Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magagawa Mong Higit na Ligtas ang Paglipad

Magagawa Mong Higit na Ligtas ang Paglipad

Magagawa Mong Higit na Ligtas ang Paglipad

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Finland

SA NGAYON, ang paglipad ay isang mabilis at karaniwang paraan ng paglalakbay. Ito rin ay itinuturing na isa sa pinakaligtas.

Ang kaligtasang ito ay bunga ng determinado at pinagsamang pagsisikap ng mga awtoridad at mga kompanya ng eruplano upang alisin ang potensiyal na mga panganib. Ang kaligtasan ay depende sa iba’t ibang salik. Ang mga kompanya ng eruplano ay tumutulong sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kanilang mga eruplano sa mabuting kondisyon sa pamamagitan ng pagsusuri at pagseserbisyo rito nang regular. Isa pa, ang detalyadong mga plano at tagubilin sa pagkakarga ay maingat na idinisenyo sa bawat paglipad. Ang bagahe, kargada, at koreo ay inilalagay sa lugar para sa kargo ayon sa mga tagubiling iyon, at ang tamang bigat-at-timbang na mga kalkulasyon tungkol sa paglipad ay ginagawa. Napag-isip-isip mo na ba ang tungkol sa lahat ng mga paghahandang ito na isinasagawa sa likod ng mga eksena?

Subalit ganito lamang ba ang ginagawa kung ang pag-uusapan ay ang kaligtasan sa isang paglipad? Tiyak na hindi! May karagdagang bahagi pa na ikaw bilang isang pasahero ng eruplano ay may tuwirang maitutulong. Sa anong paraan? Alam mo ba na ikaw ay maaaring maging isang panganib sa kaligtasan nang walang kamalay-malay rito? O na maaari mong itaguyod ang panlahat na kaligtasan sa mga paglipad sa pag-alam at pagsunod sa ilang mahahalagang tuntunin ng abyasyon?

Ang mga Eruplano at ang Iyong Kaligtasan

Ang ICAO (International Civil Aviation Organization), na kumikilos sa ilalim ng pangangasiwa ng United Nations, ay gumawa ng pagsisikap na pagbutihin ang kaligtasan ng paglipad, nakikipag-ugnayan sa komersiyal na mga eruplano. Ang IATA (International Air Transport Association) at ang ATA (Air Transport Association of America) ay malapit na nauugnay sa ICAO kung ang pag-uusapan ay ang mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan. Sila’y naglathala ng mga tagubilin at mga kahilingan at naghanda ng materyales sa pagsasanay at impormasyon sa kapakinabangan ng kanilang mga miyembro at ng publiko sa pangkalahatan.

Ang paglitaw ng iba’t ibang bagong materyales at mga chemical compound, gayundin ng mga kagamitang elektroniko na ginagamit ng mga pasahero, ay nagbunga ng pagdami sa bilang ng mga salik sa panganib. Ito naman ay nakaragdag sa dami ng mga hakbang pangkaligtasan at ng pangangailangan na ipagbigay-alam sa mga pasahero.

Anong Uri ng Mapanganib na mga Kalagayan ang Maaaring Mangyari?

Nakamamatay na mga resulta ang maaaring mangyari mula sa sumusunod na mga kalagayan:

(1) Isang maleta ng isang miyembro ng isang koponan sa snow skiing ang nagpaningas sa conveyor belt ng mga bagahe bago ito ilulan sa eruplano. Nang suriin, nasumpungang ang maleta ay naglalaman ng isang solvent para sa waks na ginagamit sa ilalim ng mga ski upang bawasan ang pagkiskis. Ang solvent ay tumagas sa sisidlan nito. Mayroon din isang gas layter sa loob ng maleta, at ang siklab na pinangyari ng pag-alog sa maleta ang nagpaningas sa laman nito. Mabuti na lamang, lahat ng ito ay nangyari sa ibaba at hindi sa lugar ng kargo sa taas na 11,000 metro kung saan ito ay maaaring magbunga ng isang malubhang aksidente.

