Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pakikitungo sa Kamatayan Noong nakaraang taon, ang aking mahal na kuya, na 18 taóng gulang lamang, ay namatay sa isang aksidente sa daan. Maguguniguni ninyo kung gaano ko pinahalagahan ang serye ng mga artikulong “Kapag ang Isang Minamahal ay Namatay.” (Hulyo 22, 1992) Higit kong pinahalagahan ang kaisipang ang isa na hindi nagpapamalas ng labis na pighati ay hindi naman talagang malamig o di-mapagmahal. Dahil sa aking ugaling masayahin, hindi ko talaga naipapahayag ang aking dalamhati nang lantaran. Sa gayon ang iba ay naghihinuha nang mali sa akin. Bagaman ang mga Kristiyano ay may pag-asa ng pagkabuhay-muli, kailangan pa rin nilang madama ang maibiging pag-unawa niyaong nasa kanilang paligid.

L. R., Italya

Mga Dayuhan Lagi kong naiibigan ang maganda, kaakit-akit na guhit sa inyong pabalat. Kaya naman, ako’y higit na naantig sa pabalat ng labas ng Mayo 8, 1992, “Tulungan N’yo Kami! Kami’y mga Dayuhan.” Habang ako’y lumalaki, karaniwang nakikita ko ang pagtatangi sa mga dayuhan​—mga pag-aglahi at karahasan. Natatandaan ko pa nga na may nagsasabi sa aking ama na siya’y dapat na bumalik sa kaniyang pinanggalingan. Ang balintuna ay, kami’y mga Indian na taga-Hilagang Amerika at kami ang mga naunang tumira rito! Saan kami pupunta? Inaasahan ko na pagka nabasa ng mga tao ang artikulong ito taglay ang bukas na isip, mapahahalagahan nila na ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos.

T. B., Canada

Pagiging Kaliwete Bilang isang kaliwete at masugid na mambabasa ng Gumising!, hayaan ninyong batiin ko kayo sa napakahusay na paraan ng pagtalakay sa inyong artikulong “Pagiging Kaliwete​—Disbentaha o Bentaha?” (Hunyo 8, 1992) Gayunman, maaari ba ninyong ipaliwanag sa akin kung bakit kalimitang itinutulad ng Bibliya ang “kaliwa” sa di-pagsang-ayon?

S. J. M., New Zealand

“Ang Diyos ay hindi nagtatangi,” kaya tiyak na wala siyang pagkiling sa mga taong kaliwete. (Gawa 10:34) Ang paggamit ng Bibliya sa kanan bilang panig ng pagsang-ayon ay waring nagmula sa katotohanan na karamihan sa mga tao ay gumagamit ng kanang kamay. Sa gayon ang kanang kamay ay nagsisilbing isang angkop na paglalarawan ng lakas o pabor. Makatuwiran, ang kaliwang kamay ang siyang kabaligtaran. Gayumpaman, ito’y ginagawa sa makahulugang diwa at hindi nilayong pasamain ang mga taong kaliwete.​—ED.

Pagiging Naiiba Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Papaano Ako Magkakalakas-loob na Maging Iba?” (Hunyo 22, 1992) Ang mga estudyante sa aming klase ay palaging may parti at labis na sumusunod sa uso. Ang kanilang samahan ay hindi mabuti para sa akin. Ako ay nasa gayong panggigipit anupat wala akong lakas ng loob na magsalita. Tinulungan ako ng artikulo na madaig ang takot. Sa tulong ni Jehova, nang sumunod na pagkakataon, naipaliwanag ko na ang aking pangmalas. Ngayon ang panggigipit ay naibsan. Maraming salamat.

M. E., Alemanya

Ang artikulong ito ang talagang kailangan naming mga nag-aaral. Sa napakatagal na panahon, sinikap kong iwasan na gumawa ng anumang problema, na huwag maging hayag. Napakaraming tukso, at hindi ko nagawang magbigay patotoo. Subalit sa pasimula ng aking ikalawang taon sa high school, ipinakilala ko ang aking sarili sa klase sa pagsasabing: “Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang aking libangan ay mag-aral ng Bibliya.” Dahil sa sinabi ko iyon, hindi ako makapagsalita o makagawa ng mga bagay na nakapag-aalinlangan. Isa pa ring tunay na pagsubok sa akin na magpatotoo sa mga kaibigan sa paaralan, at ayaw kong mapaiba. Sabalit isang araw isang babae ang nagsabi na siya’y naiinggit sa aking paraan ng pamumuhay at sa aking paninindigan. Ito ang nagpabago sa aking pag-iisip. Ngayon batid ko na hindi ako ang naiiba​—ang ibang tao ang naiiba. Ang paglilingkod sa Diyos ay normal!

M. A., Hapón