“Aming Kakanin sa Araw-Araw”
“Aming Kakanin sa Araw-Araw”
“IBIGAY mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.” Walang alinlangan na nakikilala mo ang mga salitang iyon bilang bahagi ng kilalang panalangin na kailanma’y binigkas—ang tinatawag na Panalangin ng Panginoon. (Mateo 6:9, 11, King James Version) Noong kaarawan ni Jesus, ang tinapay ang pangunahing pagkain sa Israel at mainam na magagamit bilang isang sagisag ng pisikal na pagkain.
Sa karamihan ng mga bahagi ng daigdig sa ngayon, ang tinapay ay hindi na siyang pangunahing pagkain na gaya nang dati. Ang ating literal na pang-araw-araw na tinapay ngayon ay kadalasang isang bahagi lamang ng pagkain. Gayumpaman, ang tinapay ay patuloy na gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa buhay ng angaw-angaw sa buong daigdig.
Sa Mexico ang mga maybahay ay gumagawa ng maninipis na piraso ng tinapay na tinatawag na mga tortilla. Sa Ethiopia ang mga babae ay gumagawa ng simpleng tinapay sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pabilog na malasopas na likido sa isang mainit na kawaling malanday. Sa Kanluraning mga bansa ang tinapay ay maramihang ginagawa sa kamangha-manghang iba’t ibang hugis at laki. At maraming maybahay sa mga bansang iyon ang patuloy na dinudulutan ng galak ang kanilang mga pamilya ng gawang-bahay na sari-saring tinapay.
Sino ang hindi maaakit sa amoy ng tinapay habang ito ay mainit na inilalabas mula sa hurno? Naaakit nito ang mga nagdaraan sa tindahan ng tinapay. Para sa marami ito ay nagpapagunita ng magiliw na alaala ng tahanan at ng katiwasayan ng pagkabata.
Kung sino nga ba ang nag-imbento ng sining ng paggawa ng tinapay ay hindi alam. Sa Genesis 3:19, ang unang nagkasalang mga tao ay sinabihan: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa.” Maliwanag, ang salitang “tinapay” ay ginamit dito bilang isang sagisag ng pagkain sa pangkalahatan. Sa Genesis 14:18, 19, gayunman, mababasa natin na nang lumabas ang saserdoteng si Melquisedec upang pagpalain ang patriyarkang si Abraham, siya “ay naglabas ng tinapay at alak.” Tiyak na ito ay tumutukoy sa isang anyo ng tinapay na nagsisilbing pangunahing pagkain para sa mga tao noong sinaunang panahon. Sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, ang tinapay ay nagpapatuloy bilang pangunahing pagkain.
Ang sinaunang Ehipto ay may komersiyal na mga panadero, tulad ng ibang mga bansa ng maglaon, gaya ng Gresya at Roma. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang pagbabago sa industriya ay lubusang kumikilos. Ang paggawa ng tinapay ay umaalis sa mga tahanan at nagtutungo sa mga pagawaan para sa maramihang produksiyon. Maraming bagong imbensiyon ang nagsilbi sa mga pangangailangang ito sa produksiyon: mga makinang panghalo, mga chain conveyor, awtomatikong mga hurno, gayundin ng mga makinang panghiwa at pambalot. Ang paggawa ng tinapay ay umunlad mula sa isang sining na pantahanan tungo sa siyensiyang pangkomersiyo.
Ang marami, kung hindi man ang karamihan, ng tinapay na kinakain ngayon sa industriyalisadong mga bansa ay ginagawa nang komersiyal. At ito’y patuloy na nagiging isang mahalagang bahagi ng pagkain sa maraming kultura. Ano kaya ang kalalabasan ng hapunang spaghetti na walang malutong na Italyanong tinapay? O gunigunihin ang isang nakabubusog na pagkaing Aleman na sauerkraut nang walang lasa ng maitim, nginunguyang tinapay na pumpernickel! Sino ang makatatanggi sa mga pancake sa isang malamig na umaga ng taglamig? Ang mga pancake ay wala kundi mabilis-prituhing tinapay na gawa sa cornmeal, whole wheat na arina, o buckwheat na arina.
