Ang Ating Nagbabagong Daigdig—Ano nga ba ang Inilalaan ng Kinabukasan?
Ang Ating Nagbabagong Daigdig—Ano nga ba ang Inilalaan ng Kinabukasan?
KUNG ang ating daigdig ay bubuti, anong mga mapagpipilian mayroon tayo? Ang isang mapagpipilian ay ang maniwala na ang mga pinuno at mga lider ng daigdig ay sa wakas magiging bukas-palad at pangungunahan ang sangkatauhan tungo sa mga daan ng pagpaparaya, pag-unawa, at kapayapaan sa isa’t isa.
Nangangahulugan iyan ng paniniwala na ang katapatan sa tribo at pagkamakabayan ay mawawala na at hahalinhan ng isang saloobin na nakahihigit pa sa itinatakda ng isang bansa na magdadala ng pagkakaisa sa daigdig.
Kasangkot din dito ang paniniwala na kikilalanin ng mga lider ng kapitalistang mga ekonomiya na ang motibong pakinabang lamang ay isang di-sapat na etika sa isang daigdig ng lansakang walang trabaho, walang tirahan, at pagkalaki-laking utang sa gamot.
Karagdagan pa ito ay nangangahulugan ng paniniwala na hahangarin ng lahat ng gumagawa ng sandata ng daigdig ang pandaigdig na kapayapaan at pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.
Isa pa, nangangahulugan ito na ang kriminal na mga elemento sa daigdig, pati na ang mga capo ng Mafia, ang mga amo ng mga pangkat ng kriminal sa Silangan, at ang mga negosyante ng narkotiko sa Timog Amerika, ay magsisisi at magpapanibagong buhay!
Sa ibang salita, nangangahulugan ito ng paniniwala sa isang gawang-taong Utopia—isang imposibleng pangarap. Kung lahat ng ito ay mangyayari nang walang tulong ang Diyos, kung gayon tayo ay nasa katulad na kalagayan niyaong inilarawan ng mananalaysay na si Paul Johnson sa kaniyang aklat na A History of the Modern World. Isinulat niya na ang isa sa saligan ng kasamaan na nakatutulong sa “kapaha-pahamak na mga kabiguan at kalunus-lunos na pangyayari” sa ating dantaon ay “ang palalong paniniwala na malulutas ng mga lalaki at babae ang lahat ng hiwaga sa sansinukob sa pamamagitan ng kanilang sariling mga talino.”—Ihambing ang Isaias 2:2-4.
Gayunman, may isang mabisang mapagpipilian para sa positibong pagbabago. Iyan ay ang maniwala na ang Maylikha ng lupa, ang May-ari ng lupa ng ating planeta, ang Dakilang Arkitekto ng pagbabago, ang Diyos na Jehova, ay makikialam sa mga suliranin ng tao upang iligtas ang kaniyang ginawa. Ipinakikita ng kasaysayan ng Bibliya na ang Diyos ay kumilos noon upang ipatupad ang kaniyang mga layunin, at ipinahihiwatig ng hula sa Bibliya na kikilos siyang muli sa malapit na hinaharap upang tuparin ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan at sa lupa.—Isaias 45:18.
Isang Pambihirang Pinagmumulan ng Maaasahang Impormasyon
Ang pambihirang Pinagmumulan ng tunay na kaalaman ng kung ano ang inilalaan ng kinabukasan para sa sangkatauhan ay inilarawan sa mga salita ng propeta sa Bibliya na si Isaias: “Iyong alalahanin ang mga dating bagay noong una, na ako ang Isang Banal at wala nang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko; ang Isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula, at mula noong unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari.”—Isaias 46:9-11.
Bakit nalalaman ni Jehova nang patiuna ang mga pangyayari na sasapit sa sangkatauhan? Minsan pa si Isaias ay sumasagot: “Kung paanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.” Ang mga pag-iisip ng Diyos para sa kinabukasan ng sangkatauhan ay ipinahayag sa Bibliya.—Isaias 55:9.
