Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Ating Nagbabagong Daigdig—Saan Ito Patungo?

Ang Ating Nagbabagong Daigdig—Saan Ito Patungo?

Ang Ating Nagbabagong Daigdig​—Saan Ito Patungo?

ANG ilang pagbabago ay may malalim at nagtatagal na epekto sa buhay ng angaw-angaw, pati na sa populasyon ng buong daigdig at sa hinaharap na mga salinlahi. Ang marahas na krimen, pag-abuso sa droga, ang paglaganap ng AIDS, ang polusyon ng tubig at hangin, at ang pagkalbo ng kagubatan ay ilan lamang sa mga pagbabago na nakaaapekto sa ating lahat. Binabago rin ng wakas ng Cold War at ng paglaganap ng demokrasyang istilong-Kanluran at ng ekonomiyang bilihan nito ang mga buhay at iniimpluwensiyahan ang hinaharap. Ating suriin ang ilan sa mga salik na ito.

Kung Paano Binago ng Krimen ang Ating mga Buhay

Kumusta ang mga lansangan sa inyong lugar? Ikaw ba ay ligtas na nakalalakad na mag-isa sa gabi? Mga 30 o 40 taon lamang ang nakalipas, naiiwan pa nga ng maraming tao ang kanilang mga tahanan nang walang kandado. Subalit nagbago na ang panahon. Ngayon ang ilang pinto ay may dalawa o tatlong kandado, at ang mga bintana ay may mga halang.

Ang mga tao ngayon ay natatakot magsuot ng kanilang pinakamagarang damit at alahas sa mga lansangan. Ang ilang naninirahan sa lunsod ay napatay dahil sa isang diyaket na katad o isang mink coat. Ang iba pa ay namatay sa palitan ng putok sa pagitan ng mga pangkat ng taong bumibili at nagbibili ng droga. Ang walang malay na mga miron, pati na ang maraming bata, ay nasusugatan o napapatay halos sa araw-araw. Ang mga kotse ay hindi maaaring iwang ligtas sa lansangan nang walang nakakabit na sistemang panseguridad upang hadlangan ang parasitikong mga magnanakaw. Sa pilipit na kalagayang ito ng daigdig, nagbago na ang mga tao. Ang katapatan at integridad ay mga pamantayang halos nakalimutan na. Naglaho na ang pagtitiwala.

Ang krimen at karahasan ay isang pandaigdig na palatandaan. Inilalarawan ng sumusunod na mga ulong balita mula sa iba’t ibang pinagmulan ang puntong ito: “Mga Pulis at mga Magnanakaw, Organisadong Krimen at Bisyo; Nasusumpungan ng Moscow na Mayroon Siya ng Lahat ng Ito”; “Isang Bagong Panahon ang Dumating sa Korea, Kasunod ng Krimen”; “Krimen sa Lansangan ay Humampas sa Pang-araw-araw na Buhay sa Prague”; “Ang Hapón ay Nakipaglaban sa Organisadong Krimen, at ang Organisadong Krimen ay Gumanti”; “Ang Mahigpit na Hawak ng Octopus​—Ang Nangungunang Kalaban ng Mafia ay Pinasabog.” Ang krimen ay isang pansansinukob na problema.

Ang krimen ngayon ay mas marahas din. Ang buhay ay itinuturing na walang gaanong halaga. Sa Rio de Janeiro, Brazil, isang lugar ng mga slum sa gilid ng lunsod ay “opisyal na kinilala ng United Nations bilang ang pinakamarahas na dako sa daigdig. Mahigit na 2,500 katao ang napapatay roon sa bawat taon.” (World Press Review) Sa Colombia, sinusugo ng makapangyarihang mga tao sa negosyo ng narkotiko ang kanilang kabataang mga sicario, o bayarang mamamatay-tao, sakay ng mga motorsiklo upang makipagtuos sa mga kakompitensiya at sa mga may utang sa pamamagitan ng kanilang natatanging uri ng mabilis na parusang kamatayan. At kadalasan, sa aba mo kung nasaksihan mo ang isang krimen​—ito man ay sa Colombia o saan man. Ikaw ang magiging susunod na biktima.

