa mga elepante.
Wala silang inaaksayang panahon, lumalakad silang painut-inot sa tubig, nauuna ang mga batang elepante. Gayunman, ang lahat ay atubiling mahiga. Kaya sinasabuyan sila ng tubig ng mga tagapag-alaga at sinusundot sila ng mahahabang patpat. Nahihikayat, ibinababa ng mga elepante ang kanilang sarili sa tubig para sa malamig na pagbabad. Ang ilang malalaking elepante ay nahihiga na ang kanilang mga ulo ay nakalubog subalit ang dulo ng kanilang mga nguso ay nakalabas sa tubig na parang mga snorkel sa paghinga. Mainit ang araw, at ang tubig ay tiyak na nakagiginhawa sa kanilang makakapal na balat—ang kanilang pangalang pachyderm ay nangangahulugang “makapal-ang-balat.”
Si Mr. Bradley Fernando, direktor ng pambansang zoo, ang nangangasiwa sa ampunan ng mga elepante. Binanggit niya sa Gumising! ang layunin ng zoo: “Sa simula, nais lamang naming panatilihing buháy ang mga batang elepante na ito. Pagkatapos
sa katagalan, binabalak naming paramihin ang kawan.”Gayunman ano kaya ang posibleng kaaway ng mapayapang pachyderm na ito ng Asia? Bagaman itinuturing na mas maliit kaysa elepante sa Aprika, ang adultong elepante sa Sri Lanka ay tumitimbang din ng apat na tonelada o higit pa at tatlong metro ang taas mula sa balikat. Ang pagiging napakalaki nito ay sapat na upang sirain ang loob ng karamihang maninila. Ang leopardo sa Sri Lanka, katulad ng mga leon at tigre sa ibang bansa, ay lumalayo nga sa isang elepanteng husto na ang gulang.
Sino kaya ang posibleng kaaway? Ang tao. Kailangan ng elepante ang lupa; kailangan ng tao ang lupa; kinukuha ng tao ang lupa. At nakakaharap ng elepante sa Sri Lanka ang pagkalipol. Sa paano man, ganiyan ang palagay rito ng Asiaweek:
“Itinuturing ng sinaunang mga hari ng Sri Lanka na isang banal na tungkulin na pangalagaan ang buhay-iláng. Sila’y naglabas ng batas—marahil ang kauna-unahang batas sa daigdig tungkol sa
pangangalaga—gumagawa ng mga kanlungan sa paligid ng malawak na mga imbakan ng tubig ng mga patubig na itinayo nila. Ang pangangaso ay ipinahihintulot at isinasagawa sa ibang dako, subalit ang elepante ay hindi kailanman pinapatay bilang pagkain o isport. At tanging ang mga hari lamang ang may awtoridad na ipahuli at sanayin ang hayop para sa maharlika at relihiyosong mga prusisyon o gamitin bilang mga hayop na gagawa ng mabibigat na gawain. Noong panahon ng kolonyal na pamumuno ang lahat ng iyan ay nagbago. Ang mga elepante ay naging mahalagang tudlaan ng pangangaso.”Ang Kabihasnan ay Nagdala ng Problema
Noon ang elepante ay hindi kailanman pinapatay dahil sa isport, subalit nang dumating ang Kanluraning kabihasnan—at kasama ang mga taong mahilig sa isport—nagbago ang mga bagay-bagay. Kumusta na ang tungkol sa mangangaso ng elepante? Ganito ang sabi ng aklat na Sketches of the Natural History of Ceylon, ni J. Emerson Tennent: “Isang opisyal, si Komandante Rogers, ay pumatay ng mahigit 1400; ang isa pa, si Kapitan Gallwey, ay may karangalan na nakapatay ng mahigit na kalahati ng bilang na iyan; si Komandante Skinner, ang Komisyonado ng mga Daan, halos gayon din karami; at yaong hindi gaanong ambisyoso ay hindi nakapatay ng gayon karaming elepante.”
Sinabi pa ni Tennent na ang pamahalaang kolonyal ay nagbigay pa ng pinansiyal na pabuya na ilang shilling sa bawat mapatay na elepante—ang mga ito ay itinuturing na mga salot. Sa loob ng ilang taon, 5,500 pag-aangkin ang ginawa para sa pabuyang ito. Si Tennent ay naghihinuha: “Ang walang tigil na pagpatay sa mga elepante ng mga taong mahilig sa isports sa Ceylon [ngayon ay Sri Lanka] ay lumilitaw na pagpapasakop sa impluwensiya ng kaisipan na nahihilig sa pagkamapangwasak, yamang ang bangkay ay wala namang mapaggagamitan, kundi iniiwang mabulok at dumhan ang hangin ng kagubatan.” Ang garing ay hindi salik sa pagpatay ng mga elepante sa Sri Lanka, sapagkat “walang isa mang elepante sa isang daan ang masusumpungang may mga pangil sa elepante sa Ceylon, at ang ilan na may pangil ay mga lalaking elepante lamang.”