“Mapanganib na mga Panahon na Mahirap Pakitunguhan”
Ano ang inihula ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, para sa ating salinlahi? Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay nagbabala: “Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Mula noong 1914 at noong Digmaang Pandaigdig I, tayo ay nabubuhay na sa mga panahon na higit at higit na naging mapanganib. Ang katakawan, kasakiman, at kaimbutan ng tao sa kapangyarihan ay umakay sa kaniya na gumawa ng pasama nang pasamang kabuktutan hindi lamang sa kaniyang kapuwa kundi gayundin naman sa kalikasan mismo. Ang pagwawalang-bahala ng tao sa kaniyang kapaligiran ay nagsasapanganib sa hinaharap na pag-iral ng kaniyang mga anak at mga apo.
Ang kritikal na panganib na ito ay itinampok ng dating pangulo ng Czechoslovakia, si Vaclav Havel, na sumulat tungkol sa mga kalagayan sa bansang iyon. Sa katunayan, ang kaniyang mga salita ay kapit sa buong daigdig: “Ang mga ito ay resulta lamang ng . . . saloobin ng tao sa daigdig, sa kalikasan, sa ibang tao, sa buhay mismo. Ito ang mga resulta . . . ng kapalaluan ng makabagong tao, na naniniwalang nauunawaan niya ang lahat ng bagay at nalalaman niya ang lahat ng bagay, na tinatawag ang kaniyang sarili na panginoon ng kalikasan at ng daigdig. . . . Gayon ang kaisipan ng tao na hindi kinikilala ang anuman na . . . higit na nakatataas sa kaniyang sarili.”
Ang sinipi kanina na si Al Gore ay sumulat: “Ako’y kumbinsido na maraming tao ang nawalan na ng pananampalataya sa hinaharap, sapagkat sa katotohanan lahat ng pitak ng ating sibilisasyon tayo ay nagsisimulang kumilos na para bang ang ating kinabukasan ay lubhang kaduda-duda ngayon anupat mas makabubuting ituon ang ating pansin tangi sa ating mga pangangailangan sa kasalukuyan at sa panandaliang mga problema.” (Earth in the Balance) Tunay ang kawalan ng pag-asa tungkol sa kinabukasan ay waring siyang umiiral na saloobin.
Ang bahagi ng kalagayang ito ay nangyari sapagkat ang mga salita ni Pablo ay natupad: “Ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagkunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan nito; at sa mga ito ay lumayo ka.”—2 Timoteo 3:2-5.
Isang Mas Mainam na Mapagpipilian
Ngunit nilayon ng Diyos na magbago ang mga bagay sa lupang ito—sa ikabubuti. Siya ay nangako na dadalhin niya ang “mga bagong langit at isang bagong lupa . . ., na tinatahanan ng katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Upang isauli ang maruming lupang ito sa Paraisong kalagayan, dapat munang “ipahamak [ng Diyos na Jehova] ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Paano ito mangyayari?
Ginagamit ang makasagisag na wika, ipinahihiwatig ng Bibliya na malapit nang ilagay ng Diyos sa puso ng pulitikal na mga elemento, pati na sa United Nations, na lipulin ang kapangyarihan at ang prestihiyo ng marahil ay siyang pinakanegatibong puwersa sa kasaysayan ng tao—ang pambansa at bumabahaging impluwensiya ng relihiyon sa buong lupa. a Sang-ayon kay Martin van Creveld, sa kaniyang aklat na The Transformation of War, “waring tayo ay may lahat ng dahilan na umasang ang relihiyosong mga saloobin, paniniwala, at panatisismo ay gaganap ng isang malaki-laking bahagi sa pagganyak ng armadong labanan kaysa nagawa nito, sa Kanluran sa paano man, sa nakalipas na 300 taon.” Marahil dahil sa pakikialam sa pulitika, ang relihiyon ay magdurusa sa mga kamay ng pulitikal na mga kapangyarihan. Gayunman, walang kamalay-malay na tinutupad ng mga kapangyarihang iyon ang kalooban ng Diyos.—Apocalipsis 17:16, 17; 18:21, 24.