Ang isa pang malaking pagbabago ay na parami nang paraming kriminal ang nagdadala ng awtomatikong nakamamatay na mga sandata, at parami nang paraming mamamayan ang bumabaling sa pagdadala ng baril para sa pagtatanggol-sa-sarili. Ang pagdami na ito ng sandata ay awtomatikong nangangahulugan ng pagdami ng mga kamatayan at malubhang mga pinsala, sa pamamagitan ng krimen o ng aksidente. Isa na ngayong pansansinukob na katotohanan na ang isang baril sa bulsa o sa bahay ay maaaring gumawa sa sinuman na maging isang potensiyal na mamamatay-tao.

Krimen at Droga

Limampung taon na ang nakalipas, sino ang mag-aakala sa mga droga bilang isang pandaigdig na problema? Ngayon ito ay isa sa pangunahing sanhi ng krimen at karahasan. Sa kaniyang aklat na Terrorism, Drugs and Crime in Europe After 1992, nakikini-kinita ni Richard Clutterbuck na “sa kalaunan ang paglago ng kalakalan ng narkotiko ay maaaring maging ang pinakamalaking banta sa lahat ng kabihasnan ng tao. . . . Ang mga tubò ay hindi lamang nagbibigay ng pagkalaki-laking kapangyarihan sa ekonomiya at pulitika sa mga negosyante ng narkotiko [ang Colombia ay isang malinaw na halimbawa], kundi tinutustusan din nito ang katakut-takot na dami ng krimen sa buong daigdig.” Sinabi rin niya: “Ang isa sa pinakamalakas na sanhi ng terorismo at kriminal na karahasan sa daigdig ay ang kalakalan ng cocaine mula sa mga taniman ng coca sa Colombia tungo sa mga sugapa sa Europa at sa EUA.”

Ang laganap na pagdami ng kriminal na gawain at ang pagdami ng mga bilanggo sa daigdig ay nagpapakita na angaw-angaw na mga tao ang may masamang balak at kaunting pagnanais na magbago. Nakita ng marami na ang krimen ay pinakikinabangan. Bunga nito, ang ating daigdig ay nagbago​—sa ikasasama. Ito ay naging higit na mapanganib.

AIDS​—Pinangyari ba Nito ang Pagbabago?

Kung ano ang unang lumitaw na isang sakit na pangunahin nang apektado ang mga homoseksuwal ay naging isang salot na nakaaapekto sa mga tao ng lahat ng lahi at istilo ng buhay. Ang AIDS ay wala nang paborito. Sa ilang bansa sa Aprika, pinapatay nito ang malaking bahagi ng mga heteroseksuwal. Bunga nito, ang kahandalapakan sa sekso para sa ilan ay waring biglang nawala sa uso, hindi sa anumang moral na kadahilanan, kundi dahil sa takot na mahawa. Ang “ligtas na sekso” ang kasabihan ngayon, at ang paggamit ng mga condom ang pangunahing inirerekomenda bilang pangontrang hadlang. Ang pag-iwas sa imoralidad ay hindi gaanong naiibigang pananggalang. Subalit paano maaapektuhan ng AIDS ang sambahayan ng tao sa malapit na hinaharap?

Iniulat kamakailan ng magasing Time: “Sa taóng 2000 ang AIDS ay maaaring maging ang pinakamalaking epidemya ng dantaon, hinihigitan pa ang salot ng trangkaso ng 1918. Ang malaking sakunang iyon ay pumatay ng 20 milyon katao, o 1% ng populasyon ng daigdig​—mahigit sa doble ng bilang ng mga sundalong nasawi sa Digmaang Pandaigdig I.” Gaya ng sabi ng isang dalubhasa, “ang epidemyang ito ng AIDS ay isa sa pinakamalaganap sa buong kasaysayan.”

