Mga Bagay na Hindi Kayang Sirain ng Bagyong si Andrew
Mga Bagay na Hindi Kayang Sirain ng Bagyong si Andrew
MAY mga bagyo na mas mapangwasak kaysa iba. a Ang ilan ay itinuturing na malalakas na hangin, na nagdadala ng malalakas na ulan at binubunot ang mga punungkahoy. Pagkatapos nariyan ang Bagyong Andrew sa timog ng Florida (Agosto 24, 1992) at sa Louisiana (Agosto 26, 1992), Bagyong Iniki sa Kauai, Hawaii (Setyembre 12, 1992), at Bagyong Omar sa Guam (Agosto 28, 1992).
Ang mga bagyong ito ay nagdulot ng pagkawasak na umabot ng bilyun-bilyong dolyar. Maraming tao ang nasawi sa Florida. Libu-libong pamilya ang iniwang walang tahanan. Ang mga ahente ng seguro ay nagkukumamot sa paghahanap sa mga may-ari ng nasirang mga tahanan at sa paggawa ng mga tseke na bayad-pinsala.
Isang ulat buhat sa Fort Lauderdale Relief Committee ng mga Saksi ni Jehova ay nagsabi na 518 ng 1,033 bahay ng mga Saksi ni Jehova sa rehiyong iyon ay maaaring kumpunihin. Kung ang katumbasang iyan ay kapit sa mga bahay ng mamamayan doon, iyan ay mangangahulugan na hindi kukulangin sa 50 porsiyento ng lahat ng bahay na dinaanan ng bagyong si Andrew ay nasira. Pagkatapos, yaong mga mapalad na mayroon pang tirahan na puwede pang tirhan ay sinisikap na patuyuin ang kanilang mga muwebles at mga kurtina at linisin ang puting lusak na galing sa mga kisame na bumagsak dahil sa lakas ng buhos ng ulan sa nasirang mga bubong. Marami ang hindi makatingin sa mga kagibaan ng kanilang mga tahanan. Marahil ang lalo nang napinsala ay yaong nakatira sa hindi gaanong matitibay na mga mobile home o mga treyler.
Walang Pinatawad ang Bagyong Andrew
Ang isa sa mag-asawang iyon na nakatira sa mobile home ay sina Leonard at Terry Kieffer. Nang kanilang dalawin muli ang kanilang mobile home park sa Florida City, kailangang ipakilala nila ang kanilang mga sarili sa isang checkpoint ng mga militar upang makapasok sa dakong iyon. Ang nakita nila ay isang mobile home park na para bang tinamaan ng daan-daang malalakas na bomba—nang hindi nag-iiwan ng mga butas. Ang mga punungkahoy ay nabunot. Mga piraso ng sirang aluminyo, dating mga dingding at bubong ng bahay, ay nakapulupot sa mga punungkahoy at nakabitin sa mga sanga na para bang mga palamuti. Ang mga kable ng kuryente ay bagsak sa lahat ng dako, ang mga posteng kahoy ay dinaklot na parang mga palito ng posporo. Ang mga kotse ay tumaob at nawasak.
Inilarawan ni Bob van Dyk, na ang bagong bahay ay ipinahayag na hindi na puwedeng tirhan, ang tanawin sa kaniyang bahay: “Ang kisame ay bumagsak, sinisira ang masisira, binabaluktot ang mababaluktot at tinatakot kami, ang maaaring takutin.”
