Maaari Kaya Akong Gawing Sugapa ng Pag-inom?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Maaari Kaya Akong Gawing Sugapa ng Pag-inom?
NAGSIMULA itong lahat nang si Jerome ay siyam na taóng gulang lamang. “Tinikman ko ang ilang natirang inumin mula sa isang salusalo na ginanap sa bahay, nalasing ako, at naibigan ko ang naramdaman ko,” paliwanag niya. Ang pagbili, pagtatago, at pag-inom ng inuming may alkohol di-nagtagal ay naging pang-araw-araw na rutina ni Jerome. Gayunman, sabi niya: “Hindi ko alam na ako’y may problema hanggang noong ako’y 17. Samantalang ang iba ay nag-aalmusal, ako naman ay umiinom ng sangkapat na litro ng vodka!”
Ang paggamit at pagkasugapa sa alkohol ay lumalago sa nakatatakot na bilis sa gitna ng mga kabataan sa buong daigdig. Sa Estados Unidos lamang, mahigit na sampung milyon—kalahati—ng mga estudyanteng 13- hanggang 18-anyos sa Amerika ang uminom ng hindi kukulanging isang alkoholikong inumin sa nakalipas na taon. Halos walong milyong inumin sa isang linggo. Sa katunayan, ang mga tin-edyer sa E.U. ay umiinom ng mahigit na isang bilyong lata ng beer at mahigit na 300 milyong bote ng mga wine cooler, isang karbonatong inuming may alak, sa isang taon!
Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa mga inuming de alkohol: “Sinumang napaliligaw rito ay hindi pantas.” (Kawikaan 20:1) Gayunman, angaw-angaw na mga kabataan, tulad ni Jerome, ay naililigaw ng alkohol. Ano ang mga panganib ng pagkasugapa sa alkohol? Paano mo masasabi kung ikaw ay nagiging sugapa na?
Alkohol at Alkoholismo
Kapag nakaimpake bilang matitingkad na kulay na wine cooler o isang mabulang beer, ang alkohol ay tila man din hindi nakapipinsala. Gayunman, ang lasa at hitsura ay maaaring maging mapandaya. Ang alkohol ay isang droga—isang malakas na droga.
Sinasabi ng mga doktor na ang alkohol ay isang pampakalma na nakaaapekto sa utak, tinitira ang sentro ng sistema ng nerbiyo. Kung iinumin nang katamtaman ng isang adulto, ito ay maaaring lumikha ng isang di-nakapipinsala, kaaya-ayang epekto. “Ang alak . . . ay nagpapasaya sa puso ng tao,” sabi ng Awit 104:15. Gayunman, ang napakaraming dosis ng alkohol ay maaaring makalango—isang kalagayan kung saan ang pagsupil sa katawan at isip ay lubhang nasira. Tulad ni Jerome, ang isang tao ay maaaring maging sugapa, gumagawa ng kritikal na pagkilos mula sa pagnanais ng isang inumin tungo sa pangangailangan o masidhing paghahangad ng isang inumin. Bakit nangyayari ito? Ang katawan ay maaaring nakakaya ang alkohol kung napapasobra ang inom. Ang umiinom ay dapat kung gayon uminom ng parami nang paraming alak upang maranasan ang mga epekto nito. Gayunman, bago pa niya matalos ito, siya ay sugapa na. Minsang masugapa ang isang tao, ang kaniyang buhay ay lubhang nabago na. Halos limang milyong kabataan sa E.U. ang may problema sa pag-inom.
Kung Bakit Sila Umiinom
Noong dekada ng 1930 ang karaniwang tin-edyer sa E.U. ay nakatikim ng kaniyang unang inuming de alkohol sa gulang na 18. Ngayon, ginagawa niya ito bago pa ang edad na 13. Ang ilan ay nagsisimula na mas bata. “Ako ay anim na taóng gulang, . . . at sumipsip ako ng kaunting beer sa baso ng lolo ko. . . . Ang gaang ng pakiramdam ko!” Gayon ang gunita ni Carlotta—isang gumagaling na alkoholiko. Mientras mas bata kang magsimula, mas malamang na ikaw ay magiging sugapa.