Sa kabila ng bagay na milyun-milyong dolyar at iba pang salapi ng ibang bansa ay ibinuhos sa pananaliksik tungkol sa AIDS, wala pa ring lunas na natatanaw. Sa isang komperensiya kamakailan tungkol sa AIDS sa Amsterdam, Netherlands, nagsama-sama ang 11,000 siyentipiko at ibang mga dalubhasa upang pag-aralan ang problema. “Ang kalagayan ay malungkot, ipinababanaag ang isang dekada ng pagkasiphayo, kabiguan at tumitinding kapahamakan. . . . Ang sangkatauhan ay maaaring malayo pa upang sugpuin ang AIDS kaysa nang magsimula ang hangad na ito. Walang bakuna, walang lunas at wala kahit na isang di-mapag-aalinlanganang mabisang paggamot.” (Time) Para sa mga kasalukuyang positibo sa HIV, malamang na sila ay magkasakit ng AIDS, ang pag-asa ay malabo. Dito man, ang pagbabago ay para sa ikasasama.

Pagbabago sa Pulitika ng Daigdig

Ang nagbagong kalagayan sa pulitika ng nakaraang apat na taon ay hindi inaasahan ng maraming lider at marahil lalo nang hindi inaasahan niyaong mga lider sa Estados Unidos. Bigla na lang nasumpungan nito ang sarili na walang kakompetensiya sa larangan ng pulitika. Ito ay inihambing sa isang lubhang naganyak, di-matalong koponan sa basketball na walang anu-ano’y natuklasan nitong wala nang gustong makipaglaro rito. Ang suliraning ito ay binuod sa isang artikulo noong 1990 ng editor ng magasing Foreign Policy, si Charles William Maynes: “Sa ngayon ang atas ng patakarang panlabas ng E.U. ay hindi palayain ang bansa mula sa isang kapaha-pahamak na digmaan kundi magtatag ng di-inaasahang kapayapaan na biglang naganap sa pagitan ng Estados Unidos at ng [dating] Unyong Sobyet.”

Ang pagdami ng kaalamang nuklear ay naghaharap ng bagong mga banta, samantalang ang digmaan na may kombensiyunal na mga sandata ay patuloy na lumalago​—sa kasiyahan ng mga negosyante ng mga sandata ng daigdig. Sa isang daigdig na nangangailangan ng kapayapaan, pinalalakas ng maraming pulitikal na lider ang kanilang mga hukbo at ang kanilang sandatahan. At hindi kaya ng halos bangkaroteng United Nations na lunasan ang mga problema ng daigdig.

Ang Di-nagbabagong Sumpa ng Nasyonalismo

Habang nalalansag ang Komunismo, ginawang popular ng dating presidente ng E.U. na si Bush ang idea ng “isang bagong daigdig na kaayusan.” Gayunman, gaya ng natuklasan ng maraming lider sa pulitika, ang matatalinong salawikain ay madaling imbentuhin; ang positibong mga pagbabago ay mas mahirap gawin. Sa kaniyang aklat na After the Fall​—The Pursuit of Democracy in Central Europe, si Jeffrey Goldfarb ay nagsasabi: “Ang walang hangganang pag-asa tungkol sa ‘isang bagong daigdig na kaayusan’ ay mabilis na sinundan ng kabatiran na ang pinakamatandang mga problema ay nasa atin pa rin, at kung minsan ay may kasamang paghihiganti. Ang kasiglahan ng kalayaan . . . ay nalambungan ng pagkasiphayo dahil sa pulitikal na tensiyon, labanang makabayan, relihiyosong pundamentalismo, at pagbagsak ng ekonomiya.” Tiyak na ang gera sibil sa dating Yugoslavia ay isang malinaw na halimbawa ng bumabahaging impluwensiya ng pulitika, relihiyon, at nasyonalismo.

Si Goldfarb ay nagpapatuloy: “Ang xenophobia [takot sa mga banyaga] at ang personal na kawalan ng kasiguruhan ay naging mga katotohanan ng buhay sa Gitnang Europa. Ang demokrasya ay hindi kusang nagdadala ng ipinangakong resulta sa ekonomiya, pulitika, at kultura, at ang ekonomiyang bilihan ay hindi lamang nangangako ng mga kayamanan, kundi lumilikha rin ito ng di malirip na mga problema sa mga hindi marunong gumawa rito.”