Ang personal na mga ari-arian, laruan, damit, litrato, aklat, ay nagkalat bilang malungkot na
mga tagapagpagunita ng dating istilo ng buhay. Isang nangungulilang pusang itim ang aali-aligid sa mga durog na bato. Kakatwang tinitigan nito ang mga Kieffer. Karipas ng takbo ang mumunting butiki sa kung ano ay dating mahalagang pag-aari. Ang baho ng nabubulok na pagkain, natapon mula sa nasirang mga repridyeretor, ay umaalingasaw. Sa lahat ng direksiyon ay isang tanawin ng marahas na pagkawasak—pawang likha ng hangin, malakas na hangin, bumubugso ng mahigit 260 kilometro sa bawat oras.Ito’y makabagbag-damdamin para sa mga may-ari at mga nakatira sa mga bahay na ito. Pagkalipas ng maraming taon ng pagpapamilya at pagsasalo ng kanilang mga buhay sa kanilang sariling pantanging mga pugad, sila ay nagbalik pagkatapos ng bagyo upang masumpungan ang lahat ng bagay ay nawasak at nagkalat. Nailigtas ng mga Kieffer ang ilan sa kanilang mga pag-aari noong naunang pagdalaw, subalit napakatraumatiko para sa kanila na maingat na saliksikin ang natira sa nasirang bahay. Gayunman, pinasasalamatan nila na sila’y buháy pa at nakapaglilingkod sa Diyos.
Walang pinatawad ang bagyong si Andrew. Ang malalaking tindahan, pabrika, bodega—pawang
naging tudlaan ng pagsalakay ng kalikasan. Hindi nahadlangan ng mga kodigo sa pagtatayo ng mahihinang tao ang pinsala.Ang Pinakamainam at Pinakamasama sa Kalikasan ng Tao
Ang tulong ay dumagsa sa Florida mula sa lahat ng dako ng bansa habang iba’t ibang ahensiya ng tulong ay naorganisa. Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ay agad na kumilos at nag-atas ng isang relief committee na kikilos mula sa Fort Lauderdale Assembly Hall. Nagbigay rin sila ng malaki-laking halaga ng pera upang ibili ng mga materyales, pagkain, at mga bagay para sa biglang pangangailangan. Bunga nito, ang mga Saksi ang kabilang sa unang kumilos sa kalagayang iyon at nagsimulang tumawag ng mga boluntaryo. Sa katunayan, marami ang dumating nang hindi tinatawag.
Ang mga manggagawang Saksi ay dumating mula sa California, North Carolina, Oregon, Washington State, Pennsylvania, Missouri, at marami pang ibang dako. Isang Regional Building Committee sa Virginia na karaniwang nagtatayo ng mga Kingdom Hall ay nagpadala ng isang pangkat ng 18 Saksi upang kumpunihin ang mga bubong. Kumuha
ng 18 oras ang biyahe sakay ng kotse mula Virginia hanggang sa Florida. Ang mga manggagawa ay nagbakasyon mula sa trabaho at nagmaneho sa ibayo ng bansa, daan-daan at libu-libong kilometro pa nga, upang marating ang kanilang mga kapuwa Saksi na nasa kagipitan.Malaking tulong ang pangkat na nanggaling sa dako ng Charleston sa South Carolina. Naranasan nila ang Bagyong Hugo noong 1989. Alam nila kung ano ang aasahan at agad nagsaayos ng mga panustos na tulong, pati mga genereytor ng kuryente at mga materyales sa pagtatayo. Sa loob ng dalawang linggo napatuyo ng boluntaryong mga tripulante ang mga 800 bahay at nakumpuni ang maraming bubong.
Maraming asawa at kapitbahay na hindi Saksi ang nakinabang sa tulong na ibinigay ng mga pangkat ng mga tagakumpuning Saksi. Si Ron Clarke mula sa West Homestead ay nag-ulat: “Ang di-sumasampalatayang mga asawa ay talagang humanga sa lahat ng ito. Sila’y naluluha, nalilipos sa kung ano ang nagawa para sa kanila ng mga Saksi.” Tungkol sa di-sumasampalatayang asawang lalaki ng isang Saksi, sabi pa niya: “Ang lalaki ay basta lugod na lugod—ang mga Saksi ay naroon ngayon at inilalagay ang bubong ng kaniyang bahay para sa kaniya.”