Ang isang klase ng tinapay na nagiging napakapopular
sa Kanluraning mga bansa ay ang ginagamit sa Italyanong pizza. Nakatutuwa ring pagmasdan ang paggawa nito; kahit na ang maygulang na mga adulto ay magmamasid na may paghanga na gaya ng bata habang iniikot ng panaderong gumagawa ng pizza ang bilog at lapad na masa ng arina sa ibabaw ng kaniyang ulo taglay ang lahat ng talino ng isang nagtatanghal sa sirkus.Mayroon para sa lahat? Oo, talaga! Subalit marahil ang isa sa pinakamainam na paraan upang masiyahan sa tinapay ay subuking gumawa ng sarili mong tinapay. Baka magulat ka sa kasiyahan na makakamit mo mula sa pagsisikap na ito. At ito ay maaari ring magdulot sa isang maybahay ng diwa ng pagkamapanlikhang tagumpay na maaaring hindi niya masumpungan sa labahan o sa palanggana.
Ang kalakip na resipe ay tutulong sa iyo na gumawa ng tinapay na pinaalsa ng lebadura (yeast) na popular sa Kanluraning mga bansa. Ang pagsukat at paghahalo ng mga sangkap ay maaaring maging nakatutuwa. At ang pagmamasa sa masa ay maaaring maging isang mahusay na palabasan ng lahat ng uri ng sama ng loob! Ang pagmamasid sa pag-alsa ng tinapay ay isa pang nakahahalinang bahagi ng paggawa ng tinapay. Ang pag-alsa ay resulta ng permintasyon. Kapag idinagdag sa masa, ang lebadura ay gumagawa ng mga bula ng gas na carbon dioxide, ginagawang butas-butas ang masa. Ngayon ang masa ay minamasa, hinuhubog sa mga pan, at hinahayaang umalsang muli sa mga lalagyan ng tinapay bago ihurno. Ang mga pan ay saka nagtutungo sa hurno—at anong pagkasarap-sarap na amoy ang humahalimuyak sa buong bahay! Pinakamasarap sa lahat ang pagtikim. Maaaring masumpungan mong mahirap na magbalik sa tinapay na bili sa tindahan. At minsang matuto kang gumawa ng tinapay, maaaring ikaw ay maudyukang mag-eksperimento sa ibang arina, gaya ng trigo, sebada, rye, mais, bigas, patatas, o soybean.
Totoo, maaaring mas kombinyente para sa iyo na basta bumili ng iba’t ibang klase ng tinapay na komersiyal ang pagkakagawa. Ngunit kung ang iyong kagalakan ay nasa paggawa ng tinapay o nasa pagkain nito, kung ito man ay pangunahing bahagi ng inyong pagkain o isa lamang dagdag na pagkain, huwag mong ipagwalang-bahala ang tinapay. Ang Diyos mismo ang naglalaan ng “ating kakanin sa araw-araw”!
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Resipe ng Tinapay
Tunawin ang 1 cake ng lebadura (o 3 pakete ng tuyong lebadura) sa 4 na tasang mainit na tubig
Ihalo ang 5 tasang arina (whole wheat o puting arina)
Hayaang umalsa hanggang doble ng laki nito sa isang mainit na dako
Dagdagan ng 2 kutsaritang asin, 1/2 tasang asukal, 1/2 tasang mantika
Haluing mabuti
Dagdagan ng mga 4 pang tasa ng arina upang tumigas ang masa
Masahin sa ibabaw na may budbod na arina sa loob ng 15 minuto
Paalsahin sa isang mangkok na pinahiran ng mantika na doble ng laki nito
Masahin nang bahagya, at hubugin sa apat na pan
Paalsahin ng ilang minuto sa mga lalagyan ng tinapay na pinahiran ng mantika
Ihurno sa init na 163 digris Celsius sa loob ng isang oras