Ngunit maliwanag na hindi ito ang mga problema ng Gitnang Europa at ng mga republika ng dating Unyong Sobyet lamang; ang xenophobia at ang mabuway na ekonomiya ay pambuong daigdig. Pinagbabayaran ito ng sambahayan ng tao ng paghihirap at kamatayan. At ang malapit na hinaharap ay walang inilalaang pag-asa ng pagbabago sa malalalim ang pagkakaugat na mga saloobing ito na lumilikha ng poot at karahasan. Bakit gayon? Sapagkat ang karamihan ng edukasyong nakukuha​—ito man ay mula sa ating mga magulang o mula sa sistema ng paaralan na pabor at humihimok ng nasyonalismo—​ay nagkikintal sa isip ng poot, hindi pagpaparaya, at mga idea ng kahigitan salig sa kabansaan, etniko at pantribong pinagmulan, o wika.

Ang nasyonalismo, tinawag ng lingguhang magasing Asiaweek na “ang Huling Pangit na Ismo,” ang isa sa di-nagbabagong salik na patuloy na nag-uudyok ng poot at pagbubo ng dugo. Binanggit ng magasing iyon: “Kung ang pagmamataas sa pagiging isang Serb ay nangangahulugan ng pagkapoot sa isang Croat, kung ang kalayaan para sa isang Armeniano ay nangangahulugan ng paghihiganti sa isang Turko, kung ang kasarinlan para sa isang Zulu ay nangangahulugan ng paglupig sa isang Xhosa at kung ang demokrasya para sa isang Romaniano ay nangangahulugan ng pagpapaalis sa isang Hungariano, kung gayon inilagay na ng nasyonalismo ang pinakapangit na mukha nito.”

Ipinagugunita nito sa atin kung ano ang minsa’y sinabi ni Albert Einstein: “Ang nasyonalismo ay isang saloobing-bata. Ito ay lubhang nakahahawa na parang tigdas ng sangkatauhan.” Halos ang lahat ay nagiging makabayan sa isang panahon, at ito ay patuloy na lumalaganap. Noong 1946, ang Britanong mananalaysay na si Arnold Toynbee ay sumulat: “Ang pagkamakabayan . . . ay lubhang humalili sa Kristiyanismo bilang ang relihiyon ng Kanluraning Daigdig.”

Mayroon bang anumang pag-asa ng pagbabago sa paggawi ng tao sa kasalukuyang kapaligiran? Sabi ng ilan na ang pagbabago ay maaaring makamit lamang sa pamamagitan ng isang radikal na pagbabago sa edukasyon. Ang ekonomistang si John K. Galbraith ay sumulat: “Ang mga katangian ng tao ang tumitiyak sa bilis ng pag-unlad. Kaya . . . walang posibleng pagsulong kung hindi magbabago ang tao, at ang pagsulong ay tiyak kung ang mga tao ay malaya at edukado. . . . Ang paglupig sa iliterasya ay nauuna.” Anong pag-asa mayroon na ang mga sistemang pang-edukasyon ng daigdig ay kailanman magtuturo ng pag-ibig at pagpaparaya sa halip ng pagkapoot at paghihinala? Kailan mahahalinhan ang malalim-ang-pagkakaugat na pantribo at etnikong matinding pagkapoot ng pagtitiwala at pag-unawa, sa pamamagitan ng pagkilala na lahat tayo ay kabilang sa isang sambahayan ng tao?

Maliwanag, kailangan ang positibong pagbabago. Si Sandra Postel ay sumusulat sa State of the World 1992: “Ang natitira sa dekadang ito ay dapat pagmulan ng mga pagbabagong higit na malalim at malawak kung panghahawakan natin ang makatotohanang mga pag-asa para sa isang mas mabuting daigdig.” At saan ba tayo patungo? Si Richard Clutterbuck ay nagsasabi: “Ang daigdig, gayunman, ay nananatiling mabuway at mapanganib. Ang kaalaban sa bansa at sa relihiyon ay magpapatuloy. . . . Ang dekada ng 1990 ay maaaring maging ang pinakamapanganib o ang pinakamaunlad na dekada ng dantaon.”​—Terrorism, Drugs and Crime in Europe After 1992.