Ipinakikita pa ng Bibliya na susunod na babalingan ng Diyos ang mapagsamantala, tulad-hayop na pulitikal na mga elemento ng bulok na pandaigdig na sistema ni Satanas at isasangkot sila sa kaniyang pangwakas na digmaan, o ang digmaan ng Armagedon. Pagkatapos alisin ang walang awang pulitikal na mga sistema at ang kanilang panginoon na nagmamaneobra sa kanila, si Satanas, ang b—Apocalipsis 13:1, 2; 16:14-16.
daan ay mahahawan para sa mapayapang bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos.Ipinangangaral na ng mga Saksi ni Jehova sa bahay-bahay ang tungkol sa dumarating na mga pagbabagong ito sa loob halos ng 80 taon. Noong panahong iyan, nakita at naranasan din nila ang maraming pagbabago na humubog sa sangkatauhan. Naranasan nila ang mga bilangguan at mga kampong piitan ng Nazi dahil sa kanilang salig-Bibliyang mga simulain. Naranasan nila ang katakut-takot na sakit at paghihirap ng buhay sa maraming bahagi ng Aprika, pati na ang mga gera sibil at pantribong alitan. Tiniis nila ang pag-uusig sa mga kamay ng karamihan ng pulitikal at relihiyosong sistema dahil sa kanilang neutralidad at sa kanilang masigasig na gawaing pangangaral. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, nakita nila ang pagpapala ng Diyos sa kanilang pambuong daigdig na gawaing pagtuturo habang sila ay lumalago mula sa ilang libo noong 1914 tungo sa halos apat at kalahating milyon sa 1993.
Mga Dahilan Para sa Pag-asa
Sa halip na magapi ng kawalang pag-asa, ang mga Saksi ay may optimistikong pangmalas sapagkat alam nila na ang pinakamainam at ang pinakadakilang pagbabago ay malapit nang mangyari sa lupang ito. Tinupad ng mga pangyayari mula noong 1914 ang mga hula na ibinigay ni Jesus, tinatandaan ang panahon ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian at ipinahihiwatig na tayo ay nasa panahon na ng kawakasan para sa anumang kinasihan-ng-tao na “bagong daigdig na kaguluhan,” gaya ng inilarawan ng isang manunulat na Pranses sa Le Monde na mga pag-asa para sa malapit na hinaharap. Sinabi ni Jesus: “Pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.”—Lucas 21:7-32.
Ang “bagong daigdig na kaayusan” ng tao ay madaling tablan ng mga kapintasan ng tao—ambisyon, kasakiman sa kapangyarihan, kaimbutan, katiwalian, at kawalang-katarungan. Igagarantiya ng bagong sanlibutan ng Diyos ang katarungan. Tungkol sa kaniya ay nasusulat: “Ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.”—Deuteronomio 32:4.
Ang “bagong daigdig na kaayusan” ng tao ay bukas sa tinatawag ni McGeorge Bundy, dalubhasa ng E.U. sa patakarang panlabas, na “makitid na makabayang damdamin kung saan maaaring dumulog ang mga lider.” Nagpapatuloy, aniya: “Nalalaman natin buhat sa kasaysayan kung paano maaaring magbigay ng lakas ang kabiguan sa ekonomiya at lipunan sa gayong mga ekstremista. Nalalaman din natin na saanman ito mangyari, ang uring iyon ng nasyonalismo ay mapanganib.”
Iginagarantiya ng bagong sanlibutan ng Diyos ang pagkakasuwato at kapayapaan sa pagitan ng mga tao ng lahat ng tribo at bayan sapagkat sila ay tuturuan sa mga daan ni Jehova ng walang pagtatangi at pag-ibig. Inihula ni Isaias: “At lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” (Isaias 54:13) At ang Kristiyanong apostol na si Pedro ay nagsabi: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Walang alinlangan, magkakaroon ng malaking pagbabago sa malapit na hinaharap sa sanlibutan gaya ng nalalaman natin. Gayunman, ang pinakadakilang mga pagbabago, ang permanente at kapaki-pakinabang na mga pagbabago, ay yaong ipinangakong pangyayarihin ng Diyos, at siya ay “hindi maaaring magsinungaling.”—Tito 1:2.
[Mga talababa]
a Ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay ipinakikilala sa Bibliya bilang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot,” isang reynang tigmak ng dugo na ang “mga kasalanan ay abot hanggang langit.” (Apocalipsis 17:3-6, 16-18; 18:5-7) Para sa detalyadong pagpapaliwanag ng pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila, tingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, mga pahina 368-71, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Para sa mas detalyadong paliwanag ng mga pangyayaring ito na inihula sa Bibliya, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! kabanatang 30-42, inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.