Sinabi ng isa pang Saksi ang tungkol sa kaniyang di-Saksing mga kapitbahay na dinadalaw niya gabi-gabi. Sabi nila na ayos naman sila. Noong ikalimang araw, hindi na napigil ng babae ang kaniyang damdamin at siya’y umiyak. “Wala na kaming lampin para sa bata. Halos wala na rin kaming pagkain ng bata. Wala kaming sapat na pagkain at tubig.” Kailangan ng asawang lalaki ng dalawampung litro ng gasolina subalit wala siyang makuha saanman. Nang araw ding iyon, dinala ng Saksi ang lahat ng kailangan nila mula sa imbakan ng relief sa Kingdom Hall. Ang asawang babae ay naiyak sa pasasalamat. Ang asawang lalaki ay nagbigay ng abuloy para sa relief na gawain.
Isang mahalagang papel ang ginampanan ng matatanda at mga ministeryal na lingkod ng kongregasyon na sama-samang gumawa sa pagsasaayos ng tulong sa iba’t ibang naayos na mga Kingdom Hall sa dako na pinangyarihan ng sakuna. Walang tigil na nagtrabaho sila upang hanapin ang lahat ng mga Saksi at alamin ang kanilang mga pangangailangan. Sa kabaligtaran, isang opisyal ng Air Force ay sinipi na nagsabi tungkol sa pagtulong sa isang lugar: “Lahat ng pinuno ay nais lamang maging mga pinuno, walang may gustong magtrabaho at gawin ang gawaing paglilinis at pagtatayong muli.”
Maaaring ilabas ng malalaking sakuna ang pinakamainam at ang pinakamasamang katangian ng mga tao. Isang halimbawa ng huling banggit ay ang pandarambong. Ipinasiya ng isang pamilya ng mga Saksi na sa paano man ay maililigtas nila ang repridyeretor at washing machine para gamitin sa relief center sa lokal na Kingdom Hall. Nagtungo sila sa bulwagan upang kumuha ng trak. Bago pa
sila makabalik, ninakaw na ng mga mandarambong ang dalawang bagay ng iyon!Isang nakakita mismo ang nag-ulat: “Habang kami ay naglalakbay sa parang ilang na mga lansangan, nakita namin ang mga bahay na may mga karatulang nagbababala sa mga mandarambong na lumayo. Ang ilang karatula ay nagsasabi, ‘Ang mga Mandarambong ay Dapat Mamatay’ at, ‘Ang mga Mandarambong ay Babarilin.’ Ang isa pa ay nagsabi: ‘Dalawang mandarambong ay binaril. Ang isa ay patay.’ Ang mga tindahan at mga pamilihan ay dinambong.” Sang-ayon sa isang sarhento sa 82nd Airborne Division, hindi kukulanging isang mandarambong ang nahuli at pinatay nang walang litis ng mga tao.
Maraming ginawang pag-aresto. Wari bang sa anumang malaking sakuna ang kriminal na elemento ay handang sumalakay na parang mga buwitre. At kahit na ang mga karaniwang tao ay nahihikayat na makibahagi sa pandarambong. Ang relihiyon, etika, at moral ay waring naglalaho sa ilalim ng tukso na kumuha ng isang bagay nang hindi nagbabayad.
Ang Gumising! ay sinabihan na sa simula ilang sundalo pa nga ay ninakawan ng kanilang mga baril na walang bala ng armadong mga mandarambong. Ang ilang sundalo ay naulinigang nagsabi na minamalas nila ang relief center sa Kingdom Hall bilang isang oasis sa disyerto “sapagkat,” gaya ng sabi nila, “kayong mga Saksi ay hindi nagdadala ng baril.”
“Huwag Kayong Manlupaypay at Manimdim”
Ano ang natutuhan ng mga Saksi ni Jehova buhat sa kanilang mga karanasan sa likas na sakuna? Hangga’t maaari papanumbalikin agad ang espirituwal na mga gawain. Si Ed Rumsey, isang tagapangasiwa sa Homestead, ay nagsabi sa Gumising! na ang dalawang Kingdom Hall sa iisang gusali ay handa na para sa mga pulong noong Miyerkules pagkaraan ng bagyo noong Lunes. Ang ilan sa bubong ay nawala, bumagsak ang kisame, at ang tubig ay pumasok. Mabilis na nagtrabaho ang mga boluntaryo upang ibalik sa dati ang mga Kingdom Hall para sa mga pulong at upang gamitin ang mga ito bilang mga command station kung saan pangangasiwaan ang gawaing pagtulong sa kanilang nasalantang lugar. Gumawa ng mga kusina upang pakanin ang mga biktima at ang mga manggagawa sa relief.