Ang Ating Nagbabagong Kapaligiran

Sa nakalipas na ilang dekada, ang tao ay nagkaroon ng kabatiran hinggil sa bagay na ang mga gawain ng tao ay nagkakaroon ng mapanganib na epekto sa kapaligiran. Ang malawakang pagkalbo sa kagubatan ay pumapatay ng di-mabilang na uri ng mga hayop at halaman. At yamang ang mga kagubatan ay bahagi ng isang sistema na maihahambing sa ating bagà na naglalaan ng mahalagang oksiheno sa planeta, ang pagkawasak ng kagubatan ay nagbabawas din sa kakayahan ng lupa na baguhin ang carbon dioxide tungo sa sumusustini-buhay na oksiheno. Ang isa pang epekto ay humihina ang pang-ibabaw na lupa at sa wakas ay humahantong sa pagiging disyerto.

Ilang nagbababalang tinig ang ibinangon tungkol sa isyung ito, at ang isa rito ay yaong sa politiko ng E.U. na si Al Gore. Sa kaniyang aklat na Earth in the Balance​—Ecology and the Human Spirit, sulat niya: “Sa kasalukuyang bilis ng pagkalbo sa kagubatan, halos lahat ng tropikal na masukal na kagubatan ay maglalaho sa susunod na dantaon. Kung hahayaan nating mangyari ang pagkalipol na ito, ang daigdig ay mawawalan ng pinakamayamang imbakan ng henetikong impormasyon sa planeta, at kasama nito ang posibleng mga gamot sa maraming sakit na nagpapahirap sa atin. Oo, daan-daang mahalagang medisina na ginagamit ngayon ay galing sa mga halaman at mga hayop sa tropikal na kagubatan.”

Si Gore ay naniniwala na ang epekto ng tao sa kapaligiran ay kumakatawan sa isang napipintong banta sa kaligtasan. Sabi niya: “Habang tayo’y patuloy na lumalawak tungo sa bawat maiisip na dakong pangkapaligiran, ay lalong nagiging maliwanag ang pagiging mapanganib ng atin mismong sibilisasyon. . . . Sa pagdaraanan ng isang salinlahi, tayo ay nanganganib na baguhin ang kayarian ng pangglobong atmospera na higit kaysa nagawa ng anumang bulkan sa kasaysayan, at ang mga epekto ay maaaring magpatuloy sa darating na mga dantaon.”

Hindi lamang nanganganib ang ating atmospera kundi, ayon kay Gore at ng iba pa, ang ating mahalagang suplay ng tubig ay nanganganib, lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa, “kung saan ang mga epekto ng polusyon ng tubig ay halos matindi at kalunus-lunos na nadarama sa anyo ng mataas na bilang ng kamatayan dahil sa kolera, tipus, disintirya, at pagtatae.” Saka binanggit ni Gore ang bagay na “mahigit na 1.7 bilyon katao ang walang sapat na suplay ng malinis na tubig na maiinom. Mahigit na 3 bilyon katao ang walang wastong mga pasilidad [sa palikuran at alkantarilya] at sa gayo’y nanganganib na marumhan ang kanilang tubig. Sa India, halimbawa, sandaan at labing-apat na mga bayan at lunsod ang nagtatapon ng kanilang dumi ng tao at iba pang maruming tubig ng alkantarilya nang tuwiran sa Ganges.” At ang ilog na iyon ang pinagmumulan ng tubig ng angaw-angaw na tao!

Si Gautam S. Kaji, isang bise presidente ng World Bank, ay nagbabala sa mga tagapakinig sa Bangkok na ang “suplay ng tubig sa Silangang Asia ay maaaring maging ang krisis na isyu ng susunod na dantaon. . . . Sa kabila ng alam na alam na mga pakinabang ng ligtas na tubig na maiinom sa kalusugan at sa pagiging mabunga, nakakaharap ngayon ng mga pamahalaan sa Silangang Asia ang mga sistema publiko na hindi nagbibigay ng tubig na maiinom . . . Ito ay nakalimutang isyu ng mainam na pagsulong ng kapaligiran.” Sa buong daigdig, ang isa sa mahalagang elemento para sa buhay​—ang malinis na tubig—​ay nakaliligtaan at inaaksaya.