(2) Sa katulad na paraan, ang karaniwang posporo ay nagdingas sa loob ng maleta ng pasahero dahil sa pagkikiskisan.

(3) Sa isang paliparan, nasumpungan ng kawani ang isang tumatagas na sisidlan ng isinabotelyang gas. Ang bote ay mabilis na nagiging isang bomba!

(4) Ang asidong tumatagas mula sa batirya ng isang silyang de gulong na may motor ay lumilikha ng pagkaagnas at malaking pinsala sa kayarian ng eruplano. Ang eruplano ay hindi pinayagang lumipad ng ilang araw para sa gawaing paglilinis at pagkukumpuni, na nagbunga ng pinansiyal na kalugihan sa kompanya ng eruplano.

Kung Ano ang Hindi Dapat Dalhin sa Eruplano

Ang internasyonal na mga samahan na nabanggit kanina ay naglathala ng isang handbook na tinatawag na Dangerous Goods Regulations, na makukuha sa mga kompanya ng eruplano at mga ahenteng naghahatid ng mga bagay-bagay. Marami sa mga kasunduan o kondisyon nito ay naging bahagi ng pambansang batas sa abyasyon sa iba’t ibang bansa. Kabilang sa maraming kasunduan nito ang talaan ng libu-libong peligrosong mga bagay kasama ang detalyadong mga tagubilin para sa pag-iimpake at paghahatid ng mga bagay na iyon.

May ilang bagay na hindi mo puwedeng ilulan sa eruplano. Isa pa, may mga bagay na hindi maaaring ilagay sa loob ng maleta ngunit maaaring aprobahan bilang bagahe (airfreight) sa ilalim ng ilang patiunang kondisyon. At may mga bagay​—bagaman inuuring peligroso—​na maaaring payagan ng isang kompanya ng eruplano na dalhin mo ang ilang piraso, halimbawa sa bitbit mong bagahe. Kailanma’t ikaw ay hindi nakatitiyak, makabubuting sangguniin ang iyong kompanya ng eruplano bago ang biyahe.

Saan Mo Makukuha ang Kinakailangang Impormasyon?

Karamihan ng mga kompanya ng eruplano ay nag-iimprenta sa kanilang mga talaorasan ng mga pagbabawal tungkol sa peligrosong mga bagay. Ang iyong tiket ay may talaan din ng mga bagay na ipinagbabawal. Isa pa, sa kanilang komperensiyang idinaos noong 1989, ang mga kompanya ng eruplano sa buong daigdig ay nagpasiya na itawag-pansin sa publiko ang mga salik na panganib na maaari nilang magawa nang di-sinasadya. Sa pasimula ng 1990, ang mga kompanya ng eruplano ay naglunsad ng isang kampanya na patungkol sa mga naglalakbay. Ang mga poster ay inilagay sa mga paliparan at sa mga ahensiya sa paglalakbay upang ipagbigay-alam sa publiko na ang peligrosong mga bagay ay itatala sa isang papel na tatanggapin nila kasama ng kanilang mga tiket.

Ano ang Kasali sa Peligrosong mga Bagay?

Maraming tila hindi mapanganib na mga bagay na sa ilang kalagayan ay maaaring magkaroon ng reaksiyon na magiging isang panganib sa loob ng isang eruplano. Sa paglipad ng eruplano, ang mga pagbabago sa temperatura at sa presyon ng hangin, halimbawa, ay maaaring pagmulan ng pagtagas. Ang ilang bagay ay maaaring magtinging ligtas, ngunit habang ang mga ito ay nadadaiti sa iba pang karaniwang hindi mapanganib na mga bagay, ito ay maaaring lumikha ng isang kemikal na reaksiyon. Ito ay maaaring pagmulan ng sunog o magkalat ng nakalalasong usok. Kaya nga, mahalagang alam mo kung ano ang iniimpake mo sa iyong maleta.

Gaya ng nabanggit kanina, kabilang sa bawal na mga bagay ang ordinaryong posporo at mga layter ng sigarilyo. Ikaw ay maaaring magdala nito sa iyo lamang bitbit na bagahe.