Si Fermín Pastrana, isang matanda mula sa Princeton Spanish Congregation, ay nag-ulat na pitong pamilya sa kaniyang kongregasyon ng 80 Saksi ang lubusang nawalan ng kanilang tahanan. Anong lunas ang iminungkahi niya sa kaniyang kapuwa mga Saksi? “Malungkot kayo kung kailangan ninyong malungkot. Ngunit huwag kayong manlupaypay at manimdim. Maging aktibo kayo sa pagtulong sa iba, at, hangga’t maaari, lumabas kayo sa ministeryo. Huwag ninyong kaliligtaan ang ating mga pulong Kristiyano. Lutasin ninyo kung ano ang maaaring lutasin, subalit huwag kayong mabalisa sa kung ano ang wala nang lunas.” Bunga nito, ang mga Saksi ay agad na nangangaral at kinukuha ang mga kahon ng tulong sa bahay-bahay. Hindi tinangay ng bagyong si Andrew ang kanilang sigasig.
‘Sa Susunod na Pagkakataon Kami ay Lilikas!’
Sinabi ni Sharon Castro, isang 37-anyos na babae mula sa Cutler Ridge ang kaniyang kuwento sa Gumising!: “Ang aking tatay ay nagpasiya na huwag lumikas. Inaakala niyang yamang ang huling bagyo ay lumihis sa paghampas sa baybayin ng Florida, gayundin ang gagawin ng bagyong si Andrew. Ayaw pa nga niyang tabingan ng tabla ang mga bintana. Mabuti na lamang, ang aking nakababatang kapatid na lalaki ay dumating at iginiit na tabingan ang mga bintana ng plywood. Walang alinlangan na ang pagkilos niya ay nagligtas sa aming buhay. Malamang na nabasag ang aming mga bintana, at kami ay maaaring nasugatan.
“Mga bandang ika-4:30 n.u., nawalan ng kuryente. Ang mga ingay sa labas ay nakatatakot. Ito’y parang tunog ng isang pagkalaki-laking tren. Naglagutukan habang ang mga punungkahoy at ang mga gusali ay nabali at nasira. Nang maglaon ay nasumpungan namin na ang nakatatakot na langitngit ay ang ingay ng mahahabang pako sa aming bubong na nakakalas. Ang atik ay tinangay ng hangin, at sangkatlo ng bubong ang nilipad. Ang pangwakas na resulta ay na, ang 12 sa amin, pati na ang aking masasakting ina at ang aking 90-anyos na lola, ay nanganganlong sa loob ng gitnang silid na walang bintana. Natitiyak namin na kami’y mamamatay roon.”
Anong leksiyon ang natutuhan niya mula sa karanasan? “Sa susunod na pagkakataon na sabihin nila sa amin na lumikas, kami ay lilikas—wala nang tanung-tanong. Makikinig kami sa mga babala. Natutuhan ko rin na magbahagi sa iba at mabuhay sa kakaunti. At alam kong ayos lang ang
umiyak, magdalamhati, at harapin ang katotohanan.”Mga Reaksiyon ng Peryodista
Napansin kahit na ng media kung gaano kaorganisado ang mga Saksi. Dala ng Savannah Evening Press ang ulong balita na “Nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na Sila ay Tinatanggap sa Timog Florida,” at ang The Miami Herald ay nagpahayag: “Pinangangalagaan ng mga Saksi ang Kaniyang Kapuwa Saksi—at ang Iba pa.” Sabi nito: “Walang sinuman sa Homestead ang nagsasara ng pinto sa mga Saksi ni Jehova ngayong linggo—kahit na kung mayroon silang pintong isasara. Halos 3,000 boluntaryong mga Saksi mula sa ibayo ng bansa ang nagtipon sa dako ng sakuna, una’y upang tulungan ang kanilang kasamahan, pagkatapos ay tulungan ang iba pa. . . . Alinmang organisasyong militar ay maaaring mainggit sa presisyon, disiplina at kahusayan ng mga Saksi.”