Mangyari pa, ang mga kasamahan ay kadalasang nanggigipit sa iyo sa gayong paraan. Subalit kung a
minsan masisisi rin ang mga magulang. Ang ilan ay nagpapakalabis mismo sa inuming de alkohol, ginagamit ang alkohol bilang isang emosyonal na alalay, o ipinagmamalaki pa nga kung gaano karaming alak ang kaya nila. Isang pulyeto tungkol sa alkoholismo ay nagsasabi: “Ang mga batang nagiging responsableng manginginom na adulto ay waring galing sa mga pamilya kung saan ang alkohol ay itinuturing na payak at walang gaanong damdamin . . . , kung saan ang pag-inom ay may kaniyang wastong dako.”Ang telebisyon ay isa pang malakas na impluwensiya sa mga kabataan. Sa gulang na 18, ang karaniwang kabataang Amerikano ay nakakita na ng 75,000 eksena ng pag-inom sa TV—11 sa isang araw. Ang tusong mga anunsiyo, maingat na ginawa upang ang pag-inom ay magtinging pintuan sa katuwaan at romansa, ay naglalarawan ng seksing mga modelo na umiinom sa magulong mga salusalo. Ang mga inuming may alkohol ay binibigyan ng mga lasang prutas at kaakit-akit na mga pangalan na produkto. Ang anunsiyo ay mabisa. Tuwing dulo ng sanlinggo, 454,000 kabataan sa Estados Unidos ang nag-iinuman, na nag-uudyok sa U.S. surgeon general na magsabi na marami sa kanila ay “mga alkoholiko na, at ang iba pa ay patungo na roon.”
Gayunman, ang ilang kabataan ay nahihikayat na uminom dahil sa panloob na ligalig. Isiniwalat ni Kim kung bakit siya uminom ng beer: “Ginamit ko ang [alkohol] upang baguhin ang aking pakiramdam at nang bumuti ang aking pakiramdam tungkol sa aking sarili.” Kung ang isang kabataan ay mahiyain o pinahihirapan ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili, ang pag-inom ay maaaring magtinging isang kaakit-akit na lunas. Gayunman ang iba ay umiinom upang hadlangan ang ilang masakit na mga katotohanan sa buhay, gaya ng pag-abuso o pagpapabaya ng magulang. Bakit nagsimulang uminom si Ana? “Kailanman ay hindi ko nakuha ang pagmamahal na kailangan ko.”
Anuman ang dahilan ng pagsimulang uminom, di-nagtatagal masusumpungan ng isang kabataan na pahirap nang pahirap na supilin ang kaniyang pag-inom. Sa puntong iyon ay baka masumpungan niya ang kaniyang sarili na kaharap ng alkoholismo. Ikaw ba’y nagsimulang uminom? Kung gayon sagutan mo ang maikling pagsusulit na pinamagatang “Yamang Ikaw ay Nagsimulang Uminom.” Maaaring masumpungan mo na ang mga resulta ay lubhang nagsisiwalat.
Alkohol—Mapanganib sa mga Kabataan!
“Silang nagtatagal sa alak” ay binabalaan ng Bibliya na “sa huli . . . ay naglalabas ng lason na parang ulupong.” (Kawikaan 23:29-32) Ang lason na itinuturok ng isang nakalalasong ahas ay maaaring unti-unti at makirot na pinsalain o patayin ang isang tao. (Ihambing ang Gawa 28:3, 6.) Sa katulad na paraan, ang matagal at matinding pagkasugapa sa alkohol ay maaaring unti-unting papatay sa iyo. Maaari nitong pinsalain o sirain ang mahahalagang sangkap ng katawan, gaya ng iyong atay, lapay, utak, at puso. Ang lumalaking katawan at isip ng mga kabataan ay lalo nang madaling tablan ng gayong pinsala, na kung minsan ay hindi na maaayos pa.
Ang pagkasugapa sa alkohol ay maaari pa ngang higit na nakapipinsala sa iyong mga damdamin kaysa iyong katawan. Ang isang inumin ay maaaring pansamantalang palakasin ang iyong pagtitiwala. Subalit ang pagtitiwalang dulot nito ay huwad—at ang
mga epekto ay laging naglalaho. Samantala iyong inaantala ang iyong emosyonal at mental na paglaki. Sa halip na maging matino ang isip at harapin ang katotohanan, ikaw ay umaabot ng isa pang inumin. Subalit pagkaraang maging matino sa loob ng 11 buwan, ang 18-anyos na si Peter ay nagsasabi: “Natututuhan kong harapin ang aking mga damdamin at alamin ang bagong mga paraan kung paano haharapin ang mga kalagayan na nahaharap ko noon sa tulong ng alkohol. Napagtanto ko na sa emosyonal at sosyal na paraan ako ay halos trese anyos lamang.”At nariyan din ang mga panganib ng pag-inom at pagmamaneho. Ang kamatayan sa haywey na nauugnay sa alkohol ang numero unong pumapatay sa mga kabataan sa Estados Unidos. Ang pag-inom ay nauugnay rin sa mga omisidyo, pagpapatiwakal, at pagkalunod—at iba pang nangungunang dahilan ng kamatayan ng mga kabataan.