Ito ang lahat ng aspekto ng ating nagbabagong daigdig, isang daigdig na binabago tungo sa isang mapanganib na imburnal sa maraming dako at isang daigdig na pinagbabantaan ang pag-iral ng tao sa hinaharap. Ang mahalagang tanong ay, Ang mga pamahalaan at malalaking negosyo ba ay may pagkukusa at pangganyak na kumuha ng mga hakbang upang hadlangan ang malawakang pagkaubos ng yaman ng lupa?

Binabago ba ng Relihiyon ang Daigdig?

Sa larangan ng relihiyon, nasusumpungan natin marahil ang pinakamalaking kabiguan ng tao. Kung ang isang punungkahoy ay hinahatulan sa pamamagitan ng mga bunga nito, kung gayon ang relihiyon ay mananagot sa bunga ng pagkapoot, hindi pagpaparaya, at digmaan sa gitna ng mga sakop nito. Waring sa karamihan ng tao ang relihiyon ay tulad ng kagandahan​—nasa balat lamang. Isa itong pang-ibabaw lamang na madaling natutuklap sa ilalim ng panggigipit ng pagtatangi ng lahi, nasyonalismo, at kawalang katatagan ng ekonomiya.

Yamang ang Kristiyanismo ang relihiyon na ‘ibigin ang iyong kapuwa at ibigin ang iyong kaaway,’ ano ang nangyari sa mga Katoliko at mga Ortodokso ng dating Yugoslavia? Patatawarin kaya sila ng kani-kanilang pari sa lahat ng kanilang pagpatay at pagkapoot? Ang mga dantaon ba ng “Kristiyanong” turo ay nagbunga lamang ng pagkapoot at mga pagpatay sa Hilagang Ireland? At kumusta naman ang tungkol sa mga relihiyong hindi Kristiyano? Sila ba’y nakagawa ng mas mabuting bunga? Maituturo ba ng Hinduismo, Sikhismo, Budismo, Islam, at Shintoismo ang isang mapayapang rekord ng pagpaparaya sa isa’t isa?

Sa halip na magsilbing isang positibong impluwensiya sa pagpapamulat sa tao sa kabihasnan, ang relihiyon ay gumanap ng sarili nitong panatikong papel sa pag-udyok sa alab ng pagkamakabayan at sa pagbasbas sa mga hukbo sa dalawang pandaigdig na digmaan gayundin sa marami pang ibang digmaan. Hindi ito naging isang maunlad na puwersa para sa pagbabago.

Samakatuwid, ano ang maaasahan sa relihiyon sa malapit na hinaharap? Sa katunayan, ano ang maaasahan natin sa hinaharap para sa ating kasalukuyang pandaigdig na sistema​—anu-anong pagbabago ang mangyayari? Tatalakayin ng aming ikatlong artikulo ang mga katanungang ito mula sa isang pambihirang pangmalas.

[Larawan sa pahina 7]

Ang pagdami ng marahas na krimen ay isa pang sintoma ng pagbabago

[Mga larawan sa pahina 8]

Ang pagkamakabayan at pagkapoot sa relihiyon ay patuloy na lumilikha ng pagbubo ng dugo

[Credit Lines]

Jana Schneider/Sipa

Malcom Linton/Sipa

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang pag-abuso ng tao sa kaniyang kapaligiran ay nagpapabago sa maselan na pagkakatimbang ng buhay sa lupa

[Credit Lines]

Laif/Sipa

Sipa

[Larawan sa pahina 10]

Si Hitler na binabati ng papal nuncio na si Basallo di Torregrossa, 1993. Sa makasaysayang paraan, ang relihiyon ay nasangkot sa pulitika at sa nasyonalismo

[Credit Line]

Bundesarchiv Koblenz