Ang mga Saksi ay sanay sa pagsasaayos ng mga pagpapakain sa marami sa kanilang mga asamblea at mga kombensiyon. Isa pa, nagsaayos na sila ng daan-daang Regional Building Committee sa buong daigdig upang magtayo ng mga Kingdom Hall at malalaking Assembly Hall. Kaya nga, sila’y may sanay na mga manggagawa na handang tumugon sa ilang oras na patalastas lamang.
Gayunman, may isa pang salik—ang kanilang saloobin. Ang ulat ding iyon ay nagpatuloy: “Walang burukrasya. Walang alitan sa pagitan ng mga tao sapagkat napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Sa halip, ang mga manggagawa ay waring napakasaya at nagtutulungan gaano man kainit, kahirap o pagod.” Paano ipaliliwanag iyan? Isang Saksi ang sumagot: “Ito’y nanggagaling sa isang kaugnayan sa Diyos na nag-uudyok sa amin na ipakita ang aming pag-ibig sa iba.” Iyan ang isang bagay na hindi maaaring alisin ng bagyong si Andrew, ang Kristiyanong pag-ibig ng mga Saksi.—Juan 13:34, 35.
Isang kawili-wiling paghahambing ay na ang mga Saksi ay waring natuto buhat sa mga punungkahoy. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang nakasaksi mismo: “Habang ako’y naglalakbay sa paligid, napapansin ko na daan-daang malalaking puno ng Ficus ay nabunot at bumagsak sa lupa. Bakit gayon? Ang mga ito ay lumalaban sa hangin dahil sa laki nito, at ito ay may malawak subalit mababaw na sistema ng ugat. Sa kabilang dako naman, karamihan ng mapapayat na puno ng palma ay nanatiling nakatayo. Ang mga ito ay yumuyuko sa hangin, ang ilan ay nawawalan ng kanilang tangkay, subalit karamihan ay nanatiling nakatayo sa lupa.”
Ang mga Saksi ay malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya sa Salita ng Diyos at nakikibagay sa kanilang mga reaksiyon. Ang mga ari-arian at tahanan ay hindi siyang pinakamahalagang bagay sa kanila. Sa paano man sila ay buháy at makapagpapatuloy na maglingkod kay Jehova sa kabila ng kahirapan. Ang buhay ay isang bagay na hindi kinuha sa kanila ng bagyong si Andrew.
Paano Nagawa Ito?
Ang kompanya ng Anheuser Busch ay nagbigay ng isang trak ng maiinom na tubig. Pagdating, tinanong ng tsuper ang mga opisyal kung saan niya dapat ihatid ang tubig. Siya ay sinabihan na ang tanging organisadong grupo ay ang mga Saksi. Sa katunayan, sa loob ng isang linggo pagkatapos humampas ang bagyong si Andrew, mga 70 traktor-treyler ng mga panustos ay dumating sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Fort Lauderdale.
Isang boluntaryo roon ay nag-ulat: “Kaya kami ay tumanggap ng isang trak ng maiinom na tubig. Agad naming isinama ito sa iba pang pagkain na
ipinadadala namin sa mga sentrong namamahagi sa mga Kingdom Hall. Ito ay ibinahagi sa mga kapatid at sa mga kapitbahay sa dakong iyon na nangangailangan.” Isang kompanya ng papel sa Estado ng Washington ay nagbigay ng 250,000 pinggang papel.Sa simula, ang mga awtoridad sa lunsod ay nagpapadala ng hindi Saksing mga boluntaryo sa mga Kingdom Hall, na sinasabi, ‘Sila lamang ang organisado nang husto.’ Sa wakas ang mga militar ay dumating at nagtayo ng mga sentro ng pagkain at tubig at mga tent city.