Ang pagdadala ng lahat ng uri ng mga likidong madaling magsiklab ay bawal. Ang mga pintura, barnis, at mga pandikit ay maaari ring maging mapanganib, lalo na ang mga solvent na gaya ng tiner at asetona.

Lahat ng uri ng madaling magsiklab na gas, gaya ng mga refill na gas ng layter o pangkamping, ay hindi puwedeng dalhin sa eruplano.

Ang mga eksplosibo, mga kuwitis, at mga signal flare ay bawal din dahil sa kanilang mapanganib na kalikasan.

Malamang na ikaw ay sanay na sa paggamit ng maraming uri ng kemikal at industriyal na mga produkto sa inyong tahanan. Alam mo ba na kapag nagbibiyahe na sakay ng eruplano, maaaring hindi ka payagang dalhin ang ilan dito? Kabilang sa bawal na mga bagay ang maraming aerosol, mga pestisidyo, pampaputi, at mga panlinis. Ang mga ito ay maaaring pagmulan ng pagkaagnas o oksidasyon o pinsala sa eruplano o sa iba pang bagay sa paligid nito.

Ang mga bagay na may magneto ay maaaring makasira sa pagkilos ng mga kagamitan sa eruplano, at ang radyaktibong mga bagay ay maaaring makapinsala sa pamamagitan ng radyasyon.

Maaaring Maapektuhan Mo ang Sistema ng Nabigasyon!

Nitong nakalipas na mga taon, maaaring nasiyahan ka sa paggamit ng lahat ng uri ng bagong mga imbensiyon sa larangan ng elektroniks. Ang mga radyo, tape recorder, maliliit na video kamera, CD player, cellular na mga telepono, at nabibitbit na mga computer, gayundin ng mga laruang remote control, ay naging napakapopular. Karaniwan na, ikaw ay pinapayagang iimpake ang mga bagay na ito sa loob ng iyong bagahe basta ba inalis mo ang mga batirya. Yamang ang mga tuntunin ay nagkakaiba-iba sa bawat kompanya ng eruplano, dapat mong sangguniin ang iyong ahente sa paglalakbay bago ka mag-impake. Gayunman, isang pansansinukob na tuntunin na hindi mo maaaring gamitin ang ganitong uri ng kagamitan sa panahon ng paglipad yamang ito ay maaaring makasira sa sistema ng nabigasyon ng eruplano.

Ang bawat pasahero ay pinapayagang magdala ng limitadong dami ng gamot, kosmetiks, at mga inuming may alkohol para sa personal na gamit, at mga aerosol na gaya ng isprey sa buhok at mga panlaban sa pawis ay karaniwan nang maaaring isama sa bagahe.

Itinataguyod Mo ba ang Kaligtasan sa Eruplano?

Sinusunod mo ba ang lahat ng mga regulasyong ito? Alam mo ba ang iyong pananagutan? Bago mag-impake para sa iyong susunod na paglipad, maupo at maingat na basahin ang mga kahilingan sa pagdadala, lalo na ang mga tuntunin tungkol sa peligrosong mga bagay. Aming binanggit ang pangkalahatang mga kasunduan tungkol sa bagay na ito, subalit maaaring may iba’t ibang kasunduan sa ibang kompanya ng eruplano.

Kung hindi mo tiyak ang tungkol sa isang bagay, huwag mag-atubiling isangguni sa iyong kompanya ng eruplano upang makatiyak. Sa gayon, maaari mong iwasan ang di-sinasadyang paglabag sa mga tuntunin. Sa ganiyang paraan, naiiwasan mo rin na ilagay ang iyong sarili, at ang iyong kapuwa mga pasahero, at ang pag-aari ng kompaniya ng eruplano sa mapanganib na mga kalagayan. Oo, magagawa mong higit na ligtas ang paglipad.

[Larawan sa pahina 25]

Makikilala mo ba kung alin sa mga bagay na ito ang hindi dapat isama sa iyong bagahe?