Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mas Mabuti Kaysa Pag-aaginaldo

Mas Mabuti Kaysa Pag-aaginaldo

Mas Mabuti Kaysa Pag-aaginaldo

“PARA bang ito ang pinakanatural na bagay sa daigdig, sinabi sa akin ng anim-na-taóng-gulang na si Christopher, na sa Pasko siya ay ‘walang tatanggapin na anuman.’ Subalit siya ay nagsalita na walang anumang bakas ng sama ng loob. Gayundin ang sinabi ni Alexander (8), na ang sabi: ‘Kami’y mga Saksi ni Jehova.’”

Gayon sinimulan ng pahayagang Aleman na Kölner Stadt-Anzeiger ang isang artikulo tungkol sa isang pamilya na sinasabi ng pahayagan “ay hindi pinapansin ang Pasko sapagkat hindi ito ang petsa ng kapanganakan ni Jesus at sapagkat ito ay may paganong pinagmulan.” Ngunit hindi ba dapat kaawaan sina Christopher at Alexander? Hindi naman, yamang, gaya ng binabanggit ng artikulo, ang mga istante ng laruan ng mga bata ay hindi nagpapatunay sa kapabayaan ng mga magulang.

Gayunman, iginiit ng mga magulang na dumadalo sa isang talakayan ng magulang-guro sa gawing timog ng Alemanya na ang hindi pagbibigay ng mga Saksi ni Jehova ng mga regalo kung Pasko sa kanilang mga anak ay gumagawa sa kanila na makadama ng kawalang kasiguruhan. Gayunman, hindi ito totoo, gaya ng sinabi ng kanilang guro. Sinabi niya na ang “mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay malayang naipahahayag ang kanilang mga sarili, sila’y timbang, at kayang-kaya nilang ipaliwanag ang kanilang paniniwala, isang bagay na hindi magawa ng ibang bata.”

Oo, pinalitan ng sampu-sampung libong pamilya sa buong daigdig ang pag-aaginaldo ng isang bagay na mas mabuti, gumagawa ng determinadong pagsisikap na bigyan ang kanilang mga anak ng mga regalo sa buong taon. Ito ay isang pinagmumulan ng kagalakan para sa lahat.

Ang isang pakinabang ay na ito’y nagbubunga ng maraming maliligayang okasyon sa isang taon, at higit na mapahahalagahan ng mga bata ang bawat regalo. Ang isa pang pakinabang ay na nalalaman ng mga bata na ang kanilang magulang ang nagbibigay ng mga regalo dahil sa pag-ibig, at pinahahalagahan nila ang mga ito. Ang mga magulang ay hindi gumugugol ng pera at pagsisikap upang ang pasasalamat ng kanilang mga anak ay mapunta lamang sa ilang guniguning Santa Klaus o sila’y gawing mga walang utang na loob, inaakalang pananagutan ni Santa Klaus na bigyan sila ng mga regalo at na hindi na kailangan pang magpasalamat.

Ang Regalong Nakahihigit ang Halaga

Madalas na si Dominik, diyes anyos, at si Tina, seis anyos, ay nakasusumpong ng mumunting mga sorpresa buhat sa kanilang mga magulang​—isang piraso ng tsokolate sa ibabaw ng unan, o isang pluma o kuwaderno na magagamit nila sa paaralan, o isang angkop na laruan upang gawin silang abala sa mga buwan ng taglamig. Ngunit ano ba ang pinahahalagahan nila nang higit? Ang kanilang mga magulang ay sumagot: “Kapag kami’y gumugugol ng panahon na kasama nila​— halimbawa, sa paglalaro sa niyebe.”

Maraming ibang magulang na mga Saksi ni Jehova ay sumasang-ayon. “Sa abalang daigdig na ito,” sabi ni Edelgard, “ang panahon ang pinakamahalagang bagay na maibibigay ko sa aking mga anak.” At sumasang-ayon ang mga kabataan! Sinasabi ni Ursula na itinuturing ng kaniyang mga anak na ang panahong ginugol na sama-sama sa mga iskursiyon ng pamilya “ang pinakamagandang regalo sa lahat.” Maging ang tagapamanihala ng isang samahan ng mga guro sa Alemanya ay nagsabi kamakailan na ang pinakamainam na mga aginaldo na maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang panahon at tiyaga.

Walang alinlangan tungkol dito, ang pagbibigay ng sarili​—ng panahon, pagmamalasakit, at pansin—​ito man ay sa pamilya o sa kaibigan ng isa, ay isang regalo na totoong nakahihigit ang halaga. Maliwanag na ang mga regalong iyon ay hindi kailangang hanggahan sa ilang araw ng taon.

Masayang Pagbibigay na Nakasisiya

Isaalang-alang ang mga halimbawa ng mga Saksi ni Jehova na nakikibahagi sa isang bagay na mas mabuti kaysa pag-aaginaldo. Sina Wilfried at Inge sa Alemanya ay nagsabi: “Karaniwan nang kami’y nagbibigay ng regalo kailanma’t nauudyukan kaming gawin ito, bagaman pinaplano namin ang mas malaking pagbibigay.” Sa katulad na paraan, sina Dieter at Debora ay gumagawa ng kusang pagsisikap na bigyan ng regalo ang kanilang bunsong anak na lalaki sa buong taon. Sabi nila na “ang laki o halaga ng regalo ay pangalawa lamang, ang malalaki o mamahaling regalo ay bihira lamang.”