Ang orihinal na sentro ng mga Saksi na namamahagi ng suplay ay itinayo ng relief committee sa Assembly Hall sa Fort Lauderdale, na mga 60 kilometro hilaga ng pinangyarihan ng sakuna sa Homestead. Upang bawasan ang dami ng trabaho, isang panimulang dako ang itinatag sa Assembly Hall sa Plant City malapit sa Orlando, mga 400 kilometro hilagang-kanluran ng dako ng sakuna. Karamihan ng mga materyales sa relief ay dinadala roon para ibukod at iimpake. Hiniling ng komite ang mga pangangailangan nito mula sa Plant City araw-araw, at ang malalaking trak-treyler ay ginamit upang maglakbay ng limang-oras patungo sa Fort Lauderdale.
At ito namang istasyong ito ang nagsusuplay ng pagkain, mga materyales, tubig, mga genereytor, at iba pang pangangailangan sa tatlong Kingdom Hall na kinumpuni sa sentro ng dakong pinangyarihan ng sakuna. Doon, inorganisa ng may kakayahang mga Saksi ang mga tripulanteng magtatayo at maglilinis upang dalawin ang daan-daang tahanan na nangangailangan ng pansin. Nagbukas din ng mga kusina at mga kainan sa bakuran ng mga Kingdom Hall, at ang lahat ay malugod na tinatanggap upang paglingkuran. Maging ang ilang sundalo ay nasiyahan sa pagkain at nang maglaon ay napansing naghuhulog ng abuloy sa mga kahon ng kontribusyon.
Samantalang ang mga lalaki ay abalang-abala sa pagkukumpuni ng mga bahay, ang ilang kababaihan ay naghahanda ng pagkain. Ang iba ay dumadalaw sa sinumang tao na masumpungan nila upang ibahagi sa kanila ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa likas na mga sakuna at upang magbigay rin ng mga kahon ng mga suplay na relief sa mga nangangailangan. Ang isa sa mga ito ay si Teresa Pereda. Ang kaniyang bahay ay nasira, at ang mga bintana ng kaniyang kotse ay nabasag—gayunman ang kotse ay kinargahan ng mga kahon ng relief na handa para ipamigay sa kaniyang mga kapitbahay. Ang kaniyang asawa, si Lazaro, ay abala naman sa paggawa sa isa sa mga Kingdom Hall.—Eclesiastes 9:11; Lucas 21:11, 25.
Para sa marami na nawalan ng tahanan, sila’y hinanapan ng mga matutuluyan sa mga tahanan ng mga Saksi na hindi napinsala ng bagyong si Andrew. Ang iba ay tumira sa mga treyler na ipinahiram o ibinigay para sa layuning iyon. Ang ilan ay lumipat sa mga tent city na itinayo ng mga militar. Ang iba na basta itinuring na isang kalugihan ang kanilang mga tahanan ay lumipat sa bahay ng kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak sa ibang bahagi ng bansa. Sila’y walang mga tahanan at mga trabaho. Walang kuryente, walang tubig, walang sapat na alkantarilya—kaya kinuha nila ang pinakamainam na lunas para sa kanila.
Ang isang aral na natutuhan ng lahat ay mainam na ipinahahayag ng isang Saksi na nagsasalita ng Kastila: “Kami’y nagpapasalamat sa aral na aming natutuhan tungkol sa aming mga tunguhin sa buhay. Alam mo, maaari kang magtrabaho ng 15 o 20 taon sa pagtatayo ng iyong tahanan, pagtitipon ng materyal na mga bagay, at pagkatapos sa loob lamang ng isang oras, ito ay maaaring mawala na lahat. Ito ay tumutulong sa atin na makilala ang ating espirituwal na mga tunguhin, upang gawing mas simple ang buhay at talagang pag-isipan ang tungkol sa paglilingkod kay Jehova.”