Ipinagpapatuloy ng Asiaweek ang ulat nito sa kung paanong ang kalagayan ng mga elepante ay sumamâ pa noon at simula noong panahon ng kolonyal na pananakop: “Ang gubat na kanilang kanlungan, na hindi na protektado ng batas ng hari, ay hinawan at ginawang taniman ng tsa. Noong 1800 malamang na may 50,000 elepante sa isla. Noong 1900 may 12,000. Sa ngayon, kahit na pagkatapos ng 50 taon ng mahigpit na mga batas sa pangangalaga, ang populasyon ng mga elepante ay wala pang 3,000.” Pinawawalang-saysay rin ng Asiaweek ang garing bilang isang malaking salik sa pagpatay, bagaman inilalagay ang katumbasan ng mga elepante na may pangil na 1 sa 20 sa halip na 1 sa 100. Pagkatapos ay binabanggit nito ang tunay na dahilan ng panganib ng mga elepante sa Sri Lanka: “Ang tunay na banta ay ang walang lubag
na paghahangad ng tao sa lupa. Habang parami nang paraming lupa ang unti-unting sinasaka sa paligid ng kanilang likas na tirahan, nakakaharap ng mga elepante sa Sri Lanka ang pagkalipol.”Ang Pambansang Parke ng Yala
Si Dr. Ranjen Fernando, pangulo ng Wildlife and Nature Protection Society of Sri Lanka, ay nagkomento sa Gumising!: “Dahil sa mga pagsisikap ng ating lipunan, ang unang lugar sa pangangalaga sa mga buhay-iláng ay ginawang isang game preserve sa Yala noong 1898. Noong 1938 ang Yala ay naging ang ating unang pambansang parke, at ang iba pa ay patuloy na idinagdag. Itinuturing namin ang mga parkeng ito na isang pambansang yaman at nais naming ang mga ito ay magpatuloy bilang isang proteksiyon para sa lahat ng ating mahalagang buhay-iláng.”
Iniskedyul namin ang isang paglalakbay tungo sa Pambansang Parke ng Yala, at ang pagtukoy rito ni Fernando ay lalo lamang nakaragdag sa aming interes. Pinasalamatan namin ang mga tagapangalaga sa Pinnawela Elephant Orphanage sa kanilang kabaitan at paggalang na ipinakita sa amin, kami’y kumaway bilang pamamaalam sa mga ulila at mga adultong elepante na nasisiyahan pa rin sa kanilang paligo sa Maha Oya (hindi ko tiyak kung napansin nila), at nagtungo kami sa Pambansang Parke ng Yala.
Gumugol kami ng tatlong gabi roon sa isang bungalow sa pampang ng karagatan. Inilibot kami ng isang giya sakay ng isang sasakyan upang makita ang mga hayop—hindi ka pinahihintulutang lumabas sa kotse. Nakita namin ang usa, baboy damo, ilang malalaking iguana, maraming naggagandahang ibon. Iniladlad ng isang paboreal ang kaniyang magandang buntot at nagsayaw, ang mga pugad ng manghahabing-ibon ay nakabitin sa mga punungkahoy, at ang napipintahang mga tagak ay kahanga-hanga sa kanilang maringal na kagandahan. Nabigo kami sapagkat wala kaming nakitang anumang leopardo, bagaman naroroon sila. Gayunman, nakakita kami ng mga kawan ng aming dating mga kaibigan ang mga elepanteng taga-Asia. Sila’y waring mapayapa at kontento sa kanilang protektadong parke.
Ang elepante ay talagang nangangailangan ng maluwang na lugar. At dahil sa pagputok ng populasyon ng tao, ang pangangailangan para sa masasakang lupa ay lumalaki. Ang mga tagapagtaguyod sa pangangalaga ng mga likas na yaman ay nagpapahayag ng lumalaking pagkabahala sa kung gaano kaya katagal mananatiling matatag ang pangako ng pamahalaan sa kaligtasan ng mga elepante. Panahon lamang ang makapagsasabi ng kalalabasan.—Ng isang kawaning manunulat ng “Gumising!”
[Mga larawan sa pahina 15]
Sa panahon ng paligo ang mga elepante ay hinihikayat na humiga sa tubig, kung saan ginagamit nila ang kanilang mga nguso bilang mga snorkel
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga batang elepante na naulila sa iláng ay inaalagaan hanggang sa hustong gulang sa Pinnawela