Isa pa, ang pagkasugapa sa alkohol ay maaaring magkaroon ng mapangwasak na mga epekto sa iyong buhay pampamilya, pagkakaibigan, gawain sa paaralan, at espirituwalidad. Ganito ang pagkakasabi rito ng Bibliya: “Ipakita mo sa akin ang isa na labis uminom, . . . at ipakikita ko sa iyo ang isa na kahabag-habag at nalulungkot, laging nakikipag-away at laging nagrereklamo. Ang kaniyang mga mata ay mapula, at may mga gasgas na maaari sanang iwasan. . . . Madarama mo na para bang ikaw ay nasa karagatan, nahihilo, umuugoy na mataas sa palo ng sinisiklut-siklot na bapor.” (Kawikaan 23:29-34, Today’s English Version) Isa itong aspekto ng pag-inom na hindi kailanman ipinakikita sa magagandang anunsiyo sa TV.
Bakit Ka Magsisimulang Uminom?
Kaya maraming bansa ang nagbabawal sa mga kabataan sa pag-inom ng alkohol. Kung ikaw ay isang Kristiyano, ikaw ay may mabuting dahilan na sundin ang mga batas na ito, yamang ikaw ay inuutusan ng Diyos na “pasakop sa nakatataas na mga kapangyarihan.” (Roma 13:1, 2) Kahit na kung ang paggamit ng alkohol sa gitna ng mga kabataan ay hindi labag sa batas dahil sa lokal na kultura, talaga bang para sa iyong pinakamainam na kapakanan na magsimulang uminom sa panahong ito ng iyong buhay? Gaya ng sinasabi ng 1 Corinto 6:12, “lahat ng bagay ay matuwid . . . ; ngunit hindi lahat ng bagay ay nararapat.” Talaga bang handa ka nang panagutan ang mga inuming may alkohol?
Totoo, kapag ikaw ay inalok ng mga kasama ng isang makulay na wine cooler, maaaring nakatutuksong tikman ito. Gayunman, alamin mo na ikaw ay inaalok ng isang potensiyal na nakasusugapang droga. Ang maka-Diyos na mga kabataan noong panahon ng Bibliya, gaya nina Daniel, Sadrach, Meshach, at Abednego, ay nagkaroon ng tibay-loob na manindigan sa mga makapangyarihan sa Babilonya at tinanggihan ang nakaruruming pagkain at alak na inilaan sa kanila ng paganong hari ng Babilonya. Ikaw man ay maaaring magkaroon ng lakas ng loob na tumanggi!—Daniel 1:3-17.
Darating din ang panahon na ikaw ay magkakaedad—sa legal, mental, emosyonal, at pisikal na paraan—upang uminom ng alkohol kung iyan ang gusto mo. Magkagayon man, makabubuting maging katamtaman lamang sa pag-inom at iwasang maging sugapa. Maraming kabataan ang naging sugapa na, at tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap kung ano ang maaaring gawin nila upang gumaling.
[Talababa]
a Sa ilang kultura ang mga kabataan ay karaniwang pinapayagang uminom ng mga inuming may alkohol na kasama ng pagkain. Magkagayon man, makabubuting seryosong pag-isipan ng mga magulang kung ano ang pinakamainam para sa kanilang mga anak at huwag hayaang patnubayan ng popular na kaugalian ang lahat nilang pasiya.
[Kahon sa pahina 24]
YAMANG IKAW AY NAGSIMULANG UMINOM:
◻ Ikaw ba ay may iba o kaunting kaibigan?
◻ Ang buhay ba sa bahay ay mas mahirap?
◻ Nahihirapan ka ba sa pagtulog, o ikaw ba ay nakadarama ng panlulumo o pagkabalisa?
◻ Kailangan mo bang uminom upang maging palagay kapag kasama ng iba?
◻ Ikaw ba ay malungkot o bigo sa iyong sarili pagkatapos uminom?
◻ Ikaw ba ay nagsisinungaling tungkol o itinatago ang bagay na ikaw ay umiinom?
◻ Ikaw ba ay nahihiya o nagagalit kapag may bumanggit tungkol sa iyong pag-inom?
◻ Mayroon bang nagpayo sa iyo o nagbiro tungkol sa iyong paggamit ng alkohol?
◻ Naniniwala ka ba na ang mga wine cooler at beer ay OK para sa iyo na inumin sapagkat ito ay hindi matatapang na alak?
◻ Ikaw ba ay nawalan ng interes sa o inihinto mo ang libangan at isports na dati mong kinagigiliwan?
Kung oo ang sagot mo sa mahigit na dalawang katanungan, maaaring ipinahihiwatig nito na ikaw ay may malubhang problema sa pag-inom. Kung gayon, makabubuting humingi ng tulong karaka-raka.
Pinagmulan: THE REGENT HOSPITAL, New York, NY.
[Larawan sa pahina 23]
Maraming alkoholiko ang nagkaroon ng mga problema sa pag-inom sa maagang gulang