Ito’y katulad ng sinabi ni apostol Pablo: “Ang mga bagay na sana’y pakikinabangan ko ay inari kong kalugihan alang-alang sa Kristo. Kaya naman, lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Kristo Jesus na Panginoon ko. Dahil sa kaniya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng bagay at itinuturing kong isang tambak na sukal, upang tamuhin ko si Kristo.”—Filipos 3:7, 8.
Ang likas na mga kapahamakan ay bahagi ng buhay sa ating kasalukuyang sanlibutan. Kung susundin natin ang mga babala ng mga awtoridad, sa paano man ay maaari nating iligtas ang ating buhay. Marahil ang mga tahanan at mga ari-ariian ay maaaring mawala, subalit ang kaugnayan ng Kristiyano sa “Diyos ng lahat ng awa” ay dapat na mapalakas. Kahit na kung ang ilan ay maaaring masawi sa isang kapahamakan, si Jesus ay nangako ng isang pagkabuhay-muli para sa kanila sa bagong sanlibutan ng Diyos sa isang isinauling lupa—isang lupa na hindi na kailanman makakikita ng hirap at kamatayan na dala ng likas na kapahamakan.—2 Corinto 1:3, 4; Isaias 11:9; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4.
[Talababa]
a Ang hurricane ay isang “tropikal na unos o bagyo sa Karagatan ng Hilagang Atlantiko kung saan ang lakas ng hangin ay mahigit na 121 km/hr.” (The Concise Columbia Encyclopedia) Ang typhoon ay isang “unos o bagyo na nangyayari sa gawing kanluran ng Dagat Pasipiko o Dagat Tsina.”—The American Heritage Dictionary of the English Language.
[Kahon sa pahina 20]
Nagtaka Nang Labis
Isang pangkat ng 11 puting mga Saksi ay naglakbay mula sa Tampa, Florida, upang tumulong sa gawaing pagtulong. Kinuha nila ang mga suplay at sinimulang kumpunihin ang bubong ng isang itim na Saksi. Nang dumating ang pamangkin na hindi Saksi, hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita—siya ay nagtaka nang labis na makita ang isang pangkat ng mga puting Saksi na nauna pa sa kaniya at inaayos ang tahanan ng kaniyang tiyo. Gayon na lamang ang kaniyang paghanga anupat tumulong pa nga siya sa gawaing pagtatayo.
Sinabi niya na sa susunod na pagkakataong pumunta sa bahay niya ang mga Saksi, siya ay hihiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Habang siya ay nakikipag-usap sa pangkat na taga-Tampa, naging maliwanag na siya ay mula sa dakong iyon. Agad na isinaayos ng isa sa matatanda sa pangkat na iyon ang isang pag-aaral sa Bibliya nang sumunod na linggo! Gaya ng sabi ng isang Saksi, ito’y nagpapatunay na hindi ka lamang maaaring kumatok sa mga pinto upang magpatotoo—maaari ka ring kumatok sa mga bubong!
[Mga larawan sa pahina 15]
Walang pinatawad ang bagyong si Andrew, at iilang gusali ang nanatili
Ang mobile home ng mga Kieffer —at kung ano ang natira rito
[Mga larawan sa pahina 16]
Si Rebecca Pérez, ang kaniyang mga anak na babae, at 11 pa na nakaligtas sa loob ng maliit na lugar na ito
Ang militar ay namagitan upang hadlangan ang pandarambong (kanang itaas); mga tindahang dinambong (kanan)
Tinastas ng bagyo ang mga bubong, at ang mga sasakyan ay itinaob
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang relief ay inorganisa sa mga Kingdom Hall
Ang mga mobile home ay ipinulupot sa mga punungkahoy; ang mga laruan ng bata ay naiwan sa ibabaw ng kutson; literatura sa Bibliya na kabilang sa mga labí; mga Saksi, gaya ni Teresa Pereda, ay naghatid ng mga suplay sa kanilang mga kapitbahay
Ipinagkaloob na mga materyales sa pagtatayo. Pagbubukod ng mga damit
[Mga larawan sa pahina 18]
Mga boluntaryo mula sa buong Estados Unidos ay tumulong sa relief na gawain