Maraming bata ang umaasa ng mga regalo sa Kapaskuhan, kaya wala nang sorpresa. Sabi ni Helga ang kaniyang “mga anak ay mas natutuwa kapag sila ay tumanggap ng di-inaasahang mga regalo kaysa kung sila ay tatanggap ng mga bagay sa mga okasyon kung kailan inaasahan ang mga regalo.” Si Natascha, isang 15-anyos, ay sumasang-ayon na “mas mabuting tumanggap ng isang sorpresang regalo na nagmumula sa puso kaysa isang regalo na ibinigay sa isang takdang panahon dahil sa hinihiling ng kaugalian.”

Sa katulad ding paraan, mahalagang maging alisto sa uri ng mga regalo na nagugustuhan ng mga bata. Tungkol dito, si Fortunato, na nakatira rin sa Alemanya, ay nag-uulat: “Ang mga regalong ibinibigay namin ay karaniwang mga bagay na sinasabi ng mga batang gusto nilang magkaroon sila. Subalit sinisikap naming ibigay ito sa isang di-inaasahang panahon. Makikita mo ang kanilang kagalakan!”

Nasusumpungan din ng mga magulang na ang pagreregalo sa mga bata kapag sila ay maysakit ay nagpapasigla sa kanila. Ang iba ay nagbibigay ng regalo bago ang bakasyon upang tulungan ang mga bata na maging abala. Halimbawa, bago ang bakasyon, si Stefan ay binigyan ng isang mikroskopyo. “Ito ay isang ganap na sorpresa,” ulat ng tatay niya, “at talagang napalundag siya sa tuwa.” Oo, ang kusa, hindi sapilitang pagreregalo ay nagdadala ng malaking kaligayahan kapuwa sa nagbibigay at sa tumatanggap.

Totoo, ang mga bata ay mayroong kani-kaniyang kagustuhan. Ganito ang sabi nina Jörg at Ursula: “Kapag sinasabi sa amin ng aming anak na babae kung ano ang gusto niya, kakausapin namin siya tungkol dito. Ang kaniya bang kahilingan ay makatuwiran? Ito ba ay angkop para sa kaniyang edad? May lugar ba sa bahay para rito? Kung hindi namin masapatan agad ang kaniyang kahilingan, tinatandaan namin ito at sinisikap naming ibigay ito sa isang angkop na okasyon sa ibang panahon.” Mangyari pa, makabubuting huwag palakihin sa layaw ang mga bata sa pamamagitan ng pagsunod sa bawat mahiligan nila, na mag-aalis sa kanila ng kagalakan na dulot ng pagtanggap ng mga regalo.

Ang mga magulang na nagbibigay ay ipinapasa sa kanilang mga anak ang isang espiritu na may kagalakang mababanaag. Sabi ng sampung-taóng-gulang na si Sebastian: “Hindi ko na kailangang hintayin ang mga pista opisyal upang paligayahin ang aking mga magulang o mga kapatid na babae. Kailangan ko lamang maging nasa kondisyon at may ilang barya sa aking bulsa.”

Nasusumpungan ng mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova na may ibang uri ng mga regalo rin, na mas mabuti kaysa pag-aaginaldo. Ito ay ang isinaplanong paglalakbay o mga iskursiyon, sa isang zoo, museo, eksibisyon, o sa isang lalawigan. Ang mga kaloob na ito ay kapuwa nakapagtuturo at totoong nakasisiya sa mga kabataan.

Ang mga Pagpapala ng Maligayang Pagbibigay

Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa pagbibigay, maiiwasan natin ang panggigipit at kabiguan na kaakibat ng pag-aaginaldo. At tandaan, ang pagbibigay ng ating panahon at mga kakayahan upang maliwanagan at mapatibay ang iba sa mental at espirituwal na paraan ay isang regalo na mas mahalaga kaysa materyal na mga regalo. Pinatitibay ng nakahihigit na pagbibigay na ito ang mga buklod ng pamilya, binubuklod ang mga pagkakaibigan, at nagdadala ng tunay na kagalakan sa lahat ng panahon hindi lamang sa tumatanggap kundi lalo na sa nagbibigay.​—Gawa 20:35.

Kaya sa halip ng kinaugaliang sapilitang pagbibigay sa Kapaskuhan sa taóng ito, bakit hindi subukin ang ibang paraan? Bakit hindi subukin ang isang mas mainam na paraan?

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Ngunit Hindi Kaya Hanap-hanapin Ito ng mga Bata?

Rebecca, 16: “Hindi ko hinahanap-hanap ang Pasko, yamang tumatanggap ako ng mga regalo sa buong taon. Mas nasisiyahan ako sa isang sorpresang regalo kaysa isang sapilitang regalo.”

Tina, 12: “Talagang natutuwa akong tumanggap ng angkop na mga regalo, hindi sa isang itinakdang panahon, kundi sa anumang panahon sa isang taon​—at hindi ng mga regalong dapat kong pasalamatan kahit na hindi ko gusto ang mga ito.”

Birgit, 15: “Lahat ng regalong maaaring tanggapin mo ay walang halaga kung may mga problema sa pamilya. Iyan ang dahilan kung bakit ginagawa namin ang maraming bagay na magkakasama bilang isang pamilya.”

Janosch, 12: “Mahal namin ang aming mga magulang kahit na hindi nila kami binibigyan ng anumang regalo. Ang pag-ibig nila ay isang dakilang regalo sa ganang sarili.”

[Larawan sa pahina 10]

Isang magandang regalo​—ang iyong panahon!